TAHIMIK LANG KAMI HANGGANG SA MATAPOS NA KAMING KUMAIN. Iniisip ko pa rin ang offer niya sa akin. Hindi ko inakala na mangyayari ito. Akala ko sa mga teleserye at libro lang ito nangyayari.
Teka, ito na ba ang suwerte ko? Pogi ba ang anak niya tapos magkaka-in love-an kami? Mariin akong umiling at pumikit sa mga naiisip ko.
Gaga, Precy! Hindi ito ang tamang panahon para magpaka-hopeless romantic ka!
Ang bulyaw ko sa sarili ko. Feeling ko mababaliw ako sa dami ng iniisip ko. Nakakaloka.
“Napag-isipan mo na ba, hija?” bahagya akong nagulat at muling napalingon sa magandang ginang.
“M-Ma’am, hindi ko po ata kayang gawin. Pasensiya na po kayo. Hindi ko po kayo kilala, lalo na ang anak niyo. Hindi ko po alam kung anong klase kayong mga tao. I mean, prangkahan lang po, kaya huwag po sanang sasama ang loob niyo,” ang nahihiyang sagot ko.
Sino ba naman ang hindi mahihiya, eh, ang dami kong nakain tapos hindi ako papayag sa gusto niya? Medyo nakaramdam ako ng kunsensiya nang makita siyang malungkot na tumango.
“I understand, hija, I’m sorry. Desperada lang talaga ako. It’s a mother thing, I guess. Hindi ko na alam ang gagawin ko. You see, masayahing tao si Leon. But when the accident happened, and when his wife left him, nagbago na siya. It seems like he already gave everything up,” ang malungkot na pagkukuwento niya.
Mariin ulit akong pumikit dahil sa konsensiyang nararamdaman ko. Kapag pumayag ako, sa tingin ko ay mas mapapadali ang surgery ni Nanay, at isa pa, makakatulong din ako sa ibang tao. Nagbuntong hininga ako tapos ay pilit na ngumiti bago marahang tumango.
“S-Sige po, pero may kondisyon po sana ako,” nakita ko ang pag-aliwalas ng mukha niya dahil sa sinabi ko, mabilis naman siyang ngumiti at tumango.
“Kahit na ano, hija!” ang masayang saad niya.
“Uhm, m-magkukunware rin po kayo,” pansin ko na bahagya siyang naguluhan at nalito sa sinabi ko kaya nagsalita ulit ako. “Kakausapin po natin ang pamilya ko sa Tarlac, sasabihin niyo po sa kanila na sekretarya niyo ako. Atsaka mag-iwan po kayo ng kahit na anong ID o proof of identification sa kanila para kung isang araw matagpuan nila akong bangkay sa talbusan ay alam nila kung sinong mukha ang hahanapin,” marahan siyang natawa sa sinabi ko pero tumango naman.
Hindi ko alam kung ano ang nakakatawa doon kasi seryoso ako, pero hinayaan ko na lang siya.
“You’re so funny, hija, and I like you,” sikreto akong napangiwi sa sinabi niya. “But if that’s what you want then let’s do it,” dagdag pa niya.
“Atsaka, hindi niyo po ako kailangang bayaran ng milyon,” dagdag ko pa kaya kumunot ang noo niya. “Kahit three hundred thousand lang po. Sakto lang para sa surgery ni Nanay,” ngumiti ulit siya sa idinagdag ko at marahang tumango.
“You are an angel sent from above, hija. You’re so kind. But I don’t mind paying quite a hefty amount. Basta makumbinsi mo lang ang anak ko na sumailalim sa surgery,” pilit akong ngumiti at marahang tumango.
“K-Kailan po ba ako magsisimula?” tanong ko naman.
“Sa lalong madaling panahon, hija. Kailangan na nating makausap ang pamilya mo dahil may mga bagay ka pang aaralin tungkol sa buhay ni Astrid,” marahan akong tumango sa sinabi niya.
Naiintindihan ko na kailangang gawin iyon, lalo pa at magpapanggap ako na ibang tao. Kaya dapat lang na alam ko ang mga bagay na tungkol sa kanya.
“Sige po,” sagot ko.
“So, shall we get going?” pilit ulit akong ngumiti at tumango.
Tumayo na siya kaya gano’n din ang ginawa ko. Tapos ay sabay kaming naglakad palabas ng resto, iginiya naman niya ang kanang kamay niya para ituro sa akin ang isang magandang sasakyan. Napamangha ako kasi mukhang mamahalin ito at ito ang unang beses na makakasakay ako ng ganito kabonggang sasakyan!
Pinagbuksan kami ng pinto ng driver niya, pero hindi ako agad pumasok na siyang ikinakunot ulit ng noo niya. Inilabas ko ang cellphone ko tapos ay kumuha ng picture ng plate number ng sasakyan.
“Hindi mo puwedeng—” hindi na naituloy nung driver ang sasabihin niya nang itaas ng ginang ang kanang kamay niya.
“It’s okay, Kanor. Just let her,” tapos ay nilingon niya ako at binigyan ng tipid na ngiti.
Pagkatapos no’n ay sumakay na kami sa loob. Ang ganda talaga! Ang bango pa.
“Ma’am, ni-send ko iyong picture sa isa ko pang account, kapag po natagpuan nila akong bangkay, makikita iyon ng pinsan ko kasi alam niya ang password ko, ah?” marahan ulit siyang natawa sa sinabi ko at mabilis na tumango.
“Alright, alright,” ang natatawang saad niya. “I understand that you don’t want to trust me just yet, and it’s okay. It’s understandable. Maganda ang ganyang attitude, hija, but rest assured that I’m not going to harm you,” pilit akong ngumiti sa sinabi niya at tumango na lang ulit.
“Ako nga po pala si Precy, Precy Dulay po. Twenty two years old na po ako,” ang magalang na pagpapakilala ko ulit sa kanya habang nasa biyahe na kami papuntang Tarlac.
“I’m Salve Montealegre, let’s not talk about age, let’s just say that I’ve already seen a lot,” sabay kaming natawa sa sinabi niya.
“Funny kayo, Ma’am,” ang tumatawang sagot ko naman.
“Ang pangalan ng asawa ko ay Fred, may dalawa kaming anak, ang panganay ay si Jaguar Montealegre, he’s married to an amazing woman named Jona, may isa na silang anak. Ang bunso namin ay si Leon, siya ang kukumbinsihin mo,” marahan akong tumango sa sinabi niya.
“Ilang taon na po si Leon?” tanong ko naman.
“He’s twenty four years old, hija. Born on April first. He likes kare-kare so much. He’s fond of sports and gym activities before all of these had happened,” tumango tango ulit ako.
“Eh, iyong asawa po niya?” tanong ko ulit.
“He name is Astrid De Asis, she’s a model and she’s twenty five years old. Don’t worry, I’ll print out the important details about this and give it to you,” ngumiti ako at marahang tumango.
Pagkatapos no’n ay nagkuwentuhan pa kami tungkol sa buhay nila. May mga pagkakataon na tinatanong niya ako tungkol sa buhay ko, na sinasagot ko naman. Pero mas interesado ako na malaman ang sa kanila kaya doon halos umikot ng usapan namin.
Hindi ko maintindihan kung bakit parang napakagaan ng loob ko sa kanya. Hindi naman ako ganito sa mga estranghero, maging sa mga kakilala ko. May mga pagkakataon pa nga na kahit kaibigan ko na ay hindi ko kinukwentuhan ng tungkol sa buhay ko.
Nabanggit niya sa akin na part owner sila ng kompanyang JAR Group, na agad ko namang hinanap sa internet. At halos lumuwa ang mga mata ko nang makitang legit ang kompanya.
