Malakas na tawanan ang maririnig sa loob ng bahay nila Miguel. Madaling nakahulihan nila ng loob si Jimmy na galante pala pagdating sa inuman at pulutan. Kumpleto rin ang mga kaibigan niya. Na-late nga lang si Mika pero nakahabol din. Nakilala nila ni Jimmy ang isa't isa. Nagtanguan lang sila at kiming nagngitian.
Nag-text ang mama ni Miguel na sa pinsan na lang matutulog nang malamang may mga bisita siya kaya solo nila ang bahay. Buti na lang linggo kinabukasan.
"Hoy ikaw Patrick, hindi ko pa nakakalimutan ‘yong ginawa mo, akala mo!” Nakaturo pa ang kamay ni Dylan na may hawak na baso kay Patrick. Natatawa lang sila sa reaksyon nito.
"Bakit LQ kayo?" sabad naman ni Faye. May katabaan ito pero maputi. Kaya puro pulutan lang tinitira nito sa inuman, malakas kumain.
"Mas malala pa do'n! Itong walanghiyang ito, nag-send ng walang kakuwenta-kuwentang link na pinagmamalaki pa, e spam lang naman. Hik!" Namumungay pa ang mga mata nito sa kalasingan. Ito naman ang malakas sa inuman pero madaling malasing.
"Anong link?" Nakakunot noong sabad ni Jimmy.
"Dude, astig 'yon. Nakapag-register ka na ba, Miguel?" Baling ni Patrick kay Miguel. Tumango lang ang huli bago pumasok ng kuwarto. Kinuha nya ang digicam ni Jimmy.
Picture-picture siyempre.
"May nag-send lang sa akin no'n, e. Pero ang galing, ha? Malalaman noon kung kailan ka mamamatay. Oras, petsa at dahilan name it ibibigay niya," natatawang sabi ni Patrick.
"Talaga? Nakakatakot naman iyon. Ire-register mo lang name mo? E paano kung may kapangalan ka? Pareho kayo ng kamatayan, oras petsa at dahilan?" Nakakunot-noong tanong ni Faye.
"Hindi siguro kasi maglalagay ka ng birthdate at iba pang info basta i-try n'yo," sabi ni Patrick bago kumuha ng sisig.
"Meron pa bang gano'n? Spam 'yan ang daming gano'n ngayon," sabad naman ni Mika na galing kusina at may dalang yelo sa bowl. Umupo ito sa tabi ni Faye.
"'Yon nga...ang sabi ko sa gagong... ito e. Hik! Nagpapaniwala...sa ganoon. Buti hindi… ako mapagpatol sa gano'n...mga bagay. Ano ako, bale?" Napailing-iling si Miguel dahil lasing na talaga itong si Dylan. Kumuha muna siya ng ilang mga picture bago nilapitan si Dylan.
"Dude, doon ka na lang sa kuwarto. Para makapagpahinga ka na." Tinulungan din siya ni Patrick sa paghatid kay Dylan. Malaking tao kasi ito. Mataba na, matangkad pa. Kaya mahihirapan ang isang tao sa pag-alalay rito.
Nagsasalita pa ito ng kung ano-ano, bago tuluyang nakatulog. Napapalatak na lang sila ni Patrick. Kahit kailan talaga, mahina ito pagdating sa inuman.
Paglabas nila, tungkol pa rin sa link ang pinag-uusapan ng tatlo. Si Mika, Faye at Jimmy.
"Sinend-an mo rin ba kami no'n, Patrick?" Ngumunguya na naman ng sitsirya si Faye. Ang takaw talaga.
"Hindi, e. Si Miguel, si Dylan at Ashley ang friend na in-invite ko. Baka si Miguel in-invite kayo," nakangiting sabi ni Patrick bago tumungga sa boteng beer.
"Sabi mo tatlo? Dalawa lang nakalagay sa akin na friend for invitation e. Kayong dalawa nga 'yon. Hindi pa ba kayo nakaka-open?" Inubos na ni Miguel ang natirang laman sa bote bago nagbukas ulit ng bago.
"A, hindi pa, e. Baka bukas na lang ako, buti nga day-off ko 'yon. Try ko nga mukhang interesting, e." Iinom na sana si Mika ng beer nang biglang tumunog ang cellphone niya. Nag-excuse ito at lumabas para sagutin.
Sinundan naman ni Miguel nang tingin si Mika. Sa totoo lang, pagkatapos ng mga nangyari, mahal niya pa rin ito hanggang ngayon. Napalingon siya nang marinig na tumawa si Jimmy.
"Oh, man! Kala ko ba wala na? Tinging in-love 'yan, dude!" At humalakhak pa ito. Nakitawa na rin sina Faye at Patrick.
"Ang ingay mo marinig ka. Wala na nga iyon. May boyfriend na 'yong tao. Nakakahiya ka Jimmy." Tumingin pa siya sa pinto dahil baka marinig sila ni Mika.
"Alam naman niya, no. Ang torpe mo naman kasi," ani Faye na patuloy pa rin sa pagnguya ng pulutan. Ang bote nito hanggang ngayon wala pa sa kalahati.
"Kahit na nakakahiya pa rin. Kayo talaga," naiiling pero nakatawang saad ni Miguel.
"Maiba ako, wala ka pa rin bang nahahanap na trabaho? Akala ko ba may firm itong sina Patrick? Bakit hindi ka magpapasok doon?" Pareho silang natawa ni Patrick sa tanong na iyon ni Jimmy.
"Alam mo Jimmy, 'yong tatay ko mas mautak sa amin iyon. Buy one take one kami. Kailangan pumasok ako doon bago si Miguel. Kaya 'yon, e ayokon pang magtrabaho sa kaniya. At isa pa, sa probinsya kami itatapon noon," nakangising sabi ni Patrick.
Napatango-tango naman si Jimmy.
"Sorry guys but I need to go. Walang kasama si Mom. Naglakwatsa na naman si bunso. Sabay ka na ba Faye?" Pagkapasok ng bahay na sabi ni Mika. Kinuha lang nito ang bag at nagpaalam na.
Tumango si Faye at nag-C.R. muna.
"Hatid ko na kayo, medyo madilim na sa daan. May kotse naman akong dala,” saad ni Patrick bago tumayo. Inubos muna nito ang laman ng bote bago nagpaalam sa kanila.
"Kaya mo bang mag-drive?" Nag-aalalang sabi ni Miguel.
Lumabas na ng pinto ang dalawang babae at sumunod sila ni Patrick sa labas. Naiwan si Jimmy na tumango lang nang magpaalam sila.
"Don't worry, dude. Makakauwi ang first love mo, safe and sound," mahinang bulong sa kaniya ni Patrick. Tinampal niya ang balikat nito bago tuluyang pumasok ng kotse. Masayang nagpaalamanan sila sa isa't isa.
Hindi nila alam, kinabukasan din magsisimula ang panganib na dala ng link na ipinadala kay Patrick.
jhavril---