“MISS Tiffany Del Valle?” nakangiting salubong sa kanya ng isang may kaliitang babae. Maiksi ang buhok nito na bobcat ang style. Kahit morena ito ay maganda pa rin ito. Pamilyar sa kanya ang mukha nito ngunit sigurado siyang noon niya lamang ito nakita. May kipkip itong folder sa dibdib nito.
“Yes,” tango niya rito.
Lalong lumawak ang ngiti nito. “Wow, you’re really gorgeous. I am Mandy. Ako ang in-charge for this photoshoot. Ready to bear some skin?” sabi nito habang naglalakad sila.
Nasa isang resort sila. Doon gagawin ang photo shoot. Para iyon sa summer edition ng magazine. Pool party ang motif ng shoot na iyon.
Hindi niya mapigilang suklian ng tipid na ngiti ang sinabi nito. Mandy is so charming ang hyper. Humahanga siya sa mga babaeng cheerful na tulad nito. Hindi kasi siya ganoon. Idagdag pang tila hindi ito naiintimidate sa kanya kahit pa mukha itong hobbit kung itatabi sa kanya. Nasa five feet lang yata ang taas nito.
Nang makarating sila sa pool side ay agad niyang natanaw ang ilang pamilyar na mukha. Naroon din ang katulad niyang alaga ni Andi na si Risha Abejar, with her very western features, milky white skin and blonde hair. Ganoon din ang taga Timeless Modeling agency ring si Emmanuel Pelayo at Ace Ricafort. Pinigilan naman niyang mapaismid nang makitang naroon din si Harold. Lalo na nang mapansin ang kakaibang tingin nito sa kanya. Bahagya niya itong tinaasan ng kilay at iniwas ang tingin.
“Uunahin nating kunan ang group picture. Ngayon lang kasi kayo libre ng sabay sabay,” paliwanag ni Mandy bago sila tuluyang nakalapit kina Andi.
Ngumiti si Andi at Risha sa kanya bago magkasunod na bumeso sa kanya. “Long time no see Tiffany,” bati sa kanya ni Risha na may tipid na ngiti sa mga labi.
Tinanguan niya ito. “Oo nga eh. I am sorry ako na lang ba ang hinihintay?” baling naman niya kay Andi at kay Mandy.
Ngumiti ang huli. “It’s okay. Sandali lang ha maiwan ko muna kayo,” paalam nito.
Napakunot noo siya Andi habang nakatitig sa kanya. “Darling are you sick? You look pale,” komento nito.
Saglit siyang natigilan dahil naalala na naman niya si Andrew. Tinanong rin kasi nito iyon. Oo nga at hindi maganda ang pakiramdam niya. But she is a professional. “I am okay,” sabi na lamang niya at umupo sa silyang inilagay roon ng isang staff.
“Sigurado ka ha?” paniniguro ni Andi.
Nakaligtas siya sa pagsagot ng lumapit sina Eman at Ace kasama si Erica. Mukhang ito ang sumama sa dalawang lalaki kapalit ng tiyahin nitong si Sally na siyang handler ng dalawa.
“Risha, Tiffany,” simpleng bati sa kanila ni Ace. Tumango siya at simple namang bumati rin si Risha. There are times that she feels like Ace is just like her. Mas palakaibigan man ito kaysa sa kanya ay madalas niyang napapansing masyado itong reserved. Kabaligtaran ni Eman na nakangisi sa kanila.
“Hi pretty ladies. Let’s have fun today,” anitong kumindat pa sabay hawi sa tuwid na tuwid at hanggang balikat na buhok nito.
“Behave yourself Pelayo,” saway rito ni Erica.
“Mas mahigpit ka pa kay Tita Sally Erica. Si Uijleman na nga lang ang higpitan mo,” reklamo nito.
Pinanlakihan ito ng mga mata ni Erica. “Excuse me, hindi mo kasing harot si Alex kaya hindi ko siya kailangang higpitan.”
Pinigilan niya ang sariling mapangiti. Habang tumatagal ay nagkakaroon na ng linaw sa kanya kung bakit mahal na mahal ni Zander si Erica.
“Oo nga pala Erica, hindi ba naimbitahan si Zander para sa shoot na ito?” maarteng tanong ni Andi. Muntik na siyang mapailing. May lihim na crush si Andi kay Zander.
Nagkibit balikat si Erica at malawak na ngumiti. Nagningning pa ang mga mata nito. “Naimbitahan. Kaya lang ay may contract siya sa isang clothing line. Bawal siyang magsuot ng iba.”
Saglit pa nagdaldalan ang mga ito bago sila tawagin ni Mandy at pagbihisin ng unang set ng swimsuits nila. Naipagpasalamat niya na hindi siya nawawalan ng kasama. Alam niya kasing kapag napag-isa siya ay lalapitan at lalapitan siya ni Harold. At hindi niya gustong mangyari iyon. Dahil tulad ng sabi ni Andi, may kakaiba sa tingin nito sa kanya. Kinikilabutan siya.
