PINANUOD KO SIYANG UMINOM NG ISANG BASONG TUBIG. Pagkatapos niya ay kinuha ko ulit iyon sa kanya at inilagay sa tray. Mabilis naman siyang humiga sa kama at tumagilid.
“Huwag ka munang hihiga, Leon, umupo ka muna at magpahinga,” saway ko sa kanya.
“Bakit ba napakapakealamera mo? Umalis ka na nga lang! You said you’re going to leave once I’m done eating, right? Then go!” masungit na saad ulit niya kaya napangiwi ako.
“Hindi mo na ako kailangang ipagtulakan palayo, Leon, aalis na ako,” kunware ay malungkot na sagot ko. “Basta umupo ka muna at magpahinga. Sabi kasi nila kapag humiga ka agad pagkatapos kumain baka mapatid ang bituka mo,” mabilis siyang umupo sa kama dahil sa sinabi ko kaya muntik na akong humalakhak.
Mabuti na lang at napigilan ko pa ang sarili ko. Ang arte ng isang ito. Ayaw pang sumailalim sa eye surgery na akala mo suicidal na pero takot namang mapatid ang bituka. Ay ewan ko sa ‘yo, Leon.
“Aalis na ako,” pagpapaalam ko sa kanya.
“Just go! Goddamn it!” pagalit ulit na bulyaw niya.
Napailing na lang ako at nagpasyang lumabas na sa kuwarto niya dala ang tray kung saan nakalagay pa rin ang pinagkainan niya. Pagkababa ko naman sa kusina ay nakita ko si Joy na naroon, kasalukuyan siyang naghuhugas ng mga maruruming pinagkainan.
Agad akong lumapit sa kanya at marahang inilapag ang tray sa lababo kaya napatingin siya sa akin, ngumiti naman siya sa akin nang makita niya ako.
“Ang arte ng isang iyon,” saad ko kaya marahan siyang natawa.
“Mabait po si Kuya Leon, Ma’am, nagbago lang talaga ang ugali simula noong mabulag siya at iwan siya ni Ma’am Astrid,” mahinang sagot niya.
She said it as if she’s whispering, and I totally understand why she had to do that. We have to be discreet. Kapag narinig kasi kami ni Leon na nag-uusap tungkol sa mga ganitong bagay ay mabubuking na kami.
“Masama ba talaga ang ugali ni Astrid?” mahinang tanong ko rin.
“Ay naku, Ma’am, sinabi niyo pa! Hindi ko nga alam kung ano ang nakita ni Kuya Leon sa babaeng iyon at pinakasalan pa. Mukhang pera na, matapobre pa,” sagot niya.
“Ate na lang ang itawag mo sa akin, lakas maka-Teacher ng Ma’am, eh,” marahan siyang natawa sa sinabi ko. “Atsaka tatlong taong gulang lang naman ang tanda ko sa ‘yo,” dagdag ko pa.
“Si Ma’am Astrid ayaw niyang tinatawag siyang Ate, gusto niya Ma’am, o kung hindi kaya ay Madam,” napangiwi ako sa sinabi niya.
“Kunware nga nagbago na ako, ano ka ba,” tumawa na lang ulit siya at tumango.
“Oh sige, Ate,” nakangiting sagot niya. “Alam mo, masaya ako na nandito ka. Lagi kasing napapanis ang laway ko, eh, wala akong makausap. ‘Yang si Kuya maghapon magdamag na nagkukulong sa kuwarto,” tumango ako ulit sa sinabi niya.
“Saan pala ang magiging kuwarto ko? Para maayos ko na ang mga gamit ko,” lumingon siya sa akin at ngumisi.
“Saan pa ba, edi sa kuwarto rin ni Kuya,” marahan pa siyang humalakhak nang isagot iyon, napasinghap naman ako.
“Sure ka? Laki ng galit no’n kay Astrid, baka bukas hindi na ako sikatan ng araw,” humalakhak ulit siya sa sinabi ko.
“Alam mo, Ate? Gusto na talaga kita. Magkakasundo tayo. Sana tumagal ka pa rito,” pilit na lang akong ngumiti dahil doon. “Pero seryoso, matagal ko nang kakilala si Kuya, kahit galit ‘yan ay hindi niya magagawang manakit ng tao ng pisikal,” para naman akong nakahinga ng maluwag sa sinabi niya.
Marami pa kaming napagkuwentuhan ni Joy tungkol kay Leon, o sa pamilyang Montealegre. Dahil sa kanya pakiramdam ko ay mas nakilala ko sila. Nagpasya rin naman ako na mamayang gabi ko na lang aayusin ang mga gamit ko sa isang bakanteng kuwarto.
Ayaw kong ilagay ang mga iyon sa kuwarto ni Leon, kahit pa alam kong dapat ay doon ako matulog kasama siya.
“Paano mo nga pala siya nakumbinsing kumain?” tanong ni Joy sa gitna ng pag-uusap namin, nagkibit naman ako ng balikat.
“Sabi ko aalis na ako kapag kumain siya,” napanganga siya sa sinabi ko.
“Aalis ka na? Hindi mo na itutuloy?” tanong niya kaya napangiwi ako.
“Gaga! Aalis lang ako sa kuwarto, pero hindi sa bahay na ito. Wala naman akong choice, kailangan kong ituloy ito para sa surgery ni Nanay,” sagot ko sa kanya. “Nagkataon lang na mukhang madaling utuin ang isang iyon kaya ayun, kumain,” marahan ulit siyang natawa sa idinagdag ko at tumango na lang.
“Pero alam mo? Sana lang talaga magawa mo siyang kumbinsihin na magpa-eye surgery,” kumunot ang noo ko sa sinabi niya. “Naaawa na kasi ako sa kanya. Ayaw kong sirain niya ang buhay niya para sa mga walang kuwentang tao. Atsaka noong nakakakita pa si Kuya, ang dami niyang mga charities na tinutulungan, ang dami rin niyang scholars. At kapag nakakakita na siya ulit, alam ko na mas maraming tao pa ang mababago ang buhay dahil sa kanya. Gano’n siya kabait. Gano’n kabait ang pamilyang Montealegre,” napangiti naman ako dahil doon.
Nakita ko naman na mabubuti nga silang mga tao. Oo, hindi ako agad na nagtiwala kasi masyadong mabilis ang mga nangyari. Naiintindihan din naman ni Ma’am Salve kung bakit gano’n ang naging reaksiyon ko.
Pero nang makaharap ko na silang lahat, tapos ngayong naririnig ko ang mga ikinukuwento sa akin ni Joy? Pakiramdam ko ay mas nakikilala ko talaga sila.
“Ate, ano nga pala ang gusto mong hapunan? Para makapagluto na ako,” tanong at saad ni Joy ilang sandali lang.
Hindi ko namalayan na hapon na pala. Masyadong mabilis na lumipas ang oras habang nag-uusap at nagkukuwentuhan kaming dalawa. Nakakatuwa kasi ang daldal niya.
Pero siya iyong tipo ng tao na hindi nakakairita ang kadaldalan.
“Ako na ang magluluto. Nabanggit kasi ni Ma’am Salve na paborito ni Leon ang kare-kare, eh, paborito ko rin iyon. Baka sakaling kapag ipinagluto ko siya, mas lumambot siya sa akin at hindi na ako sigawan,” napangiwi si Joy sa sinabi ko.
“Hindi naman marunong magluto si Ma’am Astrid, baka magtaka si Kuya niyan,” ngumiti na lang ako sa sinabi niya.
“Joy, ang acting na gagawin ko ay parang nagbago na si Astrid. Kumbaga, kung gaano kapangit ang ugaling pinakita sa inyo ni Astrid, kabaligtaran naman ang gagawin ko. Kasi ‘di ba, humihingi nga ako ng tawad?” napatango tango naman siya sa sinabi ko.
“Oh, sige, Ate, ikaw ang bahala,” sagot niya. “May mga pangsangkap naman sa pridyider. Hindi kasi puwedeng mawalan ng sangkap para sa kare-kare dahil nga paborito iyon ni Kuya. Dati halos isang beses sa isang linggo kung ipagluto ko siya,” tumango na lang ulit ako sa sinabi niya.
Nagpatuloy pa ang kuwentuhan namin ng ilang sandali bago ako nagpasyang magluto na. Hindi naman mahirap lutuin ang kare-kare, gaya ng sinabi ko ay paborito ko ito at palagi rin akong nagluluto nito sa bahay.
Alas seis ng gabi nang matapos ako kaya naman nagpasya na akong maligo. Hinatid ako ni Joy sa isang bakanteng kuwarto na may sariling banyo na rin.
Namangha naman ako sa nakita. Ang ganda ng buong kuwarto at banyo. Maganda naman talaga ang buong bahay, sa totoo lang. Halatang pinag-isipan ang bawat disenyo at ginastusan talaga.
Halos alas siete naman na ng gabi nang matapos ako. Napatuyo ko na rin ang buhok ko kaya nagpasya akong bumaba na. Tipid akong napangiti nang makita si Leon na nasa hapag, nakaupo kasama si Joy na inilalapag ang mga pagkain.
Akmang magsasalita siya nang makita ako pero agad akong sumenyas na huwag muna siyang maingay, kaya naman ngumiti na lang siya at tumango.
“Did you cook this? O in-order mo?” narinig kong tanong ni Leon nang sumubo sa niluto kong kare-kare.
“A-Ah, kasi Kuya ano po…” hindi naman alam ni Joy ang isasagot.
Bahagya akong nakaramdam ng kaba. Hind ba ganitong klase ng luto ang gusto niya? May kulang ba sa lasa kaya hindi masarap?
“I mean, this is totally different compared to what you used to cook. Masarap ang luto mo, pero parang mas masarap ito ngayon,” saad niya ulit kaya nakahinga ako nang maluwag.
Hindi ko rin maintindihan pero mas lalo siyang gumwa-guwapo para sa akin kapag ganito kahinahon ang boses niya. Medyo nakakarindi kasi pakinggan kapag sumisigaw siya o sarkastiko kung magsalita.
