Pagkagising ko kinabukasan ay nagulat pa ako dahil umagang-umaga ay bisita na namin sa bahay si Stella.
Naabutan ko itong kasalo ng pamilya ko sa agahan.
"Feliz, halika na, kumain ka na rin," nakangiting aya sa'kin ni Mommy nang mamataan akong papasok ng dining.
"Good morning, Ate Feliz," makahulugang bati sa'kin ni Britney habang may naglalarong pilyang ngiti sa mga labi niya.
"A good morning indeed," hilaw kong sagot sa kanya bago lumapit kay Mommy at humalik sa pisngi nito. "Good morning, Mom."
Isang masuyong tapik sa braso ang tugon ni Mommy kaya lumipat ako sa katabi nitong si Daddy.
"Morning, Dad." Humalik din ako sa pisngi nito bago naupo sa bakanteng upuan na para sa'kin.
Wala na si Kuya Grein at maging sina Blast at Venom ay nakaalis na rin. Ang alam ko ay maaga ang pasok ng dalawang iyon.
Hindi ko tinapunan ng tingin si Stella na nasa katapat ng kinauupuan ko.
"Britney, wala ka bang pasok?" pormal kong tanong sa bunso kong kapatid.
"May school activity ngayon kaya pwede kahit hindi na pumasok," balewala nitong sagot. "Gusto mo?" Inilapit nito sa'kin ang bacon na siyang nilalantakan nito.
"No, thanks," tanggi ko.
May katulong na agad dumating at dala ang nakasanayan kong kape tuwing umaga.
"Thank you, Ate," pasasalamat ko pagkalapag niya ng kape sa harapan ko.
"How's business, Feliz?" untag sa'kin ni Daddy.
"Okay naman," kibit-balikat kong sagot bago kumuha ng sandwich na ipapares ko sa kape. Nakuha ko ang ganitong habit kay Lola Eliza na mommy ni Daddy.
Tuwing umaga ay ito lang talaga ang kinakain ko at nagkakanin lang ako sa tanghali.
"Stella is here because she wants to work in our company," bigla ay anunsiyo ni Mommy. "And your daddy said yes."
Napatigil ako sa akma kong pagsimsim ng kape at nagtatanong na tumitig kay Daddy.
"It's better for Stella to temporarily hold your position in the company since it's still available," sagot ni Daddy sa pipi kong katanungan.
"But it's mine, Dad," matigas kong sabi. Hindi naman talaga iyon ang isyu. Matagal na akong hindi nakikialam sa kompanya ng pamilya namin pero ang ibigay ang posisyon ko sa pinsan kong ahas ay hindi naman pwede iyon.
Kumunot ang noo ni daddy habang inaarok ako nang mga tingin niya.
"But you have your own business to run, Feliz," mahinahon niyang wika.
"Sinong may sabing hindi ko kayang pagsabayin?" hindi tumitinag kong buwelta. "Kahit temporary pa iyan ay ayokong may umagaw sa puwestong dapat ay para talaga sa'kin," mahina pero may kariinan kong pahayag.
Nahagip nang tingin ko ang naguguluhang mukha ni Mommy. Nagkatinginan pa sila ni Daddy.
"Nag-aaway ba kayong magpinsan?" bigla ay tanong ni Mommy habang nagpalipat-lipat nang tingin sa amin ni Stella.
"No," mabilis kong sagot. "Wala namang dahilan upang mag-away kami," nakangiti kong sabi habang nakatingin sa mukha ni Stella.
Wala itong kakilos-kilos sa pagkakaupo at halata sa mukha nito ang pagkabahala sa takbo ng usapan.
"Sorry, Stella, kung gusto mong magtrabaho sa kompanya namin ay mag-apply ka sa ibang position tulad no'ng mga empleyado namin," malumanay kong sabi sa pinsan ko habang nanatili ang matamis na ngiting nakapaskil sa mga labi. "That way ay mas maintindihan mo ang kalagayan ng mga karaniwang empleyado. Mas maganda ang gano'n, si Kuya Grein nga, dumaan muna sa pinakamababang posisyon bago naging president."
