#IHaveALover
CHAPTER 1
Napatigil sa pagpupunas ng lamesa si Theo Endrinal, 27 anyos nang makarinig ng mga yabag pababa ng hagdan. Kaagad siyang pumunta sa dulo ng hagdanan para salubungin ang asawang si Sofia, 25 anyos. Nakasuot na ng unipormeng pamasok dahil pumapasok ito sa opisina.
Tinaasan ng kanang kilay ni Sofia ang asawa nang makita niya itong nasa dulo ng hagdanan.
“O... Anong kailangan mo?” mataray na tanong nito.
Tipid na napangiti si Theo. Hindi pinansin ang pagtataray ng asawa.
“6th wedding anniversary natin ngayong araw.” Sabi ni Theo. Napatingin siya sa kamay ni Sofia, hinanap ang wedding ring nila kung suot nito pero bigo siyang makita iyon na suot ng asawa. Napabuntong-hininga na lamang siya.
“E ano naman ngayon?” mataray na tanong ni Sofia. Wala naman kasi siyang pakiealam. Hindi nga niya iyon naalala at sayang lang sa oras para alalahanin pa.
“Anong oras ka uuwi mamaya? Maghahanda kasi ako para sa selebrasyon nating dalawa...”
“Hindi ako uuwi mamaya.” Sabi kaagad ni Sofia na ikinahinto ni Theo sa pagsasalita. “After work, may date ako kaya huwag mo na rin akong hintayin pa... and pwede ba... wala naman akong pakiealam sa wedding anniversary ek ek natin na ‘yan kaya huwag mo ng ipilit pa sa akin na makicelebrate sayo.” Sabi pa nito saka muling naglakad pababa ng hagdan. Nilagpasan si Theo na napahinga ng malalim.
Nung una lang sila nagcelebrate ng wedding anniversary nila, ang araw na iyon ang pinakamasaya para kay Theo dahil punong-puno ng pagmamahal pero ilang araw pa lamang ang lumilipas sa ikalawang taon nila, nagbago na ang lahat. ‘Yun ang una at huli na nagcelebrate sila ng wedding anniversary.
“Siya na naman ba ang kasama mo mamayang gabi?” tanong ni Theo. Seryoso.
Napahinto sa paglalakad si Sofia, nilingon ang asawa at napangiti ng matamis.
“Oo.” Sabi nito na tila nagmamalaki pa.
“Hanggang kailan mo ba siya gagawing kabit mo?...”
“Correction, he’s my boyfriend at hindi ko siya kabit...”
“At ako ang asawa mo.” Sabi kaagad ni Theo na hinarap na ang asawa na si Sofia. “Asawa mo pa rin ako, damdamin mo lang ang nagbago.” Sabi pa nito. “Please naman... kahit bilang asawa mo lang, respetuhin mo naman ako...”
“Kung gusto mo ng respeto... Hiwalayan mo na kasi ako.” Sabi kaagad ni Sofia na ikinahinto ni Theo sa pagsasalita. “Alam mo naman na simula pa noon, sa papel na lang tayo mag-asawa... Nakikipaghiwalay na ako sayo pero lagi mo sa aking pinipilit na ayaw mo... na lagi kang nagmamakaawa para huwag ka lang iwan tapos ngayon kung umasta ka, aping-api ka.” Mataray na sabi pa ni Sofia.
“Mahal na mahal kita Sofia...”
“At hindi na kita mahal.” Sabi kaagad ni Sofia na dumagdag sa sakit na nararamdaman ni Theo.
“Mahal mo ako... alam ko mahal mo ako...”
“Hindi na nga kita mahal.” Sabi pa kaagad ni Sofia. Napapairap. “Sige aaminin ko, nung una mahal nga kita... kasi na-excite ako sayo, inisip ko kung ano nga ba ang feeling na may matalinong boyfriend at asawa... nung una masaya pero habang tumatagal... nagsisi ako na pinakasalan kita kasi ang boring mo pala... sobrang boring... kaya ‘yung pagmamahal ko, naging sawa na. Nagsawa na ako sayo.” Mataray na sabi pa nito habang titig na titig pa sa mukha ng asawa na kita niyang nasasaktan sa mga pinagsasabi niya. Napangisi pa ito dahil may idadagdag pang sasabihin. “Nagtataka nga ako e, naturingang may pinag-aralan ka... matalino ka pero ang tanga-tanga mo dahil imbes na iwan mo na ako dahil puro pasakit lang naman ang dala ko sayo, ito ka at nananatili ka pa rin sa tabi ko.”
