Chapter 5

1552 Words
Chapter 5 Inihatid ni Leon si Mami sa kwarto nito. Inalalayan pa siya nito at ipinangako pa nito sa kanya na ipapahanap ang kung sino mang nagtangka sa kanya kaninang umaga kaya huwag daw siyang mag-alala. Hindi naman talaga siya nag-aalala dahil wala naman talagang nagtangkang gumahasa sa kanya. Wala naman itong dapat na huliin pero siyempre hindi na niya ipapaalam pa ang bagay na 'yon. "Ayos ka na ba rito kung iwan kita nang mag-isa?" Tanong pa nito sa kanya. "Pwede bang samahan mo muna ako sandali? Pakiramdam ko kasi napa-praning ako mag-isa. Pasensya ka na," tugon naman kaagad ni Mami kay Leon. Nakita niyang napaisip ito saglit.  "Okay, sige. Dito lang ako sa pinto banda. Ayaw ko namang mapag-usapan ka ng ibang kapitbahay natin," mabilis na tugon naman ni Leon. Tumango naman si Mami rito at saka inalok ito ng almusal. "Kape? Almusal, Leon? Baka gutom ka?" Alok pa ni Mami. "Ayos lang ako. Salamat," nakangiting tugon din naman nito sa kanya. Natahimik na lang naman si Mami. Umupo siya sa sofa at pinagmasdan si Leon na tila nakasilip naman sa kung saan mula sa pinto niya. Hindi niya tuloy alam kung hindi lang ba ito kumportable na nasa kwarto niya ito o baka may hinihintay talaga itong kung ano man eh. Sinandal lang ni Mami ang ulo niya sa sofa habang nakikiramdam sa paligid at kay Leon. Napahikab pa siya nang bahagya at hindi na namalayan ni Mami na nakatulog na pala siyang muli. Nang lingunin ni Leon si Mami ay nakita niyang nakasandal at nakaupo na ito sa sofa. At ang nakakatawa pa ay tulog na ito. Napaisip tuloy siya kung paano ito mabilis na nakamove on sa nangyari rito kanina? Kung tutuusin ay lalaki din siya at hindi dapat pagkatiwalaan kaagad dahil kakakilala lang din naman nilang dalawa. Pero mukhang walang issue si Mami sa kanya.  Nagtungo na lamang si Leon sa balkonahe ni Mami para siguraduhing naka-lock maigi ang pinto at bintana ro'n. Mahirap na kapag mahimbing ang tulog nito at mag-isa lang sa kwarto. Ini-lock din niya ang pinto mula sa loob bago siya dahan-dahang lumabas sa kwarto.  Naalimpungatan naman si Mami nang mataas na ang sikat ng araw. Nakatulog pala siya. Nagising siya dahil mainit na ang sinag na tumatama sa mukha niya mula sa hindi nakasarang kurtina sa pinto papuntang balkonahe ng kwarto niya. Nataranta pa siya nang maalala ang kalokohang ginawa niya kanina para lang maawat niya sa Leon mula sa kung ano man ang planong gawin nito.  Wala na si Leon sa kwarto niya at naka-lock lahat ng pinto at bintana niya. Kaagad niyang binuksan ang pinto sa balkonahe at sinilip niya ang lugar ni Leon. Bukas din ang pinto nito sa balkonahe nito. Malamang ay kasalukuyan rin itong nasa loob kaya kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Mami. Akala kasi niya ay kumilos na ito habang mahimbing ang tulog niya. Naisipan ni Mami na mamalengke saglit at magluto ng paborito niyang kaldereta. Sa ibang bahay lang siya noon natuto dahil madalas ay taga-luto talaga ang role niya sa mga kababata. Hindi naman niya magawang magluto ng masasarap na ulam kapag sa kanila dahil wala rin naman siyang budget na pangbili sa mga sangkap no'n. Napabuntung-hininga na lang si Mami habang nagtitingin ng isda, manok at karne ng baka. Bumili siya ng mga stock na lulutuin niya at umuwi na rin kaagad. Pagkaluto niya ng kaldereta ay kaagad siyang nagsalin ng ulam sa tupperware at nagtungo sa harap ng pinto ng kwarto ni Leon. Kumatok siya ng dalawang beses at halos sampung segundo lang ay kaagad naman siyang pinagbuksan nito ng pinto. "Mami, kumusta?" Tanong naman nito kaagad. Nakangiti naman si Mami pagkakita kay Leon.  "Nagluto ako ng kaldereta. Naisip ko na baka hindi ka pa nagtanghalian. Para sa'yo 'to. Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin kaninang umaga, Leon," nakangiting sabi pa ni Mami. "Naku, wala 'yon. Alam ko namang kahit sino ang nandoon ay tutulungan ka rin at hindi magdadalawang isip," tugon naman nito. "Kahit na. Kunin mo na 'to. Salamat ulit," pagpupumilit pa ni Mami habang inaabot kay Leon ang tupperware.  Tinanggap din naman kaagad iyon ni Leon. Hindi na hinintay pa ni Mami na makasagot pa si Leon sa kanya. Tumalikod na siya at muling bumalik sa apartment niya. Nakaisip ng plano si Mami pero nagdadalawang isip siya kung magtatagumpay ba siya? Pero bahala na. Wala namang masama kung susubukan. Kung pumalpak, gagawa na lang siya ulit ng Plan B naman. Kinahapunan ay nainip si Mami sa kakahintay kay Leon na lumabas kaya ang ginawa niya ay siya na lang ang lumabas at bumalik sa pinuntahan ni Leon kaninang madaling araw. Medyo marami ang tao sa labas ng mga bahay nila. Hindi naman maalala ni Mami ang mukha no'ng tatlong nag-uusap na lalaki kanina na dapat ay susugurin ni Leon. Naisip niya na sa susunod ay dapat makuhaan niya ng litrato ang mga mukha nito gamit anv android phone niya para alam naman niya kung sino ang hahanapin.  Bumili pa siya ng mga kung anu-anong tinda sa gilid habang nagtitingin sa buong paligid. Hindi talaga niya alam kung bakit susugurin ni Leon ang tatlong lalaki. Ano ba si Leon? Pulis ba ito? Pero bakit mag-isa lang naman ito kanina? Hindi na siya nag-isip pa ng kung anu-ano. Patuloy lang siyang kumain ng inihaw na isaw ng baboy at manok habang nagmamatyag at nakikiramdam sa buonv kapaligiran. Naka-ilang order na nga siya ng ihaw. Pati barbeque na hindi naman niya afford na bilhin noon ay naka-order siya ngayon ng lima. Hindi naman siya gutom na gutom, sadyang masarap lang talaga ang ihaw na tinitinda rito. Habang palingon-lingon ay bigla niyang nakita si Leon na paparating. Nataranta siya kaya kaagad niyang binayaran sa matandang tindera ng ihaw ang mga inorder niya. "Nanay, bayad ko ho. Mamaya ko na kunin 'yong ibang order at sukli ko, ha. Balikan ko na lang," nagmamadaling sabi nito habang dahan-dahan at pasimpleng lumalakad palayo. Nakatingin siya kay Leon mula sa pinagtataguan niya sa hindi kalayuan. Mukhang hindi naman siya nakita nito. Ayaw kasi niyang isipin ni Leon na malapit sa lugar na 'to siya muntik magahasa pero nandito siya ulit. Baka magduda na ito at magtanong ng kung anu-ano. Kaya mas mabuti nang hindi na lang siya nito makita para wala nang mahabang paliwanagan pa. Inabangan niya kung ano ba ang gagawin ni Leon sa lugar na 'yon. Pero nakaramdam ng dismaya si Mami nang makitang bumili lang din ito ng ihaw sa matandang nagtitinda. Naisip niya na baka nagmamanman lang din ito kagaya ng ginagawa niya. Kaya mas dapat siyang mag-ingat at huwag magpahuli rito.  Habang tinitignan niya si Leon ay nagulat na lang siya nang biglang may humila sa damit niya. Paglingon niya ay dalawang batang babae pala.  "Ate, akin na lang 'yang kinakain mo," sabi ng isang batang babae sa kanya habang nakaturo pa sa isaw na kasalukuyan pa niyang kinakagat. "Naku, bili ka nalang do'n kay Nanay. May hepa ako, baka mahawa kayo. Oh, tig-bente kayo. Walang lamangan, ha," tugon pa ni Mami sa mga bata. Kaagad naman nilang tinanggap ang perang inaabot ni Mami sa kanila. At nang ibalik ni Mami ang tingin niya sa pwesto ng ihaw-ihaw ay wala na ro'n si Leon. Ang bilis naman nitong nawala na parang bula? Saglit lang nalingat si Mami ay nakawala na kaagad ito sa paningin niya. Hindi tuloy alam ni Mami kung saan ito nagpunta at hindi niya alam kung paano ito masusundan. Napa-iling na lang si Mami sa sarili niyang kagagahan. Sa susunod talaga ay hindi na siya malilingat pa. Bumalik na lang muli si Mami sa ihaw-ihaw at kaagad na kinain ang ibang order niya pa. "Mami? Nandito ka rin pala?" Bigla siyang may narinig na boses ng lalaki mula sa likuran niya. Pagkaharap niya ay nasamid pa siya sa kinakain niya nang makita niya si Leon na tila kakabalik lang mula sa kung saan.  "Leon? Ano'ng ginagawa mo rito?" Tanong kunwari ni Mami nang malunok na niya ang kinakain niya. "Bumili ako ng ihaw. Paborito ko ang barbeque ni Manang," paliwanag naman nito. Tumango-tango pa si Mami habang nagsasawsaw ulit ng panibagong stick ng barbeque sa suka. "Oo nga eh. Masarap ang timpla nila rito," nakangiting tugon din naman ni Mami kay Leo. "Maayos naman na ba ang pakiramdam mo?" Tanong nito sa kanya. Bahagyang matigilan si Mami at tahimik na nagdasal na sana ay huwag na nitong ungkatin pa ang kung ano pa mang eksena nila kanina. "Oo, ayos na ako kahit paano. Mabilis naman akong makamove on. Siyempre dahil na rin sa tulong mo 'yon kanina," nakangiting tugon ni Mami sa kanya. Tumango naman ito sa kanya. "Mabuti naman kung gano'n. Basta kung lalabas ka man nang mag-isa sa susunod, hintayin mo na lang munang magliwanag. Mahirap na sa panahon ngayon. Babae ka pa naman," bilin pa nito sa kanya. "Oo nga eh. Sanay kasi talaga ako noon na gano'ng oras bumibili ng pandesal. Salamat ulit," tugon din niya rito. Magkasama silang umorder at kumain ng ihaw sa lugar na 'yon. Hindi pa rin talaga tinantanan ni Mami ang pagbili ng isaw ng baboy lalo na ang barbeque. Sarap na sarap siya ro'n at tila hindi siya nabubusog kaagad kahit na nakarami na siya ng kain bago pa man dumating si Leon kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD