HANNA APRIL BRILLENTE
Pagkatapos namin mag-grocery ni Gino, nag-suggest siyang sa labas na kami kumain tutal ay oras na rin naman ng tanghalian.
At habang nagda-drive siya, kinuha niya ang phone niya sa kaniyang bulsa at may tinawagan. Naka-focus ang mga mata ko sa harap pero naririnig ko siya.
“Hello, Donna? Don’t cook for us. Pagkain mo na lang lutuin mo. Sa labas na kami kakain ni Hanna.” Iyon lamang ang sinabi niya at mabilis na rin niyang ibinaba ang kaniyang phone.
Hindi ko tuloy naiwasang bumaling sa kaniya. “Bakit ikaw pa tumawag, babe? You’re driving. P’wede mo namang iutos sa ‘kin. May number naman ako ni Donna."
“Why would I disturb my wife kung kaya ko namang gawin?” Saglit niya akong sinulyapan nang nakangiti.
Ang bilis tuloy napalitan ng emosyon ko. From slightly tampo to kinikilig. Mukhang tama nga si Phoenix at Kim. Sobrang rupok ko pagdating kay Gino.
“Miss ko na si Phoenix at Kim…” mahina kong sabi na alam ko namang narinig niya.
“Kung gusto mo, daan tayo sa shop ni Phoenix after lunch.”
Lalong lumapad ang ngiti ko sa sinabi niya. “Talaga?!”
***
Inihinto ni Gino ang sasakyan sa isang medyo maliit lamang na restaurant na aming nadaanan. Pero hanggang third floor iyon. Sa first floor na lang kami pumuwesto dahil doon kami iginiya ng isang staff. Oras na makaupo rin kami ay agad nila kaming inabutan ng tig-isang menu.
Parehong naging abala ang mga mata namin ni Gino para mamili ng pagkain. Nang matapos siya ay agad niyang kinawayan ang isang staff kanina at saka niya itinuro ang order niya rito.
“What’s yours, babe?” baling niya sa akin. At dahil wala akong mapili, sinabi ko na lamang na kung ano ang sa kaniya ay iyon na lamang din ang sa akin.
***
Nang matapos kaming kumain ni Gino ay nagpahinga lamang kami saglit bago ko siya niyaya na pumunta sa shop ni Phoenix. At habang nasa biyahe kami, nag-chat ako sa group chat namin para ipaalam na papunta ako roon ngayon.
Nag-seen sila pareho. Thumbs up ang naging reply ni Phoenix. Si Kim naman ay sinabi niyang nasa school pa raw siya at mamayang hapon pa ang tapos ng kaniyang klase kaya hindi raw siya makaka-join sa amin.
At dahil gusto ko siyang asarain, agad akong nag-reply kay Kim. “Don’t worry about us. Mag-aral kang mabuti d’yan. Kahit hindi ka namin kasama, mabubuhay kami nang matiwasay ni Nix. Hahaha!”
“Kay aga mong pinapanginig ang laman ko, Hanna! Nagvi-vibrate buong pagkatao ko sa’yo!” reply niya agad sa akin. Si Phoenix naman ay taga-seen lang at taga-HAHA react ang peg.
“Why are you laughing?” tanong sa akin ni Gino nang hindi ko napigilang mapabungisngis sa sinabi ni Kim. Hindi ako nakatingin sa kaniya pero alam kong nasa akin ngayon ang atensyon niya.
“Wala, babe. Natatawa lang ako kay Kim,” sagot ko habang abala sa pagta-type ng reply.
“Let me see.” Natigilan ako at napabaling sa kaniya dahil sa sinabi niya. Sa harap na siya nakatingin ngayon at hindi na sa akin.
Bakit kailangan pa n'yang tingnan? Wala ba s'yang tiwala sa ‘kin? May trust issues din ba s'ya?
“Here.” Nakangiti kong dinala sa harap niya ang screen ko para ipakita ang kasalukuyan naming convo sa group chat. “H’wag ka mag-alala, babe. Hindi kita lolokohin. Hindi ako cheater. ‘Di baleng ako ang lokohin, ‘wag lang ako ang magloko. Mahirap kaya makarma,” dagdag ko pa nang bawiin ko na ang cell phone ko dahil nakita naman na niya iyon.
“H’wag mo na hangarin na lokohin ka, Hanna. Kung sa ‘min ngang mga lalaki masakit kapag niloko kami, sa inyo pa kaya? Eh, babae ka pa. Ang hina-hina n’yo.”