Napahinga ng malalim si Theo. Masakit pero pinapakinggan niya ang lahat ng sinasabi nito. Siguro nga, sobrang tanga na niya pero mahal na mahal lang kasi niya si Sofia kaya kahit ang pagiging tanga, handa siyang maging para lang dito.
“Kaya bago pa lumala ang katangahan mo... hiwalayan mo na ako...”
“Alam mo naman na hindi ko kayang makipaghiwalay sayo... respeto lang naman ang...”
“Edi magtiis ka... Parusa ‘yan sa pagkulong mo sa akin sa kasal na wala ng kwenta para sa akin.” Sabi kaagad ni Sofia at inirapan pa ang asawa na si Theo bago ito muling talikuran at parang model na naglakad palabas ng bahay.
Napabuga ng hangin si Theo. Sobra siyang nasaktan sa mga sinabi nito.
Ano bang nakita ni Sofia sa lalaki nito? Dahil ba sa mayaman at may malaking kumpanya? Dahil ba sa gwapo? Dahil ba sa... Napabuntong-hininga na lamang siya.
Hindi naman niya pinili na maykaya lang ang estado niya sa buhay, hindi naman niya pinili na ganito lang siya, isang homebased english teacher ng mga estudyanteng chinese. Hindi niya pinili na maging kulang para kay Sofia.
Aminado siya, may mga pagkukulang pero sigurado siya sa kanyang sarili na hindi siya nagkulang pagdating sa pagmamahal sa asawa. Sobra niya itong mahal na kahit ang lahat ng meron siya, kahit ang wala, pinipilit niyang ibigay para lamang dito pero laging nababalewala.
Napahilot si Theo sa kanyang sentido. Pinipigilan niya ang kanyang sarili na magalit, na magwala, na manakit kahit na ang totoo, may bahagi sa kanya na gusto na niya iyong gawin, hindi kay Sofia kundi sa lalaki nito.
Ang lalaki nitong laging inuuwi ng asawa sa bahay nila, ang lalaki nitong mas pinapahalagahan pa ng kanyang asawa kaysa sa kanya.
- - - - - - - - - - - - - - - -
“O Hinay-hinay lang sa pag-inom.” Sabi ni Paulo, 28 anyos kay Theo na patuloy naman sa pag-inom ng alak. Nasa sala sila ngayon ng bahay ng huli kasama pa ang isang kaibigan na si Ruru, 27 anyos. Mga binata at madali ring makabingwit ng mga kababaihan dahil sa may angkin rin namang kagwapuhan.
Pinapunta ni Theo ang mga ito sa bahay para may makasamang uminom at makausap na rin dahil hindi naman uuwi si Sofia.
“Hulaan ko problema niyan.” Sabi ni Ruru.
“Huwag mo nang hulaan... Alam na rin naman natin ang sagot.” Sabi naman ni Paul. Natawa si Ruru.
“Kunsabagay... wala pa rin namang nagbabago...” sabi ni Paulo. “Asawa pa rin ang problema.” Sabi pa nito.
Napatingin sa kanila si Theo.
“Tama naman kami di ba?” tanong ni Paulo.
Umiwas nang tingin si Theo, patuloy na uminom ng alak.
“Ikaw naman kasi Pare... Hinahayaan mo lang na iniiputan ka sa ulo at sinasalo mo pa.” Sabi ni Ruru.
“Ewan ko ba diyan... Masyadong martyr na wala na sa lugar.” May inis na sabi naman ni Pauol.
“Hiwalayan mo na kasi siya Pare... Alam mo naman na sirang-sira na kayo e... Wala ng pag-asa ‘yan.” Sabi ni Ruru. Hindi naman sa dino-down nila ang kaibigan, nagsasabi lang sila ng totoo at nililigtas pa nga nila ito sa lalong pagkalubog.
Muling napatingin si Theo sa mga kaibigan.
“Alam niyo naman na hindi ko siya kayang hiwalayan... masyado ko siyang mahal...”
“Mahal mo nga siya, mahal ka ba?” tanong kaagad ni Paulo. Minsan ay naiinis na rin siya sa kaibigan. Ito kasi ‘yung tipo ng tao na diretsahan, halos parehas sila ni Ruru kaya nga laging nakakatikim ng sermon si Theo mula sa kanila.
“Alam mo Pare... Marami namang iba diyan... Malay natin... matagpuan mo rin sa kanila ‘yung taong magmamahal at magpapahalaga sayo... ‘yung matutumbasan ‘yung kaya mong ibigay...”
“Hindi sila si Sofia.” Sabi kaagad ni Theo. Napabuntong-hininga. “At hindi ko rin kayang ipagpalit siya sa iba.” Sabi pa nito. Muling uminom ng alak.
“Sinasabi mo lang ‘yan kasi hindi mo sinusubukan.” Sabi ni Ruru. “Kaya mo naman e, ayaw mo lang.” Sabi pa nito.
“Malala ka na Pare... Magtira ka naman para sa sarili mo... kaya siguro pati utak mo naaapektuhan na kasi pati pride, nilunok mo na ng nilunok hanggang sa malason ka na.” Sabi ni Paulo.
Awang-awa naman si Ruru sa kalagayan ng kaibigan. Kung pwede lang sana talaga nila ito bugbugin, iuntog ang ulo sa pader para lang bumalik sa katinuan, ginawa na nila kaso baka naman makasuhan pa sila ng physical injury.
“Pare... Kung ako sayo, hiwalayan mo na ang asawa mo... bukod sa hindi na niya pinapahalagahan pa ang kasal ninyong dalawa, hindi ka na rin niya pinapahalagahan pa... ang saklap lang kasi hindi ka na nga niya mahal, wala pa siyang pagpapahalaga pagdating sayo.” Sabi ni Paulo.
“Mahalaga ako sa kanya.” Sabi ni Theo. Iyon pa rin ang pinaniniwalaan niya kahit na hindi naman na niya iyon nararamdaman sa asawa.
“Pare... Huwag kang ngang bulag... kung mahalaga ka pa rin sa kanya, bakit niya nagagawang kaliwain ka? Bakit niya nagagawang paulit-ulit kang saktan?” sabi ni Ruru. Napabuntong-hininga. “Lagi mong tandaan, magkasama ang pagmamahal at pagpapahalaga... sa kaso niya, kahit isa sa mga ‘yan, hindi namin nakikitang ibinibigay sayo.” Sabi pa nito.
“Kaibigan ko ba talaga kayo? Bakit ba kayo ganyan sa akin? Imbes na suportahan...”
“Pare... Kaibigan mo kami... tunay na tunay pa nga kaya nga kami nandito sa tabi mo at dinadamayan ka. May mga oras na sumusuporta kami sayo pero huwag mo kaming aasahan na susuporta pagdating sa relasyon ninyo ng asawa mo.” Sabi kaagad ni Paulo. Nilagok ang alak na nasa baso. “Para kang bumubuo ng isang basong nalaglag sa sahig at nabasag na... kahit anong effort mo na idikit ang bawat piraso ng bubog, hindi na ito magiging baso pa, hindi na nga naibalik sa pagiging baso, nasugatan ka pa.” Sabi pa nito.
“Lagi lang kaming nandito Pareng Theo... Handa kang damayan sa oras na bagsak na bagsak ka na... at sinasabi namin ang lahat ng dapat mong marinig para umangat ka kasi sa totoo lang, awang-awa na kami sayo... may kakayanan ka naman para itaas ang sarili mo kahit wala ang tulong namin pero hindi mo ginagawa kaya kami na ang gumagawa.” Sabi naman ni Ruru.
Napabuntong-hininga si Paulo.
“Pero kung lagi kang ganyan... sa tingin ko wala na rin tayong magagawa Ruru.” Sabi nito habang nakatingin kay Theo na nagpatuloy lang sa pag-inom, parang wala nang naririnig. Kahit sila, nawawalan na ng pag-asa para sa kaibigan.
