Chapter 1
“Mami. Ano na? Baka naman mayroon na tayong pangbayad diyan? Sabi mo no’ng nakaraan ibabalik mo rin sa akin ‘yong isang libo after one week ah?” tanong ni Badong na kapitbahay niya.
Kaagad naman siyang lumapit dito para haplusin ito sa braso.
“Ito naman, ibabalik ko rin ‘yong utang ko sa’yo kapag nagkapera ako. Kaso wala pa sa ngayon eh. Ito naman. Hindi naman kita tatakbuhan. Akala ko ba crush mo ako? Ito naman, magbabayad ako agad kapag nagkaroon ako ng raket. Pasensya ka na muna, ha?” Nakangiting sabi ni Mami kay Badong.
Siya si Maria Miranda ‘Mami’ Fernando. Lumaki sa hirap kasama ng ina at dalawang kapatid niya. Isang kahig, isang tuka ang pamumuhay nila pero kahit paano ay naisasalba niya ang nagugutom nilang sikmura. Paminsan-minsan ay mga mga sideline siya. Nakapagtapos naman siya ng kolehiyo pero hindi niya alam kung bakit hindi siya nakakakuha ng stable na trabaho. Kaya nagkasya na lamang siya sa pagraket ng kung anu-anong sideline na ibigay sa kanya kasama ang mga kaibigan.
“Nay, mano po. May dala po akong ulam. Tara, kain na tayo?” Nakangiting bungad ni Mami sa ina.
“Naku, saktung-sakto anak. Kanina pa gutom ang mga kapatid mo. Maraming salamat, ha?” Nakangiting tugon din naman ng ina ni Mami sa kanya.
“Nanay talaga oh. Ang drama pa. Siyempre naman, basta para sa inyo. Gagawan ko ng paraan. ‘Yong pag-aaral ko nga noon na-isalba ko sa pabarya-baryang kita ko noon. Kakayanin ulit natin ngayon. Mapapagtapos ko ‘yang si EJ. Tiwala lang,” kampanteng sabi pa ni Mami sa kanyang ina.
Napabuntung-hininga naman ang Nanay niya.
“Salamat talaga anak. Ikaw ang sumalo sa responsibilidad dapat namin ng ama mo,” malungkot na sabi nito sa kanya.
“Ayos lang ‘yan, Nay. Wala na tayong magagawa, wala na si Tatay. Saka tulungan tayo sa pamilya, di’ba? Hindi naman ako mag-isa, katuwang ko kayo. No more drama na po,” natatawang sabi pa ni Mami.
Oo, nagagawa pa niyang ngumiti ngayon kahit na kaliwa’t kanan na ang utang niya. Ayaw niyang ipaalam sa pamilya niya na minsan ay nawawalan siya ng pag-asa at pinanghihinaan ng loob. Sa kanya na lang ang problemang ‘yon. Hindi na dapat pa nila malaman.
Habang kumakain ng kanin at sardinas si Mami ay nakatanggap siya ng tawag sa cellphone niyang naghihingalo na ang keypad at screen.
“Oy, bakit?” Tanong kaagad ni Mami sa tumawag habang ngumunguya pa.
“Bukas, 4AM ang call time. Magmi-make-up ka sa mga bridesmaid. Ano? Keri?” Tanong ni Jasmine na kaibigan niya.
“Oo naman, Bakla. Ako pa ba? Kahit walang tulog, kaya ko ‘yan. Basta libre ang pagkain saka may pabalot after, ha?” Pagsang-ayon naman kaagad ni Mami sa kaibigan.
“Sure! Sige, see you bukas, Bakla,” paalam na ng kausap niya.
Si Mami lang ang nag-iisang babae sa mga kasama niyang rumaraket. Babaeng bakla nga ang tawag ng karamihan sa kanya dahil kayang-kaya niyang makipagsabayan sa mga kaibigan niya na madalas ay mga walang pahinga basta may maiuwi lang kahit paano para sa pamilya. Kahit barya pa ‘yan ay papatusin ni Mami. Wala siyang tinatanggihan. Lalo na kung may pabalot na pagkain pa pagkatapos. Dahil doon lang nakakatikim ng masarap na ulam ang pamilya niya.
