Zaiden
IBANG klase talaga, kahit sina Castor at Tim hindi makapaniwala. Nakita ko ang reaksyon nilang dalawa, walang pinagkaiba sa naging reaksyon ko.
"Pare.. hindi talaga ako makapaniwala sa nakita ko kanina, in flesh talaga pare nakamayan ko pa." kwento ni Tim habang nakatambay kami sa silid ni Castor.
"Kailangan ba natin sabihin ito kina Headmistress?" tanong ulit ni Tim
"Sa ngayon siguro wag na muna... Hindi pa tayo sigurado kung siya nga iyon at isa pa nakapasok siya dito sa Academy, ibig sabihin alam ni Headmistress ang lahat." Sabi ko
"Tama siya, subaybayan na muna natin ang dalawa..” sabi naman ni Castor
"Sinong dalawa?" tanong ni Tim
"Sina Frost at Alyssa." Sabi ko
“May itinatago ang babaeng iyon, sigurado ako.” Sabi ni Castor
“Iniisip mo rin ba na si…” sabi ko
“Nakita mo naman si Frost.” Sabi ni Castor
“Hindi kaya potion lang ‘yon?” sabi naman ni Tim. “Nakita natin ng ilibing siya sa kabilang mundo.”
Umiling si Castor. “Imposbile na magkapareho ng amoy. Kung gumamit ng potion, kahit magkamukha sila sa lahat ng bagay, sigurado akong magkaiba sila dapat ng amoy.”
“Sang-ayon ako kay Castor. Ang aura niya ay kapareho din.” Sabi ko
“So, anong plano?” tanong ni Tim
Tumingin ako kay Castor. “May plano ka ba?”
Hindi sumagot si Castor ngunit nakatitig siya sa akin.`
After ng usapan namin ay bumalik na kami ni Tim sa silid namin. Pag upo ko sa kama, sakto naman na dumalaw si Altheia sa akin.
"Kamusta na?" tanong niya
"Altheia, kelan ka pa bumalik?" tanong ko naman
Ilang buwan na naglakbay si Altheia kasama ang apat pa na fairy para maghanap ng halamang gamot na kailangan ni Old Elf Sorcerer Alberich at ng mga ajouga para sa mga Silverwood. Dahil sa pagkakakulong ng Dark Sorcerer sa mga kaluluwa ng mga Silverwood, hindi madali para sa kanila ang magsimulang muli bilang isang buhay na nilalang kaya naman kinakailangan pa rin nila ang mga halamang gamot na ginawang tsaa para mapanumbalik ang kanilang lakas at pag iisip.
"Kanina bago sumikat ang araw." Sabi ni Altheia
"So kamusta naman ang misyon nyo?" tanong ko
Lumipad papalapit sa akin si Altheia saka tumayo sa ibabaw ng ilong ko.
"Marami kaming pinitas na halamang gamot. Ang sabi ni Old Elf sapat na iyon hanggang sa manumbalik ang lakas ng mga Silverwood." Sabi ni Altheia
“Mabuti naman kung ganoon.” Sabi ko sabay buklat ng libro
“Ikaw kamusta ka na?” biglang tanong ni Altheia
Napatingin ako sa kanya saka ngumiti. “Ayos lang ako.”
“Talaga? Nagkita na ba kayo?” tanong niya
Tumango ako. “Katulad ng inaasahan ko, hindi niya ako maalala. But the good thing is we’re starting to be friends again.” Sabi ko
“Pero possible ba na maalala ka niya?” tanong niya
Saglit akong natahimik. Syempre alam ni Altheia kung ano ang nangyari, kung ano ang ginawa ko kaya hindi ako maalala ni Oceane.
“Malakas na memory spell ang ginamit ko sa kanya, pero kilala naman natin kung sino siya kaya sigurado after a year maaalala na niya ang lahat.” Malungkot kong sabi
Lumipad si Altheia sa tapat ng aking mata na halos maduling na ako sa pagtingin sa kanya.
