Pagkatapos kong mag-ayos ay bumaba na ako. Hindi ko naabutan sa sala si Lawrence tulad nang sinabi niya na rito niya ako hihintayin.
"Ate, sina Mommy?" tanong ko sa nadaanang katulong na nglilinis malapit sa hagdanan.
"Umalis na po, Ma'am, kasama ang daddy ni'yo."
Tumango ako rito bilang pasasalamat. Kung umalis na si Mommy ay tiyak nasa silid na nito si Britney at tiyak na naglalaro na naman ito sa computer.
"Pakisabi po kay Britney na aalis na ako," bilin ko sa katulong. "Pakisilip na rin po siya mamayang tanghalian baka makalimutan na naman niya."
"Opo, Ma'am."
Lumabas ako ng bahay dahil baka sa kotse na naghihintay si Lawrence.
Kaya ito nandito ngayon ay dahil may nauna na kaming usapan na magkasama kaming dadalo sa awarding ceremony ng kapatid nitong si Summer. Iyong party kagabi ay paunang celebration para sa mangyayaring awarding ngayon.
Noong hindi ko pa natuklasan ang kataksilan niya ay napilitan lang akong um-oo sa imbitasyon pero ngayong may plano ako laban sa kanilang magkapatid ay pinaghandaan ko talaga kagabi kung ano ang isusuot ko ngayong araw.
Didiretso na sana ako sa garahe nang may mahagip ang nag-uusap sa may patio ng bahay namin. Nang mamukhaang sina Lawrence at Stella ito ay mabilis kong ikinubli ang sarili upang hindi nila mapansin.
Ang mga hayop, hindi na nahiya at mismong dito sa pamamahay namin nagtagpo!
Palihim akong lumapit sa kanilang kinaroroonan upang marinig ang kung anong pinag-uusapan nila.
Maraming decorative ornaments si Mommy sa patio dahil minsan itong naging aspiring plantita pero hindi rin nagtuloy-tuloy dahil may sumpa yata ang kamay niya, hindi nabubuhayan ng halaman. Si Britney pa ang naging tagadilig niya dahil gusto niyang may personal touch daw ang mga halaman niya, ayaw niyang ipaalaga sa mga katulong kaya ang kapatid ko ang kanyang naging personal alalay.
Pero sa bandang huli ay ang mga katulong na rin ang nagtuloy sa nasimulan nila dahil umaayaw na talaga si Britney.
"Rence, matutuloy pa ba tayo mamayang gabi?"
Nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ang tanong ni Stella. Rence? Wow ha, may nickname pa talaga siya sa boyfriend ko!
"Of course, naplano na natin 'to, 'di ba?" malambing na sagot ng magaling kong boyfriend.
Nagtataka ako kung ano ang meron mamayang gabi na nakaplano na.
"Paano si Feliz?" may pag-alalang tanong ni Stella. "Hindi ba siya magtatanong?"
"Hindi naman mausisang girlfriend si Feliz," tugon ni Lawrence. "Ihahatid ko lang siya pagkagaling namin sa awarding, tapos ay susunduin na kita."
Mula sa pinagtataguan ko ay nakita ko kung paano nagliwanag ang mukha ng pinsan ko dahil sa saya.
"Sayang at hindi makakasama sa'tin si Summer," wika ni Stella.
Tama nga akong kinukunsinte ni Summer ang pagtataksil ng kapatid niya sa'kin! Harap-harapan ni'yo akong niloloko, lintik lang talaga ang walang ganti!
"Mas maigi nga iyon at masolo natin ang isa't isa," turan ni Lawrence.
Malagkit na nagtitigan ang dalawa. Siguro kung nasa ibang lugar sila ay higit pa roon ang ginawa nila. Ang lalandi ng mga hayop!
"Sige na... hintayin mo na si Feliz baka tapos na siyang magbihis," mahinhing pagtataboy ni Stella kay Lawrence.
"Can I have a kiss?" paglalambing ni Lawrence sa pinsan ko.
Umasim ang panlasa ko habang pinanood silang dalawa.
"Rence! Baka nay makakita sa'tin!" gilalas na tanggi ni Stella pero sa halip na lumayo ay lumapit pa ito sa lalaki.
Aayaw-ayaw pero halata namang gustong-gusto. Ang lalakas ng loob ng mga hayop na 'to!
"Wala namang tao," pangungumbinsi pa ng magaling kong boyfriend.
"Kahit na—"
"Isa lang naman."
Mabilis silang naghiwalay nang biglang na-on ang automatic sprinkler namin sa lawn na nasa bungad ng bahagi ng patio na kinatatayuan nila. Naka-full blast ang sprinkler kaya naabot ang kinaroroonan nila.
Impit pang napatili sa gulat si Stella habang napamura naman si Lawrence. Parehong pinagpagan ng dalawa ang nabasang bahagi ng damit nila.
"Sorry! Hindi ko kayo napansin! Nabasa ba kayo?" Pasigaw na tanong ni Britney na nasa teresa habang hawak ang cellphone nito.
Tiyak na sinadya nitong i-on ang sprinkler dahil naka-timer naman ito at hindi ngayon ang oras nang pag-on nito.
Kabadong nagkatinginan sina Lawrence at Stella bago tumingala sa kinaroroonan ng kapatid ko.
"Oh my, God! Sorry talaga, nabasa tuloy kayo!" tila sising-sising paumanhin ni Britney pero dahil kapatid ko siya ay alam kong hindi totoo iyon.
Pinasya kong lumabas na sa pinagkukubluan habang nasa kapatid ko pa ang atensiyon ng dalawa.
"Anong nangyayari dito?" kunwari ay nagtataka kong tanong. "Bakit basa kayo?" gulat-gulatan kong tanong.
"Ate, hindi ko talaga sinasadya," pahayag ni Britney.
Ibig niyang sabihin ay sinasadya niya talaga.
"Britney, next time ay siguraduhin mo munang walang tao rito," istrikta kong kausap sa kapatid ko.
Ang gusto kong sabihin ay next time ay dapat basang-basa talaga. Makahulugan kaming nagkatinginang magkapatid at lihim na nagdiwang.
"Hindi ko naman kasi alam na nandiyan sila," katwiran ni Britney. "Kalimitan naman ay walang tao riyan kapag ganitong oras."
"Bakit nga pala kayo nandito?" inosente kong tanong kay Stella at Lawrence.
"Tinitingnan ko iyong binigay kong halaman kay Tita if namulaklak na ba," mabilis na sagot ni Stella. Halatang nagsisinungaling dahil hindi mapakali sa kinatatayuan.
"Dito na lang sana kita hintayin at nakita ko nga si Stella kaya tinanong ko siya tungkol sa usapan nila ni Summer," turan naman ni Lawrence.
"Anong usapan?" nakangiti kong tanong.
Saglit na natigilan si Lawrence, halatang nag-iisip ng palusot.
"Iyong para sa bakasyon nila kasama iyong fiance ni Summer," sagot nito.
"Hindi ka ba sasama sa kanila?" pabalewala kong tanong.
"May trabaho kasi," saad ni Lawrence. "At tsaka ayaw ko namang magbakasyon nang hindi ka kasama."
Nginitian ko lang siya bilang sagot. Wala kasi akong masabi sa galing niyang magsinungaling.
"Nabasa ang damit mo, paano na iyan?" pag-iiba ko sa usapan. "May extra ka bang dala o uuwi ka muna upang magpalit?"
"Paano ka kung uuwi pa ako?"
"Don't worry about me, hihintayin na lang kita sa venue," wika ko.
"Sigurado ka?" parang totoong-totoo talaga ang pinapakita niyang concern.
"Isabay mo na rin si Stella," suhestiyon ko. "Kailangan niya ring magpalit ng damit."
"Hindi na may dala akong sasakyan," tanggi nito.
"Hindi ba pupunta ka rin naman sa awarding?" tanong ko. "Sabay na lang kayo, pwede kang i-drop ni Lawrence sa bahay ni'yo tapos ay dadaanan ka rin pagkatapos niyang magbihis at sabay na kayong pumunta sa venue."
Hindi na nila kailangan pang patagong magkita o magkausap dahil binigyan ko na sila ng chance.
"Okay lang sa'kin," pahayag ni Lawrence.
Mariin kong naikuyom ang kamao ko. Hindi naman sumisiklab ang galit ko ngayon dahil may damdamin ako sa kanya, nagagalit ako dahil hindi ko alan kung bakit hindi pa siya pormal na makipaghiwalay sa'kin kung ganitong atat na atat siyang makasama ang pinsan ko.
Madali naman sana akong kausap, maiintindihan ko kung bigla ay nahulog siya sa pinsan ko kaya kailangan na niyang tapusin ang namagitan sa'min. Hindi ko siya pipigilan at lalong hindi ako magdrama dahil nawasak ang puso ko!
Pinalala lang niya ang sitwasyon dahil tiwala ko iyong sinira niya at nasaling pa ang ego ko!
"Okay lang ba talaga sa'yo, Feliz?" kiming tanong sa'kin ni Stella.
"Oo naman, ipapahiram ko lang naman sandali ang boyfriend ko, hindi ko pinapamigay." Sinundan ko iyon nang tawa upang isipin niyang wala akong ibang ibig sabihin.
"Sige na, umalis na kayo dahil baka hindi ni'yo na maabutan ang pagtanggap ni Summer ng award niya," pagtataboy ko sa kanila nang pareho silang natigilan sa huli kong sinabi.
Kahit pala pabiro kong sinabi iyong una ay tinamaan pa rin ang guilty kong pinsan.
"Ingat kayo," pahabol ko sa kanila habang papaalis na sila. Sinundan ko nang tingin ang dalawa hanggang sa makasakay na sila sa kotse ni Lawrence.
"Handa ka na ba sa plano mo?" untag sa'kin ni Britney na nakadungaw pa rin mula sa terrace.
"Mag-isip ka ng plan B kung sakaling pumalpak ito," sabi ko sa kanya.
"Bakit pa? Kayang-kaya mo iyan!" puno nang tiwalang tugon niya.
"Alalahanin mo, Fuentez iyong sangkot dito," nakataas ang kilay kong saad.
Parang tuksong sumagi sa isip ko ang aroganteng mukha ni Yusef Fuentez. Tiyak na agad nitong mabubuko ang plano ko kung sakali. Ang malala pa ay baka ako ang mapaglaruan ng lalaking iyon.
"Gamitan mo nang gandang Revira," nakabungisngis niyang tugon. "Pero tandaan, huwag ma-fall at baka mag-backfire ang plano."
"Ako? Mahuhulog sa isang Fuentez? Never!" matigas kong bulalas.
"Basta ha, be smart and guard your heart," seryoso niyang wika. "Huwag kang umiyak sa'kin kapag maranasan mo na talaga ang totoong heartbreak! Magre-resign na ako bilang kapatid mo 'pag dumating ang araw na iyon."
"Resignation denied!" nakangisi kong sagot. "Forever na tayong magiging magkapatid kahit na sa next life pa natin."
"How boring," madrama niyang tugon at sinundan nang mahinang tawa. "May susulutin ka pang jowa ng iba, baka mahuli ka pa kaya umalis ka na. Ingat sa pagmamaneho."
"Huwag puro computer, baka malipasan ka na naman ng gutom at sa mental na kita dadalawin," bilin ko sa kanya.
"Opo," nakabungisngis niyang sagot habang kumaway-kaway sa'kin.
Inilingan ko na lang siya at tumuloy na sa garahe kung nasaan ang kotseng gagamitin ko.
Wala pa naman talaga akong malinaw na plano kung papaano ko isasakatuparan ang balak kong pag-agaw roon sa fiance ni Summer. Ni hindi nga ako sigurado kung makaya ko bang tiisin ang presensya ng Yusef Fuentez na iyon. Baka sa halip na makaganti ako ay nauna pa akong mauutas dahil sa gigil sa lalaking iyon.
Ilang minuto rin ang binyahe ko bago nakarating sa malaking hotel kung saan gaganapin ang dadaluhan kong event. Matapos maiparada ang sasakyan ko ay sinipat ko muna ang sarili sa rearview mirror upang i-check ang hitsura ko. Nang masigurong hindi ko kailangan ng retouch ay bumaba na ako. Sa umaga iyong awarding ceremony at sa gabi naman iyong magaganap na party.
Hindi ko na natanong kung tungkol saan ang awarding na ito at ano ang matatanggap na parangal ni Summer. Basta ang natatandaan ko ay dadaluhan ito ng mga ramp model and endorser na katulad ni Summer na nanggagaling pa sa iba't ibang panig ng mundo.
Mukhang malaking event talaga ito dahil sa reception area pa lang ng hotel ay may red carpet na at mga staff na sumasalubong sa mga darating na bisita.
Mukhang naka-reserve ang buong hotel para sa event na ito. Agad na sumalubong sa'kin ang nagkikislapang mga camera. Hindi ako na-inform na may paganito pala at hindi lang local press ang napapansin kong present ngayon.
Habang naglalakad sa gitna ng mga nagkikislapang camera at nakapaskil sa mukha ko ang isang aral na ngiti.
Naririnig ko rin ang pag-welcome sa'kin mula sa mga host ng event. May malaking screen akong nadadaanan kung saan at nakikita ko nang live ang sarili habang papasok sa event hall.
Pagkapasok ko ay panibagong unipormadong staff naman ang gumiya sa'kin papunta sa magiging table ko.
May ilang pamilyar na mukha ang bumati sa'kin na nginitian ko. Nang tuluyan akong maupo ay panibagong guest na naman ang narinig kong winelcome ng mga host.
Pasimple kong pinasadahan ng tingin ang mga umuukopa sa ibang table. Hinahanap ko iyong taong pakay ko kaya ako nandito.
Hindi ko alam kung papaano ang setting arrangement nila dahil wala namang tinanong kanina sa'kin iyong staff at basta na lang ako hinatid dito sa five seater round table.
Mukhang kilalang tao lahat ng mga imbitado ngayon dahil maging ang mga host ay halatang saulo lahat ng mga dumarating na bisita.
Madali ko lang malalaman kung sino ang dumating dahil ina-announce ng host kaya kampanti naman akong malalaman ko agad kapag dumating ang hinahanap ko.
"So, where's the boyfriend?"
Napatuwid ako sa pagkakaupo dahil sa taong biglang nagsalita sa likod ko.
Hindi ko na kailangan pang lumingon upang kumpirmahing si Yusef Fuentez ang bagong dating. Hindi ko naman narinig na tinawag ang pangalan niya kaya nabigla talaga ako sa bigla niyang pagsulpot.
Diretso ko siyang tiningnan nang umupo siya sa tapat ko. Muntik ko nang nahigit ang hininga nang sa ikalawang pagkakataon ay tumambad sa'kin ang buo niyang mukha.
Kahit saang anggulo tingnan ay wala talaga itong kapintasan. Paano nga ba nagkaroon nang ganitong mukha ang isang lalaki kung saan ay hindi na sasapat ang gwapong description upang ilarawan ito.
"Akala ko ay hanggang ngayon nagmumukmok ka pa dahil sa natuklasan mo kagabi," nakangiti niyang pahayag habang nakakiling ang ulong nakatingin sa direksiyon ko.
"Why are you sitting here?" kunot-noo kong tanong sa halip na pansinin ang sinabi niya.
"This is our assigned table as part of Summer's family and friends for this event," sagot niya.
Napaingos ako dahil wala kong plano na mapabilang sa alinman sa nabanggit niya.
"Bakit pala hindi kayo magkasama ng boyfriend mo?" nakataas ang kilay niyang tanong sa'kin.
"Bakit ba kanina ka pa hanap nang hanap sa boyfriend ko?" mariin kong balik-tanong sa kanya. "Just mind your own business, okay?"
Sa halip na mairita dahil sa kasungitang pinapakita ko ay naaaliw pa siyang pumalatak.
Paano ko pala gagawin iyong plano kong pang-aagaw sa kanya mula kay Summer gayong kusang kumukulo ang dugo ko kapag nasa malapit siya?
Siguro ay masyado nang tumatak sa bawat himaymay ng katawan ko ang pagiging magkaaway ng pamilya namin kaya wala pa man siyang ginagawa ay umiinit na ang ulo ko. Pero paano ko ipapaliwanag ang pag-iiba ng pintig ng puso ngayon dahil sa presensya niya?
Sana ay dala pa rin ito ng disgusto ko sa kanya at wala itong ibang dahilan! May nakaplano pa akong paghihiganti, hindi pwedeng papalpak ako dahil hindi ko kayang i-handle ang isang Fuentez!