NAIPAGPASALAMAT ni Tiffany na nakaabot siya sa parking lot. Kanina pa siya nahihilo at kung malayo-layo pa ang biyahe ay malamang na maaksidente na siya. Hininaan na rin niya ang aircon dahil nilalamig na talaga siya ng husto. Nang patayin niya ang makina ay saglit pa niyang niyukyok ang ulo sa manibela at paulit-ulit na huminga ng malalim. s**t, I really hate getting sick.
Bigla na naman niyang naalala ang mga magulang niya. Kahit noong bata pa siya ay ayaw na ayaw niyang nagkakasakit. Tuwing nangyayari kasi iyon ay walang anuman lamang siyang titingnan ng mga ito at ipagkakatiwala na siya sa yaya niya. Nang umalis siya sa bahay nila ay hirap naman siyang alagaan ang sarili. Kaya hanggat maaari ay ayaw niyang madapuan ng sakit, kahit simpleng sinat lang.
Sa huli ay pinuwesa niya rin ang sariling buksan ang pinto ng sasakyan niya at lumabas. Bahagya pa siyang nabuwal. Muli siyang huminga ng malalim bago kinuha ang handbag niya. Napatingin siya sa maleta niya. Sigurado siyang hindi niya kakayaning hatakin iyon. Iniwan na lamang niya iyon sa backseat.
Pilit niyang pinatatag ang paglakad. Ngunit hindi pa siya nakakapasok sa entrance ng building kung nasaan ang unit niya ay nakaramdam na naman siyang pagkahilo. Nawalan ng lakas ang tuhod niya. Ang huli niyang natatandaan ay may kung sinong humawak sa baywang niya bago pa siya matumba at mawalan ng malay.
DINADAPUAN din pala ng sakit ang babaeng ito. Naiiling na kausap ni Andrew sa sarili habang pinagmamasdan si Tiffany na naihiga na niya sa kama nito. Mabuti na lang pala at galing siya sa isa niyang kliyente. Kung wala siya roon para saluhin ito ay malamang na sa sahig ang bagsak nito. Malamang din ay may nabali na itong buto. Worst, baka nabagok pa ang ulo nito. Mabuti na lamang at magaan ito kaya walang kahirap hirap niya itong nakarga hanggang sa palapag nila.
Umupo siya sa gilid ng kama at hinaplos ang noo nito. Mataas ang lagnat nito. Sinasabi na nga ba niyang hindi maayos ang lagay nito kaninang umaga. Pero wala naman siya sa lugar para pagsabihan itong magpahinga na lamang. They are not even friends. In fact, hindi niya alam kung bakit nagpapaka-good Samaritan siya ngayon kahit marami siyang nakatambak na trabaho sa opisina. Sigurado ring kanina pa siya hinihintay ni Clever. It’s because you know she lives alone. Walang magaalaga sa kanya.
Bumiling ito. Humawak ito sa braso niyang malapit dito at niyakap iyon na para bang lamig na lamig ito. He felt her hot temperature. Muli siyang bumuntong hininga at tinalukbungan ito ng kumot. Hinaplos haplos niya ang buhok nito. He had the urge to take care of her hanggang sa gumaling ito.
Natigilan siya. Now, where did that come from? Hindi ba ang dahilan kung bakit siya iniiwan ng mga kasintahan niya noon ay dahil hindi raw siya marunong mag-alaga? Na wala daw siyang pakielam sa mga ito at prayoridad niya ang trabaho niya kaysa sa mga ito? Bakit ngayon ay parang kayang kaya niyang iwan ang trabaho niya para alagaan si Tiffany, ang babaeng sinabi niya sa sarili at kay Clever na hindi niya gusto? Nasisiraan na yata siya ng ulo. O baka naman may sakit din siya?
Muli itong gumalaw at mahina pang umungol. Napatitig siya sa mukha nito. Kapag gising ito ay mukha itong diyosang mukhang luluhuran ng lahat ng mortal. But now, she looks like a helpless child. Wala na rin ang kakaibang tapang na nasa mukha nito. Rather, she looks so vulnerable… and lonely. Parang may dumagan na kung ano sa dibdib niya habang nakatitig siya sa mukha nito. Napailing siya. Masamang senyales iyon.
Hinaplos niya ang braso nito. Masyado itong payat sa opinyon niya. Baka kaya nagkasakit ito agad ay dahil hindi ito kumakain para mamentain ang katawan nito. Hindi naman siguro makakasama sa career nito kung magkakalaman ito kahit na kaunti.
Humigpit ang pagkakayakap nito sa braso niya at muling umungol. Napabuntong hininga siya at dinukot ang cellphone niya sa bulsa. Tatawagan na lamang niya si Clever upang ihabilin dito ang naiwan niyang trabaho.
