Nagising si Miguel sa yugyog ng ina.
Ang sakit ng ulo niya dala ng hang-over. Naitakip pa niya ang unan sa mukha ng masilaw sa liwanag ng araw. Binuksan pala ng ina ang bintana.
"Miguel, alas tres na! Nakaalis na't lahat ang bisita mo, tulog ka pa rin." Tinanggal niya ang unan at nakita niyang nagpupulot ng mga kalat ang ina.
"Huh? Alas tres na pala kaya pala ang sakit na ng tiyan ko sa gutom. Mom, ako na riyan." Umupo siya sa kama at sumandal sa headboard.
"Okay lang, maglalaba na rin naman ako. Lumabas ka na agad at kumain, meryenda na 'yong almusal at tanghalian mo." Dala ang mga labahin niya ay lumabas na ang ina.
Nakita niyang umilaw at nag-vibrate ang cellphone niya.
Huh? Naka-silent pala 'yon. Dinampot niya ito at tiningnan ang tumatawag. Napakunot-noo siya dahil hindi naka-register ang number nito. Sinagot niya dahil baka si Jimmy ulit 'yon.
"Hello?"
"Good afternoon, Sir. Is this Miguel Zarasolla?" Anang babae sa kabilang linya.
"Yes, who's this?"
"I'm Marian of Asian United Group of Companies, we would like to invite you for your initial interview regarding to your online application. Are you free tomorrow?”
Maganda ang boses nito. Parang sanay na sanay makipag-usap.
Nagulat siya at na-excite sa narinig.
Interview? Oo nga, nag-aplay siya roon dahil maganda ang mga benefits at sahod.
"Yes, I'm free tomorrow; can you tell me the exact address and time?"
Napangiti siya dahil sisiguraduhin niyang matatanggap siya sa trabahong iyon. Magkakatrabaho na rin siya sa wakas!
jhavril---