Wala namang sumunod na nangyari matapos kong napatawa si Killua Carson kahit hindi ako nagbitaw ng kahit anong joke.
Pagkatapos niyon ay basta na lang akong iniwan ng dalawa sa vip room. Nang makaalis sila ay dumating naman si Dora at parang nanalo sa lotto na masaya akong niyakap.
Feeling close na sa'kin ang masungit na floor manager! Pero hinayaan ko na lang, ang importante ay makakalabas na ako ng VIP room nang hindi sumayaw!
Hindi ko na naintindihan ang mga pinagsasabi ni Dora basta ang malinaw ay nagbigay raw ng malaking tip ang magkapatid na Carson. Pinuri-puri pa ako ni Dora, hindi ko naman alam kung ano ang ginawa ko.
Basta dahil doon ay pwede na akong umuwi nang maaga. Tapos na raw ang trabaho ko no'ng gabing iyon. Ang nakakagulat pa ay binigyan ako ng labing-limang libo na bonus ko raw.
Ngayon lang ako nagkaroon ng bonus na ganito kalaki kaya grab the opportunity na agad! Baka matauhan si Dora at babawiin pa ito kaya nagpaalam na akong uuwi.
Naghihintay sa'kin sina Violet at Kenny pagkalabas ko ng bar. May inarkila kaming sasakyan para sa trabaho naming ito at sa loob naghihintay sa'kin ang dalawa.
"Nagawa mo na?" salubong agad sa'kin ni Violet.
"Ang bilis naman," segunda naman ni Kenny.
"Hindi pa," sagot ko matapos hubarin ang suot ko pa ring arm gloves. Sa kakamadali kong magbihis, nakalimutan ko itong tanggalin kanina.
"Maaga pa naman, bakit nandito ka na?" nagtatakang tanong ni Kenny.
Hindi na ako nagsalita pa at pinakita na lang sa kanila ni Violet ang tiglilibong papel na bonus ko.
Nanlaki ang mga mata nilang napatitig doon.
"Nandukot ka ba sa loob?" maang na tanong ni Violet. "Grabe naman! Wala ka nang piniling lugar."
"Gaga!" Pabiro ko pa siyang hinampas sa balikat. "Bonus ko 'to sa gabing ito," proud kong dugtong.
"Bonus? Ganyan karami?" nanggilalas na tanong ni Kenny.
Nakangiti akong tumango-tango.
"Anong ginawa mo at nagka-bonus ka nang ganyan?" napakurap-kurap na tanong ni Violet.
Agad kong naalala ang nangyari sa loob ng VIP room. Mabilis kong winaksi sa isipan ang nangyaring paghalik sa'kin ng magkapatid na Killian at Killua. Dapat ay kalimutan ko na iyon dahil tiyak na balewala lang sa dalawang iyon ang tungkol doon.
Ako lang iyong talo kung patuloy ko pa ring panghihinayangan ang nangyari na at hindi ko na mababago pa.
"May nangyari..." panabay na bulalas nina Kenny at Violet.
Nabalik ako sa kasalukuyan at agad napansing parehong titig na titig ang dalawa sa'kin habang sobrang lapit ng mga mukha nila.
"Walang nangyari," kunwari ay balewala kong sagot habang sabay na tinulak ang mga mukha nila palayo sa'kin gamit ang dalawa kong kamay. "Mabait lang talaga sa'kin iyong floor manager namin," pagsisinungaling ko.
Naalala ko ang retokadang mukha ni Dora. Hindi naman siguro mangingilag sa isang iyon ang mga kasamahan ko sa trabaho kung mabait ito. Mabait lang iyon sa'kin dahil sa magkapatid na Carson.
"Kung ganyan kalaki ang bonus sa ganyang trabaho, bakit hindi na lang tayo magtrabaho talaga riyan?" nangingislap ang mga matang suhestiyon ni Kenny.
"Mukhang pera talaga," naiiling na sabi ni Violet dito. "Sa tingin mo kung madali lang ang trabaho riyan ay hindi na tayo niyayang mag-change career ni Beverly."
"Oo nga 'no," napaisip na usal ni Kenny bago tumuon sa'kin ang mapanuri nitong tingin. "Mas mukha ka naman sanang pera kaysa sa'kin, pero sa napapansin ko ay wala kang interes na seryosohin ang pagtatrabaho riyan." Ininguso pa nito ang direksiyon ng club.
"Hindi ako dancer," pahinamad kong sagot. "At hindi ko kayang sikmurain ang kung anong ginagawa no'ng ibang nagtatrabaho riyan."
Naalala ko ang mga suggestive na tingin ng mga dancer na kasamahan ko sa mga may edad nang customer ng bar. Kahit naman sabihing mayayaman ang mga matatandang iyon ay hindi ko kakayaning makipag-usap sa mga iyon lalo na at malinaw kung ano ang pakay nila sa mga kababaihang nakakuha sa intensiyon nila.
Hindi ibig sabihin na mukhang elegante ang loob ng club ay walang kabulastugang nagaganap sa loob ng mga VIP room nila at maging doon sa private rooms sa pinakamataas na palapag na hindi ko pa napuntahan.
Hindi ko mapigilang mapasimangot nang maalala ang magkapatid ma Carson. Mukha kasing suki roon ang dalawang iyon! Naiinis akong isipin kung sinu-sino ang mga babaeng dinala nila sa private rooms o baka inilabas pa nila ng club.
Dahil nakatingin kaming tatlo nina Violet at Kenny sa harapan ng club ay pareho naming napansin ang paglabas ng ilang magkakapareha mula roon.
"I told you," sabi ko sa kanila habang nakasunod ang tingin sa isang may edad nang lalaki kasama ang pamilyar na mukha ng dancer na parang apo lang nito ang edad.
"Buti na lang pala hindi ka natipohan ng katulad niyang amoy lupa na," nakangiwing usal ni Kenny.
"Amoy lupa na mapera," pagtatama ni Violet dito. "With driver s***h bodyguard ang lolo ni'yo."
Sabay silang napahagikhik ni Kenny dahil sa napansin nila. Ako naman ay isinandal ang sarili sa kinauupuan habang pilit na nilalabanan ang bumabalik na alaala sa utak ko.
Iyong pakiramdam kung paano lumapat sa mga labi ko ang mga labi ng magkapatid na Carson.
"Tara, umalis na tayo!" pahayag ko kapagkuwan. Kailangang iligo ko 'tong kaguluhang nangyayari sa sistema ko.
Agad namang sumang-ayon ang dalawa kong kasama. Tahimik lang ako buong byahe habang nag-uusap naman sina Kenny at Violet. Si Violet ang nagmamaneho at nasa backseat si Kenny habang nasa unahan naman ako katabi ng driver.
Nakikinig lang ako sa pinagkukwentuhan nila at minsan-minsang nagkokomento hanggang sa makarating kami sa tinutuluyan namin.
Nasa parehong palapag kami kaya magkasama pa rin kaming tatlong hanggang sa pag-akyat.
"Anong oras tayo aalis bukas?" tanong ni Kenny nang pareho na kaming nasa tapat ng kanya-kanya naming unit. "Naka-leave ako sa saloon kaya pwede akong mag-sideline sa parlor ni Betchay."
"Katulad pa rin kanina," sagot ko. "Pero huwag ka nang pumunta sa parlor. Ito ang hati mo sa natanggap kong bonus ngayong gabi."
Kinuha ko ang kamay niya at inilagay ang limang libo roon. Kanina ko pa naisipang hatiin sa aming tatlo ang natanggap kong bonus.
"Seryoso?" mulagat na bulalas ni Kenny habang nakatingin sa hawak na pera.
Habang manghang-mangha pa ang hindi makapaniwalang si Kenny ay inabot ko naman kay Violet ang parte nito.
"Pareho tayong nagpagod ngayong gabi kaya tama lang na hahatian ko kayo sa swerte ko," pahayag ko.
"Thank you, Bev!" tuwang-tuwa pasalamat ni Kenny. Kulang na lang at magtitili ito pero dahil malalim na ang gabi at may mga kapitbahay kaming tulog ay pigil-pigil nitong makagawa nang ingay.
"Ang bait mo talaga! Isa kang tunay na alamat!" hindi magkamayaw na puri sa'kin ni Kenny.
Akmang yayakapin pa sana niya ako pero inambahan ko na siya ng kamao kaya hindi na niya itinuloy.
"Malisyosa ka! Para yakap lang!" umirap niyang saad.
"Um-attitude ka pa at babawiin ko iyan," banta ko sa kanya.
Mabilis naman niyang binulsa ang perang hawak at matamis akong nginitian.
"Hindi na po, Madam Beverly," madamdamin niyang pahayag.
Agad kong naikumpara ang paraan ng pagtawag niya sa'kin at sa magkapatid na Carson. Pareho mang 'Madam Bevery' pero may something sa paraan nang pagkakasambit ng magkapatid sa pangalan ko.
"Sige na, matulog ka na at may pasok pa ang mga kapatid mo bukas," pagtataboy ko kay Kenny habang inaalis sa isip ang tungkol sa magkapatid na Carson.
"Good night, neighbors, babush," kumaway nitong paalam sa'min bago pumasok sa tinutuluyang unit.
Pagkasara nito ng pinto ay bumaling naman ako kay Violet na kasalukuyang binubuksan ang sarili naming tinutuluyan.
Pinauna pa ako ni Violet na makapasok sa loob bago ito sumunod sa'kin.
Pabagsak akong naupo sa maliit naming sofa. Hindi man ito gano'n kalambot pero komportable naman sa pakiramdam.
Tumayo sa harapan ko si Violet at matamis akong nginitian.
"Salamat sa ayuda, Bev," pasalamat niya sa'kin. "Pero mag-iingat ka roon ha," dugtong pa niya.
Hindi ko mapigilang mapangiti dahil kahit simple lang ang sinabi niya ay malaking bagay na iyon sa akin lalo na at nakikita ko ang sinseridad sa mga mata niya.
"Violet, paano kung may chance na magkakaroon tayo ng sariling bahay at lupa?" tanong ko sa kanya.
Natigilan siya saglit bago unti-unting nagliwanag ang buo niyang mukha.
"Pareho nating pangarap iyan, 'di ba?" napabungisngis niyang tugon. "Syempre hindi natin palalagpasin ang ganyang pagkakataon. Pero dapat ay magkatabi pa rin ang bahay natin para pwede akong makikain sa bahay mo kapag tinamad akong magluto."
Tila nagpagaan sa pakiramdam ko ang nakikita kong nangangarap na kislap sa mga mata ni Violet .
"Sa bahay ni Kenny tayo makikain dahil tamad din ako," paingos kong sabi kay Violet. Totoo na ang ngiting nakapaskil sa mga labi ko.
"Pwede rin," nakangiti niyang sagot.
Napatingin ako sa masayang bukas ng mukha niya. Kung dati ay parang napakaimposible ng pangarap naming ito, pero ngayon ay abot-kamay na ito.
Iyon nga lang iyong dalawang demonyong Carson ay magbibigay katuparan sa pangarap namin kapalit ang ipapagawa nila sa'kin.
Sanay naman akong manloko ng kapwa, pero ewan ko ba kung bakit kahit na pumayag na ako sa gusto nilang mangyari ay parang labag pa rin sa loob ko ang gagawin kong panloloko sa lola nila.
Ito iyong panloloko with consent pero makokonsensya ako. Hindi ko naman kaano-ano at hindi ko pa nakikilala ang lola nila pero parang hindi ko kayang lokohin ang matanda. Ako itong nakokonsensya gayong wala ngang gano'n iyong sarili nitong mga apo, at siguro iyon ang dahilan kung bakit ko ito nararamdaman. Naaawa siguro ako roon sa matanda dahil mga apo nito mismo ang nagpaplanong lokohin ito dahil sa mana.
Hindi naman kasi ako naniniwala sa peace of mind- peace of mind na pinagsasabi ng magkapatid na iyon! Pero nakakabuti na ring hindi ako masyadong mag-usisa at susundin na lang ang ipapagawa nila sa'kin.
Papatigasin ko ang puso ko para sa bahay at lupa ng lahat! Hindi ko na iiisipin kung gaano kalaking pamana ba ang nakasalalay gayong libreng mamimigay ng bahay at lupa ang magkapatid na iyon kapalit ang serbisyo kong panloloko!
Mukhang pera ako, pero hindi ko mapigilang isipin na scam ang pinasok ko dahil masyadong nakakalula iyong kapalit! Tapos ang pogi pa ng magkapatid, hindi man sila mukhang scammer ay mga magnanakaw naman ng halik.
"Matutulog na ako!" napatayo kong anunsiyo.
Naalala ko iyong halik kaya gusto ko nang itulog para makalimutan ko.
"Nagulat naman ako sa'yo," pumalatak na usal ni Violet habang nakahawak sa tapat ng dibdib at napatitig sa'kin.
Nagulat yata siya sa pabigla-bigla kong pagtayo sa gitna nang mahinahon naming pag-uusap tungkol sa pinapangarap naming bahay.
"Good night na," naiiling na wika ni Violet habang mataman pa ring nakamasid sa'kin.
Tango ang naging tugon ko sa kanya bago tumalikod. Hindi na ako nagtangka pang magsalita at baka hindi ako makapagpigil at ma-open-up ko sa kanya ang mga nangyari sa'kin ngayong gabi.
Kahit best friend ko si Violet ay may mga bagay na mahirap ikwento sa kanya lalo na at masyadong personal ang mga iyon. Baka kasi mag-iba rin ang tingin niya sa'kin kapag malaman niyang hinayaan kong halikan ako ng dalawang lalaki at magkapatid pa!