Chapter 2
Hindi siya mapakali nang hapon na 'yon. Nagtext na siya sa numero ng lalaking tumawag sa kanya kanina at nagsabi na siya na payag na siya at tatanggapin na niya ang trabaho na alok nito. Ngunit wala naman itong naging reply sa kanya. Aligaga tuloy siya dahil naisip niyang baka nagbago na ang isip nito at baka hindi na siya nito alukin pa. Baka sa iba na nito inalok ang trabaho. Baka maging bato pa ang 400 thousand pesos na sana niya.
Ilang beses na siyang napakagat at nagngatngat ng kuko niya. Pagkatapos na pagkatapos tuloy ng event ay nagpaalam na siya sa kaibigan niya na uuwi na muna. Inaaya pa nga siya nito na mag-inom muna sila pero sabi niya ay babalik na lang siya mamaya. Hindi kasi talaga siya mapalagay kahit pa sabihing nasa kanya na ang 200 thousand pesos na pinadala ng lalaki sa GCash account niya.
Ipinagbalot siya ng mga ulam at cake ng kaibigan niyang si Bea para mai-uwi niya sa Nanay at dalawang kapatid niya. Matapos niyang magpasalamat ay tumawid na siya sa kalsada upang umuwi. Hindi pa man siya nakakalayo ay may natanaw na siyang lalaking nakaitim na tila nag-aabang sa kanya sa gilid ng poste. Pamilyar ang lalaking ito. Ito rin ang kumausap sa kanya kagabi. Siya kaya ang pakay nito?
Mabilis niyang nilapitan ang lalaki para kausapin.
"Hey," tawag niya sa atensyon nito.
Kaagad naman itong tumingin sa direksyon niya at may inabot itong tila brown envelop sa kanya.
"All the details you need are here. Kung may gusto ka pang malaman na hindi nakalagay sa sobre na ito, ibig sabihin ay wala akong isasagot sa'yo. There are things you don't need to know," seryosong bilin pa nito sa kanya.
Tinanggap naman niya kaagad ang envelop na ibinibigay sa kanya at sinilip ang laman noon. Nakita niya na parang mga papel ang laman nito.
"Kailan ako magsisimula?" Tanong niya.
"Bukas kaagad. Nandiyan na ang detalye. Pati ang susi ng apartment na tutuluyan mo habang nagta-trabaho ka sa akin," mabilis na tugon nito.
Magtatanong pa sana siya ngunit tinalikuran na siya nito. Hindi naman na niya sinundan pa ang lalaki. Mabilis siyang umuwi sa bahay nila para ibigay ang mga dala niyang pagkain para sa Nanay at mga kapatid niya. Matapos no'n ay nagtungo na siya sa kwarto niya para isa-isang basahin ang mga papel sa loob ng brown envelop na ibinigay sa kanya ng lalaking naka-itim.
May litrato ng isang lalaki. Malamang ito ang susundan niya. Matagal niyang tinitigan ang litrato. May itsura ang lalaking nasa litrato, pero ano kaya ang problema rito? Bakit gusto itong pasundan ng lalaking naka-itim?
Sunod naman niyang tinignan ang papel na naglalaman ng ibang detalye ng lalaking nasa litrato.
Name: Napoleon 'Leon' Aguinaldo
Age: 28
Blood Type: AB
Other Details: N/A
Napakunot naman ang noo ni Mami sa nabasa. 'Yon lang ang detalyeng ibinigay tungkol sa lalaki? Masyado namang pa-misteryoso ang lalaking nasa litrato kung gano'n.
Tinignan pa niya ang ibang papel. May isang papel do'n at may nakasulat na address ng isang Sunshine Apartment. Nakadikit din sa papel ang isang susi. Marahil ay 'yon ang susi ng sinasabi ng lalaking naka-itim na pansamantala niyang tutuluyan habang nagta-trabaho siya. Muli niyang sinilip ang loob ng envelop at may isang maliit na papel roon na may sulat.
Do everything you can to stop him in whatever he plans to do.
Naisip niya, paano pala kung hindi siya marunong umintindi ng ingles? Natawa siya. Naisip pa niyang tanga rin ang lalaking nagbigay ng trabaho sa kanya eh. Hindi naman lahat ng nakatira sa iskwater ay nakapagtapos at nakaka-intindi ng ingles. Maswerte ang lalaking 'yon at kahit paano ay marunong siya. O baka naman alam na talaga nito ang kapasidad niya?
Napatango-tango pa si Mami. Mukhang alam na nga ng lalaking naka-itim na 'yon ang tungkol sa buhay niya. Dahil alam nito ang pangalan, numbero ng cellphone at kung saan siya nakatira. Pero bakit nga kaya siya ang in-offer-an nito? Mananatili pa ring misteryo kay Mami kung bakit nga ba siya at hindi ang iba? Pero mas okay na siya na nga ang napili dahil kailangang-kailangan niya ng pera. Gagawin niya ang lahat ng makakaya niya. Kahit sino pa man ang lalaking nasa litrato. Sisiguraduhin niyang matatapos niya nang maayos ang misyon niya.