Mag picture din sila doon at ilang mga related na article. Meron din pala silang mga high class na beach resort sa iba’t ibang parte ng bansa, tapos meron din silang private beach resort na Isla Amara ang pangalan.
Nalula ako sa mga nababasa ko. Hindi ko na-imagine na sobrang yaman pala nila. Kaya pala parang barya lang kung mag-offer ng isang milyon na pambayad sa akin para lang makumbinsi ko si Leon na magpa-eye surgery.
Pero mas nagulat ako kasi sobrang guwapo ni Leon. Sinong tangang babae ang iiwanan ang ganito kaguwapo at kayaman na lalaki? Malamang si Astrid, ang asawa niya. Pero baka naman masama ang ugali niya kaya gano’n? Ay ewan!
“Ma’am, pasensiya na po, ah? Kaboses ko po ba talaga iyong Astrid? Baka naman po nagkakamali lang kayo?” ngumiti siya sa tanong ko at marahang umiling.
“Magkaboses kayo, hija,” sagot niya.
Hindi na ulit ako nagsalita pagkatapos no’n. Sinong mag-aakala na pagkakakitaan ko pala ang boses ko? Wala akong future sa pagiging singer pero heto ako ngayon…
Ilang sandali lang ay nakita ko ang kanto papasok sa barangay namin. Hindi ko namalayan na masyado lang palang naging mabilis ang biyahe. Agad ko namang itunuro iyon sa driver, at ang daan papunta sa harap mismo ng bahay namin.
Alas tres na ata ng hapon nang makarating kami. Sana ay naubos agad ang mga benta sa palengke para nandito na rin si Tatay. Alam ko na hindi tama itong gagawin ko, lalo na magsisinungaling ako sa kanila tungkol sa trabahong papasukan ko, pero hindi na mahalaga iyon.
Ang mahalaga ngayon ay matapos koi to para makuha ko agad ang pera para sa surgery ni Nanay.
“Oh, Ate, nandito ka na agad?” bungad na tanong ni Lando nang makapasok na kami sa gate ng bahay namin.
“Si Tatay, nandiyan na rin?” marahan siyang tumango at tumingin sa bandang likuran ko.
Nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata niya nang makita ang magandang sasakyan kung saan ako bumaba, tapos ay tumingin siya sa babaeng nasa tabi ko at marahang yumuko.
“Magandang hapon po,” ang magalang na bati niya.
“Magandang hapon,” bati rin naman ni Ma’am Salve.
“Ma’am, tuloy po kayo. Naku, pasensiya na po, ah? Medyo masikip ang bahay namin,” ngumiti naman siya at mabilis na umiling.
“No, Precy, it’s fine,” pagkapasok namin ay naabutan namin si Nanay, Tatay at maging si Tita Mina na nasa sala.
Halos sabay pang tumayo sina Tatay at Tita nang makita kaming pumasok.
“Oh, kumusta ang lakad, Precy? May bisita ka?” saad ni Tita, “Maupo muna ho kayo, ikukuha ko lang kayo ng maiinom,” dagdag pa niya.
“Thank you,” nakangiting sagot naman ni Ma’am Salve.
“Ma’am, siya po si Tita Mina, anak niya iyong binatilyo kanina, si Lando, ito naman po ang Tatay ko, si Tatay Ramon at Nanay ko po, si Nanay Myrna,” pagpapakilala ko.
“Ikinagagalak ko kayong makilala, ako nga pala si Salve,” pagpapakilala niya, pansin ko ang pagkalito sa ekspresyon ni Tatay dahil sa nangyayari. Tumingin naman ako kay Ma’am Salve at marahang tumango.
“Uhm, kaya ako nandito ay para ipagpaalam sana si Precy. I want to hire her as my secretary… pero mukhang nagdadalawang isip siya at gusto niyang magpaalam sana sa inyo,” marahan akong tumango sa sinabi niya.
“Ma’am, saan po ito?” mahina at marahang tanong ni Nanay.
“Somewhere around in BGC, I can give you the address of my company, at puwede rin akong mag-iwan ng number at ID, just in case you’ll need it,” sagot niya.
“Anong kompanya po ito?” tanong naman ni Tatay.
“JAR Groups po,” sagot ulit ni Ma’am Salve.
“Ma’am, masyado po kasing malayo, ayaw ko po sana na sa malayo magtrabaho ang anak ko,” marahan pa rin na saad ni Nanay.
“Nay, malaki ang suweldo… uhm, fifty thousand monthly, ‘di ba po, Ma’am?” ang saad ko na.
Kailangan ko ulit magsinungaling para lang mapapayag sila sa gusto ko.
“Opo,” tumatangong sagot naman ni Ma’am Salve. “Atsaka, I can give her a fixed weekend off. Puwede po siyang umuwi rito kung gusto niya. Libre rin po ang bahay at pagkain, kasi sa akin siya titira,” nagkatinginan sina Nanay at Tatay na parang nagdadalawang isip pa rin.
“Nay, Tay, please…” nang sabihin ko iyon ay halos sabay pa silang napabuntong hininga.
“Kailan po ba ang simula nito?” nag-aalangang tanong ni Tatay.
“Kung kailan po puwede si Precy, pwede ko naman siyang ipasundo anytime,” nakita kong mariin na pumikit si Tatay na parang nagdadalawang isip, pagmulat niya ng mga mata niya ay may konting luha na namumuo sa mga iyon bago siya marahang tumango.
“Pasensiya ka na, anak, ah? Makakabawi rin si Tatay sa ‘yo,” pilit akong ngumiti sa sinabi niya.
“Tay, ‘di niyo po kailangang bumawi! Ginagawa ko lang po ang alam kong tama,” sagot ko at nilingon si Nanay. “Nay…”
“Anak kasi…”
“Mahal,” marahang saad ni Tatay. “Uuwi naman lingguhan ang anak natin, atsaka malaking tulong ito para makapag-ipon tayo agad. Ayaw ko rin, pero hindi ka naman namin puwedeng pabayaan,” marahan akong tumango sa sinabi ni Tatay.
Hanggang sa wala nang nagawa si Nanay kung hindi ang magbuntong hininga at marahang tumango.
“Ma’am, kayo na po ang bahala sa anak ko…” marahang saad pa niya, ngumiti naman si Ma’am Salve at tumango.
Tapos ay naglabas siya ng isang calling card at isang ID at iniabot iyon kay Nanay.
“Puwede niyong itabi ito kung medyo may pag-aalinlangan pa rin kayo,” mabilis naman na kinuha iyon ni Nanay, pero binalik din niya agad ang ID.
“Ito na lamang pong numero niyo,” sagot niya. “Mahirap, pero magtitiwala po kami sa inyo,” dagdag pa niya.
“Maraming salamat,” nakangiting sagot naman ni Ma’am Salve bago tumingin sa akin. “When can you start?” tanong niya sa akin.
“Ma’am, puwede po bang bukas na? Mag-aayos pa po kasi ako ng mga gamit,” ngumiti naman siya at marahang tumango.
“Not a problem, Precy. Ipapasundo kita bukas,” ngumiti rin ako at marahang tumango.
Pagkatapos no’n ay nanatili pa siya ng ilang saglit sa bahay para makipagkuwentuhan kina Nanay, Tatay at Tita. Gusto ata niya na gumaan ang loob nila sa kanya, na sa tingin ko ay nangyari naman kasi pagkatapos kong mag-ayos ng gamit ay nagtatawanan na sila.
Pero umalis din siya kasi may kailangan pa raw siyang asikasuhin. Hinatid ko naman siya sa gate at nagpasalamat ulit siya sa akin bago tuluyang sumakay sa sasakyan niya.