ALAS KUWATRO NANG MADALING ARAW NANG MAGISING AKO KINABUKASAN. Agad akong tumayo mula sa kamang kinahihigaan at pumasok sa banyo para makaligo na.
Nang makapagbihis na ako ay nagpasya akong dumiretso sa kusina para uminom ng kape. Naabutan ko naman si Tatay at Lando sa hapag na umiinom din ng kape. Si Tita Mina naman ay nagluluto ng agahan.
“Magandang umaga!” ang masayang bati ko sa kanila.
Kumunot ang noo ni Tatay nang mapansing iba ang suot ko ngayon kumpara sa mga ordinaryong araw na sinasamahan ko sila sa palengke.
“Magtitinda ka sa palengke nang nakabestida?” kunot noong tanong niya kaya marahan akong natawa.
Dumiretso ako sa lababo tapos ay gumawa ng kape. Pagkatapos ay bumalik ako sa hapag at umupo rin sa isang bakanteng silya.
“Luluwas po ako pa-Maynila, Tay,” sagot at pag-amin ko naman sa kanya, nakita ko ang gulat sa kanyang reaksiyon dahil sa sinabi ko.
“Precy—”
“Tay, hayaan niyo na po ako, okay? Di pa naman sigurado. Susubukan ko lang ang suwerte ko. At kung may mahanap ako doon na kahit na anong trabaho, papatusin ko na. Hindi naman malayo ang Maynila rito. Nasa dalawa hanggang apat na oras lang ang biyahe,” pagputol ko sa sasabihin niya.
“Anak, ikaw lang naman ang iniisip namin. Atsaka hindi rin pabor ang Nanay mo sa plano mo,” mahinahong saad ni Tatay.
“Maiintindihan din po niya. Para naman sa atin ito, eh,” napailing ulit si Tatay dahil sa sinabi ko.
“Ang tigas ng ulo mo. Bahala ka nga sa buhay mo. Kapag nagalit ang Nanay mo sa ‘yo, ewan ko na lang,” saad ni Tatay.
“Tay, wala ba kayong tiwala sa akin?” ang nagbibirong tanong ko. “Hindi lang ganda ang taglay ko. Taglay ko rin ang katalinuhan! Kaya kaya huwag na kayong masyadong mag-alala!” ang eksaheradang pagbibiro ko pa.
“Kausapin mo ang Nanay mo,” ang maikling sagot niya bago tumayo. “Lando, tara na,” dagdag pa niya at naglakad na palayo kaya bahagya akong nakaramdam ng lungkot.
Ito ang unang beses na susuwayin ko ang utos nila at mabigat iyon sa pakiramdam. Pero kagaya ng sinabi ko, madalas ay kailangan nating magsakripisyo. At the end of the day, it’s still a matter of risk versus reward.
“Ano, tutuloy ka pa rin?” napalingon ako kay Tita Mina nang itanong niya iyon, saka ko lang napansin na naihapag na pala niya sa mesa ang pritong itlog, tocino at sinangag. Ngumiti naman ako sa kanya at marahang tumango.
“Alam naman po natin na kahit pa maraming mga magagandang kompanya rito, hindi rin sapat ang sasahurin kumpara kung sa abroad o kahit sa Maynila lang ako magtatrabaho,” ngumiti sa akin si Tita at marahang tumango.
“Pasensiya ka na kung wala man lang kaming magawa para makaktulong, ah?” pabiro akong ngumiwi sa sinabi ni Tita.
“Tita Mina masyado pang maaga para magpaka-drama queen ka,” saad ko kaya marahan siyang natawa. “Pero seryoso, malaking bagay na ang pag-antabay kay Nanay, kaya kapag hinanap niya ako mamaya, ikaw na rin ang bahalang magpaliwanag,” ngumisi pa ako nang idagdag iyon.
“Anong oras ka uuwi?” saglit akong nag-isip sa tanong niya bago nagkibit ng balikat.
“Hindi ko pa po alam, eh, pero naghanda ako ng mga damit, para kung sakaling hindi ako makauwi ngayon, hahanap na lang ako ng mga murang motel doon na pagtutulugan,” tumango ulit siya sa sinabi ko.
“May pera ka pa ba?” tanong ulit niya.
“May tatlong libo pa naman akong ipon. Kasya na siguro iyon,” nagbuntong hininga si Tita bago marahang tumango, tapos ay kumunot ang noo ko nang makitang may kinukuha siya sa bulsa niya. Inilabas niya roon ang isang five hundred peso bill.
“Idagdag mo na ito,” mabilis naman akong umiling sa alok niya bilang pagtanggi.
“Tita, hindi na po! Gamitin niyo na lang ang pera,” sagot ko.
Alam ko naman kasi na bihira lang din kung makahawak ng pera si Tita. Atsaka may mga pagkakataon na alam kong may kailangan siyang bilhin para sa sarili niya, kaya mahirap tanggapin ang ganitong pera mula sa kanya.
“Sige na, bayaran at patubuan mo na lang kapag may trabaho ka na. Atsaka sasahod din naman si Lando sa part time niya mamaya, bibigyan ako no’n,” napabuntong hininga na lang ako ulit bago napilitang tanggapin ang pera.
“Salamat po, Tita,” saad ko.
“Huwag mo nang banggitin. Sino pa ba ang magtutulungan kung hindi tayo tayo lang din?” ngumiti ako sa sinabi niya at marahang tumango.
Tahimik ko na lang na ipinagpatuloy ang pagkain ko. Alas cinco naman na ng umaga nang magpasya akong umalis na dala ang isang travelling bag na katamtaman lang ang laki. May laman iyong mga damit at mga gamit na para sa personal hygiene ko.
Tapos ay dala ko rin ang isang plastic folder na may lamang mga dokumento para kung sakaling kakailanganin ko agad. Lalo na ay balak ko ring humanap ng trabaho roon kung sakaling wala akong mapala sa agency na una kong pupuntahan.
Nang makasakay na ako sa bus ay hindi ko maiwasang makaramdam ng kaba. Ito ang unang beses na babiyahe ako ng ganito kalayo na wala akong kasama. Pero kailangan kong lakasan ang loob ko.
Gamit ang cellphone ko ay tinignan ko sa internet kung gaano kalayo ang biyahe, medyo napangiti naman ako kasi nasa two to three hours lang iyon, depende sa traffic. Gano’n pa man ay medyo nakaramdam pa rin ako ng hilo sa biyahe, mabuti na lang at may baon akong candy.
Nang makarating na sa Maynila ay nahilo ako sa aking nakita. Masyadong malawak at nakakalula para sa akin lalo pa at hindi ako pamilyar sa lugar. Gamit naman ang isang app ay inilagay ko doon ang address ng agency para malaman ko kung saan ako dapat na pumunta. Nagtanong na rin ako sa mga tao para sigurado.
Hindi rin naman ako nahirapang hanapin ang address nung agency. Nang nasa harap na ako ng building ay agad akong pumasok. Bumungad naman sa akin ang maraming mga tao na nakapila.
Alam ko na lahat sila rito ay gusto ring makapagtrabaho sa abroad at magbakasakali na mababago ang kanilang mga buhay.
“Kuya, ito ba iyong agency na nagpapaalis papuntang Amerika?” tanong ko dun sa guard.
“Walang mga bakanteng trabaho pa-Amerika ngayon, Miss, pero agency nga ito. Baka gusto mo sa Hong Kong, o sa Japan. May mga bakanteng trabaho bilang dancer sa mga bar,” bahagya akong nagulat sa sinabi niya bago mabilis na umiling.
“Naku, hindi po, Kuya,” agad na sagot ko. “S-Sige po, salamat!” dagdag ko pa at nagpasyang lumabas na sa building.
Alam ko na wala namang masama kung magtatrabaho ako sa bar, pero kung bilang isang mananayaw, kahit pa walang extra service iyon, hindi pa rin malayo na mabastos ako lalo pa’t isang bar iyon at puro lasing ang mga tao. At ayaw ko na mangyari iyon.
Napabuntong hininga na lang ako at nagpasyang buksan ang cellphone ko. Binuksan ko ang isang android application na tungkol sa mga kompanya na naghahanap ng mga empleyado. Habang naglalakad ay nakatitig ako sa cellphone ko, dahil doon ay hindi ko na namalayan ang nasa harap ko.
May isang ginang akong nakabunggo at agad na nahulog ang cellphone na hawak ko, pati na rin ang mga dokumento ko.
“Ay naku, pasensiya na po!” agad na saad ko at tinulungan iyong ginang na tumayo.
Nang makatayo na siya at saka ko pinulot ang mga gamit ko na nahulog. Ramdam ko na rin ang bahagyang sakit ng kaliwang balikat ko dahil doon nakasabit iyong travelling bag na dala ko.
“C-Can I hear your voice again?” kumunot ang noo ko sa pakiusap niya, nag-angat ako ng tingin at napansin ko na nakakunot din ang noo niya habang nakatitig sa akin.
Bahagya pa akong napamangha kasi napakaganda niya kahit pa halatang may edad na siya. Her aura is screaming sophistication.
“P-Po?” ang magalang pero naguguluhang tanong ko. Inilahad niya ang kanang kamay niya sa akin para tulungan din akong tumayo, tinanggap ko naman iyon.
“Magsalita ka ulit,” saad niya nang tuluyan na akong makatayo sa harap niya.
“A-Ano po ang sasabihin ko?” medyo kinakabahan at nalilitong tanong ko.
“Kahit ano, magsalita ka, o magpakilala sa akin,” mas lalo akong naguluhan nang pumikit siya.
“A-Ako po si Precy Dulay, nice to meet you po,” kahit pa hindi ako sigurado kung ano ang nangyayari ay sinunod ko pa rin ang sinabi niya.
Nagmulat siya ng mga mata at ngumiti sa akin. Tapos ay muli akong nagulat nang mabilis niyang hawakan ang magkabila kong mga kamay.
“I think I just found the answer!” masayang saad niya kaya napanganga ako.
