Twenty-three years after…
KATATAPOS lang ng misa nang makita ni Enzo na nilapitan Kapitan Zeralde ang ama niyang si Alfonso. “Mr. Alfonso Del Carmen?” anang ginoo na nakangiti ring tumango sa kanya.
“Kapitan Zeralde” ang Papa niya na agad na kinamayan ang lumapit.
“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, fiesta na ho kasi susunod na linggo. Kung inyo po sanang mamarapatin ay gusto ko kayong personal na imbitahan para maging sponsor sa gabi ng pasayaw sa mismong kabayanan na sakop naman ng nasasakupan kong baranggay” anito.
Maluwang ang pagkakangiting tumango ang Papa niya saka tumingin sa kanya. “Ano sa tingin mo anak?” makahulugan ang tono ng ama niya kaya mabilis siyang napangiwi saka kinutuban.
“Papa naman, alam ko naman ang ibig sabihin ng ngiting iyan eh” angal niya kaya nagkatawanan ang lahat.
“Sige na, maraming magagandang dalaga rito.Hindi ba kap?” baling ng ama niya kay Kapitan Zeralde.
Tumango-tango ang ginoo. “Napakarami” sang- ayon pa nito.
Naiiling na napangiti si Enzo. “Okay, okay. Darating po ako” aniya.
“Naku maraming salamat” ani Kapitan Zeralde saka iniabot sa kanya ang isang invitation card.
“Ikaw talaga Papa” aniya nang mawala na sa harapan nila ang matandang kapitan.
“Walang masama, binata ka naman” anitong sinundan pa ang sinabi ng mahinang tawa.
“Mauuna na ako. Imamaniobra ko na ang sasakyan” aniya pagkuwan.
Tumango ang Papa niya. “Kung gusto mong mag-ikot muna sa bayan. Kakausapin daw sandali ng Mama mo ang Kura Paroko” anang kanyang ama.
Natawa siya ng mahina saka na tumango. “Just take your time, tawagan lang ninyo ako kapag okay na” aniyang nakisabay narin sa maraming naglalabasan.
“Ouch!” ang malakas na sambit ng isang babaeng hindi niya napuna na nasagi pala niya sa balikat. “makakalabas ka rin naman mister! Huwag kang manulak!” anitong matalim ang mga mata siyang sinulyapan.
Nagbuka siya ng bibig para sumagot pero nabitin ang lahat ng iyon nang mapagmasdan niya ang mukha ng babae. Maganda, talagang napakaganda. Dahilan kaya siya natigilan at tila ipinako sa kinatatayuan niyang iyon. Ilang sandali pagkatapos, napuna niyang kakaunti na ang mga tao. Noon siya parang natauhan kaya nagmamadali ang mga hakbang niyang tinungo ang parking lot ng simbahan. Habang sa isip niya, naroroon ang pagnanais na sana makita niyang muli ang magandang babaeng iyon.
Sakay ng kulay itim niyang BMW, gaya narin ng sinabi ng kanyang ama ay nag-ikot-ikot si Enzo. Maganda ang bayan na iyon at dahil nakamulatan na niya ang minsan sa isang buwang pagsisimba doon ng mga magulang niya ay naging malapit narin ang puso niya sa San Lorenzo. Hindi naman siya nagtataka, alam niyang sa bayang iyon siya talagang nagmula.
Nasa may palengke na siya nang makaramdam ng matinding pagkauhaw. Noon niya maayos na iginarahe ang kotse sa parking lot ng palengke saka naghanap ng pwedeng mabilhan ng maiinom. Sa pinakamalapit at malaking grocery store siya itinuro ng napagtanungan niya.
“Miss, bottled water nga” salubong ang mga kilay niyang tawag sa babaeng nakita niyang tila nabibilang ng panindang de-lata sa estante. Pakiwari niya’y pamilyar ito sa kanya, at nang lumingon ito ay napatunayan niyang totoo nga ang kanyang hinala.
“I-Ikaw?” anito sa kanya sa tinig na hindi makapaniwala.
Hindi niya napigilan ang matawa sa nakitang reaksyon ng babae. “Bakit parang nakakita ka ng multo? Pabili nga ng bottled water?” aniya rito.
NAPAPAHIYANG kumilos si Ynah para ibigay ang hinihingi ng customer. “Pasensya na” aniyang iniabot sa lalaki ang tubig na nasa bote.
Hindi niya ito hinihiwalayan ng tingin nang sa kanyang harapan ay pinangalahati nito ang laman ng five hundred ML na bote. Mukhang uhaw na uhaw ang lalaki. Gwapo! Ang kinikilig na hiyaw ng kabilang bahagi ng isipan niya.
