TEN YEARS BEFORE…
NAGSALUBONG ang mga kilay ni Michelle nang marinig ang kinikilig na hagikhikan ng mga kaklase niyang babae sa kanyang likuran. Kaya mula sa binabasa niyang libro ay nilingon niyang ang mga ito saka pagkatapos ay tinapunan ng sulyap ang sa tingin niya’y dahilan ng pagkakaganoon ng dalawang kaklaseng sina Cindy at Rhea. Walang iba kundi si Ace, Ace Versola na pumasok ng silid at naupo sa pinakadulong silya sa likurang bahagi ng silid na iyon.
Iyon ang unang araw niya bilang fourth year high school student. At gaya nang mga nakalipas ng taon, pirming nasa section one siya. Pero ngayon lang niya naging kaklase si Ace. Ang lalaking kinakikiligan nina Rhea at Cindy. Last year kasi ay alam niyang section two ang binata. Noon wala sa loob niyang nilingon ang binata na nakita niyang abala sa binabasang libro. Napangiti siya, gwapo naman talaga si Ace kaya naiintindihan niya ang mga kaklase niyang kinikilig rito ng sobra.
Simpleng estudyante lang si Ace. Hindi sila close pero dahil nga gwapo ay sikat na sikat ito sa buong campus lalo na sa mga kababaihan. Kaya alam din niyang magaling itong tumugtog ng gitara. Iyon ay naririnig lang naman niya sa mga kaklase niyang babaeng may lihim na paghanga sa binata.
Moreno, matangos ang ilong at malamlam ang mga mata ni Ace na may mahahabang pilik. Ang mga labi nito likas na mapupula. Matangkad rin ang binata at may matipunong pangangatawan. Iyon ang dahilan kaya siguro gaano man kasimple ang isuot nito ay talagang iba ang dating sa karamihan. Pero ayaw niyang amining kasama siya sa maraming iyon.
Nang magtaas ng ulo si Ace ay agad siyang nagbawi ng tingin. Mabuti nalang at hindi siya nito nahuling nakatitig rito dahil kung sakali, baka hindi niya kayanin ang sobrang kahihiyan. Sa kaisipang iyon ay natawa siya ng mahina.
Ilang sandali pa at nagsimula nang magdatingan ang mga kaklase niya pati narin ang mga kabarkada na niya simula pa man noong nasa unang taon sila sa high school. Kumustahan, kwentuhan, tawanan. Nang masulyapan niyang muli ang gawi ni Ace, napansin niyang busy narin ito sa pakikipag-usap kay Ronnie, kabarkada niya at masasabi niyang maituturing niyang kanyang matalik na kaibigan. Tumahimik lang ang buong klase nang pumasok sa loob ng silid ang isang may edad ng gurong babae. Si Mrs. Peralta, ang kanilang English teacher.
“KUNG gusto mo sa amin kana sumama, para naman hindi ka mainip” ang narinig niyang alok ni Ronnie kay Ace, oras na iyon ng recess at nasa labas na ng classroom ang binata kasama ang iba pa nilang kabarkada.
Tumango si Ace ng nakangiti. “Sige, walang problema” anitong napatingin sa kanya saka siya nginitian. “hi, ikaw siguro si Michelle? Ang bestfriend nitong si Ronnie?” anitong inilahad pa ang kamay sa kanya na nag-aalangan naman niyang tinanggap.
“O-Oo” aniya sabay tango. Ilang sandali pa at isa-isa naring ipinakilala ni Ronnie kay Ace ang iba pang naroon. Sa mga babae, sina Myka, Lyn at Lhea. Habang sa mga lalaki naman bukod kay Ronnie ay kasama nila sina Carlo at Jomel.
“Nice name, ang ganda” compliment pa nito habang pinanatili ang pagkakadaop ng kanilang mga palad.
“Thanks” ang halos pabulong at nahihiya niyang sagot.
Matagal bago pinakawalan ni Ace ang kamay niya kaya naramdaman niya ng husto ang init ng palad ng binata. Marahan pa nito iyong pinisil kaya naman nagtumindi ang abnormal na t***k ng kanyang puso.
“Alam mo Ace dapat sa amin ka nalang talaga sumama, para naman sa JS may ka-partner si Mitch. Sa aming kasi siya nalang ang hindi pa nagkaka-boyfriend!” tukso ni Myka saka siya siniko sa tagiliran. Nasa canteen na sila noon at magkakaharap na kumakain sa isang long table.
Umangat ang makakapal na kilay ni Ace saka siya amuse na tiningnan. “Really? Parang ang hirap naman yatang paniwalaan niyan?” anitong hindi siya hinihiwalayan ng tingin.
Tumawa ng mahina si Ronnie saka inubos ang shake na nasa baso nito. “Galit sa lalake?”
“Tumigil ka diyan Ronnie ah!” aniya sa matalik niyang kaibigan saka ito sinulyapan ng masama. Nang aksidenteng napadako ang paningin niya kay Ace ay totoong nag-init ang mukha niya nang makita niyang hanggang ngayon ay nakatitig parin sa kanyang ang binata habang nasa mga mata nito ang matinding amusement.
“Sa tingin ko Ronnie hindi naman siya man hater, matalino lang talaga si Mitch at alam ang mga priorities” nagulat siya sa sinabing iyon ni Ace kaya mangha niya itong pinakatitigan.
“Paano mo nalaman?” taka at hindi napigilan niyang tanong.
Nagkibit ng mga balikat niya si Ace saka tinungga ang baso nitong may lamang iced tea. “Hindi ko rin alam eh, pero alam ko iyon ang dahilan mo. Tama ba ako?” anito.
Alanganin siyang tumango. “Oo” aniya pa. Nakita niya ang makakahulugang pagpapalitan ng tingin ng mga kaibigan niya nang sulyapan niya ang mga ito. Pero ayaw niyang bigyan ng malalim na kahulugan ang sinabing iyon ni Ace kahit kung tutuusin ay talagang kinikilig naman siya.
“SAAN ka nga pala umuuwi?” naglalakad na sila noon pabalik sa kanilang classroom nang maisipan niyang itanong iyon kay Michelle.
“Malapit lang ako, isang sakay lang. Traysikel, ikaw?” tanong-sagot sa kanya ni Michelle.
“Ako? Nilalakad ko lang, sayang kasi ang pamasahe” prangka niyang sagot saka sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
Tumango lang si Michelle saka na ibinalik ang paningin sa daan. Iyon ang dahilan kaya nagkaroon siya ng pagkakataong pagmasdan ito ng mabuti. Matagal na niyang nakikita si Michelle, last year pa. Pero ngayon lang niya ito naging kaklase dahil nga pirmi itong section one habang siya naman ay section two. At kahit pa ganoon, talagang aminado siyang lihim na niyang hinahangaan ang simplicity ng dalaga. Isama pa ang pagiging mahiyain nito at tahimik.
Maraming pagkakataon last year na nakikita niya itong nagbabasa lang ng libro sa may quadrangle ng malaking eskwelahan na iyon. Pero hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ito, hindi niya alam kung bakit. Kaya nagkasya nalang siyang tanawin ito mula sa malayo.
Morena si Michelle at makinis ang kutis. Balingkinitan ang pangangatawan na bumagay sa taas nitong sa tantiya niya’y nasa five feet and five inches. Mahaba ang kulay brown nitong buhok na tuwid na tuwid pero may volume. Magaganda ang mga mata nitong kulay brown, matangos ang ilong at maninipis ang mga labing natural na mapupula.
“Saan mo planong mag-college?” mayamaya pa ay tanong sa kanya ng kasama.
Nagkibit ito ng balikat.” Susubukan ko sa Maynila. May in-apply-an akong scholarship at sa susunod na buwan bababa ang resulta niyon” kwento niya.
“Ganoon? Di aalis ka pala dito?” nakitang niyang rumehistro sa mukha ni Michelle ang pag-aalala at humaplos iyon sa puso niya.
“Kailangan, sa Maynila kasi mas maraming opportunity eh” hindi niya maintindihan kung bakit niya sinasabi ang plano niya kay Michelle kahit kung tutuusin ay napaka-private niyang tao.
“Sana makakita ka, ako baka dito ko narin ituloy sa atin hanggang college. Tapos kung papalarin, gusto kong mag-abroad. Pupunta ako ng London” ani Michelle.
Tumango siya. “Kung doon ka magiging masaya go, sana lang huwag kang makakalimot pag andon kana” biro niya.
Natatawang nagyuko ng ulo si Michelle. “Plano palang iyon, hindi pa sure kung mangyayari. Sa ngayon gusto ko lang malaman mong masaya ako at naging kaibigan kita” naramdaman niyang totoo sa loob ni Michelle ang sinabi.
“Matagal na kitang nakikita, ang totoo kahit hindi mo alam laging nakasunod ang paningin ko sayo. Kaya kung ako ang tatanungin mo, mas higit pa sa salitang masaya ang nararamdaman ko sa ngayon”hindi niya napigilang sabihin.