NINA Michelle Versola, napangiti ang dalaga nang mabasa sa hawak niyang chart ang pangalan ng batang pasyenteng noon ay kapapasok lang sa loob ng PICU. Hindi niya maipaliwanag kung bakit pero habang pinagmamasdan niya ang maamo nitong mukha ay pinupuno naman ng hindi maipaliwanag na tuwa ang dibdib niya. Wala sa loob niyang hinaplos ang maliit nitong kamay.
Get well soon baby, gusto kitang makausap. Curious ako sa kulay ng mga mata mo, sa boses mo, sa tawa mo.
Hindi iyon ang unang pagkakataong hinawakan niya ang PICU dahil bago sila nagkaroon ng reshuffle ay doon naman talaga siya nanggaling. Pero hindi niya maitatangging sa dami na nang pasyenteng hinawakan niya, magaan ang loob niya kay Nina kahit ngayon lang niya ito nakita.
Napangiti doon si Michelle saka napalingon sa pintuan nang marinig ang tatlong magkakasunod na katok. May malaking glass wall ang PICU pero hindi niya napuna ang dumaan kaya inisip niyang baka sa kabilang side ito nanggaling.
Napalis ang maganda niyang ngiti nang makilala kung sino ang nakatayo doon. At may palagay siyang ganoon rin naman ito dahil pansin niya ang pagkakatulala nito sa kanyang mukha. “A-Ace?” nanginginig ang boses niyang sambit.
“M-Mitch? M-Michelle?” anito naman.
Patawarin mo ako kung ginawa kong malungkot ang buhay mo anak. Sakaling magkita ulit kayo ni Ace, gawan mo ako ng pabor, ihingi mo ako ng tawad sa kanya. Habang nakatitig siya sa mga mata ng kaharap ay ibang boses naman ang naririnig niya. At iyon ay boses ni Crispin, ang yumao niyang ama.
KABANATA 3
TEN YEARS BEFORE…
“MICHELLE, sino iyong sinasabi nitong si Mark na naghahatid daw sa’yo tuwing hapon? Malumanay ang tono ni Crispin pero kinabahan parin si Michelle sa tanong na iyon.
Biyernes ng gabi at magkakaharap silang kumakain ng hapunan. Noon niya tinapunan ng matalim na sulyap ang bunsong kapatid niyang kasalukuyang nasa grade three. Nang-iinis lang itong ngumiti sa kanya.
“S-Si Ace iyon Papa, kaibigan ko po” sagot niya saka inabot ang baso at uminom.
Sinulyapan siya ni Crispin pagkatapos ay nagpatuloy sa pagkain at muling nagsalita. “Bata ka pa anak. Hindi naman kailangang madaliin ang pakikipagnobyo dahil kusa namang dumarating iyan” anito sa isang mabait na tinig.
Tumango siya saka nginitian ang ama. “Alam ko po Papa.”
“Mabuti naman kung ganoon, alam mo naman hindi tayo mayaman at kaya ako nagpapakahirap sa pagtatrabaho dahil gusto kong magkaroon kayo ng magandang buhay balang-araw. Anyway may tiwala naman ako sa’yo, at alam namin ng Mama mo na matalino ka” ani Crispin na tuluyan na ngang inubos ang pagkain.
Hindi na siya umimik pa doon. Alam niyang bilang nag-iisang anak na babae ay normal nang maging ganito ang Papa niya sa kanya. At nauuwaan niya iyon. Pero hindi pa man ay parang gusto na niyang malungkot. Bawal ang boyfriend hangga’t hindi nakapagtatapos ng pag-aaral, nauna na iyong ipinaalala sa kanya ng mga magulang niya. Wala namang kaso iyon sa kanya kung tutuusin. Actually noon, dahil hindi na ngayon. Dahil kailangan niyang amining gusto niyang maging boyfriend si Ace. At may palagay siyang kapag niligawan siya ng binata halimbawa, parang wala siyang kakayahang tanggihan ito.
PRESENT DAY…
“WILL she be okay?” naramdaman niya ang takot sa tinig ni Ace habang nakatitig sa mukha ni Nina.
