Chapter 3

1113 Words
Chapter 3 May mga kagamitan na kaagad sa loob ng kwarto niya. Mukhang naihanda na ang lahat para sa kanya.  Kaagad na naglabas ng papel at ballpen si Mami. Nag-drawing pa siya sa papel ng tila isang sketch.  "Ngayong alam kong nasa malapit lang siya, kailangan ko namang masiguro na malalaman ko palagi ang mga susunod na hakbang niya. Pero paano kaya?" Sabi pa niya sa sarili. Sinubukan pa niyang idikit ang tainga niya sa dingding kung saan katabi niya ang kwarto ni Leon na siyang target niya. "Mukhang masyadong makapal ang pader. Wala akong marinig," komento pa niya.  Nagtingin siya sa paligid. Napukaw ng pansin niya ang pintuan papunta sa terrace. Lumakad siya palabas ro'n at nakita niyang lahat ng kwarto sa building ay may terrace na kagaya ng sa kanya. Mula roon ay sinilip niya ang kwarto ni Leon pero wala naman siyang masyadong makita o matanaw. Napasimangot siya at muling pumasok sa loob ng kwarto niya. Napaisip siya kung kaya nga ba niya ang trabahong 'to? Samantalang wala naman siyang karanasan sa mga ganitong bagay.  "Para masabotahe mo ang plano ng isang tao, kailangan alam mo ang bawat kilos niya. Eh paano ko naman gagawin 'yon? Wala naman akong skills na pang-spy? Namali yata ako ng napasukang trabaho. Tsk," pinanghihinaan na loob na sabi pa ni Mami sa sarili niya. Umupo siya sa sofa at tumulala sa kisame. Ngunit nakaramdam siya na biglang kumulo ang tiyan niya. Wala pa man siyang nagagawa ay nagugutom na kaagad siya? Nakangiti siyang tumayo at dinampot ang wallet niya. "Buti na lang may pera ako," nakangiting sabi niya habang tinutungo ang pinto palabas. Bumaba siya muli sa building para maghanap ng mabibilhan ng merienda at sakto namang may nakita siyang nagtitinda ng tuhog-tuhog sa gilid. Kaagad siyang bumili ng kwek-kwek, fishball, kikiam at fried siomai. Minsan lang siya may pangbayad kaya lulubusin na niya. Kasalukuyan siyang umiinom ng palamig nang bigla niyang makita si Leon na lumabas at dumaan sa harapan niya. Nasamid pa siya dahil minadali niyang inumin 'yong huling lagok ng palamig niya. Patago niya itong sinundan. Mga dalawang metro ang layo niya rito para hindi siya mahalata at nagpapanggap pa siya na kunwari ay nagpi-pindot lang sa cellphone niya. Sinundan niya ito hanggang sa 7-eleven at wala naman itong kakaibang ginawa bukod sa bumili ito ng pagkain at alak. Nainggit si Mami kaya pumasok din siya sa loob ng 7-eleven at bumili rin ng ilang pagkain at San Mig Light. Hindi kaagad siya pumila sa likuran nito. Hinintay niya munang makaalis ito bago siya magtungo sa cashier para bayaran ang mga kinuha niya pero hindi niya inalis ang tingin niya sa papalayong bulto ni Leon. Tila pabalik naman na ito ulit sa building nila. Nakahinga naman nang maluwag si Mami dahil do'n. Hangga't walang kakaibang ginagawa si Leon, wala siyang dapat na gawin o pigilan.  