BANDANG alas nuebe na ng gabi nang makarating ako sa bahay. Ang sama pa ng pakiramdam ko. Ilang gabi na kasing kulang parati ang tulog ko dahil sa sunod-sunod na projects. Para sa Thesis namin at nag r-review rin ako para sa finals namin. Hindi naman ako puwedeng mag chill lang dahil grades ko ang nakasalalay dito. Graduating pa man din ako.
Pagkapasok ko sa bahay, nadatnan ko naman si tiya Lolet at si Sefira na nanunuod ng Tv. Papanhik na sana ako sa hagdan para tunguhin ang kuwarto ko ngunit narinig ko ang boses ni tiya.
“Debbie—”
“Po?” sagot ko sa kaniya ‘tsaka bumalik sa sala.
“Labhan mo ‘yong mga uniform ni Sef pati ni Mike. Isama mo na rin ang blouse ko roon kasi gagamitin ko ‘yon sa linggo. Magluto ka na rin ulit ng pagkain at nagugutom kami.” saad nito sa ‘kin habang nakatuon pa rin sa screen ng Tv ang mga mata niya.
“Opo. Mag bibihis lang po ako tiya.” sagot ko na lang sa kaniya ‘tsaka pumanhik na sa kuwarto ko. Napabuga ulit ako ng malalim na hininga. Gusto ko ng mag pahinga. Gusto ko ng humiga pero pagagalitan naman ako ni tiya kapag hindi ko ginawa ang iniuutos niya sa ‘kin. Kaya kahit pakiramdam ko ay babagsak na ang katawan ko, pinilit ko na lang mag lakad papunta sa likod ng bahay para gawin ang utos niya. Hindi na ako magugulat kung gano‘n na naman kadami ang labahin ko kahit kalalaba ko lang kanina. Imbes na mag reklamo ay inumpisahan ko na para matapos agad ako.
Dalawang oras. ‘Tsaka lang ako natapos sa paglalaba ko. Dali-dali naman akong nag tungo sa kusina para mag luto ng pagkain nila.
“Hindi ka pa ba nakakapagluto Debbie?”
Gulat naman akong napalingon sa likuran ko nang biglang pumasok sa kusina si Sefira. “Huh? K-kasi katatapos ko lang mag laba. Saglit lang naman ‘to.” matamlay na sagot ko sa kaniya habang pinagpapawisan na ako ng malamig.
“Alam mo namang nagugutom na ako hindi ba? Tss. Ano‘ng oras na Debbie. Bilisan mo diyan.” pagalit na saad nito bago muling lumabas sa kusina.
Magkasing edad lang kami ni Sefira. Kagaya sa mama niya, masyado rin itong maarte at masilan sa mga bagay na mayroon dito sa bahay. Panay utos at buhay prinsesa ‘yan dito. Pero awa ng Diyos hindi pa naman ako ginagawan ng masama ni Sefira. Hangang bunganga lang siya kagaya ng mama niya. Hindi kagaya kay Mike na halos lahat na ng panganib sa buhay ko ay ginawa na niya. Wala naman akong magawa.
“Tiya kakain na po.” saad ko sa kanila nang matapos akong mag hain ng pagkain sa hapag. “May iuutos ka pa po tiya?” nahihirapang tanong ko sa kaniya. Parang bibigay na talaga ang katawan at mga tuhod ko.
“Wala na. Hala sige umakyat ka na roon.” anito.
Kahit hinang-hina at nanginginig ang mga tuhod ko ay nag madali pa rin akong pumanhik sa kuwarto ko para makapagpahinga na talaga. Wala ng kain, tulog agad. Dahil sa sama ng pakiramdam ko agad naman akong nakatulog.
Nagising lang ako kinabukasan nang biglang may sumigaw sa tapat ng tainga ko.
“DEBBIE!”
“Ay ano ba ‘yan?” sigaw ko dahil sa gulat. Medyo gumaan na rin ang pakiramdam ko.
“Bangon na! Nagugutom na ako, Debbie.” anang Mike habang nakaupo ito sa gilid ng higaan ko.
Napatingin naman ako sa orasan ko. Alas nuebe na pala. Aba! Nakakapagtaka. Hindi ako ginising ni tiya ngayon a! Ano kaya ang nakain no‘n at hindi ko manlang narinig ang pagbubunganga niya ngayong umaga? Napangiti nalang ako sa isiping, baka napansin niya kagabi na masama ang pakiramdam ko kaya hinayaan niya muna akong magpahinga.