Nang lingunin siya ni Ace ay tumango muna siya bago nagsalita. “Oo naman, hindi naman porke comatose hindi na magiging okay” pagsasabi niya ng totoo. “ang ganda niya Ace, hindi ko pa man nakikita ang Mama niya pero masasabi kong siya ang girl version mo” dugtong pa niya pagkuwan.
“Thank you” mataman ang pagkakatitig sa kanya ni Ace at naapektuhan siya sa mga mata nito kaya mabilis siyang nagbawi ng tingin. “nakakalungkot man para kay Nina pero hindi niya nakita minsan man ang Mama niya.”
Nabigla si Michelle sa narinig kaya siya napatitig ng matagal sa mukha ng lalaki. “Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ko naging girlfriend ang Mama ni Nina. Bed partner yes, hanggang doon lang” simula nito.
Si Michelle ay parang sinakal sa narinig. Hindi niya maawat ang sariling magselos at maiinggit sa mga babaeng naranasan kung paano mag-alaga si Ace. Dahil siya, iyon ang talagang pinapangarap niya.
“Nasaan na siya ngayon?”
Nagkibit muna ng balikat nito si Ace bago sumagot. “I don’t know. At wala narin naman akong planong hanapin siya, hindi siya worth it na tawaging ina to think na binalak niyang i-abort si Nina nang malaman niyang ipinagbubuntis niya ito. Although hindi naman niya nainuman pa nang gamot nang sabihin niya ang plano niya sa akin nang araw mismo matapos siyang magpatingin sa doctor at makumpirma ang pregnancy niya” bakas ang galit sa huling sinabi nito.
Kinilabutan si Michelle sa narinig. “No” aniyang sinulyapan ang walang malay na bata.
“Yes” ani Ace. “kaya pinakiusapan ko siyang ituloy ang pagbubuntis niya. At pagkasilang ng bata, kahit hindi na siya magpakita, okay lang. I just want my daughter. At ganoon nga ang ginawa niya” salaysay nito.
“Hindi ko naisip na kayang gawin ng isang ina ang ganoon sa anak niya. Samantalang ako, inggit na inggit ako sa mga babaeng kasing edad ko at mayroon ng masayang pamilya. May tumatawag na sa kanilang Mommy. And then may isang kagaya niyang kayang gawin ang ganoon” hindi niya napigilan ang maging emosyonal. Nagulat nalang siya nang maramdamang nasa harapan na niya si Ace. Kinabig siya ng binata at niyakap.
“It’s okay” anitong nakangiti pang pinahid ang kanyang mga luha.
Natawa siya ng mahina. “Sorry, alam mo naman ako may pagka-ganito, iyakin.”
“May mga bagay lang talaga na kahit lumipas ang mahabang panahon, hindi nababago at hindi pwedeng alisin. Kasi kapag ginawa mo iyon hindi mo na masasabing ikaw iyan. Kasi hindi kana buo” makahulugan ang sinabing iyon ni Ace pero ayaw niyang bigyan ng malalim na ibig sabihin.
Tumango siya saka inilayo ang sarili sa binata. “Oo nga pala, pansamantala lang ako dito ah? Iyong talagang naka-assign dito, si Jenna, nagkaroon lang ng emergency kaya hindi nakapasok.”
“Ano?” salubong ang mga kilay nitong tanong. “hindi ba pwedeng ikaw nalang? You know hindi sa wala akong tiwala sa nurse na siyang assigned talaga dito pero sabihin nalang nating kilala talaga kita and the way you look at my daughter right now, alam kong aalagaan mo siya hindi dahil sa trabaho mo ito or whatsoever. Aalagaan mo siya dahil na love at first sight ka sa kanya.”
Sa huling sinabi ni Ace ay hindi niya napigilan ang mapangiti. “Ikaw ang bahala, subukan mong kausapin ang Doctor. Alam niya ang gagawin niya” kahit ang totoo ay gusto naman talaga niyang siya na ang mag-alaga kay Nina.
TAPOS na ang duty niya at dumating na ang kapalitan niya. Saktong nasa locker room siya nang ipatawag siya ng kanilang Head Nurse para sabihing may utos mula sa itaas ng pagpapalit nila ni Jenna ng area.
