Past
Kori's Point Of View
Ngumiti lang si Sister Mayeth sa akin at binuksan na ang basket na dala-dala nito kanina pa. Inilabas na niya ang ilang supot ng pagkain at inilatag sa harap namin.
"Hanggang doon na lang ang pwede kong maabot na stage,"sabi ni Sister Mayeth. Gulat at naguguluha akong napatingin sa kaniya. Paanong hanggang doon na lang iyon? Hindi ba at kakasabi lang niya na may mga ibang antas pa na pwede makamit ng kapangyarihan namin?
"Hanggang doon na lang po? Hindi ba at may tatlo pang antas na pwede niyong maabot?" Tanong ko sa kaniya. Ngumiti lamang si Sister Mayeth at binigyan ako ng isang kanin na hinugis bilog at may laman na ulam sa loob.
Nagsisimula ng sumikat ang araw kung kaya ay nakikita ko na ang buong paligid namin. Pinatay na ni Sister Mayeth ang lampara bago kumagat sa kaniyang pagkain.
Hindi naman pwedeng hanggang doon na lang ang kapangyarihan ni Sister Mayeth, pagkatapos ng lahat nang stage ng pangalawang antas ay hindi ba pwede na mag-ensayo pa ito at makamit ang susunod?
"Hindi ganoon 'yon kadali, Kori,"sabi ni Sister, "May hangganan din ang mga kapangyarihan natin. Sa katunayan niyan ay may limitasyon lamang kung hanggang kailan at saan maabot ang kapangyarihan mo." Paliwanag ni Sister Mayeth.
"Kung gayon ay maaring nasa unang antas lang po ako?" Tanong ko sa kaniya. Tumigil naman sa pagkain si Sister Mayeth at tumingin sa akin.
"Maaring oo, maaring hindi. Wala akong kakayahan upang malaman kung hanggang saan lang ang kakayahan ng kapangyarihan mo." Tugon ni Sister.
"Paano mo po nalaman na hanggang doon na lang po talaga kayo?" Tanong ko sa kaniya, ngumiti lamang si Sister atsaka umiwas ng tingin. Nakita ko ang pagbaba nito ng kaniyang pagkain sa kaniyang hita at paghinga ng malalim.
Siguro ay mali ako na tinanong ko pa ang bagay na iyon. Napaka-hirap siguro sa parte ni Sister na hindi na niya kayang pataasin pa ang stage niya at hanggang doon na lang talaga ang kaya niya.
"Sa katunayan niyan ay dahil iyon sa isang pangyayari habang nag-eensayo ako." Sabi ni Sister.
Ramdam ko ang bigat na nararamdaman ni sister sa bawat salita na nilalabas ng kaniyang bibig. Tila ba may naalala itong isang alala na matagal na niyang kinalimutan ngunit na-ungkat lamang dahil sa akin. Sana pala ay hindi ko na lang ito tinanong, sana pala ay hinayaan ko na lang ang tungkol sa bagay na iyon.
"Okay lang po kung nahihirapan kayo at ayaw niyong e-kwento. Hindi naman po kailangan 'yon,"sabi ko at ibinaba ang hawak-hawak ko na kanin at hinawakan ang kamay ni Sister.
"Alam ko po kung gaano kahirap para sa inyo ang nangyari. Kung nahihirapan po kayo ng sobra ay pwede naman na huwag niyo na po ipagpatuloy." Sambit ko at ngumiti sa kaniya. Napalingon naman sa akin si Sister Mayeth at ngumiti, ipinatong din nito ang kaniyang kamay sa mga kamay ko na naka-hawak sa kaniya.
"Matagal na nangyari iyon, hayaan mo na lang akong e-kwento sa'yo ang nangyari sa araw na yon, nang sa gayon ay hindi na muli mangyari ang ganoong klaseng insidente." Paliwanag ni Sister Mayeth.
"Kung iyon po ang gusto niyo ay, sino po ba ako upang pigilan kayo?" Sabi ko, tumango lamang si Sister Mayeth at binalot muna ang pagkain niya bago ibinalik sa basket.
"At habang nagkwe-kwento ako ay kumain ka na, magsi-simula ka ng mag-ensayo pagkatapos ko." Saad nito, tumango lamang ako at kinuha na ulit ang aking pagkain.