Bumalik si Mami sa kwarto niya. Nakaisip siya ng paraan. Hindi niya isasara ang pinto niya at doon siya banda pu-pwesto para kung sakaling kikilos man si Leon ay malalaman niya. Bukas pa lang ng pinto nito ay maririnig na niya. Naglagay siya ng kalso sa pintuan niya at naglagay din siya doon ng upuan para mas kumportable ang magiging pwesto niya. Hindi namalayan ni Mami na naka-idlip na pala siya sa paghihintay. Nagising na lamang siya nang may marinig siyang sumigaw mula sa labas. "Lagot ka!" Sigaw ng isang boses ng batang babae. Napabalikwas naman siya ng bangon at napabukas sa pinto niya. Nakita niya ang dalawang bata na naghahabulan papasok sa katapat niyang kwarto. Napakamot na lang tuloy siya ng ulo. Sinilip niya ang pinto ng kwarto ni Leon. Sarado pa rin 'yon. Hindi niya alam kung nasa loob pa ba ito o baka lumabas na kanina habang tulog na tulog siya.  Mabilis siyang naghilamos ng mukha at kaagad na nagtungo sa tapat ng pinto ni Leon. Idinikit pa niya ang tainga sa mismong pinto nito ngunit wala naman siyang marinig na kahit na ano. Napasimangot siya habang nakaharap pa rin sa pinto nito. Maya-maya pa ay biglang bumukas 'yon at sakto na namang tumama sa mukha niya. "Aww," reklamo niya. "Miss? Ikaw na naman? Naku," tila gulat na sabi ng lalaki. "Ha? Ah, eh. Sakto kasing kakalabas ko lang din sa pinto ko," gulat na sabi lang din ni Mami. "Bakit ba kasi palagi kang nasa tapat kapag magbubukas ako ng pinto?" Tanong pa nito. Napataas naman ang kilay ni Mami. "Aba, malay ko sa'yo? Sino ba ang may gusto na makipag-lips to lips diyan sa pinto mo? Ang sakit na nga ng ilong ko, oh. Diyan ka na nga!" Inis na sabi pa ni Mami bago niya ito talikuran. Nauna siyang nagtungo sa elevator pero bago pa man ito sumara ay nakahabol ang lalaking si Leon. Sumakay din ito sa elevator at wala siyang kibo na umirap lang sa hangin. Nainis siya dahil hindi naman talaga niya gusto ang mangudngod palagi sa pinto nito. Pero imbes na humingi ito ng paumanhin sa kanya, ay tila sinisisi pa siya nito.  "I'm Leon, by the way," rinig niyang sabi nito. Napatingin naman si Mami at pinakiramdaman niya kung siya ba ang kausap nito. Hindi siya kumibo habang nakatitig lang dito. At nang lingunin siya nito ay nakita niyang bahagya itong nakangiti. "Mami," tugon na lamang niya. "Mami is your name? Cool," nakangiting tugon nito sa kanya.  Wala naman siyang naging imik. Iba ang pangalan niya sa mga identification cards na ibinigay sa kanya pero wala naman sigurong masama kung totoong nickname niya ang gamitin niya. Bumukas ang elevator. Hinintay niyang maunang lumabas si Leon ngunit pinauna siya nito. Wala naman talaga siyang balak na puntahan sa mga oras na 'yon. Pero para hindi siya mahalata, kunwari ay bibili na lamang siya ng kung ano sa sari-sari store sa baba. Nakita naman niyang nilagpasan siya nito. Bumili siya ng softdrinks at hinintay na makalayo si Leon. Saka siya palihim na sumunod dito.  Dire-diretso ang lakad nito at nagpunta ito sa isang abandonadong gusali. Naghintay muna ng ilang minuto si Mami bago siya sumunod kay Leon sa hagdan. Walang ibang tao sa paligid. Hindi rin alam ni Mami kung ano ba ang mayroon sa gusali na 'yon. Malapit pa lamang siya sa pangalawang palapag nang marinig niya ang mga yabag na tila mayroong pababa sa hagdan. Nataranta siya ngunit nagmadali rin siyang bumaba habang maingat ang mga ginagawa niyang hakbang.  Nagtago siya sa ilalim ng isang malaking lamesa nang marating niya ang pinakababa ng gusali. Kasunod no'n ay lumagpas din sa harapan niya si Leon na tila may hawak na armas. Kinabahan si Mami. May armas si Leon, samantalang siya ni batuta nga ay wala siya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD