SHAIRA
Mabilis na lumipas ang isang taon at tatlong buwan pero unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa na may makuhang kahit anong lead sa lalaking matagal ko ng sinusundan.
Ang nakakainis pa ay tila mismong tadhana ang ayaw akong pagbigyan dahil kahit anong pilit ko ay wala akong matinong makuhang impormasyon.
Pakiramdam ko tuloy wala akong silbi. Hindi gumagawa ang lahat ng idea ko pagdating sa bagay na ito. Masyado pala kasing pribado ang buhay ni Don Montenegro kaya nahihirapan ako.
Nakadagdag pa rito ang malayo ako at wala sa Pilipinas. Hindi ako makapunta sa mga events, gigs at mga show niya para makalapit dito.
Tanging sa social media ako umaasa na parang manlilimos ng balita. Nakakainis lang dahil parang hanggang dito na lamang ako.
Next week ay uuwi na ako ng Pilipinas, tapos ko na kasi ang kontrata ko at hindi na rin ako nag-renew since gusto kong makasama si Mama.
Sa edad niya ngayon ay ayaw ko na siyang maiwang mag-isa. Oo mga at malakas pa rin siya ngayon pero habang tumatagal ay lalong nagkaka-edad siya.
Ayaw kong maramdaman niyang nag-iisa siya kaya heto ako kahit maganda ang trabaho ko dito ay iiwan ko para sa kan'ya.
Gusto ko kasing suklian ang lahat ng kabutihan na ginawa niya para sa akin, sa amin ni Reign. Dito man lang ay makabawi ako sa lahat ng sakripisyo niya sa amin.
Hindi lahat ng tao ay gaya niyang handang bigyan ng maayos na buhay at tahanang masisilungan ang mga batang lansangan na tulad namin kaya talagang malaki ang respeto at pagpapahalaga ko sa kan'ya.
Siguro kung sakaling mauulit ang nangyari noon ay siya pa rin ang pipiliin ko. Sa kan'ya ko naranasan ang magkaroon ng pamilya at taong nagmamahal sa akin.
Hindi siya nag-alinlangan man lamang na tulungan kami kahit hindi niya alam kung sino at ano talaga kami. Nakakalungkot man na sa iba ko pa naramdaman ang pagmamahal na dapat ay naranasan ko mula sa totoo kong pamilya.
Masakit man ay tinanggap ko na ang totoo. Sapat na si Reign at si mama sa buhay ko at wala na rin akong balak hanapin kung saan ako nagmula dahil sila mismo ay tinapon na lamang ako sa kalsada.
Minsan kahit abala ako gaya nito ay hindi ko maiwasan na 'wag isipin ang naging takbo ng buhay ko. Hindi ko alam kung ganito pa rin ba ang magiging buhay ko kung lumaki ako sa poder ng mga totoong magulang ko.
Maswerte ako at nakapag-tapos ako nang pag-aaral. Lahat ginawa ni mama para makapag-aral kami ni Reign kaya heto may maayos akong trabaho.
Dahil abala ako sa trabaho ay ngayon palang nag-empake na ako. Wala kasi akong pwedeng makatulong na mag-ayos ng gamit ko dahil nauna ng umuwi si Jasmine sa Pinas noong nakaraang buwan.
Heto at hindi ako magkandaugaga sa mga gawain. Mabuti na lamang at na ayos ko na ang balikbayan box na kinuha ko sa LBC at na pick up na ito kanina.
Hinihilot ko ang na ngangalay na likod ko ng nag-ring ang cellphone sa bulsa ko. Sa tunog nito ay alam ko na sa messenger ito.
May idea na ako kung sino siya, kaya agad na dinampot ko ito at napangiti ng makumperma ko na tama nga ang hula ko.
"Hello Jas, napatawag ka?"
"Shai, naman ano pa bang bago? Syempre tatawag talaga ako para kamustahin ka," matinis ang boses na sabi nito sa kabilang linya.
Oo nga naman since umuwi ang babaeng ito ay araw-araw na tumatawag sa akin. Palibhasa ay wala itong trabaho doon kaya laging akong tinatawagan dahil namimiss niya umano ako
"Alam mo Shai, may maganda akong balita sa'yo. Nakausap ko si Jordan, willing siyang tulungan ka. Go ka na girl malay mo makalibre ka pa," banat nito.
"Sinong Jordan?" nagtataka na tanong ko. Sa dami kasi ng mga pangalan na binanggit ni Jasmine mula simula nang magkasama kami ay hindi ko na matandaan ang bawat isa dito.
"Naku matanda at uliyanin ka na talaga. Si Jordan, pinsan ko na matagal ko ng nirereto sa'yo," sagot nito.
"Ano naman ang maganda sa iba-balita mo aber?" nagtataka na tanong ko dahil wala na siyang ginawa kun'di bigyan ako ng pangalan ng mga lalaki sa angkan niya.
"Sabi ko nga willing siyang tulungan ka na makilala mo iyong lalaking hinahanap mo. Alam mo kasi dati siyang pulis at ngayon ay nagtatrabaho na bilang isang private investigator. Baka gusto mo lang naman," paliwanag nito.
Sa narinig ay napatayo ako ng tuwid. May pag-asa na ako kung sakaling totoo ang sinabi ni Jasmine.
"Baka naman scam 'yan? Magkano ang bayad?" agad na tanong ko.
"Mura lang basta para sa'yo, sabi ko bigyan ka ng malaking discount. Baka nga free pa kapag nakita ka niya sa personal," banat pa nito.
"Seryoso ako Jasmine, 'wag mo akong daanin sa gan'yan," seryosong sabi ko. Hindi kasi nawawala sa kan'ya ang ireto na naman ako kung kani-kanino tuwing nag-uusap kami.
"Totoo nga Shai, peks man. Nakita na niya ang picture mo sa galary ng cellphone keep. Maganda ka daw," biglang banat nito.
"Anong konek n'yan sa trabahong ipapagawa ko, ha Jasmine?" kunot noo na tanong eh.
Hindi ko tuloy na pigilan ang sarili ko na nakapamewang at tuwid na nakatayo.
"Ano pa, eh di sigurado na makatipid ka. Hay naku naman Shaira ang hina mo. Bakit hindi mo gamitin ang ganda mo ng mapakinabangan mo. Aba mahal ang bilihin ngayon dito sa pilipinas. Lahat na lang nag-taas presyo kaya kung hindi ka madiskarte at matipid mamu-mulubi ka dito, sinasabi ko sa'yo," mahabang litanya nito.
Napailing na lamang ako dahil pati ba naman sa bagay na ito ay sini-sales talk pa niya ako. Hindi talaga mawawala kay Jasmine ang ganitong tema.
"Kung sabagay may punto ka pero hindi ako sang-ayon d'yan. Hayaan mo babayaran ko 'yang pinsan mo ng tama. Dapat nga maayos ang promosyon mo para kumita ang pinsan mo. Paano ka magkakaroon ng komisyon?" natatawa na tanong ko.
Kilala ko kasi ang kaibigan kong ito, may ibang kahulugan ang pagiging madiskarte nito. Sigurado akong may ibang hirit na naman siya.
"Naku Shaira wala, gusto lang kitang tulungan at naawa na ako sa'yo. Mukha ka nang hindi normal na tao dahil d'yan sa kakasunod mo sa mga balita sa lalaking hinahanap mo," madaldal na sabi nito.
"Ah, s'ya nga pala. Oras na naging okay na kayo ni Jordan 'wag mong kalimutan na sabihin sa akin ha?"
"Bakit?" nagtataka na tanong ko.
Mukhang tama ang hinala ko na may ibang pakay itong kaibigan ko.