Naalala niya noong nakapag-uwi siya ng lechon galing sa kasalan. Maluha-luha ang dalawang kapatid niya dahil ubod ‘yon ng sarap. Ang mga ngiti at saya ng pamilya ni Mami ay tila tropeyo para sa kanya.
Kasalukuyan siyang nasa isang event na Beauty Pageant. Maraming tao ang nasa paligid at may mga pulis na nagbabantay rin. Kakatapos lang niyang make-up-an ang isa sa mga babaeng contestant kaya lumabas muna siya saglit sa backstage para kuhain ang pagkain na para sa kanila. Mabilis niyang naubos ‘yon at pabalik na sana pero nakaramdam siya na kailangan niyang magbanyo. Masikip kasi sa backstage at kapag pumasok na siya ay hindi na ulit siya makakalabas kapag nandiyan na ang alaga niya. Saktong kakatapos niya pa lang umihi at kakasuot pa lamang niya ng underwear niya nang may biglang nagbukas sa pinto ng banyo kung nasaan siya.
“Taas ang kamay! Huwag kang kikilos nang masama!” Sigaw ng lalaking nasa harapan niya ngayon.
Kaagad naman siyang sumunod sa sinabi nito. Nagtaas siya ng kamay at kabadong-kabado dahil may hawak itong baril at nakatutok iyon sa harap niya. Ngunit kaagad din namang ibinaba ng lalaki ang baril nito.
“Pasensya ka na, akala ko nandito ‘yong hinahabol ko. Magsuot ka muna ng pantalon,” paghingi nito ng paumanhin.
Nakaramdam siya ng galit at sobrang kahihiyan. Mabilis niyang itinaas ang pantalon niya at kaagad din namang tumalikod ang lalaking walanghiya. Gigil na gigil si Mami. Gusto niyang isubsob sa lupa ang walang modong lalaki na ‘yon.
Naiirita man pero pinilit niya na lamang maging kalmado nang gabing ‘yon. Kung magpapa-apekto siya sa buwisit niya sa damuhong lalaking ‘yon, baka pumalpak pa siya ngayon sa raket niya. Kaya wisik wisik muna ng negative vibes sa katawan. Kailangan niyang kumita ng pera. Hindi siya pwedeng magpadala sa kung ano mang inis niya sa iba na hindi naman makakatulong sa kanya.
Naging 2nd runner up ang alaga niya nang gabing ‘yon. Kaya kahit paano ay may tip siya. Sigurado na kaagad na makakabili siya bukas ng almusal, tanghalian at hapunan nila. May pangmerienda at softdrinks pa ang mga kapatid niya dahil sa binigay na 200 na tip ng alaga niya. Masaya na siya sa pabarya-barya. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya ganito. O kung hanggang kailan siya makakahanap ng raket na pangtawid sa gutom ng pamilya niya. Kung siya ang tatanungin, gustung-gusto niya ng trabaho na one time big time. ‘Yong tipong malaki kaagad ang bayad. Naku, baka kahit puri niya ay maibenta niya kung magkataon man.
Nang gabing ‘yon ay masaya siyang naglalakad pauwi kahit na madilim ang tinatahak niyang daan. Sanay naman siyang umuwi nang mag-isa. Ngunit nagulat na lang siya nang biglang may humamblot sa shoulder bag niya at itinakbo ‘yon. Nataranta siya dahil naroon ang perang kinita niya ngayong gabi.
“Hoy! Magnanakaw! Ibalik mo sa akin ‘yan! Walanghiya ka, nanakawan mo pa ang mas mahirap pa sa daga?!” Sigaw ni Mami saka siya tumakbo para habulin ang lalaking nagnakaw ng bag niya.
“Huwag mo ‘kong habulin kung mahal mo pa ang buhay mo!” Banta sa kanya ng lalaki.
“Gago! Kung hindi ko rin naman mababawi sa’yo ‘yang bag ko, talagang mamamatay kami sa gutom ng pamilya ko. Kumag! Ibalik mo sa akin ‘yan! Hindi kita tatantanan!” Ganting sigaw din naman ni Mami sa magnanakaw.
Mas binilisan pa ng lalaki ang takbo pero hindi naman nagpatinag si Mami. Nang malapit na siya rito ay tinalon na niya ang pagitan nila ng snatcher. Dinaganan niya ito at sinabunutan sa ulo.
“Ano? May balisong ka pa? Isaksak ko kaya ‘to sa ngala-ngala mo? Magtrabaho ka nang maayos! Hindi ‘yong nanglalamang ka sa kapwa! Dugo at pawis ang nilaan ko para lang kumita kahit paano tapos nanakawin mo lang? Triggered ako sa’yo, Boy!” Gigil na sabi ni Mami habang sinasampal sampal pa ang lalaki.
Inagaw na niya ang bag niya mula rito at itinapon niya sa malayo ang balisong na nakuha niya sa snatcher. Mabilis niyang tinalikuran ang lalaki at tumakbo na palayo rito bago pa ito mahimasmasan. Palingon-lingon pa siya habang naglalakad pauwi. Iniba rin niya ang dinaanan niya at nakatatlong beses muna siyang paikot-ikot sa eskinita nila bago siya tuluyang dumiretso ng uwi sa bahay nila. Pakiramdam kasi niya ay may nakasunod sa kanya. Baka na-praning lang siya dahil sa nangyaring pang-snatch sa bag niya kanina. Unang beses niyang makaranas ng gano’n. Kasi sino ba naman siya para pagtangkaang pagnakawan? Talagang namali lang siguro ng napili ang snatcher kanina. O baka gipit na gipit na rin ito kaya kahit sino na lang ang tinarget. Malas nito, mas gipit pa sa kanya ang napagnakawan niya at desperado sa pera.
Kinabukasan ay maaga siyang bumangon para magluto ng almusal nila. Maaga siyang nagsaing at nagprito ng tuyo. Nagkakape na rin siya habang hinihintay niyang maluto ang kanin. Sakto namang kakatapos lang ng Nanay niya na maglaba at magsampay. Kaya pinakain na rin niya ito ng almusal. Swerte na kung minsan ay makakain sila ng kanin sa umagahan. Madalas kasi ay matabang na kape lang ang agahan nila kung wala siyang raket sa buong linggo. Ang mahalaga ay kahit paano nalalamanan pa rin ang sikmura nilang mag-anak.
Maaga siyang umalis sa bahay nila dahil tinawagan siya ng isa pa niyang kaibigan para mag-host sa isang party sa hapon. Biglaang raket lang dahil hindi raw available bigla ang dapag sanang kasama nito. Siyempre, kahit ano pa man ‘yan. Blessing pa rin ‘yan kay Mami. Biglaan man o hindi, basta pagkakakitaan at siguradong may maiuuwi siyang pera para sa pamilya ay papatusin niya.
Habang pauwi siya kinagabihan ay may biglang humarang sa kanya na isang lalaki. Nagulat pa siya at inakalang ito ‘yong lalaking snatcher na nakasagupa niya noong gabi pero hindi.
“S-sino ka?” tanong niya sa lalaki.
“I am here to offer you a job,” mabilis na tugon naman ng lalaki.
Nakasumbrero ito at nakasuot ng itim na damit at itim din na pantalon. Ganito ang pormahan ng mga emo niyang kaklase noong kabataan niya. Pero hindi naman na uso ngayon ang emo. Naisip niya pa na baka serial killer ito.
“Why would you offer me a job? Eh, hindi nga kita kilala?” Tanong ulit ni Mami.
“Hindi mo naman na ako kailangang makilala pa. I’m offering you a job that will pay you two hundred thousand pesos a month,” mabilis na tugon pa nito sa kanya.
Nabigla naman si Mami sa halagang sinabi nito na maaari niyang kitain pero hindi naman siya tanga para maniwala kaagad. Sabi nga ng iba, ‘if its too good to be true, madalas ay scam’.
“Sorry po pero hindi po ako interesado. Baka kung anu-ano pa ang hingin mo sa aking kapalit eh,” tanggi ni Mami saka niya nilagpasan ang lalaking nakaitim.