NAPAUNGOL si Tiffany nang maalipungatan siya. Bumiling biling siya at isinubsob ang mukha sa unan. She feels so sick. Nilalamig siya kahit nararamdaman niya ang mainit na singaw ng katawan niya. Masakit din ang lalamunan niya at naliliyo siya. At pakiramdam niya ay may nakadagang malaking bato sa katawan niya. Mabuti na lamang at hindi na niya binitbit ang maleta niya kung hindi….
Napamulat siya nang bigla niyang maalala ang nangyari. Ang huli niyang natatandaan ay naglalakad siya papasok ng building nila nang makaramdam siya ng pagkahilo. Pagkatapos ay may sumalo sa kanya. Naalala niyang nakaramdam siya ng panic ng mga oras na iyon dahil wala na siyang lakas upang lumayo sa kung sino mang iyon. But when she smelled the scent of that person, she felt weirdly at ease and secured. Para bang alam niyang hindi siya nito gagawan ng masama. Katunayan, pakiramdam niya ay aalagaan siya nito. Weird dahil hindi naman niya kilala ang tumulong sa kanya. Sino ang taong iyon na nagdala pa sa kanya sa unit niya?
Pinilit niyang bumangon. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakapantulog na siya. Mukhang pinalitan din siya ng kung sino mang tumulong sa kanya ng damit. Hindi kaya si Andi ang tumulong sa kanya?
“Bakit bumangon ka na agad? Hindi pa maayos ang pakiramdam mo.”
Awtomatiko siyang napatingin sa nagsalita. Her heart did a somersault when she saw Andrew. Nakatupi hanggang siko ang polo niya at may bitbit na tray na may umuusok na kung anong pagkain. “W-what are you doing here?” mahinang tanong niya.
Saglit siya nitong tiningnan at inilapag sa side table ang dala nito. She realized it was porridge. Napasinghap siya nang umupo ito sa gilid ng kama niya. His nearness really makes her nervous.
“Taking care of a sick person,” walang anumang sabi nito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Marahan siya nitong isinandal sa headrest ng kama niya. “Nakita kita kaninang naglalakad papasok ng building na ito at tila matutumba. Na siyang nangyari. Mabuti na lang at naagapan kita bago ka tuluyang bumagsak. Binuhat na kita hanggang dito tutal ay magkapitbahay naman tayo. Pinakialaman ko na rin ang handbag mo kaya nakita ko ang susi ng unit mo. Napakielaman ko na rin ang kusina mo,” mahabang paliwanag nito.
Napamaang lamang siya rito dahil kung magkuwento ito ay para bang normal na nitong ginagawa iyon sa kanya. Ni hindi nga sila magkaibigan. Saglit na nagsalubong ang mga paningin nila bago bumaba ang tingin nito sa katawan niya. Nag-init ang pisngi niya – kung may iiinit pa iyon dahil sa tingin nito. Pagkuwa’y bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi nito. “Pati pala ang closet mo pinakielaman ko na. Pawis na pawis ka kanina so I have to change your clothes. Kumain ka muna,” sabi nito at kinuha ang mangkok ng umuusok na lugaw.
Nakaramdam siya ng hiya nang marealize na hinubaran at binihisan siya nito. Oo nga at sanay siyang magsuot ng mga skimpy underwears – since modelo siya ng isang line ng undergarments – pero iba ang dating sa kanya na nakita nito ang h***d na katawan niya. “Hindi mo na kailangan pang gawin ang lahat ng iyan para sa akin. Sapat ng nadala mo ako rito sa unit ko. Dapat umuwi ka na lang,” sabi niya rito. Pinatatag niya ang tono niya para maitago ang pagkapahiya. Ngunit tila bulong pa rin na lumabas iyon sa lalamunan niya. Wala pa siyang lakas para magtaas ng boses.
Bahagyang umangat ang kilay nito. “Still acting tough even when sick I see. Bakit, kaya mo bang palitan ang damit mong mag-isa at kaya mong magluto ng kakainin mo sa kalagayan mong iyan? Pasalamat ka pa nga at tinutulungan kita. Nganga,” sabi nito at itinapat sa bibig niya ang kutsarang may lugaw.
Napatitig siya rito. Hindi niya ineexpect na ganoon ito. Akala niya ay isa itong walang pusong lalaking galit sa kanya sa hindi niya malamang dahilan. Isang taong mahilig siyang tawanan kapag napapahiya niya ang sarili sa harap nito. Bakit siya nito inaalagaan gayong hindi naman sila malapit sa isa’t isa?