"Ilang taon na ang nakakalipas ay nagsimula na akong mag-ensayo mag-isa,"pagsisimula nito, "Noong panahon na iyon ay masiyado akong nahihirapan kung ano ang dapat kong gawin upang mag tagumpay sa pag-usog ng isang stage. Hindi ko pa natagpuan itong Talon ng Enerhiya, wala pa akong ginagamit noon kung hindi ay ang gawin ang tinatawag nila na teknik na mediatition. Umaga hanggang hapon ay nag-eensayo ako, at minsan naabutan pa ako ng gabi. Labis ang dinanas ko ng mga panahon na iyon ngunit hindi ako tumigil at nagpatuloy lang ako sa pag-eensayo. Hindi ko inaasahan na dahil sa ginawa ko na pagpupumilit ay siya naman ang pagsarado ng meridian ko. Ang meridian ay isang daluyan ng enerhiya ng kapangyarihan sa ating katawan." Paliwanag ni Sister Mayeth at napa-buntong hininga.
Meridian? Meditation? may mga bagay pala na ganoon. Wala man lang akong ka-alam alam na iyon pala ang pwedeng gamitin upang mas mahasa ang kapangyarihan namin. Labis ang aking paghanga na nararamdaman para kay Sister Mayeth, isa siyang tao na kahit walang ginagamit upang mahasa ang kaniyang kapangyarihan ay naging malakas naman ito.
"Sa kadahilanana na pagsarado ng meridian ko ay siya naman ang pagtigil ng pagdaloy ng enerhiya ng kapangyarihan ko sa buong parte ng aking katawan, na naging dahilan ng limitasyon nito. Simula no'n at nang mahanap ko ang talon na ito ay hindi na ako nakaka-usog sa stage na kung saan ako ngayon. Hanggang dito na lang talaga ako at wala na akong magagawa roon." Sabi ni Sister Mayeth.
"Wala po bang ibang paraan upang bumukas po ulit ang meridian mo?" Tanong ko sa kaniya sabay kagat ng huling piraso ng kanin.
"Hindi pwede,"sabi ni Sister.
"Bakit naman po hindi pwede?" Tanong ko sa kaniya.
"Sapagkat kapag binuksan ko ulit ang ibang parte ng meridian ko ay maaring ito ang maging rason na sumobra ang enerhiya na dumaloy sa katawan ko na maging resulta ng aking maagang pagkamatay." Saad nito.
"Kung gayon ay hanggang diyan na lang po talaga ang stage niyo at hindi na kailanman madadagdagan?" Tanong ko sa kaniya. Tumango lamang si Sister Mayeth atsaka humarap sa akin.
"Kung ako sa iyo ay huwag mong pilitin ang pagbukas ng kapangyarihan mo. Bahala na siguro na matagalan ka makarating sa susunod na stage, basta siguraduhin mo na lang na hindi magiging delikado ang buhay mo dahil lang sa isang pagkakamali na pagsisisihan mo sa buong buhay mo." Tugon nito.
Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata ni Sister Mayeth na nakatingin sa akin. Sa tingin ko ay labis talaga ang pagsisisi nito dahil sa ginawa nito noong mga panahon na nag-eensayo pa lamang siya. Hindi ko rin naman siya masisisi sapagkat wala naman talaga siyang alam sa dapat niyang gawin noon.
"Okay lang po 'yan Sister Mayeth, sa oras na maglalakbay na po ako ay magha-hanap po ako ng ibang paraan upang hindi na sarado ang lahat ng meridians mo." Sabi ko, ngumiti naman sa akin si Sister Mayeth at tumango.
"Kung gayon, hali ka na at mag-ensayo,"sabi ni Sister at tumayo.
Sumunod naman ako sa kaniya at tumayo sa tabi nito. Nasa harap kami ng talon, hindi ko alam kung ako lang ba o ano ngunit labis ang enerhiya na binibigay ng talon. Tila ba ay nawawalan ako ng lakas at kailangan ko ng suporta dahil dito. Napahawak ako kay Sister Mayeth na ngayon ay nagtatakang naka-tingin sa akin. "Okay ka lang ba?" Tanong nito.
"Okay lang po ako, hindi ko po inaasahan na ganito ka lakas ang enerhiya na binibigay ng talon." Tugon ko sa kaniya.
"Anong ibig mong sabihin? Hindi mo mararamdaman ang enerhiya ng talon hanggat hindi ka pa tumuntong sa bato na iyon,"paliwanag ni Sister Mayeth,
Hindi na lang ako umimik at pinikit na lamang ang aking mga mata. Nahihirapan akong makipag-usap sa kaniya sapagkat nauubos talaga ang lakas ko, masiyadong malakas ang talon at hindi kaya ng katawan ko ang humabol sa kaniya.
"Gusto mo ba na sa susunod na lang tayo mag-ensayo? Mukhang masama ang pakiramdam mo,"sabi ni Sister Mayeth, umiling lamang ako at pilit na tumayo ng tuwid. Hinawaka naman ako ni Sister Mayeth upang bigyan ng suporta.
"Hindi ko alam kung bakit nararamdaman mo ang enerhiya ng talon habang nandito ka pa ngunit sigurado ako na malayo ang mararating mo,"sabi nito.
Pilit na nilingon ko naman itong si Sister na ngayon ay nakangiti lang sa akin, "Paano mo po iyon na sabi?" Tanong ko sa kaniya atsaka kinagat ang aking labi.
"Labis ka kung makiramdam at ibang klase ang pandama mo, maaring dahil ito sa kapangyarihan na taglay mo sa loob ng iyong katawan. Kusang nagbigay ng reaksiyon ang katawan mo dahil sa enerhiya na mayroon ang talon na pwede niyang kunin,"paliwanag ni Sister Mayeth, "Unang gawin mo kapag naroon ka na sa bato ay umupo ka sa sahig at gawin ang sinasabi kong mediatition, Ipikit mo lang ang iyong mga mata at huminga ng tama. Pagkatapos ay hayaan mong dumaloy ang kapangyarihan mo sa buong katawan hanggang sa kusang dalhin ka ng bato sa kung saan."
"Mawawala po ba ako sa batong iyon?" Tanong ko sa kaniya.
"Hindi, Nandiyan pa rin ang katawang lupa mo ngunit ang iyong isipan ay wala na. Nasa ibang dimensiyon ka na, simula sa dimensiyon na iyon ay na saiyo na kung ano ang gagawin mo upang kalabanin ang mga naroroon. Hindi ako sigurado kung saan ka dadalhin nito sapagkat may iba't-ibang lugar naman ang mundo."
Hindi ko alam ay bigla na lang akong unti-unting lumayo kay Sister Mayeth. Nang lumingon ako sa ibaba ay nakita ko ang tubig na hugis lubid na naka-tali sa aking katawan. Dinala ako nito hanggang sa bato at marahang binaba roon.
Nakita ko rin ang pagbaba ni Sister Mayeth sa kaniyang kamay at ang pagkawala rin ng tubig na iyon. Siguro ay ginamit nito ang kaniyang kapangyarihan upang madala ako sa bato na iyon na ligtas. Mas lalo akong nagulat ng hindi man lang ako na basa ng tubig at wala man lang kahit anong bakas ng lubid na tubig na iyon.
"Mag-ingat ka Kori,"sigaw ni Sister Mayeth, "Nandito lang ako maghihintay sa iyo, pupunta rin si Father dito at titignan ka. Bumalik ka sana."
Tatanungin ko sana kung anong ibig sabihin nito sa huling sinabi niya ng hindi na ako makapag-salita, ito siguro ang dahilan kung bakit sinabi ni Sister Mayeth na pagkarating ko rito ay gawin ko na ang teknik na iyon.
Hindi na lang akong nag-abala na sumagot pa at pinikit ang aking mga mata. Umupo na ako sa bato at huminga ng malalim. Pinakiramdaman ko lang ang paligid ko at hinayaan na dumaloy ang kapangyarihan ko sa katawan.
Tanging ang pagbagsak lang ng tubig mula sa talon ang naririnig ko at ang mga huni ng ibon. Hindi ko na rin naririnig ang ingay ni Sister Mayeth na labis kong ipinagtataka. Wala naman sigurong masama kung imulat ko saglit ang mga mata ko at tignan kung anong ginagawa nito, hindi ba? Teka, huwag muna, baka magaya ako kay Sister Mayeth at hindi na ako makakarating sa pinaka-huling antas ng kapangyarihan ko.
Nanatili lang akong nakapikit na sa tingin ko ay sa loob ng dalawang oras. Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko at halos mapapikit ako ulit ng tumama ang sinag ng araw sa mukha ko. Ang init na yata ngayon ah?
Nang maayos ko na ang paningin ko ay halos hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Paano ako napunta sa harap ng isang malawak na dagat? Nakatayo lamang ako sa isang maliit na isla na sa tingin ko ay kasing laki lamang ng kwarto ko. Tumayo na ako sa pagkaka-upo at tinignan ang aking paligid.
Ito ba ang ibig sabihin ni Sister Mayeth na hindi niya alam kung saan ako mapupunta? Siguro nga ay dito na magsisimula ang pag-eensayo ko. Ngunit ano naman ang gagawin ko sa gitna ng dagat, paano ko ba mae-ensayo ang kapangyarihan ko rito? Naku naman!
Halos mapa-upo naman ako ng biglang yumanig ang lupa na kinatatayuan ko, at kasabay nito ang paglabas ng isang higanteng pusit sa aking harapan. Pulan-pula ang mga mata nito at parang galit na galit itong nakatingin sa kinatatayuna ko.
"Paano ko naman papatayin ang pusit na 'to? Healing magic iyong sabi nila hindi ba? Gagalingin ko ba ang mainit na ulo ng pusit? Mamamatay yata ako ng maaga dahil dito!" Sigaw ko.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin, at bukod doon ay masiyadong malalim ang dagat na nakapa-libot sa akin. Paano ko naman iyon kakalabanin? Wala rin kahit anong nandito sa isla na kinatatayuan ko.
Tuluyan na akong napa-upo sa sahig dahil sa takot na aking nararamdaman. Bago lang ako sa pag-eensayo ngunit bakit ito naman ang ibinigay sa akin? Paano ko naman papatayin ang isang tulad niya gamit ang kapangyarihan ko na makapag-pagaling? Seryoso ba talaga ito?
Nanginginig na ako sa takot at hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Masiyado siyang malaki para sa akin. Masiyado itong makapangyarihan kaysa sa akin. Paano ko naman siya matatalo gamit lamang ang kapangyarihan ko? Wala nga akong bato o kahit anong pwede kong gamitin dito bukod sa buhangin na inuupuan ko ngayon.
"Meditate,"
Napa-lingon ako sa aking paligid nang marinig ko ang boses ni Sister Mayeth. Nandito ba si Sister? Bakit hindi ko siya nakikita? Nasaan ba siya?
Meditate?
Teka, Oo nga pala. Isa lang itong pagsubok, hindi dapat ako magpadala at mag-pokus sa pwede kong gawin. Iyon ang mag-meditate.
Bumalik ako sa pagkaka-upo ko kanina at pinikit ang mga mata ko. Pinilit kong kumalma ngunit masiyadong mabilis ang pag-t***k ng puso ko dahil sa pusit na ito.
Halos mapatalon naman ako ng bigla na lang itong sumigaw ng pagkalakas lakas, na naging dahilan ng malakas na hangin. Bigla akong kinilabutan sa ginawa nito na naging dahilan ng pagkawala ng konsentrasyon ko sa aking ginagawa. Ano ba ang dapat kong gawin ngayon? Ayaw kumalma ng puso ko.
Pinikit ko ulit ang mga mata ko at huminga ng malalim, ngunit bigla na naman lumindol ng pagkalakas-lakas na naging dahilan ng pagmulat ng aking mga mata. Halos manginig ako sa takot ng makita itong papalapit sa akin, hindi ko na alam ang gagawin ko. Baka isang pagkakamali ko lang ay mahulog ako sa tubig at mamatay na talaga ng maaga. Ano ba kasi ang dapat kong gawin? Bukod sa meditation na hindi naman talaga epektibo.
Ibinalik ko na lang ang pagpikit ng mga mata ko at paghinga ko ng malalim. Pinilit kong kumalma kahit hindi naman talaga kakalma-kalma ang sitwasyon ko ngayon. Nanginginig ang mga kamay ko at binti ko.
"Huwag mo hayaan na maging distraksiyon iyan sa meditation mo."
Nang dahil sa sinabi ni Sister Mayeth ay huminga na talaga ako ng malalim at sinubukan na walang isipin na kung ano.
Hayaan na walang laman ang isipan. Huminga ng malalim at hayaan dumaloy ang kapangyarihan sa katawan. Unti-unting naramdaman ko ang pag-init ng katawan ko at ang pag-tahimik ng paligid. Mas lalong uminit ang aking paligid at sa hindi ko malaman na dahilan ay bigla na lang lumitaw ang isang umaapoy na hugis bilog sa hindi kalayuan. Sinubukan ko itong abutin ngunit patuloy lang ito sa paglayo sa akin.
Hahabulin ko na sana ito ng bigla na lang yumanig ng pagkalakas-lakas ang paligid ko at kasabay nito ang pagkawala ng mainit na pakiramdam sa aking katawan. Nang iminulat ko ang aking mga mata ay halos mahimatay ako sa aking nakikita. Isang malaking galamay ang tumama sa harap ko at pabalik na ito sa tubig.
May balak ba itong patayin ako?