"Lolo gutom na gutom na po ako, ang sakit sakit na po ng tiyan ko, gusto ko na pong kumain. Kahit po palagi ako umiinom ng tubig hindi po nawala iyong sakit ng tiyan ko p-pati po ulo ko ang sakit na rin. S-Sige na po pahingi na po ako ng pagkain," umiiyak na pakiusap ng sampong taong gulang na apo ng isa sa kanilang kasamahan.
"Paano ba ito apo wala tayong pagkain. Kaya tiisin mo pa ang gutom mo dahil baka may dumating ng tulong mula sa gobyerno. Halika dito, mabuti pa matulog ka na lamang para hindi mo maramdaman ang hapdi ng tiyan mo pati na ang sakit ng ulo mo." wika nito tsaka kinabig ang apo at pina-unan sa hita nito tsaka kinamot gamot ang likod para mabilis itong makatulog.
Tumalikod na lang si Kapitan Rab at hindi naiwasan na hindi matulo ang kanyang luha awang-awa siya sa bata at maging sa lolo nito na batid niyang parehas na nakaramdam ng gutom at pananakit ng ulo dahil sa gutom. Animo nanghihina na ang mga ito dahil sa sobrang gutom na gutom na ang mga ito, wala naman siyang magawa. Pakiramdam tuloy niya na napaka-inutil niya.
"Kapitan lahat ng ating nasasakupan ay nakararanas nanaman ng matinding gutom. Ano na po ba ang ating plano? Ano po ba ang ating gagawin para makahanap ng makakain kahit para na lamang sa mga bata at matatanda? Tayo ay malalakas pa naman kaya kakayanin pa natin ang ilang araw na gutom. May tubig naman tayo kaya makakaya pa natin dahil malalakas pa tayo. Kahit sana sila na lamang ang makakain kahit wala na tayo. Lubusan po talaga ako natatakot ng husto na baka maubos lang po tayo dito, hindi lamang dahil sa sakit kundi dahil sa matinding gutom. Nakakaawa po ang mga bata kapitan lalo na po ang matatanda na sa atin lamang umaasa," wika ng isa sa kanyang mga kagawad.
"Wala na po ba talagang mahanap na maaari nating pantawid gutom sa may mga taniman ng kamote at kamoteng kahoy Ka Ronnie?" tanong niya dito.
Umiling ito at napakamot sa ulo.
"Wala na po talaga Kapitan lalo pa at tagtuyot tayo ngayon. Lahat po ng may mga kaingin at may mga pananim ay nakuha na po natin. Maging ang lahat ng maaari nating pagkuha na ng makakain eh wala na po talaga maging ang mga karatig nating bundok eh wala na rin. Naubos na rin natin ang mga ligaw na prutas kaya naman wala na po talaga tayong ibang pagpipilian kundi ang lumapit kay Don Eliazar," sagot nito.
Napahawak siya sa sentido at tila sumakit nanaman ang kanyang ulo. Idagdag pa ang pagkagutom na kanyang nararamdaman mabuti na nga lang at kahit papaano may na pagkukuhanan pa rin sila ng malinis na tubig na maaari nilang inumin kaya kahit papaano nakakatulong na rin sa kanila ang tubig na iyon para maibsan ang kanilang gutom.
Ngunit lubha ang pagkabahala niya para sa mga bata at matatandang nasasakupan, hindi maaaring tubig lamang ang ilalaman ng mga ito sa kumakalam na sikmura lalo na at ang iba sa kanila ay may maliliit pa talaga ang anak.
"Kapitan matanong ko nga po kung ano po ba talaga ang kondisyong hinihingi ni Don Eliazar para mabigyan tayo ng makakain at gamot?" wika naman ng isa sa kanila ang tanod.
Umiling siya at nanatiling tahimik lamang habang nakatanaw sa kawalan nag-iisip siya kung papano nga ba at ano na ang mangyayari sa kanyang nasasakupan kung hindi pa rin siya kikilos at magmakaawa kay Don Eliazar Ngunit hindi naman niya hahayaan na gawing panabong lamang ang kanyang nasasakupan.
"Bakit po ba hindi niya masabi sa amin kapitan? Malay niyo po ay magawan natin ng paraan para makatulong hindi iyong lagi nalang kaming umaasa sa inyo. Sa totoo lang po ay sobrang hiyang-hiya na kami sa inyo pero dahil nga wala talaga kaming maisip na paraan kaya kayo na lang po talaga ang aming inaasahan. Ngunit kung may maitutulong naman po kami wag po kayong mahihiyang magsabi sa amin, gagawin po namin ang lahat para makatulong sa ating nayon," wikang muli ng kanilang tanod.
Napabuntong hininga siya at sumenyas na sumunod sa kanya ang tatlong kausap. Balak na niyang isiwalat na sa mga ito ang nais na kondisyon ni Don Eliazar para magkaroon sila ng pagkain. Nais niyang hingin ang opinyon ng mga ito pero tiyak niyang hindi rin papayag ang kanilang kagawad lalo pa at masyado rin itong matuwid at inuuna ang kapakanan ng mga nasasakupan.
Inaya niya na lumayo sila sa karamihan dahil ayaw niyang marinig ng iba ang kanilang pag-uusapan lalo pa at mukhang desperado na ang mga ito para makakuha lamang ng pagkain na maipapakain nila sa kanilang pamilya ayaw niyang humantong sa puntong mag volunter na ang mga ito na itaya ang buhay para lamang sa pagkain.
Nang nasa medyo malayo na sila sa karamihan At sa tingin niya ay wala nang makarinig sa pag-uusapan nila sinabi niya sa mga ito ang tungkol sa nais na kundisyon ni Don Eleazar.
"Hayop talaga ang matandang yan walang kasing sama paano niya nagagawa na paglaruan ang buhay ng isang tao?! Para lamang sa pagkain na ipinagkakait niya ang nais niya kapalit ay buhay! Wala siyang kasing sama! Masahol pa siya sa demonyo!" galit na wika ng kanilang kagawad.
Napansin naman niya na tahimik ang dalawang tanod na kausap nila. Kaya kunot noong napatingin siya sa mga ito. Mukhang may iniisip na hindi maganda ang dalawa. At tiyak niyang kapag nagsalita ang mga ito tiyak niyang hindi niya magugustuhan ang balak ng dalawa.
"Kapitan kung iyan po ang nais ni Don Eliazar, handa po akong lumaban. Hindi na po ako nanghihinayang kung ako man ang mapatay ng aking kalaban basta ang mahalaga po ay mailigtas ko ang lahat! Hindi ko na po iniisip ang kalagayan ko dahil nag-iisa lang ako. Ang ikinakatakot ko po kapag ilang araw pa na hindi tayo makakain baka lahat tayo ay mamatay na sa gutom hindi lang sa sakit kundi sa gutom kaya handa akong isakripisyo ang aking buhay!" puno ng determinasyon na wika ng isang tanod.
"Ako din po kapitan di bale ng mamatay ako. Ang mahalaga may ginawa man lang ako na kabutihan sa ating mga kanayon lalo na sa limang maliliit kong anak. Hindi ko kayang makita silang mamatay nang dahil sa gutom, mas gugustuhin ko pang ako ang mawala kaysa sila kaya naman ito po sana aking kahilingan ko sa iyo kapitan. Limang sako ng bigas kapalit nang aking buhay. At mga gamot pati na ibang pangangailangan natin!" seryosong wika pa ng isa.
Hindi siya makapaniwala sa narinig.
Ayaw niyang pahintulutan ang mga ito sa nais pero ito ang kagustuhan ng dalawa, ang isakripisyo ang sariling buhay para sa ikabubuti ng lahat.
ITUTULOY