Totoo naman kasi, light blonde ang buhok na hati sa gitna at umabot sa ilalim ng mata nito, asul ang mga mata. Perpekto ang pagkakatangos ng ilong, maganda ang pangangatawan. Matangkad na sa tingin niya ay lampas anim na talampakan at talagang mestiso at pwedeng ihanay ang karisma sa kahit sinong Hollywood actor.
Kanina sa simbahan hindi niya masyadong nabigyan ng atensyon ang lalaki, nagmamadali kasi siya dahil walang tatao sa tindahan nila. Umuwi kasi ng bahay ang nanay niya dahil masama ang pakiramdam nito habang ang tatay naman niya ay nagdeliver ng order na bigas kasama ang dalawang pahinante nila sa mga kliyente nilang tindahan na sa kanila kumukuha ng supply.
“Ngayon kita napagmasdan ng husto, talaga ngang napakaganda mo” ang lalaking muling nagpatuloy. “anong pangalan mo saka ilang taon kana?” tanong nito saka inilapag ang isang daan sa harapan niya, kinuha niya iyon para suklian.
“Wala akong pangalan” bigla ay nakaramdam nanaman siya ng inis. Ang totoo inis para sa sarili niya dahil mukhang nahalata ng lalaking nagwapuhan siya rito kaya nito hinihingi ang pangalan niya.
“Walang pangalan? Imposible, sa ganda mong iyan, siguradong maganda rin ang pangalan mo” anitong umangat pa ang sulok ng mapula nitong labi nang iabot niya rito ang sukli nito. Noon naman tamang lumapit si Aling Basyon, ang leader ng mga kababaihan sa kanilang baranggay.
“Ynah nasaan ang nanay mo?” tanong ng matanda saka sinulyapan ang lalaking mabait namang ngumiti kay Aling Basyon.
Hindi sinasadyang napasulyap siya sa lalaki na nakita niyang malapad siyang nginitian saka kinindatan pagkuwan. Nag-init ang mukha niya dahil doon. “Umuwi po, masama ang pakiramdam. Bakit ho?”
Umiling ang matanda. “May hihingin sana akong pabor sa kanya. Siya, pupuntahan ko nalang siya sa inyo. Sige mauuna na ako” saka na ito nagmamadaling umalis.
“So tama ako, kasing ganda mo nga ang pangalan mo. Ynah, sige salamat at mauuna na ako. Sana magkita ulit tayo, kapag talagang dalaga kana” pakiwari niya’y nahulaan ng lalaki kung ilang taon na siya.
Wala sa loob na umikot ang mga mata ni Ynah sa narinig. “At ano naman ang gagawin mo kung sakali, mister?”
“I’ll make you mine” pabiro man ay walang gatol parin nitong sabi kaya siya malakas na napasinghap. “Lorenzo, Lorenzo nga pala ang pangalan ko” pagpapatuloy pa ng binata. Nagulat pa siya nang ilahad ng lalaki ang kamay nito sa harapan niya.
Natitigilan niyang pinakatitigan ang kamay nito saka pagkatapos ang mukha ng lalaki. “Pasensya na pero bukod sa bestfriend ko wala pang kahit sinong ibang tao ang nakakahawak ng kamay ko eh” pagsasabi niya ng totoo.
Inaasahan niyang makikita niya sa mukha ni Lorenzo ang pagkapahiya pero nabigo siya dahil sa halip ay kumislap pa ang matinding amusement sa magagandang mata ng binata. “Right, so I guess kahit hingin ko ang cellphone number mo hindi mo rin ibibigay?”
Natawa siya doon. “Tama” aniya.
Sa hitsura nito, mukhang mayaman. At kadalasan kadikit ng salitang mayaman at gwapo ang babaero. Well hindi nakapagtataka, nasa tabas ng pananalita nito ang ganoong karakter. Hindi tamang manghusga pero sa mukhang sanay na sanay ang lalaking makipag-flirt sa mga babae.
Ikinibit ni Lorenzo ang balikat nito saka na dinampot ang bote ng tubig at pagkatapos ay ang sukli nito. “See you again” anitong naglakad na palayo pagkatapos.
Sinundan niya ang papalayong bulto ni Lorenzo saka kinikilig ang ngiting bumalik sa harapan ng kaha, naupo saka nangalumbaba. Gusto ba niya itong muling makita? Well, sa laki ng mundo malabo ng mangyari iyon.