ANDRES POINT OF VIEW
Nakakainis!
Hindi ko alam kung bakit bigla na lang ako nakaramdam ng kakaibang inis kanina habang pinagmamasdan sina Joaquin at Rosana. Parang napaka-gentle kasi ni Joaquin habang iniipitan ang buhok ng tuwang-tuwang si Rosana.
Pakiramdam ko...
Naiinggit ako!
Kaya imbis na makisali pa sa meryenda nila ay nauna na akong umuwi. Bahala silang dalawa dun!
Hanggang makarating ako ng bahay ay hindi mawala wala ang masamang pakiramdam sa dibdib ko.
Wala pa si Inay. Nasa palengke pa siya at maya maya ay pupunta ako doon upang tulungan siya sa pagsasara ng tindahan at para may kasabay na rin siyang umuwi.
Imbis na magpalit ng damit pambahay ay pabagsak kong ihiniga ang katawan ko sa sofang kawayan. Nakakatamad tuloy kumilos. Gusto ko na lang yata humilata hanggang mamayang alas syete tapos sunduin na si Inay ng naka-uniporme pa rin.
May isang oras din yata akong nakahiga at nakatunganga lang sa kisame naming kugon. Hindi nakakatulong ang ganito kaya muli na lang akong tumayo. Naisipan ko namang pagdiskitahan ang bag ko. Pinagsusuntok ko iyon hanggang sa mapagod ako.
"Argh!" Sigaw ko pero hindi ko alam kung para saan yun. Pero kahit papano ay nakatulong naman dahil medyo nabawasan yung inis na nararamdaman ko.
Kaagad na akong nagpalit ng damit pambahay at saka nagsimulang magtimpla ng kape.
Bitbit ang kape, humigop ako ng medyo marami habang papalabas sana ng bahay. Gusto kong magpahangin sa labas pero pagbukas ko ng pintuan ay bumungad sa harapan ko si Rosana.
"Hi Andres!" Masaya niyang bungad sa akin.
Sa pagkabigla ko ay naibuga ko ng hindi sinasadya sa kanya ang kape.
Ang maganda at nakangiti niyang mukha kanina ay dagling lumukot at tila nandiri.
"Eeh! Andres naman, e. Kadiri ka!" Sigaw niya, sinabayan niya pa iyon ng pagpadyak ng kanyang mga paa.
"Sorry! Bakit ba kasi bigla bigla ka na lang sumusulpot diyan?!" Kaagad kong hingi ng paumanhin sa kanya.
Ang kulay puti niyang sando ay basa na rin. Hindi ko mapigilang mapangiti sa hitsura niya.
"Tawa tawa ka pa diyan!" Aniya bago dere-deretsong pumasok sa loob ng bahay .
"Pahiram ng damit, bilis!" inis na utos niya.
"A- teka, kukuha ako."
Kaagad kong inilapag ang kape sa lamesa saka mabilis na kumuha ng damit.
T-shirt na kulay puti rin ang iniabot ko sa kanya. Inamoy niya muna iyon saka tumingin ng kakaiba sa akin. Kinabahan ako pero hindi naman ako nagpahalata.
"Sinong naglalaba ng damit mo?" Seryoso niyang tanong sa akin.
"S-si Inay," dagli kong sagot. Yun naman kasi ang totoo. Tumutulong lang ako sa pagbabanlaw, sampay, at tiklop.
Wala kasing tiwala si Inay sa laba ko kaya siya ang nagsasabon.
Lumabi siya saka nagkibit-balikat.
"Kaya pala mabango," aniya saka tangkang huhubarin ang suot niyang sando pero natigilan din siya kaagad ng makitang nakatingin ako sa kanya.
"Talikod na!" Mataray niyang sambit.
"A-ha? O-oo."
Tila natauhan naman ako, kaagad akong tumalikod sa kanya at saka humigop ng kape. Hindi ko alam kung bakit biglang nanginig ang mga kamay ko.
Hindi yata ako kumportable na may babaeng nagbibihis sa likuran ko.
"Oo nga pala, bakit ba bigla kang nawala kanina?"
Narinig kong tanong niya. Alam kong itatanong nila yun ni Joaquin at pinaghandaan ko na ang isasagot sa kanila pero bakit parang nawalan yata ako ng dila ngayon?
"Huy!" Muntik pa akong mapatalon ng bigla niya akong kalabitin sa likod.
"Ayos ka lang ba, Andres? Ba't ang tahimik mo? Hindi mo pa sinagot yung tanong ko, saka bakit pawis na pawis 'yang noo mo?"
Akma niya sanang hahawakan ang noo ko pero dagli akong umatras at lumayo sa kanya. Bagay na mukhang ipinagtaka niya at ikinakunot ng noo niya.
"Hoy, Andres? May problema ka ba? Kinakabahan na ako sa kinikilos mo, ha?" Mahina niyang saad.
"Hala, nanuno ka na yata." Kinakabahang sambit niya.
Tumikhim ako, hindi ko maunawaan kung bakit halos dinig na dinig ko ang t***k ng puso ko. Pakiramdam ko rin ay natatae ako na hindi naman.
"A-ano, okey lang ako. B-bakit ka ba kasi nandito?" Nauutal na tanong ko.
"Dala ko kasi 'tong meryenda mo," aniya saka inilabas mula sa bulsa ng suot niyang short ang banana cue.
"Ilapag mo na lang diyan sa lamesa," utos ko sa kanya. Hindi pa rin ako lumalapit.
"E, bakit ka nga biglang nawala kanina?" Tanong niya ulit.
"A-ano, uhm," tikhim kong muli.
"N-natatae na kasi ako kanina kaya nagmadali na akong umuwi," paliwanag ko.
"Gano'n ba, 'di ka man lang nagpaalam." Nakasimangot niyang pahayag.
"Paano ako magpapaalam? Alangan sabihin kong...oh, mauna na ako sa inyo ha? Natatae na kasi ako... e alam mo namang kainan yun," pinilit kong pakalmahin ang sarili ko pero mahirap talaga. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang ligalig na iyon sa pagkatao ko.
Mula sa kinatatayuan ni Rosana ay kitang kita ko ang kabuoan niya. Nagsasalita siya pero parang hindi ko maintindihan. Nagpokus yata ang mata at isip ko sa buka ng labi niyang mamula mula.
Dahil sa may kalakasan ang hangin ay natatangay noon ang ilang hibla ng buhok na nakalungayngay sa magkabila niyang pisngi. Tingin ko ay mas naging kaakit akit ang hitsura ni Rosana sa mga mata ko. Sumasabay sa ngiti ng kanyang labi ang kanyang mapupungay na mga mata at may kung anong demonyo ang nagbubulong sa akin na lapitan si Rosana at hagkan ang mga labi niya.
Morena lang siya at may katamtamang pangangatawan. Ng bumaba ang tingin ko sa dibdib niya ay napansin ko na medyo nakaumbok na iyon. Hindi kalakihan pero sapat lang siguro sa idad niya.
"Andres!" Napaangat ang tingin ko ng marinig ang malakas na sigaw na iyon ni Rosana. Nasa tapat ko na pala siya at kasalukuyang tinatakpan ang dibdib niya habang takang taka siyang nakatingin sa akin.
"H-ha?" Lalo yata akong kinabahan. Nakita niya ba na tinitingnan ko yung dibdib niya?
Gusto ko sapukin ang sarili o magpakain na lang sa lupa. Bakit ko ba kasi naisipang tingnan iyon?
"Ang manyak mo makatingin, Andres. Kung hindi lang kita kilala at kaibigan, iisipin kong may masama kang balak sa akin, e."
"S-sorry, h-hindi, wala naman akong balak.
Na-nakita ko lang na parang... parang maluwag yung kwelyo ng...ng damit ko sayo, ayan o, medyo kita kasi yung ano... yung .." inginuso ko yung dibdib niya pero bigla niyang sinampal yung bibig ko.
"Aray!" Hindi ko maiwasang matutop ang sariling bibig. "Malakas yun, ah?" Angil ko.
"Bastos mo talaga, kainis to. Tuktukan ko yang noo mo, e." aniya saka ako tinalikuran.
"Aalis na ako, ayusin mo nga yang sarili mo." Dagdag niya pa saka pabalandrang isinara ang pintuan.
Para akong nakahinga ng maluwag pagkalabas ni Rosana. Naupo ako at inipit ang gitnang bahagi ng katawan ko. Para kasing may sarili iyong utak at tumatayo ng hindi man lang nagpapaalam sa akin.
Ano bang nangyayari sa akin?
Tanong na nanatili lang sa isip ko. Saka bakit parang naku-curious ako sa paghalik?
Napahawak ako sa magkabila kong sintido.
Hindi kaya gutom na ito? Pinakiramdaman ko ang sarili. Hindi naman ako gutom, e.
Nakakainis talaga! Maski ako, hindi ko alam kung bakit ako biglang nagkakaganito.
Inubos ko na lang ang natitirang kape ko saka ako nagsalang ng sinaing. Pagkaluto noon ay pupuntahan ko na si Inay sa palengke. Gusto ko sana magtanong kay Inay pero nakakahiya naman.
Kahit Ina ko pa siya, babae pa rin siya. Hindi niya ako maiintindihan. Baka gaya ni Rosana, isipin niyang nagiging m******s lang ako.
Matapos ang sinaing ay nagsimula na akong maglakad patungong palengke. Habang nasa daan at nagmumuni-muni, may isang sasakyan ang huminto sa tabi ko.
Si kuya Nestor iyon.
"Sa pelengke ba ang tungo mo, Andres?"
Tumango ako sa kanya.
"Halika na, sumabay ka na sa akin," yaya niya sa akin saka binuksan ang pintuan ng owner jeep na dala dala n'ya.
Kaagad akong pumayag at sumampa sa tabi niya.
"Doon din ba ang punta mo, Kuya Nestor?"
"Oo, susunduin ko si Ate Marina mo. Inutasan kasi siya mamalengke ni Don Menandro kaninang wala pa ako sa bahay," mahaba niyang tugon sa akin.
"Binata ka na ah, kamusta ang buhay buhay?"
Nagulat ako sa tanong niya.
Ako, binata na?
"Ano ba yung binata na, Kuya Nestor? Paano malalaman kung binata na ang isang lalaki?" Hindi ko mapigilang itanong sa kanya.
Tamang-tama. Mabuti na lang at nabanggit niya ang bagay na iyon.
"Kapag nagkakagusto ka na sa isang babae, yun, binata ka na nun," simpleng sagot niya.
"Yun lang ang basehan?" Di makapaniwalang tanong ko. Parang hindi naman yata totoo yun.
"Ibig sabihin, simula noong bata pa ako may gusto na ako kay Marian Rivera, e. Binata na pala ako noon pa?"
Natawa siya ng malakas sa sinabi ko saka napailing.
"Mahirap ipaliwanag, Andres. Pero iba ang paghanga sa pagkakaroon ng gusto sa isang simpleng tao. Gaya namin ni Ate Marina niyo. Basta kapag may nangyayari sayong hindi mo rin maintindihan, yun na 'yon," mahaba niyang paliwanag.
Hindi na ako kumibo. Tila natumbok niya ang nangyari sa akin kanina lang.
"E, ano naman ang dapat gawin kung sakaling mangyari ang gano'n, Kuya Nestor?"
Nagkibit-balikat siya.
"Wala, hayaan mo lang dahil lilipas naman yun. Teka, naranasan mo na ba yung bagay na hindi mo rin maipaliwanag?" Nakangiting tanong niya sa akin.
Hindi ko alam kung bakit bigla nanamang bumilis ang t***k ng puso ko. Nahihiya ako at ayokong ipaalam sa kanya kung ano yung kalokohang ginawa ko kanina.
"Alam ko ang ibig sabihin niyan," maya maya'y sambit niya.
Taka akong lumingon sa kanya.
"A-alam mo, Kuya?"
Tumango siya ulit.
"Bakit, na-curious ka na ba sa pakiramdam ng mahalikan o may mahalikang babae? Baka naman ginawa mo na ring suriin ang buong hitsura niya. Sino ba yan? Si Rosana ba?" Ang laki ng pagkakangiti niya sa akin.
Hindi ko alam kung nababasa niya ba sa mukha ko yun o sadyang alam niya lang.
"Pero pa-paanong..?"
Natawa siya ng mahina.
"Lalaki din ako, Andres. Wala kang dapat ikahiya sa akin," seryoso niyang pahayag.
"Alam ko na sa inyo ni Joaquin, mas mauuna kang magbinata."
Muli akong nagulat sa binigkas niya.
"H-ha? Paano mo nanaman nasabi 'yan, Kuya?"
Tumingin siya sa akin ng medyo matagal.
"Dahil mas malakas ang pakiramdam mo at dahil mas nauna kang mag-matured kaysa sa kanya." Walang paligoy-ligoy na paliwanag niya sa akin..