“Lumayo ka ng konti, dalawa na ang tingin ko sa’yo.” Sabi ko
Sumunod naman siya sa sinabi ko, lumayo siya ng ilang dangkal mula sa harapan ko.
“Zaiden, naalala mo iyong kaibigan ni Oceane na taga lupa?” sabi ni Altheia
Natigilan ako sa sinabi ni Altheia. Isinara ko ang libro. “Oo naman. Bakit bigla mong naisip si Jacob?”
“Noong nakaraang buwan kasi, nakita namin siya sa Virgin Forest.”
Napabalikwas ako. Ipinatong ko sa kama ang librong hawak ko.
"Nakita mo? Anong ginagawa nya doon?" tanong ko
"Hindi ko alam, pero kasama niya ang isang babae." Sabi ni Altheia
“Babae? Sinong babae?” tanong ko
“Mahaba ang buhok na medyo kulot, maganda at makinis ang balat. Maganda siya pero mukhang suplada at masungit.” Sabi ni Altheia
‘Si Alyssa ang tinutukoy niya. Pero anong ginagawa nila sa gubat?’
“Wala kang ideya sa ginawa nila sa gubat?” tanong ko ulit
Saglit na nag isip si Altheia. “Parang may nangyari sa gubat.”
“Nangyari?” tanong ko
“Oo. Kasi walang malay ang lalaki, tapos ang babae na kasama niya may sugat.” Sabi ni Altheia
‘Sugat? Posibleng may laban na nangyari, ngunit anong ginagawa nila doon at sino ang nakalaban nila?’
“Kailangan ko na bumalik sa Fairywood, Zaiden. Magpapahinga na muna ako.” Sabi ni Altheia
“Mag iingat ka, Altheia. Masaya akong makita ka ulit. Magandang gabi.” Sabi ko
“Magandang gabi din sa’yo, Zaiden.” Sabi niya
Lumipad palabas ng bintana si Altheia. Ako naman ay nahiga ulit sa kama. Mukhang di ako dadalawin ng antok ngayong gabi.
Castor
LEGAL akong labas pasok sa silid ni Oceane, dumaan ako sa bintana niya para hindi ako makita ng mga Fourth Level na siyang nagbabantay dito sa dorm. Dahil hindi pa nagpapakita at buhay pa ang Dark Sorcerer, kailangan siyang protektahan hanggang sa sumapit siya sa 18 taong gulang. Marahil wala pang ideya si Oceane sa mabigat na responsibilidad na naghihintay sa kanya, ngunit ito ay alam ng Dark Sorcerer kaya naman siguradong hindi siya titigilan nito. Naabutan kong hawak ni Oceane ang sagradong libro habang nakahiga sa kama niya. Hindi niya ito binabasa, imbes ay nakatitig lang siya sa libro.
"Anong ginagawa mo?" tanong ko
"I wonder, why you are insisting that I have to read this book ." sabi niya. “Ilang page pa lang ang nababasa ko pero sobrang malakas na mga spells ang nabasa ko. Medyo nakakatakot.”
Gusto kong matawa sa itsura niya, para siyang bata. Naupo ako sa tabi ng kama niya at kinuha ang libro.
"Kailangan mo matutunan ang lahat ng nakasulat diyan. Para kung nasa panganib ka at walang ibang tutulong sa’yo kaya mong maprotektahan ang sarili mo." Paliwanag ko
"Ano pa bang pwedeng mangyari sa akin? Bukod sa mapuyat sa kakabasa sa librong ito?" tanong niya
"Maikli lang ang buhay, Oceane!" sabi ko
Tumawa ito. Nang aasar sa akin.
"So, are you saying na pwede akong mamatay anytime now?" sabi niya
"Sa bawat pag galaw ng kamay ng orasan, nasa panganib ang buhay mo.” Sabi ko
“Bakit? Sino ang gustong pumatay sa akin?” seryoso niyang tanong
Bagaman, naikwento na nina Nazar at Miranda ang tungkol sa pagiging espesyal niya, wala siyang maalala dahil sa memory spell na ginawa ni Alfiro sa kanya tatlong buwan na ang nakakaraan. Kung sasabihin ko naman sa kanya ang lahat, siguradong magtatanong siya at maguguluhan dahil sa mga bagay na di niya maalala.
Tumayo ako at inilapag sa study table niya ang libro.
"Ang dami mong tanong.. makinig ka na lang, pwede?" sabi ko pa habang naupo ako sa upuan.
Nagulat ako ng yakapin ako ni Oceane sa balikat. Nakatalikod ako nun.
"Hey!" sabi ko
Inalis ko ang pagkakayakap niya sa akin. Tumayo ako at lumapit sa may bintana.
"Bakit palagi kang umiiwas sa tuwing yayakapin kita?" inis niyang sabi
“Hindi ako komportable.” Sabi ko
“Bakit?” sabi niya. “Close naman tayo, tapos anak anakan ka na rin si Papa. Para na nga tayong magkapatid.”
“Bampira ako.” Sabi ko
“Half vampire ka lang.” sabi niya. “Alam mo bang nakakainis ang ginagawa mo, iniiwasan mong magdikit ang balat natin, kung di kita kilala iisipin kong may gusto ka sa akin.”
Saglit akong natigilan sa sinabi niya. ‘May gusto nga ba ako sa kanya?’
Habang nakatingin ako sa kanya, nagtama ang paningin namin. Nakaramdam ako ng kaba, bago sa aking pakiramdam ang bagay na iyon.
“Ang daldal mo..matulog ka na, kung ayaw mong basahin ang libro. Aalis na ako.."
Tumalon ako sa bintana. Hindi na ako lumingon pa kay Oceane. Dumiretso ako sa aking silid, ngunit hindi ako humiga sa kama o naupo sa upuan. Nakatayo lang ako sa tapat ng bintana habang nakatingin sa loob ng aking silid.
‘Imposible ang naisip.. imposibleng magkagusto ako sa anak ni Nazar. Para ko na siyang kapatid.’
Sa loob ng tatlong buwan na bakasyon sa Academy ay naging super close talaga kami, na para bang matagal na kaming magkaibigan. Hindi ako magsisinungaling na hindi ko gusto ang nangyayari, dahil ang totoo, masaya akong naging malapit kami sa isa’t isa. Malayong malayo ang trato niya sa akin noong una kaming nagkita at nagkakilala sa nangyayari ngayon.
Ang ginawang spell ni Alfiro sa kanya ay hindi ko sinang-ayunan ngunit dahil sino ba naman ako para kumontra sa kagustuhan nina Nazar at Miranda na wala na rin nagawa matapos ang ginawa ni Alfiro.
Ang biglaang pagbuhos ng milyong milyong impormasyon sa kanyang isip ay hindi rin naman nagkaroon ng magandang resulta kahit pa hindi burahin ni Alfiro ang alaala niya. Ang simpleng buhay na kinalakihan niya ay isang malaking kasinungalingan.Ang pagkakaroon ng napakabigat na responsibilad ay hindi madaling tanggapin lalo na sa kanyang murang edad, na dapat ay nagpapakasaya sa kanyang buhay. At bilang isang kaibigan na ipinangako sa kanyang ama na poprotektahan ko siya ano man ang mangyari ay tutuparin ko kahit pa kapalit nito ang buhay ko.
Kinabukasan, maaga kong binisita si Oceane sa silid niya. Pagpasok ko sa bintana, nakita kong nakahiga pa si Oceane. Tulog na tulog pa rin ito. Hindi ko naman napigilan ang sarili ko na lapitan siya. Dahan dahan akong naupo sa gilid ng kama. Naghihintay ako na magising siya.
‘Imposible ang sinabi mo kagabi… imposibleng magkagusto ako sa’yo.'
Kumilos si Oceane at tumagilid. Napangiti na naman ako, dahil maaga pa tumambay muna ako sa labas para makapang hunting ng pagkain ko.