Pasimpleng patama na rin sa kanya ang sinabi ko na ang kapal ng mukha niyang dumiretso sa mataas na position gayong iyong anak mismo ng may-ari ay dumaan sa proseso!
"Kaya hindi talaga ako magtatrabaho sa kompanya natin," bigla ay singit ni Britney. "Gagayahin ko si Ate Feliz na magtatayo ng sarili kong kompanya para instant mataas na agad ang posisyong naghihintay sa'kin kapag babalik ako sa family company."
"At akala mo naman ay madali ang gano'n," sagot ni Mommy sa kanya. "Hon, mukhang may punto naman ang sinabi ni Feliz," baling nito kay Daddy.
Pailalim kong pinagmamasdan ang ekspresyon sa mukha ni Stella. Ano kaya ang pakiramdam nang mula sa executive position ay bigla siyang mapupunta sa mababang posisyon?
"Mas maganda nga kung makabisado muna ni Stella iyong ibang mga department ng company," dugtong pa ni Mommy.
"Oo nga po, Tito," sang-ayon naman ni Stella. "Mas maigi ngang gano'n para naman maayos kong magagampanan ang ibibigay ni'yo sa'king mataas na posisyon."
At umasa pa talaga siya?
Nagkatinginan kami ni Britney at kitang-kita ko ang mapang-asar na ngiti sa mukha ng kapatid ko.
"So it's settled then, pumunta ka sa HR department bukas at magpasa ka ng resume," sabi no Daddy kay Stella. "Sila na ang bahalang mag-assign sa'yo sa department na kababagayan ng credentials mo at resulta ng interview."
"Maraming salamat po, Tito," mahinhin nitong pasasalamat. "Tita, salamat din po. "
Balak niya pa yatang pumapel sa sarili kong mga magulang.
"Feliz, thank you rin sa'yo. I'm looking forward to working with you," masaya pa nitong baling sa'kin.
Ang plastic ng gaga! Tingnan natin kung magiging masaya pa ba siya kung pahihirapan ko siya roon.
"Likewise, Stella," nakangiti kong tugon. Kailangan kong galingan ang pag-arte dahil beterana tong kaharap ko.
"Alam ni'yo, guys, lately ko lang nalamang na may potential ang family natin sa pag-aartista!" bigla ay malakas na pahayag ni Britney.
"Britney, iyan ang huwag na huwag mong gawin," babala ni Daddy sa maligalig kong kapatid. "Hindi ka pa nga pumasok sa showbiz ay ang dami mo nang kontrobersyang napasukan kaya huwag mo nang balakin. Ipapadala kita sa Europe."
"Sinabi ko bang ako?" nakabungisngis na bulalas ni Britney. "Mas bagay roon si Ate Stella, 'di ba, Ate?" nakangiti niyang baling sa pinsan namin.
"Sorry, hindi ako mahilig sa showbiz," sagot ni Stella.
"What?" Kunwari ay gulat na gulat ang reaksiyon ni Britney. "Pero ang galing mong um-acting, sayang naman!" inosente niyang pagpapatuloy.
Napakurap-kurap si Stella habang naguguluhang napatitig kay Britney. Nagpatuloy lang ako sa pagkain ko habang pinapanood ang palabas ng kapatid ko.
"Alam mo, Ate Stella, bagay ka sa role ng mga bida," patuloy na sabi ni Britney.
"T-talaga?" Halatang napipilitan lang si Stella na sakyan ang pinagsasabi ng kapatid ko.
"Oo, inosente ka kasing tingnan," tumango-tango pang sagot ni Britney. "Parang hindi gagawa ng mali. Sobrang bait ng aura, ang linis-linis."
"Gano'n ba? Hindi naman ako uma-acting—"
"Subukan mo lang kaya!" pamimilit ni Britney rito. "Effortless sa'yo iyon! Number one fan mo agad si Ate Feliz, 'di ba, Ate?"
Tumaas ang kilay ko dahil sinali pa talaga ako nitong luka-luka kong kapatid.
