MATAPOS tiyaking mahimbing na ngang natutulog si Nina ay saka ito hinalikan sa noo ni Ace. “I love you” bulong pa niya saka inayos ang kumot ng bata. Kapag tinitingnan niya ngayon ang anak niya, hindi siya makapaniwalang binalak itong ipalaglag noon ng sarili nitong ina. Noon niya naramdaman ang pamilyar na poot sa kanyang dibdib saka ibinalik sa shelf ang story book na ilang beses narin niyang binasa sa anak to make her fall asleep. Napangiti doon ang binata.
Limang taon na si Nina. Ang ina nitong si Criselda na naging bed-partner niya sa loob ng dalawang buwan ay iniwan sa kanya ang bata dalawang linggo matapos lamang itong ipanganak. Kung nasaan ito ngayon, wala siyang alam. Nakilala niya ito sa isang kilalang bar.
Maingat niyang inilapat pasara ang pinto saka binaybay ang pasilyo patungo sa kanyang kwarto. Isa iyong two-storey house na may apat na silid at limang banyo. Sa itaas ng garahe naroon ang sarili niyang home gym at billiard room. Maliban pa ang maid’s quarter na nasa likurang bahagi ng bahay karugtong ng dirty kitchen. Malaki iyon para sa kanilang mag-ama, isang yaya at isang katulong. Pero ganito kasi ang dream house niya na siya mismo ang nag-design. At baka sakali, pagdating ng tamang babae para sa kanya alam niyang magiging tama na ito lalo at hanggang tatlong anak ang gusto niya. Kulang sampung taon narin siyang Arkitekto sa isang malaking Construction Company.
Siguro kung nabubuhay lang ang tiyahin niya Susan ay masayang masaya ito para sa kanya. Dalawang taon kasi matapos siyang magtapos ng Kolehiyo ay namatay ang tiyahin niya dahil sa isang vehicular accident. Habang ang nanay naman niyang si Sally ay pumanaw gawa ng pagsilang nito sa kanya. Ang tatay niya? Wala siyang balita o kahit anong ideya tungkol rito o maging sa itsura nito. Ang kwento kasi sa kanya noon ni Susan ay parang bula nalang na naglaho ang tatay niya nang malaman nitong nabuntis nito ang kanyang ina. Palibhasa ay dayuhan sa Caringlan bukod pa sa walang kapasidad ang magkapatid sa paghahanap kaya ipinagpasa-Diyos nalang ng mga ito ang lahat.
Sinulyapan niya ang suot na wrist watch saka binuhay ang kanyang laptop. Hindi pa naman siya inaantok kaya naisipan niyang bisitahin muna ang kanyang f*******: account. Sa news feed bumati sa kanya ang isang post na agad ngang umagaw ng atensyon niya.
CHS Secret Files o Caringlan High School Secret Files ang eskwelahan kung saan siya nagtapos ng high school. Binasa niya iyon dahil agad siyang nakuha ng nakasulat na title. Sa malayo kita mamahalin. Agad na kumabog ang dibdib ni Ace pero hindi niya maintindihan kung bakit. Gayun pa man ay nagpatuloy siya sa pagbabasa.
Matagal na panahon na alam ko. Pero hindi ko parin magawang kumbinsihin ang sarili kong wala nang chance na maging tayo. Hindi ko kasi alam kung totoo iyong naramdaman ko, na kagaya ko, minahal mo rin ako. Naramdaman ko kasi iyon, lalo na kapag tinititigan mo ako, o kahit sa simpleng pagngiti mo lang. Madalas tahimik tayo, sinasabayan ko ang paghinga mo. Ginagaya ko kung gaano iyon kabigat, sa ganoong paraan manlang, kasi nga malalim kang tao, madamayan kita. Kasi mahal talaga kita. Alam kong hindi na normal itong nararamdaman ko. Kasi hanggang ngayon natatakot parin akong makaharap ka. Alam ko naman kung bakit, kasi mahal parin kita. Iyon din ang kaparehong dahilan kung bakit ni hindi ako magkaroon ng lakas ng loob para i-type ang pangalan mo at hanapin ang account mo. Pero sana, sana makalaya na ako. Kasi sa loob ng mahabang panahon, kahit wala ka at hindi kita nakikita nagpatuloy ang puso kong mahalin ka. Minamahal kita mula sa malayo. Iyon naman ang ipinangako ko sa sarili ko nung nalaman ko ang totoo, ang mahalin ka ng lihim, ang mahalin ka mula sa malayo.
Fair Miss
Ilang sandali matapos niyang basahin ang post ay nanatili paring nakatitig sa screen ng kanyang laptop si Ace. Hindi naman iyon ang unang pagkakataong nakapagbasa siya ng ganoong klase ng kwento sa CHS Secret Files page pero iba ang dating niyon sa kanya. At sa totoo lang kahit hindi niya aminin, talagang apektado siya. Iyong tipong parang tinamaan siya. Para kasing pamilyar sa kanya ang codename na iyon. Pero dahil hindi niya matiyak kung tama siya ay minabuti niyang walain nalang iyon sa kanyang isipan.
Isinandal niya ang likuran sa sandalan ng swivel chair saka walang anumang napasulyap sa built-in closet ng kanyang kwarto. Parang may sariling isip ang mga paa siyang tumayo saka iyon binuksan. Isang storage box ang inilabas niya at mula roon ay kinuha niya ang isang bote na puno ng maraming piraso ng nakarolyong papel.
Kumusta kana kaya? Gusto kitang makita? Gusto kitang makausap. Ang nasa isipan niya saka maingat na hinaplos ang bote sa paraang tila napakarupok niyon kaya iniingatan niyang huwag mabasag.
Ilang beses na ba niyang sinubukang hanapin si Michelle sa f*******: pero nanatiling wala siyang makitang anumang traces tungkol dito? Mapait siyang napangiti saka ibinalik sa loob ng kahon ang bote at pagkatapos ay iniayos iyon sa loob ng cabinet saka na nahiga sa kanyang kama.
Matagal siyang nakipatitigan muna sa kisame habang ang isip niya ay patuloy naman sa ginagawang paglalakbay. At gaya nang dati, sa loob ng sampung taon sa kabila ng maraming babaeng nagdaan na sa buhay niya ay parang nakikita parin niya ang isang natatanging mukhang kailanman ay hindi niya nakalimutan. Para kasing naka-preserve na iyon sa kanyang isipan.
“LUMABAS ka naman kasama namin minsan, baka yumaman kana ng husto niyan” biro ni Lily kay Michelle. Gaya niya ay graveyard din ang shift nito sa mismong ospital kung saan siya nagtatrabaho at nang mga sandaling iyon ay pareho na silang naka-coffee break.
Nginitian lang niya ang kaibigan saka inilapit ang cup ng mainit sa kape sa kanyang bibig at humigop. “Sira ka talaga” ang tanging nasabi niya.
“Seryoso, bukas may party sa bahay kasi birthday ng Lolo ko punta ka, ipapakilala kita dun sa pinsan kong engineer!” ang kinikilig pang suhestiyon ni Lily.
Tumawa siya. “Pang-ilang lalake na ba iyan?” kung mayroon siyang kaibigang talaga pursigidong magka-lovelife siya, iyon ay walang iba kundi si Lily. Hindi rin naman niya ito masisisi, dahil sa edad niyang twenty six ay NBSB parin siya.
“Paano naman kasi ang taas ng standard mo, kaya lahat nalang yata ng ipinakilala ko sa’yo rito hindi pumapasa” litanya ni Lily na siya naman talagang totoo.
“Kung sa hindi ko sila magustuhan eh, para naman kasing ganoon kadaling turuan ang puso?” ang nangingiti niyang katwiran saka tuluyan na ngang inubos ang kape at tumayo.
“Mag-move on kana Mitch, matagal na iyon” alam niya kung ano ang ibig sabihin ng kaibigan kaya tipid nalang niya itong nginitian. “para maging masaya kana rin” pagpapatuloy pa nito.
“Sinusubukan ko naman eh” aniyang pinagaan ang tinig kahit ang totoo ay biglang namigat ang dibdib niya nang mga sandaling iyon.
“Kaya nga sumama kana sakin bukas, sa bahay. Malay mo si Erwin lang ang kailangan mo para makalimutan mo iyang si Laham” anitong sinundan pa ang sinabi ng isang impit na hagikhik.
Nakangiti niyang pinag-isipan ang iginigiit ang kaibigan. At dahil wala naman siyang makitang masama doon ay minabuti niyang pagbigyan na ito. “Okay” sang-ayon niya.
“Yes!” ang masayang reaksyon ni Lily.
Tumango siya saka dinampot ang chart na nasa ibabaw ng counter. “Ikot lang ako” paalam niya.
Kung kaya lang niya sino ba naman ang gustong makulong sa nakaraan? Sinusubukan naman niya pero mahirap. Siguro medyo mas light na ang pain kaysa dati pero may pilat parin. At iyon ang dahilan kung bakit nagiging bulag siya at hindi nakikita ang ibang nasa paligid niya.
Nasa probinsya ang mga kamag-anakan ni Michelle. Pangalawa siya sa tatlong magkakapatid. Ang kuya niyang si Michael ay may asawa at dalawang anak na. Sina Samantha at Samuel, abala ito at ang hipag niyang si Kristine sa pagpapatakbo ng hardware store ng mga ito na sa loob ng tatlong taon mula nang maitayo ay kumikita naman ng maayos. Habang ang bunso nilang si Mark ay nasa unang taon nito sa Kolehiyo at kumukuha ng kursong Mass Communication. Ito ang tanging kasama ng nanay nilang si Aida na dalawang taon naring biyuda sa ama nilang si Crispin. Mabilis na nakaramdam ng lungkot si Michelle pagkakaisip palang sa yumaong ama. Atake sa puso ang ikinamatay nito sa edad singkuwenta.
Sa ngayon ay ang malaking pension ng kanilang namayapang ama mula sa pinasukan nitong malaking kumpanya ng gamot kung saan ito Production Manager ang ginagamit sa pag-aaral ni Mark. Bukod pa doon ay kumikita rin ng maganda ang babuyan nila at maging ang malaking grocery na matagal nang pinagkakakitaan ng kanilang ina nag-aaral palang siya nang high school.
High school, palagi ka nalang talagang may paraan para sumingit sa isip ko laham. Aniya sa sarili.
Kahit naman kasi sabihing hindi sila hirap sa pera noon pa man ay sa maliit na baryo high school sila pinaaral ng mga magulang nila. College na nang makatikim sila ng pribadong paaralan at masasabi niyang hindi naman siya, personally and academically nahirapang mag-adjust. Sa madaling salita, nakasabay siya. Sa ngayon ay sa isang boarding house siya nanunuluyan. Mabait ang kasera niyang si Aling Erlinda na ang asawa ay isa namang pulis. Si Mang Simeon. Isa lang ang anak ng mga ito na isa ring nurse sa London. Si Alice.