Napangiti siya ng lihim isama pang hindi rin niya maiwasan ang hindi kiligin dahil tinotoo nga ni Ace ang gusto nitong mangyari. Dahil gaya narin ng sinabi ni Ace kanina, na-love at first sight siya kay Nina na siya naman talagang totoo.
“Kilala mo ng personal iyong parent nung bata sa PICU?” si Lily habang nag-aabang sila ng taxi sa mismong tapat ng ospital.
Tumango siya. “A-Ano kasi eh…” ang nauutal niyang sabi dahil sa pagdadalawang isip niya kung aaminin ba kay Lily ang totoo gayong inirereto siya ng kaibigan niya sa pinsan nito mismo.
“What?”
Nagbuntong hininga siya. “ A-Anak siya ni Ace” sa wakas, nasabi rin niya.
Nalingunan niyang namimilog ang mga mata ni Lily dahil sa sinabi niyang iyon kaya hindi niya napigilan ang matawa saka pinara ang paparating na taxi. “No way” anito pa.
“Hindi rin ako makapaniwala eh. Pero baka nagkataon lang siguro kasi ospital iyon at kahit sino pwedeng nandoon. Lahat ng klase ng tao pwede mong makilala at makasalamuha” totoo iyon sa loob niya kahit ramdam niyang may kakaiba sa lahat ng nangyayari.
“I agree, anyway sa kabila ng katotohanang pinsan ko si Erwin, gusto ko paring makilala ang Ace na ito” may kapilyahang ngiti ang pumunit sa mga labi ni Lily. “Well he’s married kaya tama lang sigurong mag-move on kana.”
“Iyon na nga eh, wala siyang asawa pero may anak siya” pagtutuwid niya sa maling akala ni Lily.
“Ano kamo?”
“Oo” sang-ayon niya saka sinimulang ikwento kay Lily ang lahat. “hindi ko maintindihan kung bakit ganoon nalang ang nararamdaman ko para sa anak niya” amin niya.
“Wala akong masabi kundi, gawin mo lang ang trabaho mo at huwag mong masyadong i-involve ang sarili mo sa kanila. Baka kasi masaktan ka lang in the end, at ayokong mangyari iyon” worried na sagot ni Lily.
Nginitian niya ito. “Thank you.”
“You’re welcome” sagot ni Lily na sakto namang tumunog ang cell phone. “naku ang mokong kong pinsan hindi daw makakapunta kasi sinagot na raw siya nung nililigawan niya!” ang malakas na bulalas ng matalik na kaibigan niya.
Hindi niya napigilan ang matawa dahil doon. “See?”
Naiiling na nagsalita si Lily. “Humanda sa akin ang lokong iyon pag nakita kami.”
“Hayaan mo na, baka doon siya maging tunay na masaya” paliwanag niya.
Hindi na kumibo si Lily at sa halip ay maliwanag ang aura nitong hinagod ng tingin ang kanyang mukha. Sa isip ni Michelle, hindi na siya makapaghintay ng kinabukasan para muling masilayan ang mukha ni Nina.
PASADO alas onse nang makauwi siya nang boarding house. Kapapasok palang niya ng gate ay agad na nagsalubong ang mga kilay niya nang mamataan ang dalawang malalaking maleta sa terrace ng bahay kung saan siya nagrerenta ng kwarto. Nang makalapit doon ay agad niyang natanawan si Aling Erlinda na kanilang kasera habang hila-hila naman ang mg maletang inilabas nito sa kwarto ng isa pang boarder nito.
“Nariyan kana pala hija” anito sa malungkot na tinig.
Hinagod niya ng tingin ang mga gamit niya saka tinitigan ang ginang. “A-Ano pong nangyari?” taka niyang tanong.
Mabilis na namasa ang pisngi ni Aling Erlinda sa tanong na iyon. “P-Pasensya kana hija, hindi ko kasi alam na isinanla pala ni Simeon itong bahay. Sa makalawa ipa-padlock na ito ng bangko kaya ganito” anitong nagpahid ng mga luha saka suminghot.
