Ang lakas ng kabog ng puso ko at halos bumaon na ang mga kuko ko sa aking balat dahil sa higpit nang pagkakakuyom sa sarili kong mga palad.
Parang nanlamig ang buo kong katawan nang tuluyang lumantad sa paningin ko ang lalaking nakasunod sa pinsan kong lumabas ng silid.
"The son of a b***h!" nagtatagis ang bagang kong usal habang tumalim ang pagkakatitig sa pamilyar na bulto ni Lawrence.
Tama ang hinala ko at nagsasabi nang totoo si Yuzef. Pinagtataksilan talaga ako ng boyfriend ko kasama ang pinsan ko mismo.
Nagdidilim ang paningin ko habang pinapanood na nag-uusap ang mga ito. Hindi ko naririnig kung ano nag pinag-uusapan nila pero batay sa ekspresyon ni Stella ay mukhang kinukwento nito ang nangyaring pagdating ko kanina.
Mapakla akong pumalatak nang makita kung paano ito aluhin ng boyfriend ko. Akmang yayakapin pa sana nito si Stella pero ang huli na ang umiwas at nagpalingon-lingon pa sa paligid.
May sinabi ito kay Lawrence na agad namang ikinatango nang lalaki. May iniabot na cellphone si Stella kay Lawrence at kung hindi ako nagkamali ay cellphone ng huli iyon.
Mabilis akong kumilos at hinalungkat ang dala kong bag para sa cellphone ko. Nang makita ko ito ay mabilis kong hininaan ang tunog ng incoming calls nito.
Nanginginig pa ang mga kamay ko habang ginagawa iyon dahil sa sobrang pagmamadali. Ilang sandali pa ay agad nag-vibrate ang cellphone ko at dumisplay sa screen nito ang number ni Lawrence na tumatawag.
Tinitigan ko ang tawag pero hindi ako kumilos upang sagutin ito. Hindi pa natapos ang tawag nang may kumuha ng cellphone sa kamay ko.
Nang mag-angat ako ng tingin ay sinalubong ako nang nakakainis na mukha ni Yuzef. Nginisihan niya ako bago ipinakita sa'kin ang pag-swipe niya upang kumonekta ang tawag.
"Answer it," walang tunog niyang sabi habang inilapit sa'kin ang cellphone ko.
Sinamaan ko siya nang tingin bago dumako sa direksiyon ni Lawrence at Stella ang atensiyon ko.
Hawak ni Lawrence ang nakatapat na cellphone sa kanyang tainga habang nasa harapan niya si Stella at mukhang hinihintay ang pagsagot ko.
"Hello, Babe?" bungad sa'kin ni Lawrence.
Nagawa pa niyang tawagin akong babe sa harap ng babae niya! Paano ko nga ba sila sumbatan nang hindi ako magmumukhang kawawa? Gusto kong mapanatili ang pagiging elegante ko habang ginagantihan ko silang dalawa! Hindi ako gagaya sa ibang mga niloko na nagpadala sa emosyon at halos ipahiya na pati ang sarili sa iba!
"Babe, naririnig mo ba ako?" untag sa'kin ni Lawrence nang hindi agad ako nakapagsalita.
"Yes, Babe, naririnig kita." Inayos ko ang pagsasalita ko upang hindi niya mahalatang nanginginig na ako sa sobrang galit. "Kanina pa kita hinahanap. Nasaan ka ba ngayon?" kunwari ay inosente kong tanong.
"Uhm, I have something to take care of kaya umalis ako saglit sa party," paliwanag niya. "Pabalik na rin ako, hintayin mo ako."
"Of course," tugon ko. "Hihintayin kita, Babe." Hindi ko napigilang diinan ang huli kong sinabi.
"Babe? Okay ka lang ba?" tanong agad niya. Mukhang napansin niya ang kakaiba kong tono
"Oo naman, okay lang ako," pinasigla ang boses kong sagot. "Okay ka rin ba? Mukhang kinakabahan ka yata."
"W-what?" nauutal niyang tanong. "Paano mo naman nasabi iyan?" Sinundan pa niya iyon ng hilaw na tawa.
"Napapansin ko sa boses mo," balewala kong sabi. "Teka, may kasama ka ba ngayon?"
Kitang-kita ko ang aligagang paglingon-lingon sa paligid ni Lawrence pagkatapos ng tanong ko.
"Kasama? W-wala, mag-isa lang ako. As I told you ay pabalik na ako sa party."
"Okay," pormal kong sagot. "Bilisan mo na dahil marami nang naghahanap sa'yo."
"Sige-sige, Babe, malapit na ako. Bye."
Hindi na ako sumagot pa, pinatay ko na iyong tawag habang pinanood ang pagmamadali niyang umalis habang hila-hila si Stella. Sa kabilang direksiyon sila nagpunta kaya mabilis din akong humakbang papunta sa kabilang daanan upang maunahan sila.
"So, what's your plan?" usisa sa'kin ni Yuzef.
"Stop following me!" pagtataray ko sa kanya habang halos talunin na ang baitang ng hagdan sa pagmamadali.
"Come on, kakampi mo ako," patuloy niyang pangungulit at inunahan pa talaga ako sa pagbaba.
Hindi ko tinanggap ang pag-alok niyang alalayan ako.
"Apelyido mo pa lang ay allergic na ako," matalim kong sabi.
"So kung hindi ako isang Fuentez ay mag-iiba ang trato mo sa'kin?" tanong niya.
Napilitan akong huminto upang harapin siya.
"Hindi rin," prangka kong sagot. "Isa lang iyan sa mga dahilan. Naintindihan mo? Mga, dahil marami akong nakikitang dahilan kung bakit hindi ko gugustuhing makipaglapit sa isang katulad mo."
Binigyan ko siya nang matalim na tingin bago ako nagpatuloy sa paglalakad. Dumaan ako sa back door malapit sa kusina upang marating ang pinagdausan ng party.
Agad kong hinagilap ang kinaroroonan ni Lawrence matapos kumuha ng isang champagne glass sa nadaanan kong waiter. Nakalimutan ko nang dalhin iyong dala kong inumin kanina paakyat ng balcony, mukhang naiwan ko roon. Mabuti na lang at hindi ko iyon bitbit nang magkaharap kami ni Stella at baka nabuhos ko pa iyon sa mukha nito.
May mga nakasalubong akong bumati sa'kin na pasimple kong nginitian.
Matapos kong matuklasan ang pagtataksil sa'kin ni Lawrence at ng pinsan ko ay napapaisip ako kung sino sa mga nakakasalamuha ko sa party na ito ang nakakaalam tungkol doon. Kaninong mga ngiti ang nanunuya at lihim akong pinagtatawanan kapag nakatalikod?
Nang mahagip ng tingin ko ang kapatid ni Lawrence na si Summer ay bigla akong natigilan at napahinto sa paghakbang.
May something sa pagtawa niya na umiirita sa'kin. May pinagkukwentuhan sila ng mga kaibigan niya kung saan ay tawa sila nang tawa. Alam kung wala iyong kinalaman sa'kin pero hindi ko mapigilang bigyan iyon ng ibang kahulugan.
Nakakapraning pala kapag maloko ng boyfriend, 'no? Pakiramdam ko ay kalaban lahat ng mga taong nakikita ko!
Generally, sa estado ng mood ko ngayon ay ayaw na ayaw kong may mga masaya at tumatawa! Para ako ngayong sasabog sa galit kaya dapat ay walang magsasaya!
Sobrang pagtitimpi ang ginagawa ko ngayon upang hindi makagawa ng eksena.
Lalong kumulo ang dugo ko nang makita kung sino ang paparating na kinawayan ni Summer.
Sa dami nang iniisip ko ay nakalimutan kong mag-bestfriend si Summer na kapatid ni Lawrence at ang pinsan kong si Stella. Kung alam ni Yuzef ang tungkol sa relasyon nina Stella at Lawrence ay imposibleng walang ideya ang fiancee nitong si Summer lalo na at best friend at older brother ng huli ang dalawang trumaydor sa'kin.
Ginawa nila akong tanga! Mga hayop sila!
"Babe, nandito ka lang pala!"
Agad kong hinamig ang sarili upang hindi makikita sa mukha ko ang totoo kong nararamdaman. Isang matamis na ngiti ang pinaskil ko sa'king mga labi nang lingunin si Lawrence.
"Ikaw lang naman iyong nawala," nakangiti kong komento.
Pasimple akong umiwas nang akma niya akong hahalikan sa pisngi.
Hindi ko maatim na madikit ang mga labi niya sa alin mang bahagi ng balat ko gayong hindi ko alam kung saan niya huling nilapat iyon.
Napansin ko na bahagya siyang natigilan sa ginawa ko pero mabilis ding nakahuma. Ilang taon na kami pero walang higit na nangyari maliban sa ilang beses na mabilis na halik sa labi.
Ngayong naalala ko iyon ay nangangati akong punasan ang sarili kong mga labi pero pinigil ko ang sarili.
Siguro ay isa rin sa dahilan kung bakit nagawa akong pagtaksilan ni Lawrence ay dahil sa hindi namin pagiging intimate sa bawat isa. Lantaran ko siyang tinatanggihan at hindi naman siya nagreklamo kaya buong akala ko ay okay lang sa kanya iyon. Nakalimutan kong lalaki pala siya, a weak and poor creature who can't live without s*x! Pero hindi iyon rason upang hanapin niya iyong hindi ko kayang maibigay sa ibang babae at sa mismong pinsan ko pa.
"Are you enjoying the party?" tanong sa'kin ni Lawrence kapagkuwan at parang walang nangyari akong nginitian.
"Yes," tipid kong sagot habang at pasimpleng sumimsim sa hawak kong baso habang pailalim na sinusuri ang ngiti niya.
Bigla ay parang nabuksan iyong mga mata ko at napapansin ko na ngayon iyong mga detalye sa ekspresyong ipinapakita niya na hindi ko noon napagtuonan nang atensiyon.
Kahit pinapalabas niya na balewala sa kanya ang ginawa ko ay halata sa bahagyang paggalaw ng panga niya ang pagpipigil niyang ilabas ang totoo niyang nararamdaman. Malinaw sa kislap sa kanyang mga mata ang pagkadismaya niya na may kasama pang disgusto sa ginawa ko.
He's not the understanding boyfriend that he portrays, he just wanted me to believe that he is! Gusto ko na tuloy pagdudahan ang bukambibig niyang pagmamahal.
Kaya ko siya sinagot dahil mahal niya ako at umaasa akong matutunan ko rin siyang mahalin dahil wala naman akong ibang nagugustuhan. Unti-unti ko na ngang pinapaniwala ang sarili ko na siguro ay hindi ko na kailangan pang maramdaman iyong sinasabi nilang mabilis na pagtibok ng puso at pagmamahal para sa isang tao para magplano ng future kasama ito!
Muntik na akong maniniwala na nasa akin iyong mali dahil hindi na-develop into something special ang damdamin ko para sa kanya. I even felt guilty for not loving him the way he loves me!
Mabuti na rin pala ang ganito! Kung nagkataon ay hindi lang ego at pride ko iyong nasaktan niya kundi pati ang puso ko!
Ang lakas ng loob ng lalaking itong bilugin ang ulo ko! My father raised me to be a strong independent woman, and I even blamed my father for being this strong that I don't feel like wanting a man to lean on! Mabuti na lang palang pinalaki akong ganito dahil kung nagkataon ay nagiging biktima pa ako ng katulad ni Lawrence.
"Kuya Lawrence..."
Napatuwid ang likod ko nang marinig ang pagtawag ni Summer sa kapatid nitong kausap ko.
Pasimple kong pinagmasdan ang magiging reaksiyon ni Lawrence habang nakikita ko sa sulok ng aking mga mata ang paglapit ni Summer sa kinaroroonan namin kasama si Stella.
"Look who's here!" masayang pahayag ni Summer nang tuluyan silang makalapit sa'min. Iminuwestra nito si Stella na may nakapaskil na ngiti sa mga labi pero
kapansin-pansin ang sulyap nito sa'kin.
"Stella!" gulat na gulat na bulalas ni Lawrence habang nakatingin sa pinsan ko. "Akala ko ba ay hindi ka makakadalo? Iyon ang sabi ni Summer."
Pinigilan ko ang sariling huwag mapaismid habang pinapanood ang pag-arte ni Lawrence.
