Kabanata 14

1165 Words
"Nognog! Diyos ko asawa kooo!" palahaw ng maybahay ni Nognog na ngayon ay yakap-yakap ang wala nang buhay na katawan ng asawa. "Anong nangyari Kapitan bakit namatay si Nognog? Bakit siya nabaril? Saan ba kayo nanggaling? Kanina pag-alis niyo okey pa naman kayo ah. Bakit anong nangyari sa kanya?" sunod-sunod na tanong naman ni Susan habang umiiyak. Pinsan kasi ito ni Nognog. Hindi siya makasagot naluluha lamang siya habang nakatitig sa walang buhay na katawan ni Nognog habang yakap yakap ng maybahay nito at gano'n din ang mga anak nito na nagsisiiyak kan na nakapaligid dito. Maging ang lahat ng mga kanayon nila na nakikiusyoso ay doon ay lumuluha na rin dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng lalaki. Patuloy pa rin kasi sa pagbulwak ang dugo mula sa ulo nito na tinamaan ng bala ng baril. Natuon ang pansin ng lahat ng ibaba ni kagawad at maging ni Doydoy ang dalawang sako ng bigas na nasa loob ng sasakyan ni Kapitan Rab. Pati na ang ilang kahon ng gamot at iyong limang kilong manok na ibinigay din ng hayop na Don Eliazar na iyon. Ito lamang ang halaga ng buhay para sa hayop na Don Eleazar. Kakarampot na pagkain ang katumbas ng buhay para dito. Napakasakit isipin na namatay si Nognog dahil lamang sa kakarampot na pagkain na magtatawid ng gutom sa kanila ng ilang araw. "D-Diyos ko! Lumaban si Nognog para sa pagkain na ipinangako ni Don Eleazar?" tanong naman ni Jackie may alam ito tungkol sa kundisyon ng Don dahil kasama nga niya ito noong unang nakausap nila ang katiwala ni Don Eliazar sa mansyon. "A-ako ako dapat ang nasa kalagayan nya! Nag-volunteer na ako eh, sabi ko na kami na lang dalawa ang maglalaban pero mapilit si Nognog, Ayaw niyang maglaban kaming dalawa kaya naman hinamon niya ang isa sa tauhan ni Don Eleazar. Tapos...tapos... Oh Diyos ko, Nognoggg," umiiyak na wika ni Doydoy na hindi na nga natapos dahil humagulhol na ito nang todo. "Napakahayop talaga ng lalaking yon, siguro sinasadya niya yan na maghihirap tayo, na magutom tayo, na mamatay tayo sa gutom para sa kanya tayo lumapit at magawa niya ang gusto niya! Hayop Wala siyang kasing sama!" galit na wika naman ni Jackie. "Anong nangyari Kapitan may kaalaman kahit papaano sa pakikipaglaban ang asawa ko kaya siguro hindi siya pumayag na silang dalawa ni Doydoy ang maglaban dahil alam niyang dehado si Doydoy. Kaya bakit siya namatay? Bakit wala nang buhay ang aking asawa? Ano bang nangyari kapitan?! P-Paano na kami ngayon?!" humahagulhol na wika ng maybahay ni Nognog. "Sa totoo lang Ate Elena buhay dapat ang asawa mo, makakauwi sana kami ng kumpleto dahil natalo niya ang kalaban niya kaya lang ang traidor na si Don Eliazar, hindi matanggap ang pagkatalo at nagulat na lamang kami ng may biglang nagpaputok ng baril at kasunod niyon bumagsak si Nognog sa lupa. Binaril pala siya ni Don Eleazer at sapul sa ulo kaya agad siyang nalagutan ng hininga. I-Ibinuwis niya ang kanyang buhay para lamang sa kakarampot na pagkain na iyan! Hindi rin sumunod ang hayop sa kasunduan, sampung sako ng bigas kapag nanalo ni Nognog, at limang sako naman kapag natalo pero ni isa sa kasunduan na iyon ay walang sinunod si Eleazar. Dalawang sako lang ng bigas ang ipinalit sa buhay ni Nognog! Kakarampot na gamot at ulam! Kaya mga kasama, magsilbing aral na sana ito sa atin wala tayong mapapala kung patuloy tayong lalapit sa Eleazar na iyan! Baka sa sunod hindi lang iisang buhay ang kuhain niya kapalit ng kakarampot na pagkain!" galit na pagsisiwalat niya sa nangyari. Itinanim niya sa kanyang isipan ang pangyayaring ito at titiyakin niya na pagbabayarin niya ng mahal ang hayop na lalaki. Lalo namang nalugmok ang lahat dahil sa narinig, halos lahat ay nag-iyakan at hindi matanggap ang nangyari sa kanilang kasamahan na ibinuwis ang buhay para lamang makakain sila. "Sa ngayon gawin nating lakas ang pagkamatay ni Nognog, kainin natin ang pagkaing pinaghirapan niya. Tandaan ninyo na naging kapalit ay buhay niya para lamang makakain tayong lahat at para tayo ay mabuhay. Kaya naman, sa pagkain na iyan kailangan nating magpalakas, at ako na ang kikilos para magtungo sa bayan. Titiyakin kung magbabayad ang hayop na Eleazar na iyan sa ginawa niya kay Nognog! Napakasama niya, walang kasing sama!" Muli niyang wika, nagpasya siyang hindi na dapat pang patagalin ang tulong mula sa gobyerno. Bago maubos silang lahat kailangan niyang kumilos para matuldukan na ang kasamaan ng Don. Sa palagay niya ang mga inutusan niyang mga tao na magtungo sa bayan ay may masama ding nangyari kaya kailangan na niyang kumilos. "Kapitan, ano pong gagawin natin kailangan na ba nating ilibing Si Nognog o paglalamayan pa natin siya kahit isang gabi lang?" tanong naman ni Kagawad sa kanya. "Mas mainam na mailibing na natin siya kagawad. Pero dapat na bigyan natin siya ng maayos na libing bilang pasasalamat sa kanyang pagsasakripisyo para sa ating lahat. Katulad ni Mang Gener, ibinuwis niya ang kanyang buhay para lamang sa atin. Kaya nararapat lamang na bigyan natin siya ng maayos na libing. Kaya mga kasama kumilos na kayo, kahit ibalot na lamang natin sa banig ang katawan ni Nognog. Pero bago yan dapat maging presentable naman siya malinis na natin ang katawan na naliligo sa sarili niyang dugo at Ate Elena bihisan mo siya ng maayos na damit para naman maging maayos siya sa kanyang paghihimlayan," mahabang pahayag ni kapitan Rab sa mga kasamahan. Kumilos naman ang lahat para tumulong, ang ilang mga kababaihan ay naghanda na para sa pagluluto ng pagkain. Mababakas sa mga kilos ng mga ito na tila nanghihina na dahil sa matinding gutom kahit sino naman siguro manghihina kapag halos isang linggo ka ng walang mailaman sa tiyan. Matapos nilang maisaayos ang katawan ni Nognog, nagpasya na silang ilibing ito sa katabi nang pinaglibingan nila sa katawan ni Mang Gener. Ang lahat ay umiiyak lalo na at kalunos-lunos pakinggan ang palahaw ng maybahay ni Nognog pati na ang mga anak nito.Ilang sandali pa at tuluyan na nilang mailibing ang bangkay ni Nognog, at nanatili sila ng ilang sandali sa harap ng puntod ni Nognog, bago sila nagpasya na bumalik sa nayon para makakain ang lahat. Pagdating nila tamang-tama na nakaluto na ng pagkain maraming kanin at tinolang manok. Ibang-iba ang sandaling iyon kung ikukumpara sa mga pagkakataong kumain sila ng maayos noon, kahit na sobrang hirap at napakarami nilang iniisip ay nakukuha pa nilang magtawanan at magsaya habang kumakain pero ngayon tila walang sarap ang pagkain isinusubo nila sa kanilang bibig dahil maririnig mo ang mga impit na hikbi ng kanilang mga kanayon habang kumakain. Nakatatak kasi sa isipan nila na kumakain sila ngayon at nakatikim sila ng masarap na putahe pero kapalit niyon ay buhay ng isa nilang kasamahan na nagbuwis para lamang maitawid ang pagkagutom nilang lahat. Lalo na ang asawa ng namayapang si Nognog, kumakain humihigop ng sabaw ng masarap na tinolang iyon habang malakas na humahagulgol at tinatawag ang pangalan ng asawa. ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD