“WHY are you doing this?” hindi napigilan ni Tiffany ang sariling magtanong kay Andrew habang sinasandukan siya nito ng sinangag. Noon niya lang napansin na may mga nailuto na rin pala itong hotdogs at itlog na hindi niya alam kung saan nanggaling. Hindi siya namimili ng mga ganoon.
“Galing iyan sa unit ko. Ang tagal mo ng nakatira dito ng mag-isa wala ka man lang grocery. Ang linis din ng refrigerator mo. Kaya pala ang payat payat mo,” komento nito na tila nabasa ang iniisip niya. Nilagyan na rin siya nito ng hotdogs.
“I said why are you doing this?” tanong na naman niya.
Napatitig ito sa kanya. Bahagyang sumeryoso ang mukha nito. Bigla siyang kinabahan. Nagkibit balikat ito at naglagay na rin ng pagkain sa pinggan. “Wala akong maisip na dahilan kaya huwag ka ng magtanong. Sabihin na lang nating…. Hindi kaya ng konsiyensiya ko ang iwan ang isang may sakit ng tao ng mag-isa. Lalo na kung alam kong walang mag-aalaga sa kanya,” balewalang sabi nito.
Napayuko siya. Bakit parang na-disappoint siya sa sagot nito. At ano ba ang gusto niyang sabihin nito? Maysakit ka pa yata Tiffany.
“Kumain ka na. Hindi naman siguro makakasama sa iyo kung magkakalaman ka ng kaunti. Hindi gaya niyan na para ka ng ting-ting sa kapayatan,” sabi pa nito.
Hindi niya naiwasang bigyan ito ng matalim na sulyap. Bakit ba pati katawan niya ay pinakikielaman nito? Maraming modelo at producers ang nagkakamayaw sa katawan niya. Ngayon lang may nagkomento sa katawan niya na para bang ang sagwa-sagwa niyon tingnan.
“Huwag mo kong tingnan ng ganyan. Kumain ka na nga. O gusto mo bang subuan pa kita?” anitong bahagya na namang tumaas ang sulok ng mga labi. A mannerism of his she’s starting to get familiar with.
Walang magawang kumain na siya. Natigilan siya sa pagsubo ng malasahan ang sinangag nito. Pagkuwa’y napatingin siya rito. Mataman din itong nakatingin sa kanya. Why, he’s really a great cook. Ang sarap ng luto nito. Ni hindi nga siya marunong magsangag.
Ngumiti ito. “Masarap no? Paborito ng kapatid ko ang sinangag ko. Pati na rin ng mga magulang ko. Sige na kain lang ng kain. Huwag ka ng mahiya tayong dalawa lang naman dito,” nakangiti pa ring sabi nito.
“What are you? An architect or a cook?” hindi niya napigilang ikomento.
Malawak na naman itong ngumiti. Showing his perfect set of teeth, making her heart melt. “Architect by profession. Cook by heart. Any more questions?”
Hindi na siya nagsalita at ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi na niya pinansin ang matamang pagtitig nito sa kanya. Tutal, sanay naman siyang tinititigan ng marami. She was a model afterall. Kaya lamang ay iba talaga si Andrew. Nagagawa nitong guluhin ang sistema niya sa pamamagitan lamang ng tingin nito. And it’s really bothering her like hell.
Inis na ibinaba niya ang mga kubyertos niya at tiningnan ito. “Bakit ka ba tingin ng tingin?”
Ni hindi man lang ito kumurap at sinalubong ang kanyang mga mata. Tumaas ang sulok ng mga labi nito. He looked amused again. “I am just amazed. Nalaman ko kasing hindi ka naman pala kasing perpekto ng iniisip ng lahat. Nagugulo rin naman pala ang buhok mo, namumutla ka rin naman pala, nagkakasakit, natitisod, nagsasalita at kumakain ng maraming sinangag,” mahabang sabi nito habang tinitignan siya.
Nainis na naman siya dahil parang gusto na nitong humagalpak ng tawa. So, she’s not perfect in front of him, so what? Pinigilan niya ang sariling kapain ang buhok niya. Siguradong buhaghag na iyon. Malamang mukha na siyang bruha. Ni hindi pa nga siya nagmumumog o naghihilamos man lang. Siguradong malayung-malayo sa glamorosang si Tiffany Del Valle ang itsura niya sa mga oras na iyon.
Inalis niya ang tingin dito at tumitig sa pinggan niya. Malapit na palang maubos ang pagkain niya. Kapag palagi siyang ipagluluto nito ay siguradong tataba siya. “Well sorry if I am not really perfect,” sarkastikong sabi niya at muling sumubo ng pagkain.
Tumawa ito. Hindi siya nagangat ng tingin dahil bigla siyang napahiya rito. “Who said being not perfect is a bad thing?” sabi nitong biglang nagpaangat ng tingin niya rito.
Hindi pa rin nawawala ang amusement sa mukha nito. “I am not into perfect women you know. Parang hindi masyadong totoo. Unlike many, I am a very realistic person. Kung walang flaw ang isang tao ay nasaan pa ang thrill? Parang sa bahay lang iyan. Kapag masyadong perpekto ang isang bahay, parang mas masarap lang siyang tingnan pero hindi ang tirhan. Kaya maraming mamahaling bahay na maganda tingnan sa picture pero hindi homey. Wala namang mawawala kung may kaunting imperfections.”
Napatitig na naman siya rito. “You’re so weird,” puna niya. But she liked his weirdness. Kung tutuusin ang may punto ito. Ang suwerte naman pala ng kasintahan nito kung ganoon. Kayang-kaya itong tanggapin ni Andrew kahit ano pang flaw nito.
Bahagyang kumunot ang noo nito ngunit nakangiti naman. “Ikaw pa lang ang nagsabi niyang sa akin. Usually, that term is for my sister.”
“You have a sister?” tanong niya. Nahiling niya lang na sana hindi lumabas na masyadong curious ang boses niya.
Ngumiti ito. Sumungaw ang fondness sa mukha nito. Oh, he’s so manly yet very adorable. “Yep. She’s four years younger than me. Makulit iyon pero ayos lang naman sa akin. Kaya hindi ako nahirapang alagaan ka kagabi ay dahil ginagawa ko na iyon sa kanya tuwing nagkakasakit siya noon.”
“Bakit ilang taon ka na ba?”
Napatitig ito sa kanya. Parang gusto na niyang pagsisihan ang tanong niya ng nanunudyong ngumiti ito. “Fishing for information Ms. Del Valle?”
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha niya. Napamura siya sa isip. Siguradong namumula ang mukha niya. Muli niyang itinutok ang tingin sa pinggan. “No. You don’t have to answer the question kung ayaw mo.”
He chuckled. “I’m thirty. Tapos ka na bang kumain?”
Tumango siya. Napasinghap siya ng bigla nitong damahin ng kamay ang noo niya. Napatitig siya rito. Bumaba ang kamay nito sa pisngi niya hanggang sa leeg niya. Her eyes grew wide. Nagsalubong ang mga mata nila. “May sinat ka pa. huwag ka munang aalis ngayon at magpahinga ka na lang. kailangan mo ring uminom pa ng gamot para tuluyan na iyang mawala,” sabi nito at inalis na ang kamay.
Dahan dahan niyang pinakawalan ang nahigit niyang hininga. “Wala naman talaga akong lakad ngayong araw na ito,” nasabi na lamang niya.
“Mabuti naman kung ganoon.” Tumayo na ito at kinuha ang pinggan nila. Pagkatapos ay inilagay na iyon sa labalo at binuksan ang gripo.
“What are you doing?” hindi nakatiis na tanong niya.
Sinulyapan lang siya nito. “Maghuhugas ng pinagkainan ano pa ba?”
Bumuntong hininga siya. Nao-overwhelm siya sa mga ginagawa nito sa kanya. Na para bang kailan lang ay hindi nito hayagang ipinaparamdam sa kanya nagalit ito sa kanya.
Sa naisip ay napasandal siya sa backrest ng upuan at napatitig sa likod nito. She has the urge to stand up and hug him from behind. Ang lapad kasi ng likod nito at parang kay sarap sumandal doon. Naipilig niya ang ulo. Naapektuhan yata ng lagnat ang utak niya at kung anu-ano na ang iniisip niya.