“Wala akong ibang hihingiin sa’yo kundi ang serbisyo mo,” tugon pa nito habang sinusundan siya.
Napahinto naman si Mami at napatakip sa katawan niya.
“Hindi ko po ibibenta ang puri ko sa halagang 200 thousand pesos lang,” taas kilay na sabi pa niya.
Tila natawa naman ang lalaki sa naging reaksyon niya kaya mas lalong napakunot ang noo ni Mami. Hindi na tuloy niya alam kung ano pa ba ang dapat na isipin niya ngayon.
“Hindi naman katawan mo ang magiging kapalit. Serbisyo mo. Dahil may gusto akong ipagawa sa’yo. May papasundan ako. At gusto ko, isabotahe mo kung ano man ang plano o gagawin ng taong papasundan ko sa’yo,” kwento pa nito sa kanya.
“Bakit sinasabi mo na sa akin ang mga bagay na ‘yan? Eh hindi pa naman ako pumapayag?” Naguguluhang tanong pa rin ni Mami.
“Hindi ka pa pumapayag sa ngayon, pero bukas o sa mga susunod na araw alam ko rin namang papayag ka. This is a once in a lifetime offer, Mami. Tatanggihan mo pa ba?” Tanong nito sa kanya.
“Bakit mo alam ang pangalan ko? Mas lalo akong nagdududa sa’yo eh. Diyan ka na nga!” reklamo ni Mami sabay takbo.
Natalisod pa siya sa pagmamadali niya. Aaminin niya, gusto niya ng pera. Kahit sino naman ay gustong kumita nang malaki. Pero masyadong nakakatakot ang salitaan ng lalaking naka-itim. Pakiramdam niya ay mamamatay muna siya bago niya makuha ‘yong sinasabi nito na 200 thousand pesos. Hindi maaari. Paano naman ang pamilya niya kung mamamatay na lang siya basta bago pa siya kumita ng pera?
Mabilis siyang naligo pagkauwi niya. Gusto niya sanang maagang magpahinga ngunit hindi naman siya dinadalaw ng antok. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang alok sa kanya ng lalaking nakasuot ng itim kanina. 200 thousand pesos? Kung tutuusin ay mahirap kitain ang gano’ng halaga sa panahon ngayon, lalo na sa klase ng sitwasyon na mayroon siya ngayon. Mas madalas pa na wala siyang raket kaysa sa mayroon. Mali ba ang desisyon niyang tanggihan ang lalaking hindi niya naman kakilala? Naisip tuloy niya, paano kung totoo pala ang offer nito sa kanya? Paano kung nagsasabi ito nang totoo at talagang babayaran siya nito ng 200 thousand pesos kada buwan? Pinalagpas ba niya ang isa sanang magandang oportunidad? Malayo na ang mararating ng 200 thousand. Kahit maka-isang buwan lang siya, sigurado na ang pang-tuition ng kapatid niyang si EJ sa walong semestre sa loob ng apat na taon ng kurso nito sa kolehiyo. Diyos ko. Nakaramdam ng panghihinayang ngayon si Mami. Napasabunot tuloy siya sa sarili niyang buhok.
“Ang hirap maging mahirap!” pabulong na sabi niya sa sarili habang nakapikit.
Kinabukasan ay wala namang inaasahang raket si Mami. Tinawag lang siya ng kapitbahay sa kabilang kalsada nila para tumulong sa pagluluto ng handa sa 7th birthday ng anak ng kaibigan niya. Wala man siyang kita ngayong araw, alam naman niyang makakapag-uwi siya mamaya ng ulam para sa pamilya niya dahil handaan pa rin naman itong napuntahan niya.
“Bea, ako na ang bahala rito sa lumpia. Sige na, gawin mo na ang mga dapat na gagawin mo pa,” sabi naman na ni Mami.
Sisiw lang sa kanya ang magbalot ng lumpia. Kahit nga yata nakapikit siya o tulog ay kayang-kaya niya itong gawin. Magluluto rin siya mamaya ng baked mac. Specialty niya kasi ‘yon at paborito nilang magkakaibigan.
