KABANATA 27: PAHIWATIG

1822 Words
Isang malutong na sapok ang sabay na inabot nila Andres at Joaquin sa akin ng makita ko silang lumabas sa hallway na papasok papuntang room nila. "Aray, hoy masakit," angil ni Joaquin. "Anong problema mo?" Si Andres habang sapo ang batok niya. "Wow, parang hindi niyo naman alam," nakapamaywang na sagot ko. Nagtinginan silang dalawa saka sabay na nagkibit-balikat. Maya maya pa ay kakaiba na ang tinginan nilang dalawa. Marahan nila akong nilingon matapos na magtanguan. Kaagad akong kinabahan. Alam na alam ko ang kapilyuhan nilang iyon. Marahan akong umatras patalikod habang marahan naman silang naglalakad papunta sa akin. "T-teka, ano nanamang binabalak niyo sa akin, ha?" kinakabahang tanong ko. Pero hindi sila kumibo. Sa halip ay patuloy lang silang lumalapit sa akin. Animo'y mga bampira na gustong sumagpang ng leeg ng isang babae. Sa pagkakataong yun ay kaagad na akong tumalikod sa kanila at mabilis na tumakbo. Alam kong mabilis din silang tumakbo pero hindi naman ako papahuli lalo pa nga at ilang beses na akong nanalo ng marathon sa school. Dahil mas pokus ako sa pagtakbo, hindi ko napansin ang isang maliit na bato na nakakalat sa daanan, natapakan ko iyon na naging dahilan para mawalan ako ng balanse. Bago pa man ako makarecover ay nakadapa na ako sa putikan. Mabuti na lang at naitukod ko pa ang dalawang braso ko kaya katawan ko lang ang narumihan. Malalakas at igting ng tawanan nina Andres at Joaquin ang kasunod kong narinig. Ng tingnan ko sila ay hawak nila parehas ang kanilang mga tiyan. Maluha luha silang dalawa habang walang patid ang tawanan na nakatingin sa akin. Sa ganitong eksena, alam kong pagtatawanan lang talaga nila ako pero kaagad may kumislap na ideya sa isip ko. Lihim akong napangiti at saka nagsimulang maupo. Sinimulan ko na ring patuluin ang luha sa nga mata ko. Umarte akong nasasaktan habang sapo ang isang braso ko. "A-ang sakit," mahinang saad ko habang sumisinghot. sapat lang para marinig nila. Tama nga ako. Biglang tumigil sa tawanan ang dalawa at mabilis na lumapit sa akin. Ilang sandali pa ay nasa tapat ko na sila. Ang pagtataka sa mukha nila ay napalitan ng pag-alala lalo pa nga at ginalingan kong maigi ang pag-arte. "Saan ang masakit, Rosana?" si Andres habang nakatingin sa mga braso ko. "Nako, baka nabalian ka na ng buto. Bakit ka ba kasi tumakbo?" naiiling na saad ni Joaquin. Ng malapit na talaga ang mukha nila sa akin, oras naman para makaganti na ako. Itinaas ko ang dalawang kamay ko na noo'y nanggigitata sa putik at saka ipinunas ang tig-isa kong palad sa mukha ng dalawa. "Ayan, pare-parehas na tayo," nakangiti kong sambit kahit pa nga may bahid ng luha ang mga mata ko. "Teka, wala kang pilay?" Manghang tanong ni Andres? Masaya akong umiling saka ini-angat ang dalawang kamay ko upang magpatulong na tumayo sa kanila. "1, 2, 3.." bilang ni Joaquin saka nila ako hinatak ng ubod lakas. Pakiramdam ko ay tuluyan na akong nabalian ng buto. "Aray naman!" Inis na angil ko sa kanila. "Ayan, baka may bali ka na talaga," si Joaquin iyon. "Ba't ba kayo nagagalit e kasalanan niyo naman kung bakit ako nadapa sa putik na yan." "Kahit na, bakit mo kami dinumihan?" Si Andres. "E, diba magkakaibigan tayo? Walang iwanan kaya ayan, parehas na tayong tatlong marurumi!" Humagikgik pa ako matapos sabihin iyon. "Oo nga naman, Andres," sang-ayon ni Joaquin sa akin. Napatango tango ako. "O, sige na nga. Tara, uwi na tayo," ani Andres. Nangiti sila saka ako inakbayan. Gaya ng dati, nasa gitna nila ako. Hindi na rin nila alintana kahit marumi ako at mabaho. "Oo nga pala, may kailangan ako sabihin sa inyong dalawa," maya maya'y narinig kong sambit ni Joaquin. Sabay kaming lumingon ni Andres sa kanya. "Ano nanamang pasabog mo?" Tanong nu Andres. "Importante," tanging sagot lang ni Joaquin. Lumabi ako at hindi na kumibo. "Baka.. baka after high school luluwas na ako ng Manila," mahinang pahayag ni Joaquin pero para sa akin ay napakalakas na nun. "H-ha? Sa manila ka na mag-aaral ng college?" Manghang tanong ko. Tumango ng sunod sunod si Joaquin. "Teka, bakit mo naman naisipang doon na mag-aral. Ayaw mo ba sa mga eskwelahan dito sa atin?" Si Andres iyon. Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Joaquin. "Hindi naman sa gano'n. Pero si Mommy kasi gusto ako kuhain." "Ha? Si Donya Soledad? N-nasa Maynila pala siya. P-pero buti pumayag si Don Menandro?" Hindi ko maiwasang itanong. "Pumayag siya kasi mas maganda daw talaga ang mga eskwelahan doon." "Sabagay, may pera naman kayo kaya madali ka lang makakapag-aral doon kahit kailan mo gustuhin," ani Andres. "Ayoko din naman umalis dito, gusto ko sabay sabay tayong papasok hanggang college pero hindi ko naman sila pwedeng suwayin lalo na at sila naman ang mas nakakaalam ng makakabuti para sa akin." "Naiintindihan ka naman namin, Joaquin. Siguradong mami-miss ka lang netong si Andres kaya kung anu-anong pinagsasasabi," saad ko. "Hindi ko yan mami-miss no, ew." Pinaarte pa ni Andres yung huling salita niya kaya nauwi sa tawanan ang pag-uusap naming tatlo. "Dadalaw ka naman madalas dito, Joaquin, 'di ba?" Tanong ko sa kanya. "Oo naman, sigurado yun." "E'di magkikita kita pa rin tayo," masayang saad ko. Ayokong ipakita na malulungkot ako dahil alam kong hindi naman iyon nakakatulong. "Saka ano ba kayo, matagal pa yun. 3rd year pa lang naman ako," nakangiting sambit din ni Joaquin. "Kaya nga. Sa ngayon-" "Sa ngayon ilibre mo daw siya at gutom na siya," pagtutuloy ni Andres sa sasabihin ko pa lang dapat. "Teka, paano mong nalaman yun?" Natatawang tanong ko. "Ikaw pa? Yang hitsura ng mukha mo na yan, alam na alam ko yan." "Ang dumi dumi natin, paano tayo kakain?" Tanong ni Joaquin. "E'di maghugas," ani Andres. "Saan naman?" "Makikihugas tayo sa madadaanang bahay," suhestiyon ko. "Paano kung hindi tayo papasukin?" Nag-aalalang tanong ni Joaquin. "Ikaw? Nako, siguradong matataranta pa sila pag nakilala ka, Joaquin," saad ko. "Subukan natin, ayon, may bahay dun at yung may ari yata yung nagwawalis sa bakuran." Turo ni Andres sa isang maliit na barong barong. Magalang kaming lumapit at nagpaalam ng nais naming gawin. Malugod namang pumayag ang matandang babae pero may sinabi siyang kakaiba bago kami tuluyang umalis. "Madilim ang tinatahak ninyong mga buhay, mga anak. Dahil sa pag-ibig, ang dulo ng tatsulok mismo ang papatay sa pagkakaibigan ninyo." Hindi namin lubos na maunawaan ang sinasabi niya pero hindi iyon kaagad nawala sa isip ko. Samantalang ipinagkibit-balikat lamang nina Andres at Joaquin ang narinig namin at saka kami nagpa-alam ng maayos sa kanya matapos magpasalamat. Ng muli ko siyang lingunin ay kakaiba ang tingin na niya sa akin. Gustuhin ko mang alisin ang mga mata ko sa kanya ay hindi ko iyon agad nagawa. Mag-iingat ka sa mga desisyon mo sa buhay lalong lalo na sa pagpili mo ng mamahalin.. Malinaw ko iyong naririnig kahit hindi naman bumubuka ang mga bibig niya. Ilang sandali pa ay para akong nagising sa isang panaginip. Kasalukuyang nagwawalis ang matanda ng muli ko siyang tapunan ng tingin. Napakunot ang noo ko, ano ba ang ibig niyang sabihin at ano ang nangyari sa akin? Baka naman nananaginip lang ako. Nagpokus ako sa paglalakad. Ngayon ko lang napansin na nagkukwentuhan pala sina Andres at Joaquin, nagtatawanan pa nga sila. Para kasing ang tahimik lang nila kanina. "Narinig niyo ba yung huling sinabi ni Nanay?" Tanong ko sa kanila. "Ha? Alin? Yung tungkol sa tatsulok daw?" Natatawang sambit ni Andres. "Hindi, may huli pa siyang sinabi." Pagpupumilit ko. "Ha? Wala naman ibang sinabi si Nanay, Rosana. Baka naman nag-iimagine ka lang?" Si Andres ulit. "Hay nako, hayaan niyo na nga." Inis na sambit ko. "Nako ayan nanaman, tinotoyo nanaman siya. Bilisan na nga natin, Joaquin. Baka gutom na gutom na itong prinsesa natin. Nakakatakot, nagiging tigre pa naman ito kapag gutom." Ginulo pa ni Andres ang buhok ko habang masaya siya sa pang-iinis sa akin. Natawa ng malakas si Joaquin sa narinig. "Tinotoyo? Saan naman galing 'yun?" Nagtataka niyang tanong. Maging ako ay nagtaka kung saan nalaman ni Andres ang gano'ng salita. "Narinig ko lang sa radyo, sa drama ni tiya dely." "E, ano ba ang ibig sabihin ng tinotoyo?" Tanong ko. "Ano- parang nababaliw, may tililing gano'n. Ewan basta parang gano'n," paliwanag ni Andres. Sa narinig ay agad na umigkas ang kamay ko. Sapul ang batok ni Andres. Narinig ko pa ang tunog ng pagsapok ko sa kanya. "Arayy! Bakit ba?" Angil niya. "Luko luko ka pala, e. Anong palagay mo sa 'kin, baliw?" "H-hindi. Parang tuwing magagalit ka ng wala namang dahilan, gano'n ang tawag. Tinotoyo!" Pagpipilit niya. Lalo akong nainis. "E, bakit naman ako magagalit ng walang dahilan, ha?" "Kasi nga may toyo ka!" Sigaw ni Andres saka tumakbo palayo sa akin. "Bwiset!" Inis na sigaw ko rin. Si Joaquin ay walang ibang ginawa kung hindi ang tumawa sa tabi ko. "Masaya ka no? Tuwang tuwa talaga kayo na bwisitin ako," maktol ko. "O, bakit ako nanaman ang inaaway mo?" Mahina niyang tugon. "E wala na si Andres, hindi mo man lang ako pinagtanggol. Hindi naman ako baliw, e." Naiinis talaga ako. Tuwing uuwi na lang kami, aasarin nila ako. Nagulat ako ng akbayan ako ni Joaquin at guluhin ang buhok ko. "Panay naman ang gulo sa buhok ko. Parehas na parehas kayo ni Andres. tingnan mo, wala na yung ipit ko!" Ipinakita ko pa sa kanya ang nakalugay ko nang buhok. Inagaw niya sa akin ang pang-putos ko sa buhok at saka kami huminto sa paglalakad. Nagulat ako ng pumwesto siya sa likuran ko at ipitan ng maayos ang buhok ko. "Oy hindi kami parehas ha? Hindi naman kita madalas inisin, e. Minsan lang, nadadala pa ako ni Andres," aniya habang hinihigpitan ang ayos ko sa buhok. "O ayan, maayos na po ulit. Hindi ko na yan guguluhin," nakangiti niyang sambit sa akin saka kami ulit naglakad. Sa 'di kalayuan ay nakita kong nakatanaw sa amin si Andres. Nasa tindahan na siya ng mga lutong meryenda. Tila nakasimangot siya pero bigla rin nagbago ang ekspresyon ng mukha niya ng makalapit na kami sa kanya. "Baby ka na pala ngayon, Rosana? May taga-ipit ka pa ng buhok," nakatawang pahayag ni Andres. Pero tila hindi umabot sa mata niya ang mga tawang iyon.. "Anong paki mo, Andres? Hmp!" Inirapan ko siya at mabilis na tinalikuran. "Nagulo ko kasi yung buhok niya kaya inayos ko lang," narinig kong paliwanag ni Joaquin. Hindi naman dapat siya nagpapaliwanag kay Andres, e. Matapos iyon ay nagtungo na kami sa bilihan ng pagkain at masaya akong pumili ng gusto ko. Mabuti na lang at ipinagtira na nila ako ng ginataang kamote ngayon. "O, ikaw And-" si Joaquin iyon. Pero pagtingin namin sa likuran ay wala na si Andres. Nakita namin ang papalayong bulto niya pauwi sa bahay nila..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD