Past
Kori's Point Of View
Nagising ako dahil sa sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Bakit parang feeling ko ang aga pa ngunit bakit naman magkakaroon ng sinag ng araw kung talagang maaga pa diba?
"Kori,"tawag ng isang babae sabay yug-yog sa paa ko, "Gumising ka na iha."
Unti-unti ko ng iminulat ang aking mga mata habang pinipilit ang sarili ko na gumising. Antok na antok pa rin ako kahit ang aga ko naman natulog kagabi kasama si Tine. Oo nga pala si Tine!
Bumalikwas na ako ng bangon at nakita si Sister Mayeth na may dala-dalang lampara at sa kabilang kamay nito ang isang basket na wala akong alam kung ano ang laman.
"Sister anong oras na po ba?" Tanong ko sa kaniya. Napalingon naman ako sa tabi ko at nakita si Tine na mahimbing na natutulog.
"Mag-a-alas kuwatro pa lang ng umaga, iha,"tugon ni Sister Mayeth at ngumiti sa akin.
Ang aga pa ngunit bakit nandito na si Sister? Gusto ko pa magpahinga at matulog, ang sarap ng paniginip ko eh. May kapangyarihan daw ako tapos pwede ko tulungan ang mga tao sa bayan. Binagsak ko na lang ang katawan ko pabalik sa aking kama at pumikit.
"Mamaya mo na po ako gisingin Sister,"saad ko, "Antok pa po ako eh!"
"Akala ko ba gusto mo mag-ensayo?" Tanong ni Sister.
Mamaya na ako mag-e-ensayo, masiyado pa akong inaantok. Gusto ko magpahinga, pero teka, ensayo? Ano naman 'yon?
"Ano ang ibig mo pong sabihin?" Tanong ko rito at umupo. Ngumiti naman si Sister at inilapag ang lampara sa lamesa sa gilid ng higaan ko, hinawi nito ang kurtina na nakatakip sa bintana ng kwarto ko at binuksan ito.
"Hindi ba at may kapangyarihan ka na ngayon?" Tanong ni Sister at lumapit sa lampara at kinuha ulit ito, "Kung kaya ay tara na at mag-ensayo."
"Kung gayon ay hindi po pala panaginip lang na may kapangyarihan ako?" Gulat na tanong ko rito, tumango lang si Sister sa akin at na-una nang maglakad.
"Hihintayin kita sa baba. Magsuot ka ng makapal na damit sapagkat napaka-lamig ng pupuntahan natin. Magdala ka na rin ng sobra,"saad nito bago tuluyang lumabas ng kwarto.
Totoo ba talaga iyong narinig ko? May Kapangyarihan talaga ako? Hindi lang talaga biro iyong nalaman ko kahapon? Akala ko talaga ay panaginip lang ang lahat ng iyon, hindi pala. Totoo pala talaga na may kapangyarihan ako at kaya ko tumulong sa kapwa ko.
Kahit gulat pa rin ako ay tumayo na ako sa aking kama at nagtungo na sa isa sa mga kabinet ko sa kwarto, hinubad ko na ang suot-suot kong mahabang damit at nag-bihis ng mas makapal pa sa suot ko. Pagkatapos ay kumuha rin ako ng isang basket at inilagay doon ang pinapadala ni Sister mayeth na isa pang damit ko. Itinali ko muna ang aking buhok bago tuluyang lumabas ng aking kwarto. Tinignan ko muna si Tine na mahimbing pa rin na natutulog sa aking kama at bumaba na.
May halong galak at pangamba ang nararamdaman ko ngayon. Hindi ko alam kung ano dapat ang mararamdaman ko ng malaman ko na totoo pala talaga na mayroon na akong kapangyarihan at ngayon ay papunta na ako sa kung saan kami mage-ensayo. Naalala ko na ang sinabi ni Father sa akin kahapon at ang usapan namin na ngayon na magsi-simula ang ensayo. Siguro ay nagulat lang ang katawan ko na gisingin ng ganoon kaaga kaya gano'n na lang ang naging reaksiyon ko at nakalimutan ko na may usapan pala kami ni Sister Mayeth ngayong araw.
Habang papunta ako sa kung saan naghihintay si Sister Mayeth ay may nakaka-salubong pa akong ibang mga madre. Kahit ang aga pa ay gising na gising na ang mga ito, may iba pa akong nadadaanan sa kanilang kwarto na sa tingin ko ay nagda-dasal, habang ang iba naman ay naglilinis na. Ganitong mga oras ay tulog na tulog pa ako habang sila naman ay may pinagkaka-abalahan na, nakakahiya.
Pababa na sana ako sa ikalawang palapag ng maka-salubong ko si Sister Kara at Sister Jai na seryosong nag-uusap.
Gulatin ko kaya sila? Baka atakihin na talaga si Sister Jai dahil sa akin, ngunit bahala na nga.
May dumaan na tatlong madre sa gilid ko at nagsimula ng maglakad papunta sa kanila. Sumunod naman ako sa kanilang tatlo at yumuko.
"Magandang Umaga, Sisters,"sabay-sabay na bati ng mga kasama ko. Napatingin naman silang dalawa at ngumiti sabay yuko, "Magandang Umaga rin sa inyo."
Dumeritso na sa paglalakad ang tatlo at nang malapit na silang makalampas ay agad akong tumalon sa harap nila Sister Jai at Sister Kara.
"Magandang Umaga!" Sigaw ko rito. Halos mapatalon naman sa gulat si Sister Jai habang si Sister Kara naman ay napahawak lang sa kaniyang ulo.
"Diyos ko Kori!" Sigaw ni Sister Jai habang hawak-hawak ang kaniyang dibdib, "Umagang-umaga ay nanggugulat ka, bakit ang aga mo naman yatang na gising?"
Hinahaplos pa rin nito ang kaniyang dibdiba marahil ay hindi pa rin nawala ang kalabog ng kaniyang puso dahil sa gulat.
"May usapan po kami ni Sister Mayeth ngayon araw,"sabi ko, "Ginising niya po ako eh."
"Kori,"tawag ni Sister Kara sa akin, Lumingon naman ako sa kaniya na ngayon ay inalalayan si Sister Jai. "Hindi tama ang ginawa mo. Humingin ka ng tawad kay Sister Jai."
Bakit naman? Nangugulat lang naman ako eh, wala naman akong ibang ginawa bukod doon.
"Bakit naman po?" Tanong ko rito.
"Ano ba ang ginawa mo?" Tanong ni Siste Kara sa akin.
"Ginulat ko po kayo,"sabi ko at yumuko.
"Iyon na nga, paano kapag inatake sa puso si Sister Jai dahil sa'yo? Ano mangyayari?"
Napa-yuko na lang ako at natahimik, "Pasensiya na po kayo Sister Jai, Sana po ay patawarin niyo po ako."
Gusto ko lang naman sana gumaan ang pag-uusap nila. Masiyado silang seryoso, hindi ko naman alam na masama pala talaga ito kay Sister Jai.
Naramdaman ko naman ng biglang may humawak sa dalawang balikat ko kung kaya ay napatingin ako rito. Nakita ko lang si Sister Jai na nakangiti sa akin at hinawakan ang ilalim ng baba ko.
"Okay lang naman sa akin,"sabi ni Sister Jai, "Hindi naman ako nasaktan, atsaka isa pa, Ikaw Sister Kara, lagi ng ginagawa ni Kori ito masanay ka na kamo."
Tumawa lang si Sister Jai sa kaniya at yumuko, "Pasensiya na po kayo Sister Jai."
Napa-kamot na lang ako sa ulo at ngumiti, yinakap ko na lang si Sister Jai at Sister Kara bago naisipan na mag-paalam.
"Kailangan ko na po magmadali, baka pagalitan ako ni Sister Mayeth kapag mas lalong nagtagal ako,"sabi ko.
"Oh siya, mag-ingat ka." Saad ni Sister Jai.
"Huwag mo kalimutan ang tubig at pagkain mo, huwag mo rin masiyadong pagurin ang sarili mo baka kung ano pa ang mangyari sa'yo, atsaka," Hindi na natuloy ni Sister Kara ang mga sinasabi niya nang hawakan ni Sister Jai ang balikat nito.
"Oo nga at ikaw 'yong nag-aalaga kay Kori simula pa noong bata pa siya ngunit kumalma ka lang, ensayo lang naman 'yan ng kapangyarihan niya. Kori, umalis ka na, ako na bahala sa Sister Kara mo." Sambit ni Sister Jai at sinenyasan akong umalis.
Yumuko muna ako bago kamot-ulong bumaba ng hagdan. Patakbo akong nagtungo sa may pinto at naabutan si Sister Mayeth roon na kausap si Father.
"Sister Mayeth!" Sigaw ko rito, habang patakbong lumapit sa kanila.
"Isa kang dalaga Kori, maghunos dili ka,"sabi nito ng makarating ako sa harap niya.
"Nagmamadali na po kasi ako,"paliwanag ko sa kaniya. Napa-iling na lang ito habang si Father naman ay napangiti sa akin.
"Magandang Umaga po, Father,"bati ko sa kaniya.
"Mukhang mahihirapan si Sister Mayeth ngayon ah?" Sabi ni Father at tumawa.
Hindi ko alam kung nagbibiro ba si Father o seryoso ba talaga ang sinasabi nito. Medyo pinikit ko ang aking mga mata at tinignan si Father.
"Ano po ang ibig niyong sabihin sa sinabi niyo?" Tanong ko rito, ngunit nagkibit balikat lamang si Father at tumatawang pumasok sa loob ng simbahan.
"Father!" Sigaw ko rito ngunit sinarado na nito ang pinto, naka-simangot naman akong humarap kay Sister Mayeth.
"Tara na nga po!" Sabi ko, tumawa lang si Sister Mayeth at kinuha na ang lampara na inilagay nito sa gilid pati ang basket. Nagsimula na itong maglakad patungo sa labas, kung kaya ay sumunod na ako.
Nang tuluyan na kaming makalabas ay sumalubong sa amin ang napaka-lamig na ihip ng hangin. Ngayon lang ako nakaranas ng ganito kalamig sa buong buhay ko. Kung sabagay ay hindi naman ako nagigising ng ganito kaaga, masiyado akong antukin upang lumabas ng mga ganitong oras.
Sumunod lang ako kay Sister Mayeth ng maglakad na ito papunta sa gubat. Napa-tigil pa ako saglit sapagkat natatakot ako kung ano ang gagawin namin doon. Bakit naman sa lugar na iyon pa dapat kami pumunta? Akala ko ba mag-eensayo kami ngunit bakit pa diyan, hindi ba at pinagbabawal ng simbahan ang pagpunta riyan?
"Dali na at baka maabutan tayo ng umaga,"aya ni Sister Mayeth.
Kahit nagda-dalawang isip ako ay sumunod na lang ako sa kaniya. Ramdam ko pa rin ang lamig ng hangin kahit ang kapal na ng suot ko, nakahawak lang ako ng mahigpit sa basket na dala-dala ko habang ino-obserbahan ang paligid. Baka kamo may bigla na lang lumabas sa gilid namin.Hindi ko pa naman gamay ang lugar na ito, at kahit kailan ay hindi pa ako nakaka-pasok sa gubat na ito.
Masiyadong madilim ang paligid kung kaya ay wala akong masiyadong nakikita pwera na lang kung hanggang saan abot ang ilaw ng dala-dala na lampara ni Sister. Napaka-tahimik ng lugar at ang tanging paghampas lamang ng mga dahon sa isa't-isa ang maririnig mo at ilang tunog ng mga hayop. Halos mapatalon naman ako ng maramdaman ko na may gumalaw sa gilid ko.
"Sister Mayeth,"bulong ko ngunit mukhang hindi nga yata ako narinig Sister Mayeth dahil hindi man lang ito lumingon sa akin.
Patuloy pa rin ang paggalaw ng talahiban sa gilid ko at sobrang bilis na ng pintig ng puso ko. Binilisan ko na lang ang paglalakad ko at hinawakan ang kamay ni Sister Mayeth.
"Anong nangyayari sa iyo?" Tanong nito at lumingon sa akin.
"S-Sister, may gumalaw,"utal na sabi ko at tinuro ang talahiban. Natawa naman si Sister Mayeth sa akin at lumapit doon.
"Sister mag-ingat ka,"sabi ko at kinagat ang kuko ko, ngunit hindi man lang nagpatinag si Sister Mayeth at parang may kinuha roon.
Ilang sandali pa ay humarap na ito sa akin at may hawak-hawak na isang maliit na hayop. Hindi ko alam kung anong tawag sa kaniya sapagkat ngayon lang ako nakakita ng ganoon.
"Huwag kang mag-alalaa, hindi naman nananakit itong mga 'to,"sabi ni Sister Mayeth at hinaplos ang ulo ng hawak-hawak nitong hayop.
Bilog ang hugis ng ulo nito at kasing laki lamang ito ng palad ko. Masiyadong mabalahibo rin ang kaniyang katawan at sobrang cute nga ng kaniyang mukha. Ang sarap niyang kurutin, may malalaking dalawang ngipin rin ito sa kaniyang bibig, at singkit ang mga mata nito.
"Ito ang tinatawag na Fur,"sabi ni Sister Mayeth at ibinaba ang kaniyang dala-dalang lampara.
"Fur po?" Tanong ko rito.
"Isang uri ng hayop na ninirahan sa talahiban. Ang mga pagkain nito ay syempre iyong mga dahon, hindi naman sila nananakit ngunit kapag inatake mo ang isa sa kanila, ay dadating ang ilang libong kauri ng mga ito." Paliwanag niya at ibinaba ang Hayop na iyon.
"Ganoon po ba? Pasensiya na po kayo, ngayon ko lang po talaga nalaman na mayroon pa lang ganitong hayop dito sa gubat." Sabi ko. Ngumiti lamang si Sister Mayeth habang nakatingin sa Fur na iyon na tumakbo pabalik sa talahiban.
"Sa katunayan ay isa lamang ang Fur na iyon sa mga hayop na makikita mo rito sa gubat. May ilang hayop ka pang makikita, ngunit huwag kang mag-alala karamihan naman sa kanila ay hindi nananakit." Saad nito at kinuha na uli ang basket atsaka lampara bago nagsimulang maglakad muli.
Ngunit teka, sinabi ba nito na karamihan? Ibig sabihin ba ay may mga hayop din sa gubat na ito ang nananakit ng mga tao na katulad namin?
"Karamihan? Hindi po lahat?" Tanong ko rito.
"Kahit saan ka pumutan Kori, may mga masama talaga. Hindi mapapanatili ang balanse ng mundo kung walang masamang mga tao, at siyempre kabilang na roon ang mga hayop. Ilan sa mga ito ay mabubuti at ilan din sa kanila ay masama." Paliwanag ni Sister.
"Ngunit hindi po ba manganganib ang buhay natin kapag ganoon Sister?" Tanong ko sa kaniya.
"Huwag kang mag-alala, hindi naman tayo mapupunta sa pinaka-sulok na bahagi ng kagubatan kung saan sila naninirahana, kung kaya ay napaka-impossible na may makakasalamuha tayo na ganoong klaseng hayop."
Tumahimik na lang ako at sumunod na lang kay Sister Mayeth, hindi pa rin mawala sa akin na hindi mangamba. Oo nga at sinabi nito nga hindi kami pupunta sa pinaka-gitna ng kagubatan ngunit hindi rin naman maipagkakaila na pwede itong umalis roon , hindi ba?
Possibleng umalis ang mga hayop na iyon sa gitna ng gubat at magtungo sa kung saan kami upang maghanap ng pagkain. Paano na lang kapag sakto na naroroon kami sa lugar na iyon? Ibig sabihin na niyan ay isa kami sa pwede maging umagahan ng mga hayop na iyon? Maaga pa yata akong mamatay dahil dito eh.
"Ilang beses na akong pumunta dito,"sabi ni Sister Mayeth, "At sinisigurado ko na ilang beses na akong pumunta rito pero hindi pa naman ako namamatay."
Napalingon naman ako sa kaniya at nakita itong nakatingin na sa akin. Hindi ko na pansin ang pagtigil nito sa paglalakad at pagtitig nito. Masiyadong okupado ang isip ko sa possibleng mangyari at hindi ko na napansin ang paligid ko.
Noong una ay masiyadong mahiyain si Sister Mayeth, nauutal pa nga ito na kausapin kami ngunit tama nga talaga si Father. Kapag nakasanayan na ay hindi na nahihiya si Sister at wala na kaming problema sa isa't-isa.
"May nangyari po ba? Bakit po kayo tumigil?" Tanong ko sa kaniya, ngunit ngumiti lang ito at umiling.
"Hindi naman sa gano'n, sa katunayan niyan ay nandito na tayo sa lugar kung saan magsisimula ang pag-eensayo mo." Tugon nito.
Kunot-noong napatingin naman ako sa paligid at halos mamangha sa aking nakita. Napaka-ganda, hindi ko aakalain na mayroong ganitong lugar para sa gubat.
Mayroon lamang isang napaka-laking talon sa harap namin na may malaking bato sa gitna. Tila ba may sariling ilaw ang tubig ng talon, may mga isda rin na nagsisiliparan sa ibabaw ng tubig.
"Totoo po ba talaga ito?" Tanong ko kay Sister Mayeth.
"Oo naman." Tugon ni Sister Mayeth at naglakad patungo sa gilid ng tubig at inilatag ang isang tela roon.
"Bakit po dito tayo mag-eensayo?" Tanong ko sa kaniya, "Hindi ba mas lalong hindi makakapag-pokus sa ganda ng lugar?"
Umiling lamang si Sister Mayeth at tinapik ang gilid nito. Naglakad na ako papalapit sa kaniya at umupo na sa kaniyang tabi.
"Sa katunayan nga niyan ay mas lalo kang magpo-pokus kapag nandoon ka na sa batong iyon,"sabi ni Sister Mayeth.
"Sa oras na tumungtong ka sa bato na iyon ay wala kang ibang makikita bukod sa pinapalibutan ka ng tubig."
Pinapalibutan ako ng tubig? Ibig ba sabihin nito ay papasok ako sa isang ilusyon kapag nandoon na ako? Ngunit paano naman ako makakalaya sa ilusyon na iyon?
"Kung gayon po sister, paano naman ako makakawala sa ilusyon na iyon?" Tanong ko rito.
"Sino naman ang nagsabi sa'yo na ilusyon lang iyon?" Tugon nito.
"Teka, ibig sabihin ay hindi lang po iyon ilusyon?"
Umiling naman si Sister Mayeth sa akin at ngumiti, "Sa katunayan niyan ay, lahat ng makikita mo sa oras na pumatong ka riyan ay totoo. Ipagpalagay na lang natin na iyang bato na iyan ay dadalhin ka sa ibang dimensyon upang ma-ensayo ang iyong konsentrasyon at pag-kontrol ng iyong kapangyarihan. Marami kang pagdadaanan na mga pagsubok sa batong iyan, ngunit huwag kang mag-alala, sa oras na umangat ang stage ng iyong kapangyarihan ay pwede ka naman tumigil at magpatuloy kung kailan mo gusto." Paliwanag ni Sister Mayeth.
"Nasubukan mo na po ba ang mga pagsubok na iyon?"
"Oo naman,"tugon nito at ngumiti, "Napaka-hirap ng dinanas ko sa panahon na iyon sapagkat ni walang isang tao ang tumulong sa akin. Walang mga kapangyarihan ang ibang tao sa simbahan at ang ibang mga taong may kapangyarihan sa bayan ay ayaw akong tulungan. Ilang beses akong nabigo, ilang araw akong hindi nakalabas sa batong iyan, ngunit sa huli ay na tapos ko rin at ngayon, mataas na ang antas ng kapangyarihan ko." Paliwanag nito.
"Ano po ba ang iba't-ibang uri ng antas?"
Wala akong alam sa mga kapangyarihan na iyan sapagkat hindi naman talaga pumasok sa isip ko ang tungkol sa kapangyariha. Ngayon na mayroon pala ako nito ay nararapat lang na malaman ko ang lahat ng tungkol sa bagay na ito.
"May tinatawag silang Vasikos o mas kilalang pangunahing antas, ito ang antas na kung saan mayroon ang mga may bagong alam lamang sa kapangyarihan. Sa loob ng bawat antas ay may kailangan kang lampasan na stage bago ka magtungo sa susunod na antas. Sa loob ng Vasikos, kailangan mo dumaan ng sampung stage bago ka mapunta sa tinatawag na Endiamesos o mas kilalang tawag na pangawalang antas o intermediate magic." Paliwanag ni Sister Mayeth.
Hindi ko maiwasan ang mamangha kay Sister sa dami ng alam nito sa kapangyarihan. Gusto ko sanang malaman kung paano niya nakuha ang mga ganitong impormasyon ng sa katunayan ay wala naman kaming masiyadong libro sa simbahan.
"Sa ngayon ay iyan muna ang ipapaliwanag ko. Sa susunod na natin pag-uusapan ang tatlo pang antas na hindi ko nabanggit." Sabi ni Sister Mayeth.
"Anong antas ka na po ba?" tanong ko rito. Ngumiti lang si Sister at itinaas ang kaniyang kamay sabay baba ng tatlong daliri.
"Endiamesosm, Stage 4,"tugon nito sa akin.
Napa-hawak naman ako sa aking bibig dahil sa gulat. Hindi ko inakala na ganoon na pala kataas ang antas ni Sister Mayeth.
"Sa katunayan ay hindi pa ganoon ka lakas ang kapangyarihan ko. Kailangan ko pang mag-ensayo ngunit nahihirapan na akong makamit iyon,"sabi ni Sister Mayeth.
"Bakit naman po?" Tanong ko.