“Pasensiya na po kayo, Ma’am, pero hindi ko po kasi kayo maintindihan,” ang alanganing saad ko.
“I want to know you more, care to join me for a lunch?” napangiwi ako sa alok niya at mabilis na umiling.
“Naku, Ma’am, pasensiya na po, ah? Tatanggihan ko po kayo kasi kailangan kong maghanap ng trabaho,” magalang na sagot ko.
“I can give you a job!” agad naman na saad niya, pilit akong ngumiti bago marahang umiling.
“H-Hindi na po, salamat na lang,” sagot ko rin.
Hindi ko naman siya kakilala. Hindi ako puwedeng magtiwala sa kanya. Baka mamaya sindikakto pala ang isang ito.
“Hindi ako masamang tao kung iyon ang iniisip mo, nakikiusap ako. Just… hear me out,” marahang saad niya.
“Eh, Ma’am, kasi po…”
“Nakikiusap ako, hija…” napabuntong hininga ako at marahang tumango.
“S-Sige po, ano po ba iyon?” tanong ko, ngumiti naman siya sa akin.
“Let’s go,” aniya at naglakad na.
Saka ko lang napansin na nasa harap pala kami ng isang mukhang mamahalin na restaurant. Doon siya pumasok at kahit pa nagdadalawang isip ay sinundan ko naman siya. Umupo siya sa mesa at agad na tumawag ng waiter, tapos ay sinabi ang order niya na hindi ko naman maintindihan.
“You can order anything you want, hija,” mahinahong saad niya, pilit ulit akong ngumiti at mabilis na umiling.
“H-Hindi na po, ma’am, hindi naman po ako gutom,” sagot ko. Mukhang ginto kasi ang bentahan dito, kung oorder ako baka maubusan ako ng pamasahe pauwi. Tumingin naman siya sa waiter na mukhang naghihintay tapos ay may ibinulong na hindi ko narinig, ngumiti naman ang waiter at tumango bago nagpaalam na kukunin na ang order.
“I’m desperate, hija, hindi ko na alam ang gagawin ko,” napangiwi ako ulit sa sinabi niya, pero hindi ako sumagot. Hinintay ko lang siya na magsalita ulit. “You see, my son was caught in a car accident causing him to lose his sense of sight a couple of months ago. After that, iniwan siya ng asawa niya at ayaw na niyang sumailalim sa surgery. He lost his drive to do the norms and as a mother, I can’t help but to worry,” marahan akong tumango.
“P-Pasensiya na po kayo, ah? P-Pero ano naman po ang kinalaman ko rito?” ang kinakabahang tanong ko.
“Isang milyon kapag nagawa mo ang ipapagawa ko,” naubo ako sa sinabi niya kaya nagtinginan ang mga taong kumakain sa gawin naman, mabilis naman akong uminom ng tubig kasi feeling ko nabilaukan ako.
“Ma’am, h-hindi po for sale ang mga mata ko, pasensiya na,” napangiwi siya sa sinabi ko.
“No, hija, it’s not like that,” mahinahong saad naman niya. “I’m sorry for not being specific. Hindi ko lang kasi alam kung paano sisimulan. But I want you to pretend as my son’s wife and convince him to go under eye surgery,” nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
“Bakit hindi niyo na lang po gamitin ang pera para hanapin ang asawa niya? Atsaka, hindi po maniniwala ang anak niyo, sigurado ako na kilalang kilala niya ang asawa niya, boses pa lang bistado na,” sagot ko.
“That’s exactly the reason why I’m offering you a deal, hija, kasi kaboses mo ang asawa niya. At wala akong balak na hanapin ang babaeng iyon. She stole millions from my son. Baka kung ano pa ang magawa ko sa kanya,” hindi ko naman alam ang isasagot ko.
“P-Pero, Ma’am, pasensiya na po kayo, ah? H-Hindi ko po kayang gawin ang pinapagawa niyo. Atsaka hindi ko naman po kayo kilala,”
“Two million? Three Million? Name your price, hija. Please, I’m begging you!” pagmamakaawa niya.
Mariin akong pumikit dahil sa offer niya. Hindi kapani-paniwala pero kagaya nang sinabi ko ay kailangan nating mag-take ng risk.
“A-Ano po ba ang gagawin ko?” mababa ang boses na tanong ko.
“You just have to pretend, hija. Magkukunware ka na ikaw si Astrid. Sway him if you must. Basta makumbinsi mo lang siya na magpa-surgery. Iyon lang.”
Akmang sasagot na ako pero dumating ang waiter at inilapag ang maraming mga pagkain na mukhang pangmayaman. Nang makita ko iyon ay biglang kumalam ang sikmura ko kaya napatingin sila ng sabay sa akin, pilit naman akong ngumiti dala ng kahihiyan.
“Let’s just eat while you’re thinking about my offer, hija, don’t worry, this is my treat,” saad niya.
Mariin naman akong pumikit. Nakakahiya pero hindi ko na pakakawalan ang chance na makatipid sa pagkain. Huminga ako ng malalim bago hinawakan ang isang kutsara at nagpasyang kumain kasabay ang magandang ginang.