SHAIRA
Naging mahirap sa akin ang sumakay ng taxi na maghahatid sa akin sa airport. Mabigat sa dibdib na iwan si Mama na mag-isa dito sa pilipinas lalo na at nagkakaedad na rin naman siya. Kung pwede lang sana na manatili ako sa tabi niya at 'wag ng bumalik sa Malaysia ay ginawa ko na.
Mahirap iwan ang taong mahal ko at mahalaga sa akin. Alam ko na sa pag-alis ko ay mas lalo lamang malungkot si mama pero wala akong magagawa kun'di ang pansamantalang iwanan siya.
Mahirap maging isang ofw. Kalaban mo ang sariling emosyon lalo na sa mga oras na gaya nito na kailangan kong umalis kahit mabigat sa loob ko.
Pinipilit kong pigilan na huwag pumatak ang nagbabadyang luha na nakadungaw sa mga mata ko. Alam ko na mas magiging emosyonal ako oras na hinayaan ko ang sarili ko kaya sumandal na lamang ako at tumingin sa daang tinatahak ko.
Sumasabay na lamang ako sa agos ng mga tao at proseso sa loob ng airport hanggang sa nakaupo na ako sa loob ng eroplanong maghahatid sa akin sa Kuala Lumpur.
Balewala sa akin ang mahigit apat na oras na lumipas dahil nagising akong papalapag na ang eroplano na sinasakyan ko. Siguro dahil sa pagod at puyat dahil sa sobrang busy ako noong mga nakaraang araw ay para akong lantang gulay sa upuan ko na bumawi ng tulog.
"Thank you for choosing Air Asia," nakangiti at magalang na sabi sa amin ng flight stewardess na nakatayo sa pintuan habang palabas na kami.
Alam ko na matagal pa ulit bago ako muling makasakay dito kaya walang pakialam sa mundo na naglakad ako palabas.
Hating gabi na ng makarating ako sa hostel at tahimik na sa buong paligid ng bumaba ako sa grabcar na kinuha ko.
Dahil hindi ko sinabi kahit kanino sa mga kasamahan ko na ngayon ang balik ko ay nagkagulatan pa kami ng Indonesian na kasama ko dito sa hostel ng datnan ko at buksan ang pintuan.
Dahil talagang na pagod at malalim na ang gabi ay tumuloy na ako sa silid ko at mabilis na naglinis ng sarili para matulog. Nakakapagod kasi talaga ang mahabang byahe. Kahit wala naman akong ibang ginawa kun'di maupo at matulog ay pakiramdam ko ay pagod na pagod ako.
Kinaumagahan kahit pagod at puyat ay kinakailangan kong pumasok at mag-report sa opisina.
Hindi naging madali sa akin ang lahat dahil sa halos isang buwan na naka-leave ako ay tambak ang trabahong nadatnan ko. Ang daming files ng mga customer ang nagkagulo-gulo dahil na pinaghalo ang mga ito ng mga Indonesian staff ko. Minsan nakakaubos din ng pasensya pero gan'yan talaga, kailangan na maging matsaga dahil bahagi ito ng pagiging ofw.
Kahit narito na ako sa Malaysia ay ginawa ko pa rin ang lahat para subaybayan ang mga balita sa internet ng taong pinaghinalaan ko.
"Shai, iyang lalaki na naman na 'yan ang tiningnan mo. Hindi na ako magtataka kung balang araw eh mai-inlove ka d'yan. Araw-araw ka na lang nakatitig sa kan'ya, Aba, kahit ako nga eh memoryado ko na ang bawat sulok ng mukha niya. Infairness ha, gwapo siya," bigla ay sabi ni Jasmine sa likuran ko.
"Nakakita ka lang ng lalaking gaya nito, gwapo agad. FYI lang po, kriminal ang lalaking 'yan!" gigil na singhal ko sa kaibigan ko.
"Ito naman, hindi na mabiro. Teka nga, makapagsalita ka d'yan na kriminal eh, hindi ka pa naman sigurado. Suspect pa lang siya 'di ba? tanong nito.
Naiinis na pinandidilatan ko ito. Hindi ko alam kung paano ko ba naging kaibigan ang isang ito dahil minsan ay pakiramdam ko sa kaaway ko siya kumakampi.
Yes, kaaway talaga ang turing ko sa lalaking araw-araw kong pinang-gigilan.
"Eh, sa kriminal naman talaga siya eh," inis na sagot ko. "Hindi pa ba obvious na siya ang dahilan ng pagkamatay ni Reign at ng batang pinagbu-buntis niya?" salubong ang kilay na tanong at baling ko dito.
"Hey, girl, hindi ako ang kriminal na kaaway mo. Huwag mo nga akong pandilatan ng mga mata mo," nakakainis na sabi nito sabay subo ng popcorn na kinakain.
"Ikaw kasi, alam mo namang mainit ang dugo ko sa impakto na 'yan," sabi ko pa.
"Naku minsan masama ang gan'yan ha. Sa akin lang naman eh, hinala pa lang naman ang iyo. Isa pa, iyang picture na 'yan lang kamo ang nakita mo sa loob ng silid ni Reign. Wala ka talagang konkretong ebidensya na mag-didiin sa kan'ya Shai," sabi ni Jasmine habang nakatingin din sa ginupit na larawan na in-upload ko sa files ko.
Kung sabagay may point naman ang kaibigan ko kaya lang ay malakas talaga ang kutob ko na may kinalaman siya sa nangyari sa itinuturing kong kapatid.
"Bakit hindi ka mag-imbestiga Shai? I mean dig more para sure tayo na siya nga ang salarin, sayang kasi ang pogi n'ya lang talaga. Isa pa, para sure ka na hindi maling tao ang pinagbibintangan mo at pinag-aaksayahan ng oras," mahabang litanya nito.
"Ang dami mong sinabi tapos pupurihin mo lang pala. Saang banda naman ng hilatsa ng mukha niya ang nakikita mong gwapo? Itsura pa lang n'yan mukhang hindi na mapagkakatiwalaan eh," inis na sagot ko.
"Uy, grabe ka ha. Hindi ko alam kung malabo mata mo o hindi ka talaga marunong mag-appreciate ng luto ng diyos. Tingnan mo nga mukha pa lang, ang yummy na," kinikilig na sabi ni Jasmine na naupo sa tabi ko.
Lukot ang mukha na inirapan ko ito. Kahit kailan talaga nagbabago ang pananaw niya sa buhay basta makakita ng gwapong lalaki.
Teka, gwapo nga ba? Sa tingin ko mukha siyang hindi tao dahil may sungay at pangil ang mukha niyang nakarehistro sa utak ko.
Bakit ko nga ba iisipin ang walang hiyang lalaking ito. Kasalanan ito ni Jasmine kung ano-ano ang sinasabi kaya pati ako nawawalan ng pokus.
"Doon ka na nga, istorbo ka sa pananahimik ko," inis na tulak ko kay Jasmine.
"Bahala ka Shaira, panay ang titig mo d'yan sa lalaking iyan. Hindi na ako magtataka na balang araw pati panaginip mo siya na rin ang laman. Baka nga kalaunan eh nagniningning na ang mga mata mo pag nakikita mo siya," naka-ngisi na sabi nito saka tumayo.
Sa inis ay nakurot ko ito dahilan para tumili si Jasmine ng malakas. Minsan kasi hindi ko talaga masikmura ang tabas ng dila nitong kaibigan ko.
"Masyado kang matabil, kukurutin ko pati iyang singit mo ng magtanda at lumiwanag 'yang isip mo," gigil na sabi ko habang mariin na nakakurot sa braso nito.
"Ito naman, hindi ko alam kung matandang dalaga ka na o kaya ay ipinanganak noong kapanahunan ni Lola Basyang. Talo mo pa ang madre hindi ka naman demure. Hindi kaya bagay sa'yo," nakangiwi na sagot nito.
"Aba't loko ka talaga, halika rito at kurutin ko talaga ang singit mo!" malakas na sigaw ko ng makawala si Jasmine at tumakbo palayo sa akin.
"Kenapa awak macam garang sangat?" tanong ng Indonesian na kasamahan namin sa hostel na ang ibig sabihin ay 'bakit daw ako galit.'
"Tak de, main-main je," kibit balikat na sagot ko na ang ibig sabihin ay 'wala, naglalaro lang kami.'
Matapos ang ilang palitan ng tanong ay iniwan din ako nito saka mabilis na pumasok sa kusina para marahil magluto.
Binalikan ko ang laptop ko at muling sinimulan na maghalungkat ng mga post ni Don Montenegro.
Kung sana ay may kakayahan akong buksan ang social media account ni Reign ay ginawa ko na para mas makilala ko ang mga taong nakausap at nakaka-salamuha niya.
Sa naisip muling binalikan ko ang Ebook account ko at agad na tiningnan ang account wall ni Reign. Malinis ito mula sa ilang taon na posting niya. Walang kahit anong post akong makita na makakapag-turo sa katauhan ng lalaking nakabuntis at umabandona kay Reign.
Hindi kaya dahil artista ang Don Montenegro na iyon kaya inilihim niya ang relasyon para hindi magulo ang buhay niya?
Tama, malaking posibilidad iyon, posible rin na ayaw nitong panagutan si Reign dahil bukod na hindi siya mayaman ay hindi rin kilala ang angkan na pinagmulan. Kung baga ay wala siyang mataas na antas ng estado sa buhay kaya maaaring na ikinahihiya nito ang itinuturing kong kapatid at hindi pinanagutan.
Mukhang iyon talaga ang dahilan at sa puntong ito ay convinced ako sa bagay na naiisip ko.
Imposible na kitilin ni Reign ang buhay ng batang pinagbubuntis niya at piliin na ipalaglag ito kung pinili ng lalaking nakabuntis sa kan'ya na panagutan siya.
Kuyom ang kamao na nilamukos ko ang papel na nasa harap ko. Hindi ko pwedeng hayaan na mabuhay ang walang hiya at iresponsableng lalaki na nakabuntis kay Reign habang kami ay heto nagluluksa at walang tigil na naghahanap ng katarungan para sa babaeng inabandona niya.
Kung kinakailangan na gamitin ko ang lahat ng resources at kakayahan ko ma ipaghiganti ko lamang si Reign ay gagawin.
Alam ko na hindi tama ang bagay na tumatakbo sa isipan ko pero gano'n talaga. Hindi pwede ang basta sorry na lang kung sakaling magsisi man siya dahil kung lahat ng kasalanan sa mundo ay nadadala sa sorry ay ano pa ang halaga at silbi ng batas?
Hindi maibabalik ng simpleng sorry lamang ang buhay ni Reign at iyan ang masaklap na katotohanan.