"Miguel, gising. Aalis na ako. May pagkain sa ref ha, ikaw na bahala rito."
Tango lang ang iginanti niya sa ina at tuluyan na itong lumabas ng kuwarto niya. Nakapikit pa ang isang matang tiningnan niya ang oras sa alarm clock. Alas singko pa lang pala. Natulog na lang ulit siya.
Naalimpungatan si Miguel sa sunud-sunod na tunog ng message alert tone niya. Hindi na sana niya iyon papansinin, kaso ringing tone naman ang pumalit. Napilitan siyang sagutin ang tawag.
Napakunot-noo siya dahil unregistered number ang tumatawag. Sinagot na rin niya dahil baka importante.
"Hello?" paos pang sabi niya, boses na halata mong kagigising lang.
"Wow dude bedroom voice, a. 'Yan ba ang ginagamit mo para makabingwit ng chicks?"
Napahalakhak siya nang marinig ang boses ni Jimmy sa kabilang linya.
"Putcha naman, Jimmy. Hindi mo naman sinabi na ngayon ang araw ng dating mo. . Kailan ka magpapainom?"
"Gago, buksan mo na 'yong pinto at kanina pa ako doorbell nang doorbell wala naman nagbubukas. Buti pa 'yong kapitbahay n'yo gising na ikaw humihilik pa."
Napabalikwas nang bangon si Miguel nang marinig na nasa labas lang si Jimmy. Mabilis niyang kinuha ang tuwalya at itinapis. Sanay kasi siyang naka-boxer shorts lang. Pagkatapos niyang sabihin ang wait dito ay agad na ibinababa ang cellphone at patakbong binuksan ang pinto.
Naiiling pa si Jimmy nang pagbuksan niya ng pinto.
"Naku, kahit kailan ka talaga lagi kang tanghali gumising. Paano ka susuwertihin niyan?" Naka-coat and tie pa ito at may bitbit na dalawang maleta.
"Huh-uh... kararating mo lang?"
Pasalampak na naupo si Jimmy na halata mong pagod na pagod.
"Fresh from Singapore. Bahay mo lang ang pinakamalapit sa airport kaya dito muna ako dumiretso. Tawag ako nang tawag at text nang text bago pumunta rito kaso plakda ka pa pala.”
Dumiretso si Miguel ng kusina at naghalungkat ng puwedeng ipakain sa bisita. Kurtina lang ang pagitan kaya nagkakarinigan sila. Nakita niya ang sinangag at pritong isda. Nagsalang na lang siya ng tubig para sa kape.
"Nakaalis na ba mommy mo?"
"Oo. Kaninang 5 pa." Inilapag niya sa lamesang nasa may sala ang mga pagkain. Nakapikit na si Jimmy, subalit alam mong gising pa rin naman.
"Kumain ka muna. Timplahan na rin kita ng kape, saglit lang." Pumasok ulit siya sa kusina para magtimpla. Narinig niya ang tunog ng plato at kubyertos kaya alam niyang nagsisimula nang kumain ito.
Inilapag niya ang tasa ng kape sa lamesa at bitbit ang sariling tasa ay umupo siya sa harap nito.
"Mukhang hindi ka nakakain sa biyahe." Humigop siya ng kape at sumandal.
Napangiti si Jimmy at humigop muna ng kape bago sumagot.
"Ang mamahal ng pagkain sa eroplano."
Natawa siya sa sinabi nito. Kahit noon pa man kuripot na ito. Buddies na sila since high school. Sa states na ito nag-aral ng college dahil kinuha ng inang nurse doon. Nurse din ang kinuha nito. Hindi sila nawalan ng komunikasyon at kaya halos limang taon ngayon lang ulit sila nagkita.
"Kamusta ka naman? Mukhang career ang pagiging mayaman, a?"
Aaminin ni Miguel, medyo naiinggit siya kay Jimmy. Guwapo na mapera pa. Madiskarte kasi ito at 'yon nga kuripot. Hindi pala, matipid lang ika nga nito.
"Kung mayaman ako wala ako rito, nasa hotel," natatawang sabi nito. Natawa na din siya.
"Buti alam mo pa itong sa amin. Anyway, dito ka ba mag-i-stay?"
Tumayo ito at binuksan ang isang maleta. May inaabot sa kaniyang may kalakihang plastic. Dalawa iyon, para sa mommy niya ang isa.
"E, 'di ginulo ka ni tita kapag hindi ako umuwi doon? Baka bukas na ako umuwi. Pa C.R. nga."
Hindi pa siya sumasagot ay pumasok na ito sa banyo.
Nakangiting tsinek niya ang laman ng plastic. Ayos ito, may pangporma naman siya.
"Tawagan ko barkada ko, ha? Pakilala kita. Oo nga pala, si Mika rito na rin malapit sa atin. "
"Mika? 'Yong classmate natin na crush mo pero basted ka?" natatawang sabi nito habang naghahalungkat ng damit para pampalit.
"Ulol! Wala na iyon may syota 'yon ngayon. Oo siya nga. Ano? Dito na lang sa bahay para hindi masiyadong pagod."
"Ikaw ang bahala. Palit lang ako." At pumasok na ulit ito ng banyo.
Nangingiting nag-send siya ng message sa group chat nila ng barkada.
Having party @ home later... be der guys! :)
jhavril---