Matapos ang hapunang iyon nagpasya si Kapitan na magpatawag ng meeting para sa gagawin niyang pagtungo bukas sa bayan. Hindi niya alam kung papaano siya makakapunta sa bayan, pero kailangan niyang sumubok para naman matigil na o matuldukan na ang kasamaan ni Don Eliazar. Hindi man sa hinahangad pero sa palagay niya ay may nangyaring masama sa kanyang tanod na nagboluntaryong magtungo sa bayan.
Hindi maaaring manahimik na lamang sila doon at hintayin ang kanilang kamatayan. Mas mainam ng siya mismo ang magtungo sa bayan para malaman din kung ano nga ba talaga ang nangyayari at bakit wala pa ring dumarating na tulong mula sa gobyerno.
"Sasama ako kapitan, mas mapapadali ang iyong paglalakbay kung kasama ako." wika ng isang babaeng nasa likuran ng mga taong kausap niya kaya hindi niya ito makilala.
Lumitaw ito doon at saka lamang nila napagsino ang nagsalita. Ito ay si Smile, ang dalagang anak ng dating kapitan ng kanilang nayon. Hindi niya ito kasundo lalo pa at hindi rin naman siya nito pinapansin. Mukhang may galit sa kanya dahil natalo niya ang ama nito noong tumakbo siya bilang kapitan. Matagal na kasing kapitan ang ama nito pero siya lamang ang nakatalo dito. Sa tingin niya ang babaeng anak ni Kapitan Tyago ay hindi rin basta-basta. Parang sanay sa pakikipambuno ito kasi hindi mo kababakasan ng lalampa-lampang babae. Ang alam kasi niya ay lumaki ito sa lungsod, doon ito nag-aaral at nagkataon lamang na nandoon ito dahil nagbabakasyon sa kanilang nayon ng lumaganap ang nakakahawang sakit. Ngunit kahit na medyo astig itong kumilos at sa tingin niya ay makakatulong ito sa kanya, babae pa rin ito kaya ayaw niyang mapahamak ito ng dahil lamang sa kanya.
"Paumanhin binibini pero mga kalalakihan lamang ang maaaring lumakad para makahingi ng tulong sa bayan. Kung ikaw ay sasama baka maging pabigat ka lamang kaya mas mainam na manatili ka na lamang dito sa ating nayon," pagtanggi niya sa nais nito.
"Aba mukhang minamaliit mo yata ako kapitan, ayoko nang maghintay pa sa walang saysay mong mga plano! Kapag hindi pa tayo kumilos at humingi ng tulong mula sa gobyerno ay siguradong mamamatay tayong lahat dito! Papano kung hindi man tayo mamatay sa sakit, mamatay naman tayo sa gutom o kung ayaw mong magutom, ibigsabihin hahayaan mo na lamang na patuloy na lapastanganin ng Don Eliazar na iyan ang mga kababaihan dito sa ating nayon? Hahayaan mo bang may magbuwis nanaman ng buhay katulad ni Kuya Nognog para lamang sa kakarampot na pagkain na iyan?!" mataas ang boses na pahayag nito.
Gusto niyang magalit dito at ipamukha dito na hindi naman niya ginusto ang mga nangyari. Na kahit siya ay hirap na hirap na rin at hindi matanggap na may ilan ng nagbuwis ng buhay para lamang sa kabitihan ng lahat. Pero minabuti niyang manahimik na lamang, matinding pagtitimpi ang kanyang ginawa dahil hahaba pa ang pagtatalo nila kung hindi siya magpapasensya.
"Smile, magdahan-dahan ka sa pananalita mo kay Kapitan, dahil ginawa niya ang lahat para lamang tayo ay matulungan! Kung gusto mo talagang tumulong sige, sumama ka sa pagtungo sa bayan kung iyan ang iyong nais!" mataas din ang boses na wika ng dating Kapitan na ama din naman ito.
"Kapitan Rab, pagbigyan mo na ang anak ko hayaan mong siya ang iyong makasama dahil bihasa siya sa bayan at isa pa siya na lamang ang may natitirang sasakyan na maaari ninyong sakyan patungo sa bayan. Hayaan mong kahit na sa ganoong paraan ay makatulong kami sa inyo. At syempre sa ating mga kanayon. Pagpasensyahan mo na sana ang anak ko, ganyan lang talaga siyang magsalita pero mabait naman iyan," magalang na wika sa kanya ng dating kapitan.
"Sige po Kapitan Tyago kung iyan po ang nais mo ay susundin ko po iyon at patawad na rin po kung hindi ko pinayagan ng inyong anak. Iyon naman po ay dahil sa kapakanan na rin niya dahil nga babae siya. Pero ngayon na kayo na mismo po ang nagsabi na isama ko siya, susunduin ko po ang inyong nais. Isa pa baka nga talaga abutin pa kami ng siyam-siyam kung maglalakad lang kami patungo sa ating bayan. Mas mainam na sumakay na lamang kami. Salamat po sa suhestiyon ninyo kapitan," pasasalamat niya dito.
Tumango lamang naman siya ng bahagya sa babae na tila nakangisi sa kanya. Nakataas pa ang kilay nito ay tila nagmamalaki pa sa kanya pero hindi na lamang niya pinansin iyon dahil ang kailangan nila ay ang pagkakaisa kung papatulan niya ang pang-iinis nito ei mas walang magandang kahihinatnan ang lahat. Tsaka hindi rin siya pumapatol sa babae. Maganda sana ito kaya lang mukhang ipinanganak na nakatadhanang palaging magalit sa kanya. Ilang beses na rin kasi niya itong nakakasalubong pero palaging salubong ang kilay at nakakunot ang noo kapag nagkakatitigan sila.
"Walang anuman Kapitan Rab, hinihiling ko ang tagumpay ninyo ng aking anak na makarating sa bayan para makahingi ng tulong sa gobyerno. Sana lamang ay ligtas din ang iba pang inutusan mo na magtungo sa bayan. Hindi natin alam kung naka-quaratine ba sila sa bayan O baka naman nakakulong. Wag naman sanang napahamak na din sila ng tuluyan dahil sa kanilang paglalakbay patungo sa bayan," nag-aalalang wika ng butihing ex-kapitan ng kanilang nayon.
"Huwag po kayong mag-alala Kapitan Tyago gagawin ko po ang lahat para ligtas kaming makakarating ng anak mo sa bayan. Ang hinihiling ko lamang po ay habang wala po ako, ikaw na po muna ang mamuno sa ating mga kanayon. Dahil dalawang beses na po tayong nagpadala ng tao patungo sa bayan ngunit wala pa man kahit isa sa kanila ang nakabalik ng buhay. Katulad na lamang ni Mang Gener at ang magtiyuin na nag-volunteer na magtutungo sa bayan. Kaya po kung ano man po ang maging kahinatnan ng aming paglalakbay ng iyong anak, ikaw po ang inaatasan ko na mamuno sa kanila. Pero kahit ano pong mangyari, babalik kami ng buhay at may kasamang tulong mula sa gobyerno." mahabang pahayag niya dito pero nakiusap din siya na ito na muna ang bahala sa kanilang mga kanayon dahil hindi naman talaga niya tiyak kung ligtas ba silang makakarating sa bayan o ligtas ba silang makakabalik ng buhay dito sa nayon. Iba kasi ang iniisip niya na kinahinatnan nanaman ng dalawang magtiyuhin na nag-volunteer.
Ilang araw na pero wala pa rin ang mga ito. Sana nga lang ay nasa bayan na lamang sila at kina quarantine ng gobyerno. Pero imposible naman kasi kung naka quarantine lamang ang mga ito ay wala pang ipinadalang tulong sa kanila kaya hindi nalalayong tama nga ang hinala niya na napahamak na rin ang mga ito.
Kinakabahan siya para sa kanyang kaligtasan, pero mas nangingibabaw ang nais niyang matulungan ang kanyang mga nasasakupan at matuldukan na rin ang kasamaan ni Don Eliazar. Kaya nga sana ayaw niyang isama si Smile dahil babae ito pero ito lang kasi ang may sasakyan na maaaring makatulong sa kanila para maging mabilis ang kanilang paglalakbay patungo sa bayan.
Matapos ang pag-uusap na iyon, napagpasyahan na madaling araw sila aalis ni Smile. Kaya naman minabuti ng lahat na maagang magpahinga.
Ngunit sa kalagitnaan ng gabi. Na ang lahat ay himbing na sa pagtulog, may isang anino na dahan-dahang bumangon mula sa pagkakahiga, ingat na ingat na hindi makalikha ng ingay dahil katabi lamang niya ang mga natutulog na kasamahan. At nang ganap ng makalabas sa bahay na iyon, patalilis na tinahak nito ang daan patungo sa mansyon ni Don Eliazar.
ITUTULOY