Maya-maya pa ay nakababad na silang lima sa hanggang baywang na pool at nagpopose. Nasa gitna si Ace at nasa magkabilang gilid naman sila ni Risha. Katabi niya si Harold at katabi naman ni Risha si Eman. Kung anu-anong pose ang ginawa nila. Madalas ay nakapalibot sa mga baywang nila ang mga braso ng mga lalaki. Nasa kalagitnaan na sila ng shoot when she realized something. Kahit na halos nakayakap na sa kanya si Harold at Ace ay kataka-takang wala siyang nararamdamang kahit na ano. Samantalang kay Andrew ay halos kapusin na siya ng hininga.
Napailing siya. Bakit ba iniisip na naman niya ang lalaking iyon? Naipagpasalamat niyang sumigaw ng “break” ang photographer kaya napabuga siya ng hangin.
“Hey, problem?” pukaw sa kanya ni Harold.
Napatingin siya rito. Naroon na naman ang kakaibang kislap sa mga mata nito. Na para bang gusto siya nitong sunggaban ano mang oras. Bahagya siyang lumayo rito. “Nothing,” tipid na sagot niya.
Sigurado siyang napansin nito ang paglayo niya rito. Patunay niyon ang pagbakas ng iritasyon sa mukha nito. Ngunit hindi naman ito nagkomento. Iniwas niya ang tingin dito. Gagawin niya na lang ang number one effective way to drive annoying guys away – ignore him.
Nang matapos ang group pose ay nagwrap up na. May iba pa raw commitment si Eman at Ace. Siya naman at si Harlod ay nakaschedule para sa isang araw. Maiiwan si Risha para sa solo shoot nito. Ibig sabihin ay uuwi na naman siyang mag-isa. Ma mabuti na rin iyon dahil lalong sumama ang pakiramdam niya. Marahil dahil sa sobrang pagkababad sa malamig na tubig ng pool.
“Nice job Tiffany,” nakangiting sabi sa kanya ni Mandy pagkatapos niyang magbihis.
Tipid niya itong nginitian. “Thank you.”
Lumapit sa kanya si Andi. “Oo nga pala Tiffany, siya iyong writer noon article about houses. Sa kanya ko nakuha ang address ni Mr. Architect.”
“Oh,” aniya at muling napatingin sa babae na lumawak ang pagkakangiti.
“Yes. Ako nga iyon. Na-meet niyo na ba siya?” tanong nito.
“Uhuh. Ang guwapo naman pala ni Mr. Architect. Papasa siyang model. Come to think of it, dapat yata inalok ko siyang maging model,” sabi ni Andi na bahagya pang pumilantik ang mga kamay.
Gusto niya itong sawayin sa kalandian nito pero masisisi niya ba ito? Kahit nga siyang hindi nagkainteres sa lalaki sa tanang buhay niya ay lumalambot ang tuhod at natitisod kapag nasa malapit si Andrew.
Malakas na tumawa si Mandy na tila siyang-siya sa sinasabi ni Andi. “Well, knowing him malabong pumayag iyon. He loves his work so much,” komento nitong bakas ang admiration sa mukha.
Napatitig siya rito. Kaanu-ano kaya ito ni Andrew? Hindi kaya kasintahan nito si Mandy? Parang may kurot siyang naramdaman. Natigilan siya. Masamang sensyales iyon. Biglang tumingin sa kanya si Mandy at ngumiti.
“Mandy!” sigaw ng photographer at sinensyasan ang babaeng lumapit dito.
Mandy rolled her eyes. “Naku ang lalaking ito talaga wrong timing tumawag. Sige ba-bye,” paalam nito at mabilis ng lumapit sa photographer.
Bumaling na lamang siya kay Andi. “I have to go na Andi.” Humalik na siya sa pisngi nito.
Napakunot noo ito at hinaplos ang pisngi niya. “May lagnat ka darling. Oh my, sabi ko na nga ba kaya maputla ka. Bakit hindi mo sinabing masama ang pakiramdam mo? Nababad ka pa tuloy sa tubig,” concerned na sabi nito.
Umiling siya. “Okay lang ako Andi. Besides, hindi rin ako papayag na hindi ituloy ang shoot. Nakakahiya naman sa kanila kung dahil lang sa akin ay masisira ang schedule nila,” mahabang paliwanag niya.
Bumuntong hininga ito. “Hay, wala na akong sinabi. Ikaw talagang bata ka. Sige na nga umuwi ka na at magpahinga. Wala ka namang commitments bukas kaya makakapgpahinga ka ng husto.”
Tipid niya itong nginitian at lumakad na patungong parking lot. Lalong tumitindi ang sama ng pakiramdam niya. Nanginginig siya sa lamig kahit hindi naman ganoon kalamig ang panahon. Sana lang ay makaya niyang makauwi.