"Napilit ako nitong kapatid mo," mahinhing sagot ni Stella. Kung umakto ay parang matimtimang birhen na hindi pumapatol sa boyfriend ng iba. "Alam mo namang hindi ko ito matatanggihan."
Kung hindi ko pa sila kanina nakita ng dalawa kong mga mata ay maging ako mapaniwala sa drama nila.
"Alam mo namang kulang ang gabing ito kapag wala sa tabi ko ang best friend ko!" maarteng pahayag ni Summer.
"Hindi ko nakikita ang fiance mo," makahulugang wika ni Stella. "Nasaan na pala iyon?" tanong pa nito habang pasimpleng sumulyap sa'kin.
Ang gaga, ano bang binabalak niya? Pareho naming alam kanina na nagkita na sila ni Yuzef no'ng kasama ko itong dumating sa silid na kinaroroonan nila ni Lawrence. Hindi nga lang kami nagpang-abot sa loob ng huli dahil na rin sa pakikialam ng lalaking hinahanap niya.
"He's just around kanina," sagot ni Summer habang lumingon-lingon sa paligid.
"Well, nakita ko kanina ang fiance mo," kausap ko kay Summer.
"Si Yuzef?" gulat nitong tanong.
"May iba ka pa bang fiance maliban sa kanya?" pabiro kong balik-tanong. "Nagkasalubong kami kanina nang hanapin ko si Lawrence."
"Hinanap mo ako kanina?" singit ni Lawrence.
"Oo, at siya ang nagsabing nakita ka niyang pumasok sa isa sa mga guestroom," kunwari ay inosente kong sagot.
Nakita ko ang bahagyang pagkabalisa sa mukha ni Stella. Si Summer naman ay natigilan at napatitig sa kapatid. Kalmado naman ang mukha ni Lawrence pero kapansin-pansin ang pag-igting ng panga niya.
"And guess what, si Stella ang naabutan ko sa silid." Sinundan ko iyon nang magaang tawa upang mabawasan naman ang nerbyos ng mga kaharap ko. "Nagkamali lang siguro siya," balewala kong dagdag.
"Nagkausap kayo ni Yuzef?" usisa ni Summer.
"Hindi gaano," hindi kumukurap kong sagot.
Kahit hindi niya sabihin ay halata na hindi niya nagugustuhan ang ideyang iyon.
"He's a Fuentez," paalala niya sa'kin.
"I know," hindi tumitinag kong sagot. "Bawal ko ba siyang kausapin dahil Fuentez siya at Revira ako. Hindi naman ibig sabihin ni'yon ay magiging malapit na kami sa isa't isa. Nanatili pa rin ang pagiging magkatunggali ng bawat pamilya naming dalawa."
"Hindi na nakapagtataka kung papaanong sa maling silid ka niya tinuro," pahayag ni Lawrence. "Hindi naman kasi ako nagawi sa guestrooms."
Nakakaya niyang magsinungaling sa'kin habang direktang nakatingin sa mga mata ko.
Matamis ko siyang nginitian.
"Don't worry, hindi na ulit ako magtitiwala," makahulugan kong sagot. May dumaang pagkabahala sa mukha niya habang nanatili roon ang matiim kong titig.
"Kay Kuya Lawrence ka lang magtiwala dahil mahal na mahal ka ng kapatid ko," magiliw na turan ni Summer.
Bumaling dito ang atensiyon ko at binigyan din ito nang matamis na ngiti.
"Oo naman," masaya kong sagot.
Ang plastic nang pagkakangiti niya sa'kin kaya ibinalik ko rin iyon sa kanya.
"Alam mo namang isa akong Revira, hindi kami basta-basta nagbibigay ng tiwala sa kahit na sino kaya si Lawrence bilang boyfriend ko ay makakaasang nasa kanya ang buo kong tiwala." Gustong ipaalala sa kanila na isang Revira ang niloloko nila. "Hindi ba, Stella?" baling ko sa tahimik kong pinsan.
"Y-yes," medyo nautal pa niyang pagsang-ayon. Pupusta ako na wala itong ideya kung ano ang tinanong ko dahil masyado itong nalunod sa kung anong iniisip.
Sige lang... mag-overthink ka. Alam naman nating nakakapraning ang may tinatago!