Chapter 6

1058 Words
"BAKIT ngayon ka lang?" agad na tanong ng Kuya Tristan niya. Nakaabang ito sa entrance door. "Galing akong simbahan," sagot niya. "Alam ko!" masungit na sabi nito. Ano naman ang problema ng isang 'to? Sinalat niya ang leeg ng kuya niya. "Wala ka naman sinat?" aniya. "Dati naman kahit inaabot ako ng alas-diyes ng gabi, okey lang sa 'yo. Ano'ng meron?" Pinitik nito ang noo niya. "Aray!" inis na reklamo niya. Kinamot niya ang nasaktang noo. "Nakita ko kayo ni Kier." Hinilamos nito ang kamay sa kanyang mukha. "Anong ginawa n'yo pagkatapos nag-coffee, ha?" "Luh! Ano naman sa tingin mo ang gagawin namin? Syempre, uuwi!" "'Wag kang pilosopo." "Eh, ano ba ang inaasahan mong gagawin namin ni Kier?" Natigilan naman si Tristan. Sinuyod ng tingin nito ang kabuuan ni Fatima. "Tumalikod ka!" "Bakit?" nagtatakang tanong niya. Pero sinunod naman niya ang sinabi nito. "Tumagilid ka naman." Pinaikot niya ang eyeballs ng mga mata. "Fine!" "Harap naman." "Kuya, wala pang nabawas na taba sa katawan ko," nakasimangot na sabi niya. Ngunit nanlaki ang mga mata niya nang mabasa ang nasa isipan nito. "Hala, siya! Iniisip mo bang may ginawa kaming milagro ng kaibigan mo?" Humalukipkip si Tristan. Ang lakas naman ng tawa niya. "Kuya, pakitanggal po ng alikabok sa utak mo. Marumi kasi!" natatawang sabi niya. "Tingin mo ba ay magugustuhan ako ni Kier? Eh, kulang na lang ay sumpain ako ng mga pang-iinsulto niya sa 'kin. Look at me." Muling sinuyod siya ng tingin ng kuya niya. "Maganda." Natuwa siya sa narinig. "Tapos?" Mukhang nag-isip pa muna ito bago magsalita. "Basta," anito sabay kamot sa baba. "Maganda ka nga!" Napaikot niya ang mga mata at napailing. "Dambuhala, mataba at balyena. Kaya imposibleng gawin namin ang tumatakbo sa marumi mong kaisipan. Parang hindi mo naman alam na we hate each other." "You hate each other, pero sumama ka sa kanyang makipag-date?" "Excuse me, excuse me, excuse me," agap niyang sabi. "Hindi kami nag-date 'no!" "Eh, ano'ng tawag do'n?" "Wala!" mariin niyang sagot. Inis siyang napakamot sa leeg. "Kuya, tigilan mo ako sa mga pagdududa mong 'yan. Hindi ko type si Kier, 'no!" "Ikaw, oo. Hindi mo siya type pero si Kie–" "Enough!" Iniharang niya ang kanyang kamay sa mukha nito. "Mabuti pa'y pumunta na tayo sa komedor. Tiyak hinihintay na tayo ng ating mga magulang sa hapag para maghapunan." Pumasok si Fatima sa komedor. Nakasunod naman sa kanya si Tristan. "Good evening, our dear loving parents!" masiglang bati ni Fatima nang mabungaran sa komedor ang mga magulang. Hinalikan niya sa pisngi ang mga ito saka umupo sa silya. "Bakit ngayon ka lang?" "Salamat," sabi niya sa katulong matapos lagyan ng tubig ang baso niya. Kiming tumango lang ito sa kanya. Tumingin siya sa kanyang ina. "Seven na po kasi natapos ang misa, Mom." Biglang may kamay na pumatong sa ulo niya at ginulo ang kanyang buhok. Nakasimangot na nilingon niya ito. "Magkasama po sila ni Kier, Mom," sabi ni Tristan bago umupo sa tabi niya. "Kuya Tristan!" nakalabing sabi niya. Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Hindi siya nito pinansin. Binalingan nito ang mga magulang nila. "Nakita ko silang dalawa ni Kier nasa isang Café." "Mabuti naman kung gano'n," tila natutuwang sabi ng kanilang ina at tumingin sa gawi niya. "Sa tuwing magkakaharap kasi kayong dalawa para kayong sirang plaka." "Mom, nag-coffee lang po kami ni Kier. Walang ibig sabihin 'yon. Hindi porket magkasama kami ay magiging ayos na ang pakikitungo namin sa isa't isa. Si Kier naman kasi ang laging nangungunang mang-asar." "At hanggang ngayon ay apektado ka pa rin? Hindi ka na nasanay sa kababata mong 'yon," sabi naman ng kanilang ama. Nabaling ang tingin niya sa ama. Seryoso ang mukha nito habang kumakain. "Iniiwasan ko na nga po magkaharap kami ni Kier, pero para naman siyang kabute na biglang sumusulpot kung saan ako naroon. Lekat siya... makakaganti rin ako sa kanya. Pinagdidiskitahan niya itong katawan ko. Para bang nagbibigay kasiyahan sa kanya na naiinis niya ako. Ang babaw niya!" Inis na nilantakan niya ang dessert na nasa table. "Iisa lang naman kasi ang pinupuna niya sa 'yo," sabi ni Tristan habang sinusundot ang nakalobo niyang pisngi. Nakagat niya ang tinidor na nasa loob ng bibig. "Alam ko. Itong katabaan ko. Haller? Wala siyang pakialam kung ga-aparador man kalaki ang katawan ko. Hindi ko naman siya inaano, ah?" "Hindi ka pa ba nahahamon sa pang-aasar niya sa 'yo?" tanong ng kanilang ama. Pinagkakaisahan na naman siya ng mahal niyang pamilya. As usual! "Nahahamon para magbawas ng timbang? No way! Hindi ko ipagpapalit sa lalaking 'yon ang mga favorites kong sweets!" "Alam mo kapatid, dalaga ka na. Hindi mo ba naisip, this is the right time para mag-reduce ka. Tingin ko nga sa iyo, araw-araw kang lumalaki! Mas dumoble pa ngayon ang iyong katawan. Ano'ng silbi ng whole-body mirror na nasa loob ng kwarto mo, kung hindi mo naman nakikita 'yang katawan mo. Para ka nang walking aparador. Baka sa mga susunod na araw ay mapagkamalan kang aparador ng ating labandera." "Tama ang kuya mo, anak," gagad naman ng kanilang ina. "Mom..." "Anak, baka naman kaya ka laging inaasar ni Kier ay para matauhan ka na. Kapakanan mo lamang iniisip namin. Panahon na siguro para magpapayat ka. Ang laki-laki mo nang talaga." "Makinig ka sa sinasabi ng iyong ina," sabad naman ng kanyang ama. "Kailangan mo na ngang mag-reduce, sayang ang ganda mong 'yan kung wala naman magkakagusto sa 'yo dahil sa iyong katabaan." "Hindi ko naman po kailangan ng lalaki, Dad." Inabot niya ang baso at nagsalin ng orange juice. "You're not funny, Fatima." "I'm not kidding, Mom. I’m serious about saying I don’t need a man in my life." "Hindi naman ako makakapayag na tumandang dalaga ka." Nabaling ang tingin niya sa kanyang ama. "Sino ang mag-aalaga sa 'yo kapag wala na kaming magulang mo, ha?" Hindi siya nakasagot. "Anak, hindi na matatawag na healthy ang katawan mo." "Healthy po ako, Mom. Wala akong pakialam kung ga-aparador ang laki ng katawan ko. Panatag naman ang kalooban ko. Wala rin akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao." "Wala kang pakialam sa sasabihin ng ibang tao pero affected ka sa tuwing napapansin ni Kier ang katawan mo. Umuuwi ka ng bahay na galit na galit, dahil inasar ka na naman kamo ni Kier," naiiling ang ulo na sabi ng kanya ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD