Always You (Valencia Series #1)
by larajeszz
Chapter 20
Kahit na labag sa kalooban ko na sumali sa SV's Angels ay wala na akong choice dahil hindi na tumatanggap ng ibang members ang ibang mga club. Kasalanan ko rin naman kaya hindi kaagad nakakuha ng members ang club na 'to kaya ito na lang siguro ang gagawin kong way para makabawi kay Tim.
After ng classes ay dumiretso ako sa AVR. Kalalabas lamang nina Tim at Ava sa room, pero siyempre ay hindi naman ako sasabay sa kanila sa paglalakad. Magmukha pa akong third wheel!
Napasinghap ako nang makita na halos puno na ang tao sa AVR! Agad na hinanap ng mga mata ko ang batang JHS na kausap ko kanina. Nakita ko siyang nakaupo sa ibabaw ng magkakapatong na monoblock, may kausap siyang isa pang JHS na lalaki at malakas silang nagtatawanan.
Nagmartsa ako palapit sa kaniya. "Hoy, 'toy!" Gulat siyang napatingin sa akin. Napatakip pa siya sa bibig niya. Ang OA na bata. Ang sarap talagang pisilin ng mga pisngi niya! "Hindi mo naman sinabi sa akin na marami na pala ang balak mag-member dito sa club niyo."
"Ate, hindi lamang naman po kayo ang ni-recruit ko. Since last week pa po akong naglilibot sa buong campus sa paghahanap ng club members."
Akala ko pa naman ay special na ako.
"Ano ba'ng kailangang gawin dito?" tanong ko sa kaniya.
Nahirapan sita sa pagbaba dahil mataas ang kinauupuan niya kaya tinulungan pa namin siya no'ng kaibigan niya. Tinuro niya ang kumpulan ng mga tao.
"Kailangan niyong mag-fill up do'n. Name, section, at signature. Tapos mag-audition kayo."
"Audition?!"
Sunod-sunod siyang tumango. "Opo. Siyempre ay kailangan naming marinig kung may potential ba talaga ang mga nagbabalak sumali sa SV's Angels."
Napabuntong-hininga na lamang ako at nakihalo sa kumpol ng mga tao na nagfi-fill up sa lamesa. Pilit akong nakipagsiksikan dahil sa dami ng tao na nandidito ngayon. Sa kabilang side ng lamesa ay nakita ko si Tim at Ava na mukhang stress na stress na kung sino ang uunahin sa mga naroroon.
“Wait, isa-isa. Sino’ng hindi pa nakakapag-fill up?” tanong ni Ava sa kabila ng ingay. Halos hindi na marinig ang sinabi niya dahil mas nangingibabaw pa rin ang boses ng mga nais maging member.
Tiningnan ko si Tim, tahimik lang siya pero kita ko sa kaniya na hindi niya na rin alam ang gagawin dahil wala sa ayos at halos nagkakagulo ang lahat.
Mariin akong napapikit at huminga ng malalim. “Maaari ba tayong pumilang lahat?!” Boses ko ang naghari sa buong kuwartong ‘yon.
Unti-unti ay namatay ang malakas na halo ng mga boses kanina at ang mga tingin nila ay napunta sa akin. Pilit ko silang nginitian at naglakad ako papunta sa pagitan nina Tim at Ava.
“Ang mga lalaki na hindi pa nakakapag-fill up ay rito kay Tim, habang ang mga babae naman ay kay Ava. Hindi niyo kailangang magtulakan dahil mas lalo tayong magtatagal dito at magugulo ang proseso,” paliwanag ko. Nagsimula na silang bumuo ng linya nila. “Sa mga tapos na, doon muna kayo sa kabilang side ng room para hindi tayo siksikan.”
Bumaling sa akin si Ava Mila at ngumiti. “Salamat, Kyrese.”
Tinanguan ko siya at nagmartsa na papunta sa pinakadulong pila para sa mga babae. Mukhang natakot pa sa 'kin ang ilan dahil parang nahawi sila no'ng dumaan ako. Pagkarating ko sa dulo ay nilingon ako ng isang JHS na babae.
"Ate, baka po gusto niyo nang mauna..." magalang na may halong takot na sambit niya.
Bakit ba sila natatakot sa 'kin?!
Matakis ko siyang nginitian. "Hindi na, okay na ako rito."
Kita ko na kahit papaano ay naibsan ang takot sa kaniyang mukha. Hindi ko naman sila kakagatin!
Hanggang sa maubos ang mga taong nasa pila ay naging mabilis ang proseso ng lahat. Hindi rin gaanong bumalik ang ingay kanina pero may iilan akong naririnig na lumalakas ma ulit ang boses. Sa kuryosidad kong malaman kung sino 'yon ay lumingon ako sa likod ko para makita kung sino ang mga 'yon at biglang nawala na ang ingay. Takot din sila sa 'kin?!
Mas unang naubos ang pila sa boys. Nagfi-fill up na ang nasa unahan ko habang ako ay medyo naiinip nang nakatayo sa likuran niya. Hindi naman siguro masamang sabihin na mabagal siyang magsulat dahil 'yon naman ang totoo? Baka kinakabahan siya.
Nagtama ang paningin namin ni Tim na ngayon ay nakakrus ang mga braso at naghihintay na matapos kaming lahat. Umikot ang mga mata niya nang napatingin ako sa kaniya kaya agad naman akong napasinghap! Hindi ko naman sinasadyang tingnan siya!
Tumayo siya sa kinauupuan niya at naglakad patungo sa mga aspiring members sa kabilang side ng room.
"We'll start the audition..." he announced.
Tapos na ang nasa unahan ko at mabilis kong sinulatan ang blangkong kuwaderno ng aking pangalan, section, at pirma.
"In two weeks ay ice-celebrate ng South Ville ang kaniyang 75th foundation day. Our club is expected to be part of the celebration. Magba-busking tayo to be exact, but before that, we need your voices to be heard." Tim clapped his hand once. "The order would be based on this paper you just filled out. If hindi natin matatapos ngayon, the remaining could come back tomorrow. If hindi bumalik, it's your choice."
Sigurado akong hindi ako mapapakanta ngayon dahil ako ang pinakahuli sa listahan ng girls.
"Ate, powerful mo kanina." Lumapit sa akin 'yong chubby'ng lalaki na nag-convince sa akin na sumali rito.
"Hindi ko na lang kasi napigilan."
Nagsimula na ang audition at sina Tim at Ava lamang ang humuhusga kung sino sa mga aspiring members ang tatanggapin. Lolokohin ko ang sarili ko kapag sinabi kong wala lang sa akin ang nakikita ko ngayon. Kung hindi nangyari ang mga nangyari, baka dapat kami 'yon. Kami dapat ang partners sa organization na 'to. This is a step towards our dreams, but he's starting to climb it with someone else.
Ibinaling ko ang atensiyon ko sa katabi. "Ano pala'ng pangalan mo? 'Toy ako nang 'toy rito, eh. Baka naiinis ka na."
Malakas siyang tumawa at marami ang napunta ang tingin sa amin. Pinanlakihan ko siya ng mga mata pero parang wala lamang sa kaniya 'yon.
"Funny ka talaga, ate. Alam mo 'yon? P'wede kang dancer," aniya habang pinupunasan ang mga luha dahil sa sobrang pagtawa.
"Sabihin mo na kasi. Ako, Kyrese ang pangalan ko. Kyrese Garcia. Eh, ikaw?"
Huminga siya ng malalim at matunog 'yong pinakawalan. "Anton Guevarra," simpleng saad niya.
Pakiramdam ko ay nalaglag ang panga ko sa aking paa. All this time ay tinatawag kong 'toy ang isang Guevarra?! Angkan lang naman nila ang nagtayo sa pretihiyosong paaralan na ito!
Nag-side eye siya sa akin at pabiro pang ipinasok ang hintuturo niya sa aking bibig. Dahil sa ginawa niya ay napatikom ako.
"Muntik nang pumasok ang langaw d'yan," biro niya.
"Dapat sinabi mo agad sa akin!” singhal ko.
“Kaya nga hindi ko ginawa agad dahil alam kong magiging ganiyan ang reaksiyon.” Nagpakawala siya ng hininga at binaling ang atensiyon sa nangyayaring audition sa harapan. “You made feel normal, Ate Kyrese. Sana ‘wag mabago ‘yon.”
