Nagpanic na ang lahat ng mga taong nandoon lalo na ang matatandang taga Sitio, inaasahan na mga ito na may darating na tulong sa kanila ngunit heto ang bumungad sa mga ito. Tuluyan ng nawalan ng pag-asa dahil pangalawang beses ng nagpadala ng tao si Kapitan Rab sa bayan para makahingi ng tulong pero kaya pala walang dumarating na tulong dahil ganito ang nangyayari sa mga taong kanyang inuutusan.
"P-Papaano ngayon iyan Kapitan sino ang aasahan natin na magbibigay ng tulong kung hindi naman tayo makapunta sa bayan? Papaano nalang kapag naubos ang bigas na nadelihensya ninyo ni Susan kay Don Eliazar. Siguradong mamamatay na tayo sa gutom at sa sakit dito sa Sitio, maubos na tayo ng hindi man lang nalalaman ng gobyerno ang nangyayari sa atin dito. Napakasama ng mga tulisan na iyan bakit kailangan pa nilang patayin sa Mang Gener!" umiiyak na wika ng isang may katandaan ng taga Sitio. Sinigundahan pa ng iba, may mga umiiyak din at tila nanlulumo sa nangyari.
Sa totoo lang parang nawawalan na rin talaga siya ng pag-asa lalo na at ganito ang nangyari kay Mang Gener at hindi niya rin alam kung ano ang nangyari sa una niyang pinakiusapang pumunta sa bayan para humingi ng tulong.
Ngunit hindi siya maaaring panghinaan ng loob lalo na at ang lahat ay umaasa sa kanya. Kapag nagpakita siya ng kahinaan sa mga ito lalo ng panghihinaan ng loob ang kanyang nasasakupan kaya kahit sa totoo lang ay wala siyang nakikitang pag-asa sa hinaharap kailangan pa rin niyang magpakatatag para sa mga ito.
"Wag po kayong mag-alala diba nga sabi nila habang may buhay may pag-asa kaya habang nandito pa po tayo at kumikilos, may konting lakas pa kahit papaano ay kakayanin natin. Hanggang humihinga pa po tayo may pag-asa pa kaya lakasan ninyo lang po ng loob niyo. May awa po ang Diyos gagawa at gagawa siya ng paraan para makaligtas tayo at malaman ng gobyerno ang nangyayari sa atin dito sa Sitio," mahabang pahayag niya para kahit papano mabuhayan ang lahat.
"Papaano ba ito kapitan anong gagawin natin ngayon?" tanong ng isang tanod.
"Nagsakripisyo ng kanyang buhay para sa ating lahat si Mang Gener kaya nararapat lamang na bigyan natin siya ng maayos na libing. Maaari naman natin siyang paglamayan dahil hindi siya namatay sa sakit kundi, pinatay siya ng mga tulisan. Pero syempre sa asawa pa rin ni Mang Gener manggagaling ang huling desisyon kung ito ba ay nais niyang ilibing nalang o lamayan pa natin kahit isang gabi lang," wika niya.
Tumayo naman ang may bahay ni Mang Gener na umiiyak habang yakap yakap ang labî ng asawa nito.
"Mas m-mainam siguro kapitan na i-ilibing nalang agad natin siya kesa naman mahirapan pa rin tayo lalo pa at hindi naman siya mai-embalsamo. Ang kahilingan ko na lamang ay magawan siya kahit na simpleng kabaong na paghihimayan n-niya," paputol-putol na wika nito sa kanya.
"Masusunod po Aling Annie kung iyan po ang nais ninyo pagtutulungan po natin na maisakatuparan iyan. Tamang-tamang po dahil may mga extra pa akong kahoy at plywood doon sa aming bahay maaari po natin siyang gawan kahit na payak lamang na himlayan," wika ni Kapitan Rab dito.
"S-Salamat po kapitan Rab sa pagpapaunlak ninyo sa aking kahilingan. N-Napakabuti niyo po talaga," mangiyak-ngiyak pa ring pasasalamat nito.
Hinawakan niya ito sa balikat at sinabi dito walang anuman, saka sinabi niya sa mga kalalakihang kanyang nasasakupan ang kahilingan ng asawa ni Mang Gener. Kaya naman ang lahat ay nag tulong-tulong para magawa ang himlayan ng butihin nilang tanod na si Mang Gener na isinakripisyo ang buhay para lamang sana matulungan ang kanyang mga kabarangay.
Matapos gawin ang kabaong na paghihimlayan nito, dinasalan lamang ito ng matandang nagdadasal sa kanilang lugar, tsaka nila dinala sa maliit na sementeryo. Ang maliit na sementeryong nagsisilbing libingan ng mga namamatay na taga sitio, kaya lang hindi na nila dito inililibing ang mga taong nagkaroon ng mestiryosong sakit at namamatay mula doon dahil sigurado ang maliit sa simenteryo ay agad na mapupuno kays naman minabuti nila na sunugin na lamang ang mga bangkay at hanggang sa nagdesisyon siya na ilibing na lamang sa hukay ang mga ito. Bagama't may mga palatandaan parin naman na kung saan ito inilibing hindi katulad ng sa sementeryo na talagang maayos. at sa hukay na pinaglalagyan nila ng bawat namamatay hindi lang isa kundi dalawa at minsan ay tatlo pa sa isang hukay.
