“Siya nga pala. Ilang kuwarto ang gusto mo?” biglang tanong ni Andrew.
“Huh?”
Sumulyap ito sa kanya. “Para sa bahay na pinapadesign mo. Ilang kuwarto ang gusto mo?” paglilinaw nito.
Napaisip naman siya sa tanong nito. “Hmm... two or three maybe.”
Bahagyang tumaas ang kilay nito. “Ang konti naman Ms. Del Valle. Hindi ba gusto ng mga celebrity ng bahay na maraming kuwarto para pwede silang magpatuloy ng mga bisita?”
Inirapan niya ito dahil tunog sarkastiko na naman ang tono nito. “Ayoko ng maraming kuwarto na walang namang umookupa. Hindi naman ganoon karami ang mga kaibigan ko kaya tama na ang tatlo. Basta, gusto ko iyong kagaya ng bahay na nakita ko sa magazine.”
Muli na naman itong tumingin sa kanya. Ngunit sa pagkakataong iyon ay may kakaiba sa ekspresyon ng mukha nito. Na para bang noon lamang siya nito nakita. Bigla na namang sumasal ang t***k ng pulso niya. “What is that stare for?” iritableng tanong niya.
Nagkibit balikat ito at ipinagpatuloy ang paghuhugas. “May naisip lang ako.”
Hindi na siya sumagot at pinanood na lamang ito. Saglit pa ay tapos na ito sa ginagawa. Ang sumunod namang ginawa nito ay inabutan siya nito ng isang basong tubig at isang tablet.
“Uminom ka na ng gamot pagkatapos matulog ka ulit,” utos nito. Sinunod niya ito.
He smiled victoriously. “Good girl.”
Napatitig siya rito. Pagkuwa’y napabuntong hininga. Nalalabuan na talaga siya sa sitwasyon. “Andrew, why are you taking care of me? You hate me right?” frustrated na tanong niya. Hindi siya sanay na may nag-aalaga sa kanya. At ayaw niyang masanay dahil lalo lang siyang malulungkot kapag hinanap-hanap niya ang ginagawa nito pagkatapos ng araw na iyon.
Sinalubong nito ang tingin niya. Bahagyang lukot ang mukha nito na para bang hindi nito gustong pag-usapan iyon. “I don’t hate you okay. I just… don’t like you.”
Napaawang ang mga labi niya sa sinabi nito. She felt a strike of something painful in her chest. Napakurap siya ng bigla nitong haplusin ang pisngi niya. Pagkuwa’y ngumiti ito.
“But that was before. When all I see was the too perfect Tiffany Del Valle. Iyong babaeng walang nakikita kapag naglalakad at hindi marunong mamansin. But now that I saw that part of you behind the glamorous and snobbish aura, okay ka na sa akin,” nakangiting sabi nito.
Lalo siyang natulala sa sinabi nito. Lalo pa’t patuloy ito sa paghaplos sa pisngi niya. Nag-iwas siya ng tingin nang maramdaman ang pag-iinit ng pisngi niya.
“See? Tiffany Del Valle never blush like that,” anito sa nanunudyong boses.
“Tumigil ka na!” naiinis na saway niya rito at pinalis ang kamay nito. Nagririgodon ang puso niya at nahihirapan siyang makahinga. Ano bang meron sa lalaking ito at nagkakaramdam siya ng ganoon?
“Why are you making fun of me?”
Nagkibit balikat ito. “I just want to make sure that you’re still a human being with different facial expressions,” nakangiting sabi nito na ikinainit ng mukha niya.
Ang lakas ng tawa nito. Napatitig siya rito. Bakas sa mukha nitong aliw na aliw ito. Ito ang taong nagalaga sa kanya buong magdamag. Ang lalaking pinagluto siya at kinakausap na parang matagal na silang magkakilala. Her heart swell because of something she never felt before – of happiness. Nang magkasalubong ang kanilang mga mata ay malawak niya itong nginitian. “Thank you,” she said gratefully.
Tumigil ito sa pagtawa at napatitig sa kanya. Para na namang noon lamang siya nito nakita sa paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Then, he widely smiled back. Hinawi nito ang buhok niyang tumakip sa pinsgi niya at inipit iyon sa tainga niya.
“Your smile is an enough compensation,” masuyong sabi nito.
Sa oras na iyon ay hindi niya naiwasang itanong sa Diyos, kung ano ang nagawa niyang mabuti at ibinigay sa kanya ang araw na iyon. Kung ano man iyon, she’s willing to do it again and again just to be like this with Andrew again.
“MABUTI naman at okay na sa kanila ang designs na ito. Kailan ba ang construction ng subdivision na iyon?” tanong ni Andrew kay Clever habang nakatingin sa mga designs at papeles na kailangang basahin at pirmahan. Nang hindi sumagot ang kaibigan niya ay sinulyapan niya ito.
Agad nag-init ang ulo niya nang makitang nakangising aso ito. Kilala niya ito. Kapag ganoon ang ngisi nito ay may iniisip itong malaswang bagay. “Bakit para kang sira-ulo kung makangisi ka diyan?” iritableng tanong niya.
Hindi napalis ang ngisi nito. “I am just wondering kung ano ang ginawa mo kahapon kaya hindi ka pumasok. At kung ano ang dahilan kung bakit hindi ka na bumalik noong isang araw sa opisina pagkagaling mo sa isang meeting. Ibinilin mo pa sa akin ang mga trabaho mong dati ay gusto mong personal na inaasikaso. I was wondering kung ano ang nakapag-pabusy sa iyo na mas mahalaga pa kaysa sa trabaho. Knowing how workaholic you are,” mahabang sabi nito habang ngingisi-ngisi.
Inis na tiningnan niya lang ito bago muling itinutok ang mga mata sa mga papeles na nasa harapan niya. There is no use telling his friend lies. Siguradong malalaman nito kung palusot niya lang ang mga sasabihin niya. Kaya mas dapat na hindi na lamang siya umimik.
Hindi niya maaaring sabihin dito na inalagaan niya si Tiffany. Palagi niyang sinasabi rito na hindi niya gusto ang babae at siguradong hindi na siya titigilan nito kapag nalaman nito iyon. Worst, siguradong sasabihin nito iyon sa kapatid niya na sigurado namang mag-rereport sa mga magulang nila. And it will just complicate things.
Napahinto siya sa pagbabasa ng biglang gumitaw sa alaala niya si Tiffany. He can still remember that wonderful smile of hers. She was beautiful. Dahil sa ngiting iyon ay nawala sa isip niyang umalis ng unit nito kahit ang plano niya ay iwan na ito pagkatapos niyang siguruhing nakatulog na ito muli. Hindi niya napigilan ang sarili niyang pagmasdan ito habang natutulog.
Habang ginagawa niya iyon ay nagkaroon siya ng urge na tabihan ito gaya ng ginawa niya nang nagdaang gabi at yakapin. Subalit hindi na nito kailangan iyon kaya hindi na niya iyon pwedeng gawin. Napailing siya. What the hell is happening to him again?
Napaangat ang tingin niya kay Clever nang tumikhim ito. Nakangiti ito at nanunudyo ang ngiti. “What?” iritableng tanong niya.
Ngumisi ito. “Andrew, pupunta tayo sa Barcenas Real Estate ngayon hindi ba? Kapag hindi ka pa tumayo diyan, malelate tayo.”
Awtomatiko siyang napatingin sa wristwatch. Alas diyes na. He cursed inwardly and stood up. Hindi na niya pinansin ang tatawa-tawang si Clever na kaagapay niya sa pagpunta sa elevator.
Nang bumukas iyon ay mukha ni Tiffany ang nakita niya. Saglit na bumakas ang pagkabigla sa mukha nito ngunit hindi naman nagsalita. Maayos na nakapusod ang buhok nito at walang bakas ng make-up ang mukha. Napansin niyang bahagya pa itong maputla. Walang salitang pumasok siya sa elevator. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang paghagod ni Clever ng tingin kay Tiffany. Ngali-ngaling itulak niya palabas ng elevator ang kaibigan niya.
“Where to?’ kaswal na tanong niya rito.
Sumulyap ito sa kanya. “Shoot,” simple ring sagot nito.
“For?”
Tumunog ang elevator, hudyat na nasa floor na sila ng parking lot. “For Young and Free,” sabi nito bago hinatak ang maleta at dere-dretsong lumakad patungo sa sasakyan nito.
Hindi niya ito naiwasang sundan ng tingin. Bigla niyang naalala na sa swimming pool nga pala ang shoot na iyon. s**t, baka mabinat ang babaeng iyon.
“Hoy pare, bakit ganyan ka makasunod ng tingin kay Tiffany Del Valle ha? I thought you hate her?” nanunudyong tanong ni Clever. Bahagya pa siya nitong binunggo sa balikat.
Nilipat niya ang tingin dito ngunit hindi nagsalita. Pagkuwa’y lumakad na rin siya patungo sa sasakyan niya. Iyon na lang muna ang gagamitin nila.
“Hoho, is it possible that you are starting to like someone you used to hate?” hindi pa rin paaawat na dugtong nito.
Asar na tiningnan niya ito. “Why don’t you just shut the hell up,” pakli niya na tinawanan lang nito.
“Does that mean I am right?” patuloy pa nito.
“And what made you think that you are right?” aniyang binuhay na ang makina ng sasakyan niya.
“Instinct pare, instinct,” nakangisi pa ring sagot nito. Napailing siya. Parehong-pareho talaga ito at ang kapatid niya. Mga praning.