"Alam mo kasi Shaira gusto ko na rin na magkaroon ka ng boyfriend. Isa pa binata at seryoso sa buhay ang pinsan mo kaya malakas ang pakiramdam ko na magka-kagustuhan kayo. Tingin ko talaga bagay at magkakasundo kayong dalawa."
Natampal ko na lang ang noo ko. Trabaho ang tinatanong ko at usapan namin pero mas magulo pa sa buhol-buhol na traffic sa Edsa ang mga sinasabi ng kaibigan ko.
"Tigilan mo nga ako ng mga gan'yan mo Jasmine. Kung magaling sa trabaho niya ang pinsan mo hindi ako manghihinayang na magbayad. Willing naman ako kahit magkano basta maayos at malinis siyang gumawa ng trabaho," seryosong sagot ko. Kung saan-saan na lang kasi napupunta ang usapan.
"Magsabi ka nga ng totoo Shai, balak mo bang ipatumba ang lalaking hinahanap mo?" tila nagtataka na tanong ni Jasmine sa kabilang linya.
"Bakit mo nasabi iyan at saan galing ang ganyang ideya mo?" nagtataka rin na tanong ko. Wala naman kasi sa isipan ko ang bagay na iyon at wala rin naman akong natatandaan na nabanggit ko ang tungkol doon.
"Di ba kasi sabi mo ay gusto mo ng malinis siyang gumawa at maayos trumabaho. Naku Shaira, ganyan na gan'yan ang malimit na linyahang napanood ko sa Ang Probinsyano ni Kardo Dalisay. Ang susunod n'yan magkano ang bayad," tila wala sa sariling sabi nito.
"Kapag walang matinong lumabas d'yan sa bibig mo iba-block kita bruha ka," pananakot ko dito. Hindi na naman kasi talaga matinong kausap ang isang ito. Mukhang nagkamali ako ng pagsagot sa tawag niya dahil na abala ako sa trabahong ginagawa ko dahil nakikipag-daldalan ako imbes na ayusin ko ang makalat na silid ko.
"Seryoso nga Shai, kunin mo na ang serbisyo ni Jordan at sigurado akong mahanap niya si papa pogi mo," sagot nito.
Kung hindi ko pa alam ay inaasar na naman ako ni Jasmin. Kung kaharap ko lang siguro ito ay siguradong nakangisi na naman siya sa harap ko.
"Okay akin na ang number o kaya contact niya. Siya na lang kakausapin ko baka matino pa ang sagot na makuha ko," inis na sagot ko.
"Ito naman, ang sungit. Kahit kailan talaga ang kj mo," reklamo pa nito.
"Hoy Jasmine, busy ako ngayon. Makalat ang kwarto ko at wala akong time ngayon sa tsismisan sa lalaki. Mamaya na tayo d'yan kapag natapos na ako," mataray na sabi ko.
"Sige na nga, kaya ka hindi nagkaka-jowa kasi ang sungit mo. Soon manang na itatawag namin sa'yo sige ka."
Napapikit at na hilot ko ng sintido ko. Ano na naman kayang nakain ng isang ito at ako na naman ang nakita.
"Jasmine…" pikon na tawag ko dito.
"Oo na, heto na i-send ko na lang sa'yo. Bye Manang Shaira," sabi nito sabay patay ng tawag.
Inilapag ko muna ang cellphone ko at dali-daling bumalik sa ginagawa ko. May pasok pa kasi ako bukas at wala ng panahon na gawin ang mga personal na gawain ko.
Ganito talaga ang ofw, sagad hanggang sa huling araw ko dito sa Malaysia ang araw na ipapasok ko sa trabaho.
Hindi bali ilang araw na lang naman ay ayos na. Makakauwi na ako at matututukan ko na ng husto ang paghahanap sa taong hinahanap ko.
Soon, magkikita rin kami. Tama, darating din ang araw na 'yun at nararamdaman ko na malapit na.