Matapos mailibing ng maayos ang labî ni Mang Gener, bumalik sila sa Sitio at nagplano kung ano ba ang kailangang gawin para makarating na ligtas sa kabayanan. Para maiba lamang ang kanilang sitwasyon sinabi ni Kapitan Rab na siya mismo ang magtungo sa bayan ngunit hindi pumayag ang mga nasasakupan niya dahil delikado daw at papaano nalang daw sila kung siya naman ang mapatay ng mga bandido kaya naman nag presenta na naman ang isang tanod at sinabi na sa shortcut na alam nito ito dadaan ngunit mapanganib ang gagawin nito dahil paglalakad pa lamang nito ay siguradong aabutin ang ilang araw bago makarating sa kabayanan.
Hanggang sa napagpasyahan nga na hindi lang isa ang magtungo sa bayan kundi dalawa isang tanod at ang kapatid nito na nakatira din sa Sitio, may alam daw itong shortcut na siguradong hindi malalaman ng mga tulisan kaya naman kinabukasan ay lumakad na ang dalawa. Sila naman ay minabuting maghanap ng mga maaring lutuin gulay para naman kahit papaano ay may ulam. Sa totoo lang ang isang sakong bigas na ibinigay ni Don Eliazar ay mukhang hanggang mamayang gabi na lamang nilang kakainin sa dami ba naman nila ang isang sako halos tatlong araw lang nilang konsumo.
Natatakot siya sa magaganap sa mga susunod na namang araw dahil tiyak na makararanas nanaman ng gutom ang kanyang nasasakupan. Isa pang pinag-aalala niya ay baka kapag nakaramdam nanaman ng tagutom ang mga ito ay magpresenta nanamang ialay ang sarili sa Don para lamang sa pagkain. Ngunit kong iyon ang pasya ng kanyang nasasakupan wala naman siyang magagawa dahil kahit sino naman siguro kapag buhay ang kapalit ay isasakripisyo ang kanyang buhay para lamang sa mga minamahal.
At dumating na nga kinakatakutan niya dalawang araw ng ubos ang kanilang pagkain at halos ang lahat ay nahihilo na dahil sa gutom. Kaya heto na si Jackie lumapit sa kanya at sinabing gagawin ang lahat para lamang bigyan ng pagkain ni Don Eliazar. Ayaw niya pero wala siyang magagawa kundi sumunod na lamang sa pasya nito sabi nga nito ayaw nitong mamatay sa gutom ang mga magulang kaya sino ba naman siya para tanggihan ito.
Kwya naman heto at sakay na sila ng kanyang owner type jeep at patungo naman sila sa mansion ni Don Eliazar pagkapark nila ng kanyang sasakyan agad na may lumapit sa kanyang lalaki at nakilala niya iyon dahil sa ito ang katiwala ng Don.
"Kapitan sabi po ni Don Eliazar hindi po niya kailangan ng babae," wala ng paligoy na sabi nito sa kanya.
Nag panic naman si Jackie at nakiusap sa lalaki na gagawin nito ang lahat mapasaya lang ang Don, basta mabigyan lamang ito ng makakain na kahit na para lamang sa ilang araw.
"Pero ayaw talaga ni Don Eliazar na tumanggap ngayon ng babae kaya bumalik na lang daw po kayo sa ibang araw," wikang muli ng katiwala.
"Hayaan mo na muna Jackie, umuwi na lang tayo," wika niya sa babae.
"Ngunit p-papaano na ang mga magulang ko kapitan, pati na ang ating nasasakupan siguradong m-mamamatay sila sa gutom kapag ilang araw pa silang hindi makakain," umiiyak na pahayag ni Jackie halata ang pag-aalala sa mukha nito at sa boses nito.
"Pero kapitan may nais pong ipagbigay alam sa inyo si Don Eliazar. Nais po niya na magdala kayo dito ng dalawang matipunong kalalakihan at parang gusto daw niyang manood ng nagpapatayan para lamang sa pagkain," seryosong wika ng katiwala nito.
"Ano?! Nasisiraan na ba siya ng ulo?!Gusto niyang pagsabungin ang mga nasasakupan ko para lamang sa pagkain? Matino pa ba pag iisip ng amo mo! Mas nanaisin ko pang mamatay kami sa gutom kesa masunod ang kagustuhan ng hayop na amo mo! Hindi kami mga hayop at lalong hindi kami mga manok para pagsabungin ninyo!" galit na wika niya sa katiwala.
Sumakay muli siya sa owner niya tsaka mabilis na pinaharurot iyon palayo sa lugar na iyon.
ITUTULOY