Habang naghihiwa siya ng ingredients ay biglang tumunog ang kakarag-karag niyang cellphone. May text message si Gcash. Binasa niya iyon.
You have received P 200000.00 on 10-17-20 03:44 PM from BPI account ending in 8827. Your new balance is P 200000.80 with Ref No. 1110518832574. Thank you for using GCash!
Nanglaki ang mga mata ni Mami sa nabasa. Ilang beses niyang binilang ang zero sa text message. Parang gusto niyang mahimatay na lang bigla kung nasaan siya ngayon. Pero nagdalawang isip pa rin siya. Naisip niyang baka modus lang ito at tinatarantado lang siya ng kung sino. Kaya kahit abala siya ay nagpaalam muna siya sa kaibigan niya na sisilip muna siya sa ATM. Dala niya ang GCash Mastercard niya at pikit matang nagcheck ng balance. Nanginginig pa nga ang mga kamay niya habang nagpipindot ng pin code niya sa harap ng machine. At nahigit niya bigla ang hininga nang makitang totoo nga ang natanggap niyang mensahe mula sa GCash. May 200 thousand pesos na nga siya ngayon. Para siyang nanalo sa sa lotto nang hindi naman siya tumataya. Tumayo ang lahat ng balahibo niya at pakiramdam niya ay naiihi siya.
Umalis siya nang hindi nagwithdraw ng kahit magkano at muling bumalik sa bahay ng kaibigan niya. Masaya siyang nagpatuloy sa paghihiwa ng mga ingredients nang bigla siyang makatanggap ng tawag. Unregistered ang number na tumatawag sa kanya pero sinagot pa rin niya iyon kaagad.
“Nakita mo na ba ang pinadala ko?” Tanong ng isang matipunong boses ng lalaki.
Napatingin siyang muli sa screen at sa numero ng kausap niya ngayon.
“S-sino ‘to?” Naguguluhang tanong niya.
“Nakalimot ka na kaagad? Kagabi lang tayo nag-usap,” tila paalala pa nito sa kanya.
Napasinghap naman si Mami sa narinig.
“Ikaw ‘yong lalaking nakaitim kagabi?” Pagkumpirma pa niyang muli.
“Yes. Ako rin ang nagpadala ng pera sa’yo. Paunang bayad ‘yan. Sabi ko nga sa’yo, mapapapayag din kita,” sabi pa nito.
“Bakit alam mo ang number ko? Tapos alam mo din ang pangalan ko. Stalker ba kita? At bakit mo ‘ko sinendan ng pera? Eh kung hindi ako pumayag sa alok mo at kung hindi ko ibalik sa’yo ang pera mo?” Tanong niya rin naman sa lalaking kausap.
“Papayag ka. Bakit ka naman hindi papayag? Trabaho na ang kusang lumalapit sa’yo. At saka paunang bayad lang ang pera na pinadala ko. Ibig sabihin, kapag tinanggap mo ang trabaho, may 200 thousand pesos ka ulit paglipas ng isang buwan. Isipin mo na lang kung ano ang maaari mong mabili sa perang ‘yon. Pag-isipan mo, Mami. Itext mo lang ako sa number na ‘to kapag nakapagdesisyon ka na,” sabi lang nito sa kanya at binabaan na siya nito ng tawag.
Nakanganga lang si Mami. Naisip niya na magiging 400 thousand pesos ang pera niya kung tanggapin niya ang trabahong alok nito? Sobrang laki no’n! Siguradong-sigurado na ang kinabukasan ng dalawa niyang kapatid kung magkataon.
Naiyak siya bigla. Pakiramdam niya ay ito na ang matagal niyang ipinagdarasal. Malaking pera ang naghihintay sa kanya. Ayaw niyang pagsisihan sa bandang huli kung tatanggihan niya ang ganitong klase ng oportunidad. Baka sa iba pa ito mapunta. At imbes na pera na ay maging bato pa. Susunggab na siya. Pikit mata niyang tatanggapin. Matapos no’n ay bahala na. Wala naman siyang hindi kinakayang trabaho eh.
“Kaya mo ‘to, Mami!” pag-cheer pa niya sa sarili.