PART 1
“PARANG hindi naman Niya tayo naririnig, parang walang nangyayari. Wala na yata talaga akong pag-asa Alfonso? Baka kailangang tanggapin na nating pareho na hindi na tayo magkakaanak kahit kailan” ang umiiyak na saad ni Lourdes habang nakatitig sa altar ng malaki at magandang simbahan sa bayan ng San Lorenzo.
Naramdaman ni Lourdes ang maingat na pagkabig sa kanya ng asawa. “Hindi ako nawawalan ng pag-asa, hindi kahit kailan” anitong may pinalidad ang tinig.
Mapait siyang napangiti saka lalong napaluha. Sa ngayong ay dalawang taon na silang kasal ng asawa niyang si Alfonso. Isang taon na silang magkasama nang magpatingin siya sa doktor dahil nga sa hindi parin niya pagbubuntis. At noon nga nila napag-alaman ang tungkol sa pagiging baog niya.
Malaki ang dagok na iyon na nagpabigat kay Lourdes. Iyon ang dahilan kung bakit minabuti nilang mamanata sa malaking simbahang iyon sa bayan ng San Lorenzo. Dahil para sa kanya, walang imposible kung ipagkakaloob ito sa kanya ng Diyos. Pero isang taon narin at wala paring nangyayari. Kaya parang gusto na niyang sumuko. Gusto na niyang tanggapin nalang ang lahat kahit talagang masakit.
“Kung gusto mo, p-pwede nating ipawalang bisa ang kasal natin, para makapag-asawa kang muli at magkaroon ng pagkakataong magkaanak” parang walang narinig niyang sagot habang patuloy na binubukalan ng luha ang kanyang mga mata.
Salubong ang mga kilay ng asawa niya nang titigan niya ito. “No! Sinabi ko naman sa’yo hindi ba? Hindi kita iiwan, magkasama tayong tatanda dahil mahal na mahal kita” ani Alfonso saka siya niyakap ng mahigpit pagkatapos.
Ilang sandali at minabuti narin nilang umalis na. Babalik na sila ng Maynila at sa susunod na buwan ulit ang magiging schedule ng pagbisita nila sa simbahan. Once a month ang panata nilang mag-asawa at sa ngayon ay isang taon narin nilang ginagawa ng walang palya.
“Lalakad na ho ba tayo sir, ma’am?” ang driver nilang si Bonin ang nagtanong na hindi na nilingon ni Lourdes dahil nakuha ng isang babaeng naglalakad pababa ng hagdan ng simbahan patungo sa kinapaparadahan ng sasakyan nila.
“Sandali lang!” nang matiyak niyang sa gawi nga nila patungo ang babae. Hinintay niya itong makalapit para lang matigilan nang makitang may karga itong sanggol. Kumatok sa bintanang salamin ang babae. Nilingon niya si Alfonso na nakangiting tinanguan lang siya.
“A-Ale, mayaman po kayo hindi ba?” ang bungad nito sa kanya sa basag ng tinig.
Walang anuman siyang napatango. Maganda ang babae, pero larawan ng karukhaan ang itsura nito at ayos nito. Pansin iyon sa tuyot nitong balat at nanlalalim pang mga mata. “A-Anong maitutulong ko?”
Noon na nagsimulang umiyak ang babae. “H-Hindi ko ito gustong gawin, pero siguro sa inyo magiging mas maganda ang buhay niya” anito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Lourdes saka pinakatitigan ang babae bago nilingon ang kanyang asawa. “A-Anong ibig mong sabihin?”
“Pinaghahanap na ako ng batas. Ilang buwan narin po mula nang mapatay ko ang tatay ng batang ito dahil ayaw niya akong panagutan. Ganoon narin kami katagal na nagtatago, alam ko hindi magtatagal at makikita nila ako. ” ang halos pabulong nitong salaysay habang umiiyak. “sinira ng lalaking iyon ang buhay ko. Pero sa kabila noon mahal ko ang anak ko. At gusto ko siyang magkaroon ng magandang buhay. Itinakwil na ako ng sarili kong pamilya kaya wala na akong ibang maisip na paraan” ang mahaba nitong salaysay na halos ikadurog naman ng puso ni Lourdes.
“Parang awa na ninyo” nang hindi siya magsalita ay nagpatuloy ang babae.
Nilingon niyang muli si Alfonso na ngumiti lang ulit sa kanya. Alam niya ang ibig sabihin ng ngiting iyon, siya ang pinagdedesisyon ng asawa niya kaya sa isang iglap nahati sa dalawang damdamin ang puso niya. Una, para sa matinding pagkahabag sa ina ng bata,at ikalawa para sa sarili niya dahil alam niyang mararanasan na niya ang maging isang ina. Ngayon niya pinagsisisihan ang pagkuwestiyon niya sa kakayahan ng Diyos na gumawa ng milagro.
“Maraming salamat po” ang babaeng nagpahid ng luha saka na ngumiti. “alagaan ninyo siyang mabuti, wala pa siyang pangalan kaya kayo nalang po ang bahalang magpangalan sa kanya” anitong suminghot pa pagkuwan.
Humaplos ang mainit na damdamin sa dibdib ni Lourdes nang itulak niya pabukas ang pinto ng kotse saka tinanggap ang bata. “Napakagwapo mong bata, Lorenzo” ang pangalan na nanulas sa mga labi niya saka luhaang tiningala ang ina ng bata. “magkano ang kailangan mo para naman matulungan kita sa paraang alam ko?” hindi masama ang intension niya sa tanong na iyon at lihim siyang nagpasalamat nang makita ang magandang ngiti sa mga labi ng babae.
“Alagaan ninyo siya, iyon lang ang gusto ko, wala ng iba pa” anito.
“Kung sakaling kailanganin mo ng tulong” ang asawa niyang lumabas narin ng kotse. “heto, huwag kang mahihiyang magsabi” anitong iniabot ang calling card na tinanggap naman ng babae.
Hindi hiniwalayan ng tingin ni Lourdes ang papalayong bulto ng babae. Alam niyang hindi nito gustong gawin iyon. Sigurado siya dahil iyon ang nakita niya sa mga mata nito. Pero marahil wala na itong ibang option kaya napilitan itong gawin ang isang bagay na masakit kung tutuusin lalo at nawala rito ang anak nito.
“Let’s go?” untag sa kanya ni Alfonso.
Tumango siya. “Sa ospital tayo, sa pedia ni Lorenzo. Anak ko” aniya mahigpit na niyakap ang natutulog paring sanggol. Napakagwapo nito, matangos ang ilong, maputi at blonde ang buhok. Pihadong foreignner ang ama nito. Doon napangiti si Lourdes saka na sumakay sa loob ng kotse.