“Tama ka... ilang taon na rin nating inaangat si Theo pero wala... walang nangyayari... patuloy pa rin niyang binababa ang sarili.” Sabi ni Ruru na napailing-iling pa. Ininom ang alak na nasa baso sabay kain ng pulutan.
#IHaveALover
CHAPTER 2
Maaliwalas ang panahon ngunit hindi ganun ang nararamdaman ni Theo.
Nakatingin ang kanyang mga mata sa dalawang lapida na nakadikit sa pinaglilibingan ng kanyang mga namayapang magulang kung saan nasa tapat siya nito ngayon. Mababanaag ang kalungkutan.
Napabuntong-hininga si Theo.
“I’m sorry Ma... Pa... Napako ang pangako ko sa inyo.” Sabi nito. Nangako kasi siya noon na kapag ikinasal siya, habambuhay na magiging masaya ang pagsasama nila ng taong mahal at pinakasalan. Iingatan ang relasyon at gagawin ang lahat para ang sinumpaan sa harapan ng altar ay matutupad.
Alam niya na nakikita ng mga magulang ang mga nangyayari, katulad niya, sa tingin niya ay nalulungkot rin ang mga ito pero anong magagawa niya? Ginagawa naman niya ang lahat para maisalba ang relasyon nila ni Sofia, nagtitiis siya sa lahat sa sakit at paghihirap pero wala pa ring nangyayari.
Nais niyang ipaglaban si Sofia... pero kung gagawin niya iyon, tiyak na hihiwalayan siya nito at ayaw niyang mangyari iyon. Siguro nga ay malaking duwag siya pero handa siyang alisin ang tapang niya huwag lamang siyang maiwan. Masakit sa kanya ang biglaang pagkawala ng magulang nung siya ay 17 years old pa lamang, matinding hirap din ang dinanas niya bago narating ang kung anong meron siya ngayon pero higit sa trauma na naranasan niya ay ang takot na maiwanan. Ayaw na niyang maiwan, ayaw niyang mag-isa kaya handa siyang magtiis.
Napabuntong-hininga si Theo. Tipid na napangiti sa magulang.
“Huwag kayong mag-alala sa akin Ma... Pa... Kaya ko pa naman... Gabayan niyo ako a, huwag niyo pa rin akong pababayaan.” Sabi nito.
- - - - - - - - - - - - - - - - -
Kakatapos lamang magluto ni Theo ng kakainin nila ni Sofia ngayong hapunan. Saktong paglabas niya ng dining area dahil inihanda na niya ang mesa para sa pagkain ng bumukas naman ang pintuan ng bahay, napangiti siya dahil nakita niya ang asawa pero kaagad ding nawala dahil kasunod nito ang lalaking hindi man kita sa kanya ngayon pero kinasusuklaman niya. Halatang galing sa opisina ang mga ito dahil naka-uniporme pa si Sofia habang ang lalaki nito ay naka business attire pa.
Napangiti si Sofia kay Theo.
“Dito kami kakain ni Hon... handa na ba ang hapunan?” tanong nito.
Napatango lamang si Theo. Lihim siyang napatingin sa lalaki ni Sofia. Nakangising habang nakatingin sa kanya. Ang yabang.
“Hon... Handa na ang hapunan... Tara at kumain na muna tayo.” Sabi ni Sofia na tiningnan ang lalaki niya. Muli rin niyang ibinalik ang tingin sa akin. “Ewan ko ba kay Hon... marami namang resto diyan sa labas pero gustong-gusto niya na dito kumakain sa bahay.” Sabi pa nito.
“Masarap kasi ang asawa mo... este ang lutong bahay na niluto ng asawa mo.” Sabi niya. Mas lalong naiinis si Theo kapag naririnig nito ang boses ng lalaki.
Natawa na lamang si Sofia, mukhang hindi napapansin ang ibang sinasabi ng kabit niya.
“Pare... Sabayan mo na kaming kumain.” Sabi nito saka nilapitan pa at inakbayan.
Kaagad namang napapiksi si Theo at lumayo. Natawa lang ito sa kanya.
“Mauna na kayo... Busog pa ako.” Sabi ni Theo saka nilayuan ng tuluyan ang lalaki at nagpunta sa sala para manuod ng tv.
Naririnig ni Theo na nagtatawanan ang dalawa mula sa dining. Hindi tuloy siya makapokus sa pinapanood kahit ang totoo ay hindi naman talaga siya pokus doon. Napabuntong-hininga na lamang siya.
“Saan kaya kumukuha ng lakas ng loob ang lalaking iyon para makaharap pa sa akin na parang walang ginagawang masama?” tanong ni Theo sa sarili. Isa iyon sa pinagtatakhan niya. Hindi niya alam kung makapal lang ba talaga ang mukha nito o ano.
Napabuntong-hininga na lamang si Theo.
Lingid sa kaalaman ni Sofia, inalam ni Theo ang pagkakakilanlan ng lalaki nito na ilang buwan na ring nagpupunta dito sa bahay nila. Sa totoo lang, ito ang pinakamatagal na naging kabit ng kanyang asawa at ewan niya kung bakit hindi na napalitan o iniwanan.
Ang lalaking iyon ay si Ronniel Esquivel, 27 anyos. Ronnie ang palayaw. Galing sa mayamang pamilya. Sila lang naman ang may-ari ng pinakamalaking kumpanya sa bansa, ang Esquivel Group of Companies na lahat yata ng negosyo, meron sila. Mula sa damit, sa appliances, sa gadgets, sa pagkain, malls, langis at marami pang iba. Simula ng mamayapa ang ama nito dahil sa cancer ay ang ina nito ang namahala sa kumpanya ngunit dahil na rin sa kumplikasyon sa sakit na diabetes, kahit maraming pera ay wala naman iyong nagawa, hindi nagtagal ang pamamahala nito dahil namayapa na rin ito at sa ngayon, si Ronnie na ang Chairman and CEO at siyang namamahala sa buong kumpanya nila dahil nag-iisang anak lang rin naman ito at tagapagmana ng lahat ng meron ang pamilya nila. Sa kumpanya nito pumapasok si Sofia bilang secretary mismo nito.
Sa tingin ni Theo kaya hindi mahiwalayan ni Sofia si Ronnie ay dahil sa yamang meron ito. Napangiti siya ng mapait dahil sa aspeto pa lang na iyon, talo na siya.
“Theo... Ikaw na ang magligpit ng mga pinagkainan namin a... Akyat lang kami sa kwarto.” Sabi ni Sofia na hindi niya namalayang nasa likod na pala ng sofa na inuupuan niya. Napatingin siya rito, nakita niyang nasa likod din nito si Ronnie na nakatingin na naman sa kanya at may ngisi sa labi. Ang hilig ngumisi.
Napatango na lamang siya bilang sagot.
“Halika na Hon... Alam ko naman na hot na hot ka na sa akin.” Malanding sabi ni Sofia na tinawanan naman ni Ronnie.
Napaiwas nang tingin si Theo, napakuyom ang magkabilang kamao.
Narinig niya ang mga yabag ng dalawa hanggang sa makaakyat na ang mga ito at pumunta sa kwarto. Napabuntong-hininga na lamang siya muli dahil isa na namang gabi para sa dalawa ang mangyayari sa loob pa mismo ng kwarto nila mag-asawa. Wala naman siyang magawa kundi ang bumuntong-hininga na lamang.
Tumayo na lamang si Theo mula sa pagkakaupo sa sofa. Pinatay ang tv gamit ang remote saka nagpunta sa dining area. Nakita niya sa mesa ang pinagkainan ng dalawa na hindi man lang nag-abala na ilagay man lang sa lababo.
Nilapitan niya ang mesa, isa-isa niyang niligpit ang mga pinagkainan pwera lang ang mangkok ng niluto niyang adobo at ang bandehadong pinaglalagyan ng kanin dahil ilalagay lang muna niya sa lababo ang mga gamit na plato at kubyertos saka siya kakain mag-isa.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Abala sa paghuhugas ng mga pinagkainan si Theo, kakatapos lamang niyang kumain at habang ginagawa niya ang mga iyon, rinig na rinig niya ulit ang wild na pag-iisa ng asawa at ng kabit nito na si Ronnie.
Napapailing na lamang siya. Nagpatuloy sa paghuhugas, tumahimik na sa taas. Mukhang natapos na sila.
Binabanlawan na niya ang mga plato, baso at kubyertos nang mapatingin siya sa kabilang side ng lababo. Nakita niya si Ronnie na nakatingin sa kanya at nakangisi. Litaw ang itaas na bahagi ng maganda nitong katawan dahil twalya lamang ang saplot nito sa katawan.
Umiwas nang tingin si Theo, nagpatuloy lamang sa ginagawa at hindi pinapansin ang presensya ni Ronnie na ramdam niyang nakatingin pa rin sa kanya.
“Alam mo... Gwapo ka naman... Bakit hindi mo na lang hiwalayan si Sofia at bumingwit ng ibang babae hindi ‘yung nagpapakatanga ka pa sa kanya.” Sabi ni Ronnie na ikinatingin muli ni Theo sa kanya.
“Bakit mo naman sinasabi ‘yan? Para maging malaya na kayo?” tanong ni Theo saka umiwas muli nang tingin.
“Isa rin ‘yan sa dahilan pero... naaawa kasi ako sayo. Masyado kang nagpapakatanga sa isang babaeng hindi naman dapat katangahan... Oo, maganda si Sofia... masarap kalaro sa kama pero... hindi siya ‘yung tipo ng babae na handang pagbuwisan ng buong buhay at pagmamahal.” Sabi ni Ronnie.
Napadiin ang hawak ni Theo sa basong hinuhugasan niya.
“Sinasabi ko lang ang totoo kaya huwag kang magalit sa akin.” Sabi ni Ronnie. “Alam mo... pwede naman tayong maging magkaibigan...”
“Hindi ako nakikipagkaibigan sa ahas.” Sabi kaagad ni Theo. Hindi napigilang mailabas ang galit kahit sa salita lang. Napatingin ito ng masama kay Ronnie. “Hindi ako nakikipagkaibigan sa kabit ng asawa ko.” Sabi pa nito.
Napangisi si Ronnie.
“Bakit naman hindi? Uso naman iyon... Mabuti ka pa nga alam mo na ako ang kabit ng asawa mo... at least hindi ka na maghihinala.” Sabi nito.
Umiwas nang tingin si Theo. Ipinagpatuloy ang ginagawa.
Pero nanlaki na lamang ang mga mata niya sa gulat dahil hindi niya namalayan na nasa likod na pala niya ito at ang mas ikinagulat niya, idinidiin nito ang sariling katawan sa kanya, lalo na ang bukol nito na ramdam na ramdam ni Theo na bumubundol sa kanyang pwetan.
Hinawakan pa ni Ronnie ang magkabilang braso niya at dahan-dahang hinaplos iyon. Nanginig siya sa ginagawa nito. Tinatayuan siya ng... balahibo.
“Tulog na ang asawa mo.” Bulong ni Ronnie sa kanang tenga ni Theo. May himig ng pang-aakit na mas lalong nagpatayo sa balahibo ng huli lalo na sa batok.
Ramdam ni Theo ang init ng hininga ni Ronnie na dumadampi sa kanyang balat. Mas lalong idinidiin ang sarili sa kanya na mas lalo niyang ikinakagulat at ikinatataka.
“A-Ano bang ginagawa mo?” tanong ni Theo. Nainis siya sa sarili. Bakit siya nauutal?
Hindi sumagot si Ronnie sa halip, dinilaan nito ang kanang tenga ni Theo at bahagya pang kinagat. Sa puntong iyon, binitiwan ang hawak at pinilit ng huli na makaalis sa harapan ni Ronnie.
“Gago ka a!” galit na galit na sabi ni Theo nang makalayo siya kay Ronnie na nakatingin sa kanya at may ngisi sa labi.
Napailing-iling na lamang si Theo saka iniwanan si Ronnie na nakasunod naman ang tingin sa kanya.
“Makukuha rin kita gaya ng asawa mo.” Bulong na sabi ni Ronnie sa sarili. “Lahat ng aking gusto... nakukuha ko.” May diin na sabi pa nito saka ngumisi.