Nagsimula siyang mag-impake ng ilang damit niya nang gabing 'yon. Nagpaalam na din siya sa kanyang Nanay at sa dalawa pa niyang kapatid na ilang linggo muna siyang mawawala para sa raket niya. Hindi niya sinabi ang totoo sa mga ito. Ayaw niyang malaman pa ng mga ito dahil baka mag-alala lang ang Nanay niya. Mas mabuti nang walang ideya ang pamilya niya kung ano pa mang klase ng trabaho ang pinasok niya.
"Uuwi-uwi ka naman ba rito, Mami? Baka naman masyadong mahigpit ang amo mo ro'n?" Tanong ng Nanay niya habang kumakain sila ng pagkaing inuwi niya.
"Kapag pwede po, Nay. Uuwi po ako. Hindi naman po siguro sobrang higpit. Hayaan niyo na, Nay. Ang mahalaga, tuluy-tuloy ang bayad sa akin. Kahit paano hindi na tayo mamomoblema sa pera," nakangiting tugon pa ni Mami sa ina.
"Basta mag-ingat ka ro'n, Ate. Magtext ka sa amin kapag may load ka, ha?" Bilin naman ng pangalawa niyang kapatid na si EJ.
"Oo naman. Ano ba 'yan? Kung makapagdrama naman kayo, parang sa abroad ako magta-trabaho? Hahaha!" Nakangiting sabi lang ni Mami.
"Kasi Ate unang beses kang hihiwalay sa amin para sa trabaho. Ang pinakamatagal mong alis noon, dalawa o tatlong araw lang," sabi pa ng isa niyang kapatid na si MJ.
"Ang drama niyo. Kapag nandito naman ako sa bahay, hindi ko kayo mautusan na dalawa," natatawang sabi pa rin ni Mami.
Napakamot na lang naman ng ulo ang dalawang lalaking kapatid ni Mami. Alam naman niyang totoo na mamimiss siya ng mga kapatid niya. Pinipilit lang niyang tumawa at asarin ang dalawa para hindi sila mag-iyakan.
Kinabukasan ay umalis na siya at pinuntahan ang address na binigay sa kanya. Nagulat na lang siya nang may batang nag-abot sa kanya kanina ng isang maliit na bag. Naglalaman 'yon ng isang bagong cellphone. Yung touch screen. First time niya na magkaroon ng sariling cellphone na mamahalin. Mayroon ding wallet na naglalaman ng identification card na may mukha niya pero ibang pangalan ang nakalagay. May ATM card din at parang credit card?
"Sa akin lahat 'to? Pwede kong gamitin?" Gulat na sabi ni Mami habang sakay siya ng taxi at tinititigan ang laman ng wallet niya na busog na busog sa perang papel.
Huminto ang taxi sa tapat ng isang mataas na building. Mukhang condo ang itsura nito kaso sa palibot naman nito sa baba ay iskwater area rin.
"Feels like home," nakangising sabi pa ni Mami sa sarili niya.
Pumasok siya sa entrance ng building at naghintay sa tapat ng elevator matapos niyang pindutin ang up button. Bumukas iyon at kaagad naman siyang sumakay. Pinindot niya ang numero ng palapag kung saan siya mananatili pansamantala. Sa 6th floor.
Mabilis siyang nakarating sa palapag na 'yon at palinga-linga pa siya sa paligid habang hinahanap ang kwarto niya. Sa bandang dulo niya natagpuan ang Room 608. Nagmamadali siyang humakbang nang biglang bumukas ang pinto ng katabing kwarto niya. Saktong humampas ang mukha niya sa kakabukas lang na pinto. Sa lakas no'n ay napaupo siya sa sahig.
"f**k! Sorry, Miss. Ayos ka lang ba?" Tila nagulat na sabi ng isang boses lalaki sa harapan niya.
Hindi siya kaagad naka-imik dahil nakaramdam siya ng hilo sa pagtama ng mukha niya sa kahoy na pinto. Naramdaman na lamang niya na hinawakan siya nito sa braso at inalalayan siya nitong tumayo.
"Ayos lang ako. Salamat," mahinang sabi niya habang hawak niya ang ilong niyang napuruhan.
"Sigurado ka?" Tanong nitong muli habang tila tinitignan nang maigi ang mukha niya.
Unti-unti namang luminaw ang paningin niya at saka niya nakita nang maayos ang mukha ng lalaking nasa harapan niya ngayon. Nanglaki pa ang mga mata niya nang makita na ang lalaking nasa litrato na ibinigay sa kanya at ang lalaking nasa harapan niya ngayon ay iisa. Ito na! Siya na nga 'yon.
Napa-atras pa siya nang bahagya dahil sa pagkagulat.
"Ayos lang ako. Sige, mauna na ako," mabilis na paalam na niya rito.
Inilabas niya ang susi ng kwarto niya at nagmadali siyang pumasok sa loob no'n. Natataranta siya dahil wala pa siyang plano. Hindi pa niya napag-isipan ang mga magiging susunod niyang hakbang. Pero ang mahalaga ay alam na niyang nasa malapit lang pala ang lalaking dahilan ng trabaho niya.