"Tumigil ka na, Britney, kung anu-anong kalokohan ang pinagsasabi mo," saway rito ni Mommy. "Kumain ka na riyan, mamaya niyan ay magbabad ka na naman sa computer mo."
"Mommy, libangan ko lang iyon," balewalang sagot ni Britney. "Kaysa naman gagala ako riyan at makiparty-party sa kung saan-saan tapos mang-aagaw ng boyfriend ng iba."
"Britney, iyang bibig mo!" nanadidilat na saway rito ni Mommy.
Mataman akong nakatitig kay Stella kaya kitang-kita ko ang bahagyang pagbuway na ngiting nakapaskil sa mukha nito.
Nang magtagpo ang paningin namin ay nginitian ko siya nang matamis.
"Excuse me po, Ma'am, Sir," magalang na pasintabi ng kapapasok lang na katulong kaya natigil ang usapan sa hapag. "Dumating na po si Sir Lawrence upang sunduin si Ma'am Feliz," anunsiyo nito.
Pasimple kong sinulyapan si Stella bago nginitian ang katulong.
"Patuluyin ni'yo na po rito, Ate," utos ko rito. "Baka hindi pa nag-breakfast iyon."
Kung ako lang ang masusunod ay lalasunin ko ang cheater na iyon.
Nang mapadako ang tingin ko kay Britney ay nakataas ang kilay nitong nakatingin sa'kin.
Naputol ang titigan naming magkapatid nang bumungad na sa pintuan si Lawrence.
"Good morning po, Tita, Tito," magalang nitong bati sa mga magulang ko.
"Good morning, halika, sumabay ka na sa'min habang naghihintay ka rito kay Feliz," magiliw na anyaya rito ni Mommy.
"Salamat po, Tita pero tapos na po akong kumain sa bahay," tanggi nito.
"Gano'n ba? Maiinom? Anong gusto mong inumin?"
"Coffee na lang po."
Agad na tumawag ng katulong si Mommy upang timplahan ng kape si Lawrence.
Masyadong maasikaso si Mommy sa bisita namin,wala man lang siyang kamalay-malay na niloloko nito ang anak niya.
"Maupo ka muna, Lawrence, kakasimula pa lang kumain ni Feliz," sabi naman dito ni Daddy.
Agad namang lumapit sa tabi ko si Lawrence at akmang uupo ito sa bakanteng upuan na katabi ko nang biglang pinatong roon ni Britney ang isang paper bag na hindi ko alam kung saan nito nakuha.
"Kuya, sa tabi ka na lang ni Ate Stella maupo," nakangiting kausap ni Britney rito.
Hindi naman nakatanggi si Lawrence lalo na at wala siyang nakuhang pagtutol mula sa'kin. Sa totoo lang ay ayaw ko rin siyang makatabi. Nanggigigil pa rin ako baka mabanlian ko siya ng mainit na kape.
"Balita ko, Lawrence ay magbubukas kayo ng bagong branch ng mall ninyo sa kabilang siyudad," panimula ni Daddy sa usaping negosyo.
"Opo, Tito. Ito iyong pangatlong branch doon," anito.
Pagkaupo niya ay dumating naman agad ang kapeng pinatimpla ni Mommy. Pinagmasdan ko si Lawrence na nagpasalamat sa katulong. Kapansin-pansin ang pag-iwas nito nang tingin sa katabing si Stella.
Maging ang babae ay sa tingin ko hindi rin mapakali sa kinauupuan. Ganito talaga siguro kapag may itinatago, kabado sa harapan ng mga taong niloloko nila.
"Magaling, congratulations sa'yo, alam kong dahil sa pagsisikap mo ang tagumpay ninyong ito," puri ni Daddy kay Lawrence.
"Thank you po, Tito," walang bahid nang kayabangang pasasalamat ni Lawrence, kabaliktaran sa napapansin kong kislap sa kanyang mga mata.
Hindi rin nakaligtas sa'kin ang kiming ngiti sa mga labi ni Stella na para bang proud na proud siya sa achievement ng boyfriend ko. Hindi nga lang niya maipagsigawan dahil nandito ako na girlfriend.
"Ang galing pala ng boyfriend mo, Ate, 'no?" bigla ay sabat ni Britney. "Ang hirap sigurong pagsabayin iyong demanding na trabaho at overachiever na girlfriend," walang pakialam niyang dugtong.
"Magaling si Lawrence sa time management," kibit-balikat kong sabi.
Kaya niya kaming pagsabayin ni Stella nang hindi ko man lang napansin!
"Sa sobrang busy niya ay tiyak na wala na siyang oras para mambabae," walang prenong pahayag ni Britney.
Nakita kong sabay na natigilan sina Stella at Lawrence. Kapwa sila napatitig sa kapatid kong nagkukunwaring busy sa pagkain.
"Britney, anak, kumain ka na lang diyan at huwag ka nang makisali sa usapan ng mga nakakatanda," mahinahong wika ni Mommy bago mapapaumanhing tumingin sa direksiyon ni Lawrence.
Mabait namang ngumiti ang huli na para bang kung sinong matino! Kung sakaling hindi ko pa alam ang pinaggagawa niya sa likod ko ay tiyak na paniwalang-paniwala rin ako sa bait-baitan niyang drama.
"Pero kahit siguro may time pa siyang mambabae ay wala na siyang makikitang hihigit pa kay Ate Feliz," pagpapatuloy ni Britney.
Kakitaan nang kapilyahan ang mga mata nito nang tumuon sa'kin na para bang hinahamon akong pigilan siya. Wala naman akong pakialam sa kahit na anong sasabihin niya basta hindi lang iyong tungkol sa natuklasan kong panloloko sa'kin ni Lawrence at Stella.
Bahagyang tumikhim si Mommy upang kunin ang atensiyon ng kapatid ko pero sinadya nitong hindi tumingin sa direksiyon ng ina namin.
"Maganda, successful, at isang Revira!" dugtong pa nito bago direktang tumingin kay Stella. "Hindi ba, Ate Stella?" tanong nito sa pinsan namin.
Parang natuklaw nang ahas na hindi agad nakasagot si Stella kaya matamis itong nginitian ni Britney. Alam na alam talaga ng kapatid kong ito kung paano bigyan ng kaba ang mga kaharap.
"O-oo naman!" tila ay nagulat na sagot ni Stella.
Humalukipkip si Britney habang hindi hinihiwalay ang tingin kay Stella bago makahulugang sumulyap sa katabi nitong si Lawrence.
"Ang swerte ni Kuya Lawrence sa kapatid ko!" makahulugan pa nitong dagdag.
Parang gusto kong matawa sa hindi na maipintang mukha nina Lawrence at Stella.
Nang mapasulyap sa'kin si Lawrence ay sinalubong ko ito nang matamis na ngiti. Agad na lumiwanag ang mukha niya at nawala na iyong bumadhang pagkabalisa roon.
"Maswerte rin naman ang Ate mo kay Lawrence," saad ni Mommy. "Mabait si Lawrence, responsable at mahal na mahal ang Ate mo."
Nakahalata siguro si Mommy na hindi na komportable si Lawrence sa pinagsasabi ng kapatid ko kaya pinuri na niya ang boyfriend ko.
"Talaga ba?" pabirong tanong ni Britney.
"Britney," tawag ni Daddy rito.
Agad na nanahimik si Britney, alam kasi niya kapag nananaway na ang tono ni Daddy.
Pasimple kong inapakan ang paa ni Britney sa ilalim ng mesa. Bilang tugon ay pasekreto niyang inilahad ang palad sa ilalim ng mesa at mabilis ko naman itong tinapik ng sarili kong palad.
Pareho kaming nay lihim na ngiti sa mga labi bago nagpatuloy sa pagkain. Sapat na iyong kabahan nang konti si Lawrence.
"Magbibihis lang ako at aalis na tayo," kausap ko kay Lawrence kapagkuwan.
"Sige, hihintayin lang kita sa sala."
Tinanguan ko lang ito bago nagpaalam sa iba na mauuna na.