“Ngingiti ka na lang ba diyan, Debbie? Hindi ka ba magluluto ng pagkain?” tanong ni Mike. “Wala sila mama at kanina pa ako nagugutom.” reklamo nito.
A, kaya naman pala walang machine gun ngayon kasi wala sila. “Teka lang ito na.” saad ko at bumangon na sa higaan ko. Pagkababa ko sa kusina nag hain agad ako ng pagkain para sa ‘ming dalawa.
“Gusto ko talaga ang sinangag mo, Debbie. Masarap!” nakangiting saad nito sa ‘kin.
“Sus!” nakangiting saad ko. “Ay teka nga pala. Happy birthday.” bati ko sa kaniya. Agad naman itong natigilan dahil sa sinabi ko. Tumitig ito sa akin. “Oh! Bakit?” sa halip na sagutin ang tanong ko, agad itong tumayo sa upuan niya at mabilis na lumabas sa kusina. Hala! Ano‘ng nangyari doon? Binati ko lang naman siya a! Hindi ko na lang siya pinansin at kumain na rin ako. May mga topak kasi kung minsan ang mga ‘yan e!
“ARE you okay?” tanong sa ‘kin ni Markus habang sinasalat ang noo at leeg ko. Nasa-canteen na kami at nag-aya siyang kumain muna.
“Okay na ako. Naka-inom na ako ng gamot kanina.” nakangiting sagot ko sa kaniya.
“Tss! Kasi naman masyado kang mabait at masipag, ayan tuloy pati katawan mo inaabuso mo na.”
“Alam mo naman kasi na kailangan ‘di ba?”
“Sabi ko naman sa ‘yo. Tanggapin mo na ‘yong inaalok kong trabaho sa ‘yo para makaalis ka na sa poder ng tiya mo. Para hindi ka na naghihirap dahil sa kanila. E, kung tratuhin ka nila parang hindi ka nila kamag-anak o kadugo.” medyo pagalit na sabi nito sa ‘kin habang nag o-order ng pagkain namin.
Si Markus lang naman ang tanging kaibigan ko mula pa noon kung kaya‘t kilala niya na ako at alam niya na kung paano tumatakbo ang buhay ko araw-araw. Masuwerte lang din ako na siya ang naging kaibigan ko dahil malaki na rin ang naitutulong nito sa ‘kin.
“E, alam mo naman na hindi ganoon kadaling umalis sa poder ng tiya Lolet hindi ba? ‘Tsaka na lang siguro, tutal graduate na rin tayo ngayong taon. So, kaunting tiis na lang. ‘Tsaka kaya ko pa naman e!” saad ko sa kaniya.
“Porket kaya mo pa, sige lang? E, paano kung bigla ka na lang bumulagta diyan dahil hindi mo naman inaalagaan ang sarili mo?” magkasalubong ang mga kilay na tanong nito nang mag baling ito ng tingin sa ‘kin.
Kita ko ang concern sa mukha niya. Parang isang kuya na pinapagalitan ang bunso niyang kapatid? O kung minsan napapaisip ako kung may gusto ba ito sa ‘kin? Kung maka-concern kasi sa ‘kin grabe. Kung makaalaga sa ‘kin sobra. Pero ayoko naman mag assume. Sino ba naman ako para magustuhan ng isang Markus Dela Vega hindi ba?
Napatitig nalang ako sa mukha niya. Guwapo si Markus. Madaming nagkakagusto sa kaniya rito sa campus namin. Pero ni minsan hindi ko naman naramdaman sa sarili ko na nagkagusto rin ako sa kaniya. Humanga oo, kasi mabait siyang kaibigan. Pero hanggang doon lang ‘yon.
“Done checking me?”
Nakangiting tanong nito sa ‘kin. Agad naman akong nagbawi ng tingin sa kaniya. Bigla ko siyang narinig na tumawa matapos kunin ang order niyang pagkain.
“Come here. Gutom na talaga ako.” aniya.
“Salamat sa pagkain!” nakangiti na ring saad ko sa kaniya. “Lista mo lang. Mababayaran din kita, soon.” pagbibiro ko sa kaniya.
“Oo. Mahaba-haba na rin ang listahan mo sa ‘kin. Balang araw maniningil din ako at panigurado akong yayaman ako dahil sa ‘yo baby.” tumatawang saad nito sa ‘kin.
“Hindi naman siguro aabot ng isang milyon ang utang ko sa ‘yo hindi ba?”
“Pera pa rin ‘yon.” anito. “Kain ka na.” anito ‘tsaka iniabot sa ‘kin ang pagkain at tubig.