TEN YEARS BEFORE
“ALAM mong tugtugin iyan” ang amazed na tanong ni Michelle kay Ace. Biyernes noon at mas maaga silang dalawa na dumating sa classroom kaysa iba pa nilang kaklase.
Malagkit ang tinging ipinukol sa kanya ni Ace bago nito ipinosisyon ang gitara para tugtugin. “Hindi ba halata?” biro pa nito. “ito ang natatanging kayamanan ko, maliban kay Tita Susan, at sa’yo” sa huli nitong sinabi ay hindi niya matiyak kung sinadya ng binatang lagyan ng lambing ang boses nito dahil naapektuhan siya ng sobra doon.
Nagkibit siya ng balikat saka nagyuko ng ulo para itago ang pamumula ng kanyang mukha. Saka pagkatapos ay naupo sa tabi ni Ace. “Hindi naman, wala ka lang kasing nababanggit kaya naitanong ko” paliwanag niya sa binata.
“Bakit, boring ba akong kasama?” mayamaya ay tanong nito na kanya namang ikinabigla.
Magkakasunod siyang umiling. “Hindi ah! Ano ka ba, mas close na nga ako sa’yo kesa kay Ronnie na busy’ng busy sa girlfriend niya” aniya.
Nagyuko ng ulo si Ace saka nagsalita. “May tanong ako, pero huwag kang magagalit ah?”
“Bakit naman ako magagalit?”
“May gusto ka ba kay Ronnie?” prangkang tanong ni Ace sa kanya.
Matagal niyang pinakatitigan ang binata dahil sa tanong na iyon. Pinagsikapan niyang basahin ang mukha nito at sa totoo lang hindi niya maiwasan ang hindi kiligin dahil sa tindi ng karismang mayroon ito. Ang ganda ng mga mata nito at kipot ng mga labi. Kahit siguro hindi na siya matulog buong gabi hanggang sa kinabukasan ayos lang kung ganito naman kaperpekto ang mukhang pagmamasdan niya.
“Sira ka ba? Kaibigan ko lang iyon no” aniyang natatawa.
“Pero hindi ba may ganoon naman, minsan sila pa nga ang nagkakatuluyan eh” ang binata ulit.
Nagkibit siya ng balikat. “Depende naman siguro, kasi ako talagang kaibigan ang turing ko sa kanya.”
“Eh ako?” noon nag-angat ng ulo si Ace saka siya tinitigan.
“Huh?”
Mahinang tawa ang naglandas sa lalamunan ni Ace bago sumagot. “A-Ako? Kaibigan din I guess?”
Hindi niya man nakaligtas sa pandinig ni Michelle ang tila panginginig ng tinig ni Ace ay minabuti niyang ignorahin nalang iyon. “Magkaibigan naman talaga tayo hindi ba?” kung may hihigit pa sa salitang special iyon ang alam kong nararamdaman ko para sa’yo. Iyon sana ang gusto niyang aminin kay Ace na minabuti niyang huwag nalang.
“May sasabihin ako sa’yo pero secret lang natin ha?” ang sa halip ay isinagot sa kanya ng binata.
“Tungkol sa girlfriend mo?” tukso niya kahit alam niya sa sariling siya rin ang nasaktan sa sarili niyang biro.
“Ikaw talaga, alam mo namang wala akong girlfriend di ba?” ang nakangiting sabi ni Ace saka bahagyang kinurot ang kanyang pisngi.
“Oo nga pala,” ang nasisiyahan niyang sabi.
“Pero related dun ang aaminin ko sa’yo na gusto kong sa atin lang sanang dalawa” pagpapatuloy ng binata. Tumango lang siya kaya muling nagsalita si Ace. “sa tingin ko kasi in love na ako” halos pabulong na tinuran ni Ace.
Parang hinampas ng maso ang dibdib ni Michelle sa narinig. Pakiramdam niya gusto niyang magtatakbo palayo sa binata at umiyak ng umiyak. Pero kapag ginawa niya, makakahalata si Ace. At ayaw naman niyang mangyari iyon. “T-Talaga? Kilala ko ba?”
Nagbuntong hininga si Ace bago nagsalita. “Hindi ko pwedeng sabihin sa’yo eh. Pero alam mo mahal na mahal ko siya? Sana lang” noon siya nilingon ng lalaki saka pinakatitigan ng tuwid sa mga mata. “nararamdaman niya” nasa tono ni Ace ang matinding pag-asam.
“Bakit hindi mo aminin sa kanya?” nang hindi makatiis ay nagyuko siya ng ulo para iwasan ang mga titig sa kanya ng kaibigan.
“Mahirap eh, wala pa akong maipagmamalaki. Wala pa akong pwedeng ibigay sa kanya na kahit ano. Alam mo ba kung gaano ko kagustong aminin na sa kanya ang totoong nararamdaman ko? Sa totoo lang last year pa ito. Nakuntento ako sa kanya sa simpleng pagtanaw ko mula sa malayo. Pero ngayon, habang tumatagal lumalim eh, hanggang sa isang araw nagising nalang ako para marealize na mahal ko na siya.”
Ramdam niya sa paraan ng pananalita ni Ace na talagang mahal nito ang babae. At nasasaktan siya, nagseselos. Pero naguguluhan siya kung bakit at paanong sa kaibuturan ng kanyang puso parang may maliit na boses na nagsasabi sa kanyang hindi niya iyon dapat na maramdaman. Hindi niya kailangang masaktan dahil wala namang dahilan.
Nang hindi siya nagsalita ay noon naman sinimulang tugtugin ni Ace sa hawak nitong gitara ang isang pamilyar na kantang nagpangiti sa kanya. Ang awiting My Love ng Westlife. At sinasabayan rin iyon ng mahina nitong pagkanta. Para siyang ipinaghehele ng magandang boses ng binata kaya wala sa loob siyang nangalumbaba at tahimik na nakinig lang. Saktong natapos ang kanta ay saka naman nagsimulang magdatingan ang mga kaklase nila. Noon siya tumayo at bumalik na sa kanyang silya. Nilingon niya si Ace bilang pamamaalam na nakangiting tinanguan naman siya. Habang siya naman ay laman parin ng isip niya ang sinabi nito sa kanya kanina at ang kantang parang paulit-ulit na napi-play sa isipan niya.
TOTOONG gumaan ang pakiramdam niya kahit paano sa ginawa niyang iyon. Lahat ng sinabi niya kay Michelle, totoo. At hindi niya pinagsisisihan iyon. Ang tanong, kailan ba siya magkakaroon ng lakas ng loob na aminin rito ang lahat? Dahil kahit siya hindi pa niya alam.
Habang tumatagal, habang lalo niya itong nakikilala, lalo niyang minamahal ang dalaga. At lalo siyang pinahihirapan ng nararamdaman niyang iyon. Nasa dibdib niya ang takot na baka maunahan siya ng kahit sino. At kailangan niyang amining nauuna na si Ronnie sa listahan ng mga iniisip niyang karibal niya kay Michelle. Nabawasan lang ang pangamba niya dahil sa inamin mismo sa kanya ng dalagang kaibigan ang turing niya rito.
LUMIPAS ang mga araw at ngayon two weeks nalang ay JS Prom na. Lahat naman excited para sa araw na iyon pero hindi si Michelle. Paano naman kasi, hanggang ngayon wala parin siyang date.
“Two weeks nalang, excited na ako” ang kinikilig na sabi ni Myka. Recess at nasa canteen ang buong barkada.
Hindi siya kumibo at uminom lang ng iced tea saka ipinagpatuloy ang pagkain. “May date kana ba Mitch?” nagulat pa siya sa tanong na iyon sa kanya ni Lyn.
“H-Ha? Ano eh, w-wala” nahihiya niyang amin saka wala sa loob na napasulyap kay Ace na kaharap naman niya sa mesa.
“Etong si Ace wala ring date, bakit hindi nalang kayo?” sabad naman ni Carlo.
“Oo nga, saka di ba nung umpisa palang naman iyan na ang usapan? Kayong dalawa ang mag-de-date sa prom kasi si Mitch NBSB” tukso naman ni Ronnie na pinanlakihan niya ng mata.
“H-Ha? A-Ano kasi eh, t-teka lang…”
Hindi na niya natapos ang gustong sabihin dahil sumabad nanaman si Lhea. “Wala nang maraming usapan, matic na iyan. Ano sa tingin mo Ace?”
Noon biglang nanlamig ang mga kamay ni Michelle saka wala sa loob nanamang napasulyap sa binatang ngumiti lang sa kanya. Nakita niyang nagbuka ng bibig nito ang binata pero saktong tumunog ang bell. Lihim siyang nagpasalamat dahil doon.
Palabas na sila ng canteen nang gaya nang dati ay umagapay sa paglalakad niya si Ace. Napasinghap pa siya nang maramdaman niya ang kakaiba pero pamilyar na daloy ng kuryente nang hawakan ng binata ang kamay niya. Awtomatiko rin niyang tiningala ang binata.
“What do you think?” anito sa kanya.
Inirapan niya si Ace pero nakangiti. “Hmp! Kundi pa nila sasabihin hindi mo gagawin?”
Nagkamot ng batok nito ang binata. “Tatanungin talaga kita, naunahan lang nila ako kasi naman hiyang-hiya ako sa’yo palagi” paliwanag nito.
Umangat ang sulok ng labi ni Michelle. “Really?”
“Oo, sige na. Kasi kung hindi ka papayag hindi nalang ako pupunta” ang binata.
Natawa siya doon. “Pareho pala tayo eh, walang balak pumunta kung sakali. Pero sige, dahil ikaw naman ang nagyayaya, payag ako” pagkuwan ay sang-ayon niya.
Kakaiba ang naging pagkislap ng mga mata ni Ace dahil sa pagpayag niyang iyon. At nagdulot naman iyon ng kakaibang katuwaan sa puso niya. Dahil ang totoo, kung pwede lang pabilisin ang mga araw, gagawin niya, makasama lang niya si Ace sa espesyal na event na iyon.