“Niluto ko para sa ‘yo, nagustuhan mo ba?” halata ang gulat sa kanya nang magsalita ako. Padabog naman niyang binitawan ang kutsara na hawak niya.
“What the hell are you still doing here?” pagalit niyang tanong. “Nakakairita! Nawalan na ako ng gana!” pagdadabog pa niya at umambang tatayo na habang ang mga kamay ay sinusubukang humanap ng makakapitan.
Mabilis naman akong lumapit sa kanya para alalayan siya. Nang mahawakan ko siya ay natigilan din siya agad. Maging ako ay gano’n din. I can feel his body heat and I feel like it’s causing some type of electricity. Nakakaloka naman ang epekto ng isang ito sa akin.
“Leon, kumain ka muna, please? Pinag-aralan ko talagang iluto ‘yan para sa ‘yo, kasi alam ko paborito mo ‘yan,” mahinahong saad ko.
“Hindi ba’t sinabi mo aalis ka na? Bakit nandito ka pa?” naiiritang tanong niya.
“Ay, ang akala ko aalis sa kuwarto mo,” muntik nang humalakhak si Joy dahil sa sinabi ko.
“Nakakainis talaga! Bitiwan mo na nga ako! Magpapahinga na ako. Hindi ko kakain ‘yang luto mo dahil baka may lason pa ‘yan!” galit at parang batang saad na naman niya.
“Kung may lason ‘yan edi sana kanina ka pa bumulagta at namatay diyan!” naiinis na sagot ko naman. “Alam mo ikaw, ang arte mo! Inuubos mo ang pasensiya ko! Maupo ka na nga lang at kumain! I don’t like it when my efforts are being put into wasted, kaya huwag mo akong susubukan, Leon!” naiinis na dagdag ko pa.
Nakita ko kung paano siya natigilan at napanganga dahil sa sinabi ko. Nilingon ko naman si Joy at nakita kong nakanganga rin siya.
“Joy, maupo ka na, kakain na tayo!” saad ko rin, sunod sunod na pagtango naman ang isinagot ni Joy na nakanganga pa rin.
“O-Opo, Ate,” kinakabahang sagot niya.
“W-What did you just call her?” hindi makapaniwalang tanong ni Leon kay Joy.
“Ate po, Kuya,” sagot naman ni Joy.
Natigilan ulit si Leon na parang nag-iisip. Tapos sa huli ay nagbuntong hininga na lang siya at umupo ulit.
“Sinong sikat na chef ang binayaran mo ng malaki para matutong magluto? At sa arte mong ‘yan hahawak ka ng sandok?” nanunuya at umiiling na saad niya. “This is unbelievable,” bulong pa niya.
“Grabe ka naman maka-judge, hindi ba puwedeng self-study lang dahil nga gusto kong bumawi sa asawa ko?” hindi na napigilan ni Joy na mapahagikgik dahil sa sinabi ko.
Si Leon naman ay namula ang mukha dahil doon. Peke pa siyang umubo kaya natawa na lang din ako.
“At kailan pa kayo naging close?” hindi ulit makapaniwalang tanong niya.
“Leon, gaya ng sinabi ko, gusto kong bumawi sa inyong lahat. Pinipilit kong magbago basta mapatawad niyo lang ako. At hindi ako umaasa na magiging tayo pa ulit, basta… maging okay ka lang,” napabuntong hininga ulit siya at napailing na lang.
“Do you think it’s that easy?” mahina pero puno ng hinanakit na tanong niya sa akin. “Only God knows how I badly want to just forget everything, Astrid!” mahina pero madiing saad niya.
“Leon, please…” saad ko.
“Gusto kong kalimutan na lang ang lahat ng mga nangyari kasi masyadong mabigat kung patuloy kong dadalhin! Pero hindi ko magawa! Every time I think of you, I always remember all the pain that you inflicted me! Years, Astrid. You made me look like a fool for years!” hindi nakawala sa akin ang sama ng loob sa boses niya habang sinasabi ang mga iyon.
Nakaramdam naman ako ng awa. Napalingon ako kay Joy ay napansin ko na malungkot din siyang nakatingin kay Leon. Huminga naman ako ng malalim at marahan kong hinawakan ang mga kamay niya.
“Sorry kung dahil sa akin nararamdaman mo ang mga bagay na ito. Hindi ko gusto na masira ang buhay mo para sa isang walang kuwentang tao na kagaya ko, Leon,” malungkot akong ngumiti nang sabihin iyon. Hindi ako ang totoong Astrid pero ramdam ko ang sakit. “Kumain ka na muna, huwag mo rin sanang hayaan na malipasan ka ng gutom dahil lang sa akin. Huwag kang mag-alala, hindi ako sasabay sa ‘yo. Magpapahinga muna ako,” dagdag ko pa bago ko bitawan ang mga kamay niya.
Malungkot din akong ngumiti kay Joy bago nagpasyang magtungo sa kuwarto kung saan nakalagay ang mag gamit ko. Kung bakit ako sobrang naapektuhan sa sakit na nararamdaman ni Leon ay hindi ko alam ang dahilan.