HANNA APRIL BRILLENTE
Pagkagaling namin ni Gino sa clinic ng OB ko ay nagdesisyon kaming pumunta sa supermarket para mag-grocery at mamili ng ibang mga kailangan sa bahay.
Simula kasi nang dito na ako nag-stay sa bahay niya after ng kasal namin ay hindi pa kami nakakapamili at halos wala na rin siyang stocks dahil hindi naman daw siya madalas magluto noong mag-isa siya.
Pinagalitan ko pa nga siya dahil ang hilig niya sa mga instant food like instant noodles, de lata at kung anu-ano pa na easy cook na hindi naman healthy sa katawan.
Masama ang mga ‘yon sa kalusugan kung tutuusin dahil puro preservatives. At ang dahilan niya, tinatamad daw kasi siyang magluto dahil mag-isa lang naman siyang kumakain kaya mas prefer niya ang mga gano’n.
“Don’t worry, babe. Hindi ka na mag-isa ngayon.” Binalingan ko siya nang nakangiti habang abala siyang nagmamaneho. Hindi niya ako sinulyapan ngunit nakita ko naman ang bahagya niyang pagngiti habang nakatingin sa harap. “Uhm, babe? May tanong lang sana ‘ko…” dagdag ko. Nasa kaniya pa rin ang mga mata ko.
“Mmm? What is it?”
Saglit akong tumahimik at nag-isip. Gusto kong magtanong tungkol sa family niya, like kung anong business nila, kung may kapatid ba siya at kung saan nakatira ang mga magulang niya.
Kasal na kasi kami pero wala pa akong masyadong alam sa kaniya. Ang alam ko lang ay ang full name niya, edad, birthday at bilang may-ari ng isang bar. Pero aside that, wala na akong alam. Maging sa family niya na minsan ko pa lamang din nakasama. Iyon ang araw na nag-set siya ng dinner meeting namin sa isang sikat na restaurant para personal akong ipakilala sa mga ito.
Mommy at daddy niya lamang ang dumating noon, and during dinner ay wala naman kaming ibang napag-usapan kun'di ang tungkol lang sa pagbubuntis ko at sa kasal.
Tinanong din nila pala nila ako about sa pamilya ko, pero ako, wala akong lakas ng loob noon na magtanong about sa kanila. Hindi naman din kasi sila masyadong nagpakilala sa akin. Pangalan lang nila ang nalaman ko.
Cindy Villasis ang mommy ni Gino at Gabby Villasis naman ang daddy niya. At base sa kung paano sila manamit ay mukhang hindi rin sila basta-bastang tao. Mukhang bigatin din ang pamilya ni Gino katulad ng pamilya ni Jake.
“Wala. ‘Wag na pala…” mahina kong sabi sabay iwas ng tingin. Ibinalik ko na lamang din ang mga mata ko sa harap dahil bigla akong nakaramdam ng hiya at hindi ko alam kung bakit.
Malalaman ko naman din siguro ‘yon kahit hindi ko itanong sa kaniya. Ano’ng ginagawa ni Phoenix? Puwede niya namang alamin ‘yon kay Jake at i-marites na lang sa ‘kin.
“You can take a nap, babe.” Saglit na bumaling sa akin si Gino nang marinig niya ang paghihikab ko. “Gigisingin na lang kita pagdating natin sa supermarket.”
“Sige.” Isinandal ko ang ulo ko at saka ako pumikit.
Hindi man lang ba niya ako pipilitin na magsalita? Hindi man lang ba siya na-curious sa gusto kong itanong sa kaniya?
Naku, kung sa akin may nagsabi ng ganoon, na may gustong itanong tapos hindi tinuloy, baka masapak ko lang ang tanong ‘yon!
***
Tulak ni Gino ang cart habang magkasabay kaming naglalakad. Ako ang kumukuha ng mga kailangan namin.
Hindi rin namin naiwasang pag-usapan ang tungkol sa pag-aaral ko. Tinatanong niya ako kung hindi raw ba ako mahihirapan lalo na at buntis ako.
Ang gusto niya sanang mangyari, mag-stop muna ako at saka ko na lang ituloy ang pag-aaral ko kapag nakapanganak na ako. Kahit kumuha na lang daw kami ng mag-aalaga sa anak namin para makatapos pa rin ako.
“Kung mag-stop ako, siguradong mabuburyong lang ako sa bahay, babe.”
“Bakit ka mabuburyong? Magkasama naman tayo,” sagot niya sa akin. Hindi ko nakikita ang mukha niya dahil abala ako sa pagkuha ng mga condiments.
“Kapag lagi tayong magkasama, baka mabilis kang magsawa sa ‘kin. Kaya mas okay kung papasok ako sa school, para ma-miss mo ‘ko kahit papaano.”
“Hindi ka mahihiyang pumasok kahit pa lumaki na tiyan mo?"
Matapos kong ilagay sa cart ang mga hawak ko ay binalingan ko siya. “Bakit ako mahihiya? Baka iuntog ko pa sila sa tiyan ko! At saka, kasal na tayo. Ipapakita ko na lang sa kanila ‘yung singsing ko kapag may nang-bashed sa akin about sa pagiging buntis ko!" Bumaba ang mga mata ko sa kamay niyang nakahawak sa handle ng cart at nagsalubong ang mga kilay ko nang mapansing hindi niya suot ang wedding ring niya. “Nasaan singsing mo, babe?”
Maging siya ay biglang nagbaba ng tingin sa kamay niya. “Ah. Baka naiwan ko sa banyo kanina nu’ng naghilamos ako.”
“Dapat kasi hindi mo hinuhubad. Eh, kung mawala mo ‘yon?” Hindi ko naiwasang sumimangot.
“I’ll just buy the same one.” Bahagya pa siyang ngumiti sa akin ngunit hindi iyon naging maganda sa pandinig ko.
Bibili?
How could he say that? Kahit na makabili pa siya ng kamukha noon, iba pa rin ang talagang wedding ring namin na isinuot ko sa kaniya sa mismong kasal.
Napabuntong-hininga na lamang ako at bahagyang napailing bago tuluyang mag-iwas sa kaniya ng tingin.
Medyo hurt ang beshy niyo.