FEBRUARY 18.
Debut ko ngayong araw.
Sa isang private resort ay imbitado ang mga kaklase ko – kahit ‘yong mga dati kong kaibigan para makita nilang hindi ako apektado sa pamba-back stab nila sa akin noon. Kasali rin maging ang pamilya namin sa side ni Papa para makita nilang kahit walang tulong nila ay kaya kong makapag-celebrate ng enggrande.
Syempre ay hindi pwedeng mawala ang mga ninang at ninong kong nakilala ko lang noong bininyagan ako pero agad naglaho nang magkamuwang na ‘ko. Kaya nga lang, paniguradong magtatago na naman sila dahil para sa kanila’y gastos ang pag-attend sa debut ng kanilang inaanak.
May bonggang pre-debut shoot with professional photographer para makapagpalit ng profile picture sa aking social media accounts – kada araw ay ibang picture. Tatlong palit din ng gown ang mangyayari para kapag hindi bagay sa akin ang isa, maganda naman ako sa dalawa.
At syempre may pa-buffet kung saan nandito lahat ng mga paborito kong pagkain katulad ng crispy pata at lechon. Kailangan ‘yong may mansanas sa bibig na kasing pula ng mansanas ni Snow White. Gusto ko rin ng cake na mas matangkad pa sa akin habang nakapatong sa lamesa kapag tinabihan ko.
Sa 18 candles or treasures ko, bahala na sina Mama kung sino ang pipiliin nila basta gusto kong makatanggap ng earbuds, wireless keyboard, o mga bagay na magagamit ko sa pag-aaral at pagdadalaga. Tapos sa 18 roses naman, susurpresahin ako ni Papa dahil uuwi siya para isayaw ako—
Ah oo nga pala. May pandemya pa.
Ramdam ko ang kirot sa puso ko. Lahat kasi ng mga sinabi ko ay mga bagay na naisip at pinangarap ko lang noong bata pa ako. Syempre ay sino ba namang babae ang hindi nangarap magkaroon ng mala-fairytale na 18th birthday celebration. Mangangarap na nga lang din ako ay nilakihan ko na.
Pero alam kong malabo na itong mangyari ngayon dahil ilang minuto na lang, February 18 na. I’ll be 18 years old and the day will just be like any other day.
Walang espesyal na nakaplano. Bawal magpunta sa resort at bawal ang mga bisita. Wala ring budget para makapag-hire ng professional photographer – at makapag-picture man ako, baka hindi ko rin magamit. Hindi ako sigurado kung dahil lang ba sa pagma-mature o pandemya kaya unti-unting nawawala ang tiwala ko sa sarili.
Kaya nga ngayon, panay shared memes at quotes na lang ang laman ng mga social media accounts ko. Hindi na ako kumportable pang magbahagi ng kahit anong personal na bagay.
Walang gowns, buffet, at gifts…
“Nandyan ka pa ba o paiyak na?” Narinig ko ang nanunuksong tawa ni Marco sa kabilang linya. Napasibangot tuloy ako kasabay ng pagnguso ko. Muntik ko nang makalimutang magkausap pala kami. Paano’y pagkatapos kong maikwento sa kanya ang talagang pinangarap ko para sa 18th birthday ko, lumipad na lang bigla ang isip ko.
“Nalulungkot lang ako. Pero ayos lang. Wala namang magagawa eh,” sabi ko. Nandito pa rin ako ngayon sa terrace. Nagka-countdown kami ni Marco para sa birthday ko.
Tulog na kasi si Mama dahil maaga raw siyang magluluto bukas ng handa ko. Syempre ay hindi na ito surpresa dahil patutulungin din niya ako. Samantalang sina Kuya Arthur at Jerrick naman maaga pa ang pasok bukas kaya hindi pwedeng magpuyat.
Hindi naman masama ang loob ko sa kanila. Sa totoo lang ay sarili ko ang kinaiinisan ko ngayon. Kahit kasi pilit kong pinapaintindi sa sarili ko ang sitwasyon, isip ko ang nakakaunawa pero ang puso ko hindi.
“’Wag kang mag-alala pwede pa naman tayong makapag celebrate ng debut mo sa susunod,” sabi ni Marco na agad kong kinontra.
“Eh… dapat 18 iyon sine-celebrate ‘di ba? Debut is supposed to be celebrated on the 18th birthday. I mean, aside sa mga lalaki kasi 21 naman kayo.”
“It’s just a Filipino tradition. You don’t have to conform to it. Kahit 19, 20, o 21 years old ka pa, you can always celebrate being a woman however you want to. Wala rin namang nagbabawal na gawin iyon.”
As always, may punto na naman ang paliwanag ni Marco sa akin. Kapag kausap ko siya, pakiramdam ko talaga naiintindihan ko nang maayos ang mga bagay-bagay kahit gaano man kakomplikado. Kaya sobrang sarap niyang kausap.
“So, don’t be too hard on yourself. I-appreciate mo ‘yung mga bagay na mayroon ka – you have a loving family, food, home, education… tsaka syempre ‘wag mo namang kalimutan ang heartthrob na kausap mo.” Natawa kami pareho. ‘Yung seryoso na sana pero may pahabol pa siyang kalokohan.
“Not being able to celebrate your dream debut should not make you feel less of a woman. In fact, understanding the situation can be a sign of maturity. Talagang masasabi mong nag 18 ka na nga.”
Sigurado akong tatatak na naman sa isip at puso ko ang mga sinabi ni Marco. Kaya nga ngayon ay parang kahit papaano nabawasan ang paghihimutok ko.
“Thank you sa mga sinabi mo ah. As always, they made me feel better… Pero wait lang! Ikaw ba? Parang hindi pa natin napaguusapan ang birthday mo? Hindi ba’t nag 18 ka na rin?”
“Last April 1--”
“What?! Bakit hindi mo nabanggit noon?”
“Well… for starters, you didn’t ask,” he chuckled.
“Hala! Malay ko ba! I was so nervous back then--”
“No, it’s okay. Biro lang! Halos isang buwan pa lang tayong magka-chat noon. Alangan namang pilitin agad kitang kantahan ako ng Happy Birthday song! Eh ‘di na-weirdohan ka at hindi na nag chat ulit!”
Ako naman ang natawa dahil sa totoo lang, inisip ko rito ito sa kanya. Kaya talagang maingat pa ako sa mga mensaheng pinapadala ko sa kanya noon. Kaya nakakatuwa dahil ngayon ay nagagawa na naming magbiruan.
“Fine. Pero this year, ngayong April 1, dapat mag celebrate na talaga tayo ng birthday mo,” sabi ko naman sa kanya para makasigurado.
“One minute na lang pala!” sabi naman ni Marco kaya tuloy napatingin ako sa oras sa screen ng phone ko.
11:59 pm
“Talagang nakabantay ka ah?” tanong ko pero maya-maya’y nagbilang lang siya.
“Three… two… one…” Huminga siya nang malalim. “Happy Birthday, Tiara! Buster, say happy birthday to tita,” masayang bati nito na tuluyan nang nagpangiti sa akin.
“Thank you talaga, Marco. Siguro nagmumukmok lang ako sa isang sulok o nakatalukbong lang ng kumot at umiiyak kung hindi kita kausap ngayon,” sabi ko naman habang namumuo ang luha sa mga mata ko.
“You’re welcome! Ako nga ang angel mo ‘di ba? Pero kung wala naman ako, ‘wag kang manakot ng tao dyan sa bahay niyo. Baka akalain nila nagmumulto ka eh!” Pareho kaming tumawa. “Oo nga pala! Bago ko makalimutan. I’ll send you my gifts thru this app.”
Nagulat ako sa kanyang sinabi. “Gifts? Ay hindi ka na sana nag-abala pa!”
“It’s your 18th birthday. Syempre kapag bumati kailangan may regalo. Kaya alam mo na sa birthday ko ah!” Humalakhak siya. “Joke lang! Basta check mo na lang ‘yung app bago ka matulog. Kailangan mo na ring magpahinga para maganda ang gising mo bukas. Enjoy your day, Tiara.”
Nang matapos kaming mag-usap ni Marco, awtomatikong may pinadala siyang chat sa akin.
Nagulat ako sa kanyang pa-virtual gifts! Aba’t talagang hindi niya ginawang hadlang ang kawalan ng sapat na impormasyon sa akin para makapagpadala ng regalo!
Natuwa ako dahil subscription ito para sa isang sikat na streaming app kung saan pwede akong manuod ng mga TV shows at movies! He even sent me e-books!
At nang akala ko ay iyon na ‘yon, nanlaki ang mga mata ko dahil may pa-bonus pa itong picture ng abs—oo ABS!
Idinikit ko agad sa dibdib ko ang screen ng phone ko sakaling may ibang tao sa likuran ko na posibleng makakita nung litrato! Nag-init ang buong mukha ko at bumilis din ang kabog ng dibdib ko dahil sa kaba!
Nang masigurado kong wala talagang ibang tao sa paligid ay muli kong sinilip ‘yong picture. Dumating lang agad ang chat ni Marco kaya napasibangot ako. I bit my lower lip and felt so embarrassed for a moment.
MARCO: Huli! ‘Wag mong masyadong titigan. Downloaded photo lang ‘yan! Mas maganda ang akin pero for request!
Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis! Pag zoom ko sa picture na pinadala ni Marco ay may watermark pa ito kaya mukhang nang-aasar nga lang siya.
Hindi ko tuloy alam kung maiinis ako o ano eh!
TIARA: I almost blocked you!
Napatawag pa tuloy siya. And I heard his heartfelt laugh on the other line once again. Puro kasi ito kalokohan kaya napairap ako sa kawalan.
“Wala namang ganunan!” tawang-tawang saad niya. Mukhang natakot yatang totohanin ko ang sinabi ko.
Nagkaroon pa tuloy kami ng kaunting biruan na lalong nagpasaya sa araw ko bago muling nagtapos ang tawag.
Patulog na sana ako nang mag vibrate ang phone ko at mukhang may tumatawag nanaman. Akala ko pa noong una ay si Marco ulit ito.
Ayon lang ay ang lakas ng kabog ng dibdib ko nang makita kung sino ang caller.
Si Papa.