Kaya pala walang sumasaway sa kaniya kanina kahit malakas ang boses niya ay dahil tinitingnan nilang lahat ang estado niya sa buhay. Pero kung tutuusin, kung hindi niya sinabi sa akin ang mga bagay na ‘to ngayon ay baka kagaya na ako ng karamihan. Yes, I want to be different, but being different like Anton is tiring. Pagod na siya na tinitingala siya ng mga tao kaya tinago niya ang totoo niyang identidad sa akin.
Isinandal ko ang likod ko sa kinauupuan ko at pinagkrus ang mga braso ko. “Ang lakas-lakas ng boses mo simula pa kanina. Singer ka nga,” sambit ko habang tumatango.
“Gusto mo bang maging Peace Officer?” biglang tanong niya.
Nagtataka kong siyang tiningnan. “Ako? Eh, hindi pa nga sigurado kung matatanggap ako sa audition, eh.”
“Eh, ‘di galingan mo. Kapag natanggap ka ay sa’yo na ang position na ‘yon. Nakita mo naman kanina, ‘di ba? Ikaw lang ang kayang mag-handle sa mga nandidito ngayon. Kailangan ng organization ang pagka-bossy mo.” Siniko niya pa ako at nagtaas-baba ang mga kilay niya.
“Hindi ko alam kung compliment ba ‘yon o ano.”
He just shrugged while smiling. Hindi nakayanan na makapag-audition ang lahat dahil hindi p’wedeng mag-overtime kami. Wala silang nagawang letter para rito na kailangan pang ipa-approve sa principal. Marami pa naman sa mga nais sumali ay mga bata pa kaya siguradong ang ilan sa kanila ay hindi papayagan na gabihin sa pag-uwi para lang makasali sa isang club.
Dahil sa dami ng mga tao sa loob ng AVR ay hindi na ako nakipagsiksikan para makalabas agad, gano’n din si Anton sa tabi ko. Hinintay namin na makalabas halos lahat bago kami nagpasyang sumunod na rin.
Nasa may pinto na kami ni Anton nang muling magsalit si Ava Mila.
“Kyrese, sobrang thank you ulit, ah? Ayaw kasi makinig sa ‘kin ng mga ‘yon kanina, eh.” Napailing siya nang ilang beses.
“Wala ‘yon, Ava. Gano’n talaga, mga bata pa kasi,” sagot ko.
“Mr. President!” Kinuha ni Anton ang atensiyon ni Tim. Lumingon sa amin si Tim at saglit na nagtama ang tingin namin bago niya ‘yon inilipat sa katabi ko. “Sinabi ko na kay Ate Kyrese na siya na ang Peace Officer ng club kapag natanggap siya sa audition.”
Mahina kong siniko si Anton at pinanlakihan ng mga mata.
“Sure. If that’s what you want,” tanging tugon ni Tim.
Nang tuluyan kaming nakalabas ni Anton ay tuwang-tuwa siya na pumayag si Tim para sa inalok niyang posisyon sa akin! Sa kabilang dulo naman ng hallway ay nakita ko si Xavier na bitbit na ang bag ko.
“Kaya galingan mo bukas, Ate Kyrese. Kailangan ng club ng kapayapaan. Bye!” Kumaway sa akin ni Anton at tatalon-talon na naglakad palayo.
Sinundan siya ni Xavier ng tingin saka naglakad palapit sa akin.
“You’re close with Anton Guevarra?” he asked.
So, ako lang ba talaga ang hindi nakakakilala sa kaniya?!
Pabiro akong napangiwi. “Not really.”
Bumagsak ang pinto ng AVR, tanda na lumabas na ang dalawa na naroroon kanina. Nagpalipat-lipat sa aming dalawa ni Xavier ang tingin ni Ava Mila. Her mouth even formed an O shape.
Pinaningkitan niya kami ng mga mata. “Are you, guys, like… a thing?” pag-uusisa niya.
Nagkatinginan kami ni Xavier. He’s looking at me na para bang tinatantsa niya kung komportable ako na pag-usapan ang about sa aming dalawa. But there’s nothing to hide. Hindi ko naman siya ikinakahiya.
Taas-noo akong bumaling sa dalawa sa harap namin at ngumiti. “He’s my suitor.”
-----
-larajeszz