“Ano ho?” ang hindi makapaniwala niyang tanong.
Tumango ang ginang. “Ibabalik ko nalang iyong sobra sa inihulog mo para sa buwan na ito.”
Magkakasunod siyang umiling. “Huwag na po, okay lang ako” tanggi niya. “alam na ho ba ni Alice ang tungkol dito? Saka saan kayo tutuloy?” hindi niya maiwasan ang hindi mag-alala dahil sa maraming pagkakataon mula nang mag-Maynila siya at tumira kay Aling Erlinda, ang ginang na ang tumayong nanay niya.
“Hindi pa nga niya alam eh, ang totoo hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kanya. Pero huwag mo akong alalahanin anak, ang totoo ikaw ang inaalala ko. Kung saan kana tutuloy?” Ngumiti siya. “May mga kaibigan naman po ako na pwede kong lapitan. O kaya pwede rin naman akong mag-check in pansamantala sa isang hotel na hindi kamahalan ang singil” aniya. “nasaan na nga po pala si Mang Simeon?”
Noon muling umagos ang mga luha ng ginang. “Umalis na siya, nasa bago na niyang asawa” anitong napalakas ang iyak pagkatapos.
Naninikip ang dibdib niyang kinabig ang ginang saka niyakap. Hindi niya alam kung ano ba ang pwede niyang sabihin para kahit paano ay gumaan naman ang dinadala nito kaya nanahimik nalang siya. Ilang sandali rin silang nanatili sa ganoong ayos bago siya pumara ng taxi at nagpaalam na.
Ang plano niya’y tutuloy na muna sa isang hotel para ibaba ang mga gamit niya doon. Pero dahil kaunti lang ang kinain niya sa birthday na dinaluhan niya kanina ay nakaramdam na siya ng matinding pagkalam ng sikmura kaya sa halip ay sa isang fastfood chain na siya nagtuloy. Kumakain na siya nang pumasok ang isang pamilyar na bultong nagpabilis ng tahip ng kanyang dibdib. At dahil nga malapit lang sa entrance ng kainan ang kanyang mesa ay agad rin siya nitong nakita at nilapitan.
“Small world huh! Mukhang nagiging mabait na sa akin ang pagkakataon simula kaninang una ulit kita nakita?” pabiro nitong sabi saka naupo sa harapan niya.
Inirapan niya ang binata saka inalalok ng pagkain. “Kumusta? Galing ka ba doon sa ospital?”
Tumango si Ace. “Actually dinalhan kita ng pagkain kasi alam kong kalimitan sa inyong mga nurses sa PICU eh tinatapos ang duty bago kumain. Kaso nakaalis kana pala kaya ibinigay ko nalang dun sa pumalit sa’yo” ang binatang natuon ang pansin sa dalawang maleta niya. “naglayas ka?” biro ulit nito.
Natawa siya ng mahina. “Sira” aniyang ikinuwento kay Ace ang buong pangyayari pagkatapos.
Tumango-tango ang binata. “Kung gusto mo, I can offer you my house. Pwede kang tumira doon hangga’t gusto mo” anito na ikinagulat naman niya.
“Seryoso ka?”
“Mukha ba akong nagbibiro?” ang binatang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa. “para maging updated narin ako agad sa lahat ng nangyayari kay Nina.
Sandali siyang tumahimik saka nag-isip. “Hindi ba parang nakakahiya?”
“Ano ka ba paano naman naging nakakahiya eh magkahiwalay naman tayong kwarto. At isa pa wala naman tayong gagawing hindi maganda. Mahirap kasing humanap ng bahay na matutuluyan sa panahon ngayon. Iyong tahimik at maayos, kaya gusto kong doon kana muna sa bahay” kumbinsi pa sa kanya ng binata.
“Magbabayad nalang ako ng rent para hindi ako ma-guilty” naisip niya.
Umiling si Ace. “Hindi na kailangan, para namang wala tayong nakaraan niyan” biro nito saka siya kinindatan.
Mabilis siyang naapektuhan sa sinabing iyon ng kausap kaya ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang buong mukha. “O-Okay sige” parang wala sa sarili pa niyang sagot.