Muli akong natahimik dahil seryoso ang naging sagot niya. Hindi ko tuloy naiwasang tingnan siya at pagmasdan.
"Have you ever been hurt, babe?" malumanay kong tanong. Siguro naman ay may karapatan na akong usisain ang buhay niya since mag-asawa na kami.
"Let's not talk about that, Hanna." Hindi man lang niya ako binalingan ng tingin. Diretso lang ang mga mata niya sa daan. Bigla tuloy akong na-curious sa buhay niya.
Pero hindi na lamang din ako kumibo at ibinaling na lang ang tingin ko sa labas ng bintana.
Siguro ay hindi pa ganoon kapanatag ang loob niya sa akin kaya hindi niya pa magawang mag-open up. Sabagay, hindi pa rin naman kami gaanong magkakilala.
Baka sakaling kapag matagal na kaming nagsasama, baka magawa na rin niya akong pagkatiwalaan sa lahat. Even his personal matters. Hihintayin ko na lang ang araw na ‘yon.
Mananatili na sanang tikom ang bibig ko nang bigla kong maalala ang sinabi niya kanina, na huwag kong hangarin na lokohin ako.
"Hindi ko naman hinahangad na lokohin ako, Gino. Sinabi ko lang 'yon dahil kung papipiliin ako sa dalawa, I prefer na ako na lang ang masaktan kaysa ako ang makasakit. Pero hindi naman na 'ko nag-aalala ngayon." Bumaling ako sa kaniya. "Alam ko naman kasing hindi mo 'ko lolokohin. I trust you, babe..."
Hindi siya sumagot sa akin, pero nilingon niya ako at bahagyang nginitian.
***
Inihinto ni Gino ang sasakyan sa harap ng shop ni Phoenix dahil may parking naman doon. Hindi ko na rin siya hinayaan na pagbuksan pa ako ng pinto at sinabayan na lamang siya sa paglabas. Pero inihatid niya ako hanggang sa loob dahil bumati rin siya saglit kay Phoenix bago kami nito tuluyang iwan.
“Saan s’ya pupunta?” tanong ni Phoenix nang makaupo na rin ako. Magkaharap kami sa bilog niyang mesa na malapit sa cashier counter.
“Saan pa? Edi kay Jake. Hindi naman ‘yon mag-stay rito para makipagmarites sa ‘tin, eh.” Sabay baling ko kay Zujin na nasa puwesto niya malapit sa pinto. “Hi, Zujin!” Malapad ko itong nginitian kasabay pa ang kamay kong kumakaway. Hindi ko kasi siya nagawang batiin man lang kanina dahil kasama ko si Gino. Baka ano pang isipin ni Gino sa akin.
Pero dahil medyo cold-hearted ang bodyguard ni Phoenix ay bahagya lang itong ngumiti at tumango sa akin. Bigla tuloy akong nagsisi na binati ko pa ito.
“So, ano’ng chika?” Si Phoenix, nang muli ko siyang harapin. “Kumusta kayo ni Gino?”
“Going stronger,” natatawa kong sagot. “Nga pala, mhie. May pabor akong hihingin sa’yo.”
“Ano ‘yon? Biglang pumintig nang malakas puso ko, ah?” biro niya habang pinagmamasdan ako.
“Hindi, mhie. Wala naman akong ipapagawa na makakasama sa’yo. Alam kong magugustuhan mo rin ‘to tutal member ka rin ng Chismosis Maritenesis Club,” pabulong kong sabi para hindi kami gaanong marinig ni Zujin.
“O, sige-sige. Ano ba ‘yon?” Nagliwanag bigla ang mukha niya, halatang na-excite sa sasabihin ko.
“P’wede mo bang tanungin si Jake tungkol kay Gino? Ang dami ko pa kasing hindi alam sa kaniya. Gusto kong malaman ‘yung family background n’ya, past love life at kung anik-anik pa.”
“How much will you give me?” natatawa niyang sabi na biglang ikinalukot ng mukha ko.
“Pagkakaperahan mo ‘ko? Ikaw nga ‘tong may business! Mahabag ka naman sa ‘kin, mhie!” reklamo ko. Tumaas pa nang bahagya ang boses ko at alam kong naririnig na kami ngayon ni Zujin. Pero ayos lang dahil wala naman siyang pakialam sa amin.
“Bakit? Wala ka bang pera? Hindi ka ba binibigyan ni Gino?”
“Meron naman. Ako may hawak ng pera namin na naipon noong kinasal kami. Binigay ni Gino sa ‘kin ‘yon lahat. Ipinag-open n’ya pa nga ako ng bank account at doon n’ya ‘yon dineposit.”
“Magkano?” she asked curiously.
“Nasa 1.2M.” Bahagyang umawang ang bibig niya sa sinabi ko, pero agad ko na siyang inunahan. “H’wag ka magulat, mhie. Hindi ko ‘yon aariin na sa ‘kin lang. Wala pa nga akong ginagalaw kahit singkong duling!"
"Luh. Singko na nga lang, naduling pa! Baka may bulag ka pang singko d'yan, sa 'kin na lang." Humalakhak pa siya, ngunit nanatili akong seryoso at ipinagpatuloy na lamang ang paliwanag ko.
"Nahihiya ako kay Gino dahil kung tutuusin, kulang pa ‘yon sa lahat ng nagastos n’ya sa kasal namin.”
“Bakit ka mahihiya? S’ya naman ang lalaki. Ako nga rin, wala naman kaming ginastos ni Ate Sophie noong kinasal kami ni Jake. Si Jake rin lahat nag-shoulder. Saka mukhang hindi rin naman big deal kay Gino ang pera. Mukhang yayamin din naman ang angkan n’ya,” litanya ni Phoenix.
Napabuntong-hininga naman ako. “Iba ang sitwasyon nating dalawa, Nix. Buti sana kung kasing bait ng mga magulang ni Jake ang parents ni Gino. Eh, mukhang hindi. Mukhang matapobre ang mommy n’ya. Parang disappointed pa nga sila noong nalamang grocery store ang pinagkakakitaan ni mama at papa. Parang minamata nila kami. Kaya nga hindi ko magawang manghingi kay Gino ng pera kahit na may kailangan akong bayaran sa school. Pasimple pa rin akong nagcha-chat kila mama dahil ayokong may masabi sa ‘kin ang parents ni Gino.”
“May masabi? Duh! Mag-asawa na kayo, ‘no! Ano man ang pag-aari ni Gino, pag-aari mo na rin. At ‘yung mga pangangailangan mo lalo na sa pag-aaral, dapat sana si Gino na ang bahala ro’n. Nakakahiya kung hihingi ka pa kina tita at tito, samantalang wala ka na sa poder nila.”
“Alam ko, mhie. Ang kaso, nahihiya lang talaga akong manghingi kay Gino. Kung bibigyan n’ya ako nang kusa, edi goods. Pero kung ako pa ang hihingi sa kan’ya, no way!”
"Bibigyan ka n'yan, hintayin mo lang. Mayaman din 'yan si Gino, haller! Nagpapatayo nga ng resort, eh."
Nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi niya. Hindi rin agad ako nakakibo at napakurap pa nang ilang beses bago siya tanungin. "Nagpapatayo ng?"
"Resort, mhie!"
"Sino may sabi?"
"Hindi mo alam?" taka niyang tanong sa akin. Agad naman akong umiling bilang pagtugon. "Si Jake lang ang nagbanggit sa akin kaya ko nalaman. Sabi n'ya, may pinapatayo raw na resort si Gino. Dalawa. Nakalimutan ko nga lang kung saang lugar."
"Bakit hindi ko 'yon alam?"
Saglit siyang tumigil at pinagmasdan ako. "Walang kamuwang-muwang sa mundo ang beshy ko. Tanong mo si Kim, baka mas alam pa n'ya kaysa sa'yo. Bilis!"
Hindi ako nagdalawang-isip na dukutin ang phone ko sa bulsa ko para i-chat si Kim. "Kim panget? Alam mo bang may pinatatayong resort si Gino?"
Hindi ako naghintay nang matagal dahil kaagad din siyang nag-seen at nag-reply. "Oo. Nabanggit lang sa akin ni Julian. Bakit?"
"Shutang ina. Alam n'ya rin..." bulong ko kasunod ay inilapag ko ang phone ko sa mesa habang pinagmamasdan si Phoenix.
Napailing naman siya bago magsalita. "Feeling ko may kulang sa relasyon n'yo ni Gino."
"Ano?"
"Communication. Baka kasi puro lang kayo plock-plock-plock kaya wala kang kaalam-alam d'yan sa asawa mo."
"Pero...kailangan ko pa bang magtanong? Hindi ba dapat i-inform n'ya ako sa lahat ng bagay?"
Hindi ko naiwasang magdamdam. Parang nakakasama ng loob dahil mas nauna pang nalaman 'yon ng mga kaibigan ko kaysa sa akin na asawa.
Does he even consider me as his wife?