"Ano ang ating plano kapitan? Papaano natin mahuhuli ang traidor na iyan?!" tanong ng ama ni Smile.
"Balak ninyo pong hanapin si Smile diba? Ang nais ko lamang po sana ay manmanan ninyo ang mga kasamahan ninyo sa paghahanap. Tingnan ninyo kung may isang tao ang lilihis. Kung makakasama po ninyo ang traidor na iyon sigurado pupuslit siya sa inyo para ma timbrehan si Don Eliazar. Kapag natimbrihan po ng hayop na Eliazar na iyon ang mga tauhan niya tiyak na hindi na rin kayo makakabalik ng buhay. Kaya sana mag-iingat kayo at magmatyag ng maayos sa inyong mga kasamahan. Ayoko na po kasi na may mapahamak pa sa kasamahan natin. Hindi naman po hadlang na masakit ang paa ko, magmamanman po ako dito. Kailangan mahuli natin siya dahil kung hindi tiyak na mapapahamak kayo sa pagtungo ninyo sa kagubatan. Tayo lang ang nakakaalam nito kaya sana mag-iingat kayo," seryosong pahayag niya dito.
"Sige po kapitan pipili po ako ng mga taong makakasama ko patungo sa gubat para i-rescue ang aking anak. Tapos ako na po ang bahala manmanan sila ng maayos. Ang inaalala ko lamang ay paano mo malalaman kung manggagaling dito sa nayon ang traidor. Kausapin niyo kaya si kagawad para matulungan niya kayo. Siya na lamang ang pagmanmanin ninyo para mahuli kung sino ang traidor dito sa atin, para hindi na makapag-timbre kay Don Eliazar," wika ng tatay ni Smile.
"Hindi po natin maaaring ipaalam kahit na kanino ang tungkol dito Kapitan Diego dahil hindi natin tiyak kung sino ang kakampi natin o hindi, kaya dapat tayong mag-ingat," tugon niya dito.
"Ngunit natitiyak ko naman na hindi gano'n si Kagawad, Kapitan matagal na nating kasama iyan dito sa nayon at isa pa bago ka naging Kapitan ay dati ko na siyang constituent. Kaya natitiyak ko na hindi niya ipapahamak ang ating mga kanayon lalo na ang aking anak," muling wika nito pero kahit na ganoon para sa kanya hindi pa rin dapat nilang ipagkatiwala ang buhay ng kanilang mga kanayon. Mahirap nang magkamali mabuti na iyong nakatitiyak sila para ligtas ang lahat.
"Pasensya na po Kapitan Diego pero hindi ko po ilalagay sa alanganin ang buhay ng ating mga kasamahan lalo na ang inyong anak. Dahil sa akin kaya siya napahamak kaya naman ngayong hindi pa natin natitiyak kung ligtas siya, kailangan nating maging maingat. Ako na po ang bahala, wag na po kayong mag-alala nakaya ko nga kanina na makawala sa mga humahabol sa amin, ngayon pa kaya na nandito na ako mismo sa atin ngayon," pahayag niya dito.
"Sige Kapitan kung iyan talaga ang pasya mo. Marahil pipili ako ng mga kasama na sa tingin ko ay hindi ka tiwala-tiwala para matiyak ko na kasama ko ang traidor, kapag nahuli ko siya kapitan doon mismo sa kagubatan ay sisentinsyahan ko na dahil hindi ko mapapatawad ang hayop na iyon dahil sa kanya napahamak ang panganay ko. Sana naman hindi tuluyang napahamak ang anak ko dahil siguradong makakapatay ako ng tao!" galit na pahayag ng lalaki.
"Sige po kayo ang bahala, basta talasan niyo lamang po ang inyong pakiramdam at maging mapagmatiyag kayo sa inyong mga kasama. Ako naman po ay gano'n din, masakit pa ang aking mga paa pero sa tingin ko ay kaya ko naman," wika naman niya dito.
"Asawa ko, mabuti pa ay dito ka na lamang muna kay Kapitan alalayan mo siya dahil masakit pa ang kanyang mga paa wala naman tayong ibang mapagkakatiwalaan dito dahil hindi natin sigurado kung sino ang traidor sa ating Sitio." wika naman nito.
"Sige asawa ko mag-iingat kayo dapat mahanap mo ang anak natin, dapat maibalik mo siya ng buhay. Ikamamatay ko kapag may nangyaring masama sa ating anak. Alam mo naman kung gaano ang sakripisyo ko para lamang mabuhay sila. Para lamang mapag-aral sila lalo na ang ating panganay kaya please, mag iingat ka at bumalik kau ng ligtas dito," umiiyak na wika ng ginang.
Ilang sandali pa at umalis na ang grupo. Anim na kalalakihan ang kasama ni Kapitan Diego. Siya naman ay pinilit na tumayo mula sa kanyang pagkakahiga at lumabas ng kanilang barangay hall kahit na hirap na hirap siya ay minabuti niya na magtungo sa karatig kubo na wala ng nakatira. Sinadya niya na wala nang makakita sa kanya bago magtungo doon para walang nakakaalam na nandoon siya para magmatyag.
Kailangang maging maingat siya sa mga kasamahang naiwan pa sa Sitio dahil sa kanya nakasalalay ang kaligtasan nina Kapitan Diego, kung sakaling naiwan ang traidor sa kanilang Sitio. Ngunit malapit nang dumilim kaya sa tingin niya ay wala talaga sa Sitio ang traidor dahil ilang oras na siya nananatili sa abandonadong kubo na iyon ay wala pa rin siyang nakikitang kahina-hinala kaya naman naisip niya na baka kasama talaga ni Kapitan Tiago ang traidor sa kanilang Sitio.
Kaya naman ilang sandali pa ay aalis na sana siya sa kubo na iyon ngunit tatayo pa lamang sana siya sa pagkakaupo sa upuan kung saan siya nakaupo habang sumisilip ay nagulat siya ng makita si Kagawad na tila balisa at palingon-lingon sa paligid. Agad siyang kinabahan tila hindi kayang tanggapin nang kanyang isipan na ito ang traidor sa kanilang Sitio. Mas lumakas ang hinala niya nang palihim itong pumuslit at sa may parteng likuran ng kanilang Sitio ito dumaan.
"Hayop ka kagawad, ikaw pala ang traidor!" galit na wika niya sa isipan.
Kahit na paika-ika, pinilit niya na lumabas sa kubo para sundan si Kagawad. Hindi maaring magtagumpay ito na makarating sa villa ni Eliazar kapag hindi niya ito napigilan siguradong mapapahamak ang grupo nina Kapitan Tiago. Baka pati si Smile ay tuluyang mapahamak, hindi niya mapahihintulutan iyon lalo pa at isinakripisyo ni Smile ang kanyang sarili para lamang siya ay makaligtas.
ITUTULOY