Kinabukasan ay medyo tinanghali ako ng gising. Hindi na nga ako nag-almusal para makahabol lang sa klase. Naabutan ko naman sina Joaquin at Rosana sa waiting shed habang masayang nagkukwentuhan. Siguro ay hinihintay pa rin nila ako.
Sabay silang lumingon sa akin at doon tila natigil ang pinag-uusapan nila. Naging seryoso ang hitsura ng mukha nilang dalawa.
"Oh? Tara na, male-late na tayo," yaya ko sa kanila.
"Let's go," ani Joaquin saka hinawakan ang kamay ni Rosana.
Muling kumabog ang dibdib ko pero pinigil ko ang sariling damdamin. Dati naman naming ginagawa iyon kay Rosana pero ngayon lang ako nakaramdam ng parang inis sa tuwing maglalapit sila ni Joaquin.
Nag-iwas na lang ako ng tingin sa kanila at nagpokus sa paglalakad.
"Okey ka na ba, Andres?" Maya maya'y tanong ni Joaquin.
"Oo, bakit?"
"Sabi kasi ni Rosana, nagtatae ka raw."
"A-ah. Oo, kahapon. Biglang sumama yung tiyan ko," Pagsisinungaling ko.
"Sigurado ka okey ka na ngayon, ha? Baka mamaya sa room ka pa magkalat," nakatawang sambit ni Joaquin.
Inis ang naramdaman ko pero pinili ko ang tumawa at sabayan siya.
"Loko, kadiri yun."
"Siya nga pala, saan tayo sa bakasyon?" Si Joaquin pa rin.
"Ewan, wala naman akong ibang alam puntahan maliban sa baryo natin at kalapit na siyudad, e." Kibit-balikat ni Rosana.
"Teka, teka. January pa lang, ah? Bakit bakasyon na agad ang pinag-uusapan natin?" Takang tanong ko kay Joaquin.
"Sa palagay ko kasi kailangan nating sulitin to. Kasi huling bakasyon na natin itong magkakasama," pahayag muli ni Joaquin.
Ng maaalala ko ang nalalapit na pag-alis ni Joaquin ay nakaramdam ako ng saya. Isipin pa lang na masosolo ko na si Rosana ay parang gusto ko na hatakin ang mga araw para lang umalis na siya.
"Oo nga, no?" Sang-ayon ko sa kanya. "E, saan mo ba balak magbakasyon, Joaquin?"
Nagkibit-balikat din siya at saka tila nag-isip.
"May mga lugar ba kayo na gusto marating?" Tanong niya sa amin..
"Ay ako meron," kaagad na singit ni Rosana.
"Sige, saan?"
"Sa Manila! Gusto ko malibot ang manila," nakangiting pahayag ni Rosana.
"E, ikaw, Andres?"
"Kahit saan basta kasama si Ro- basta kasama ko kayo," pag-iiba ko sa nais ko talagang ipahayag.
"Sige, sasabihin ko kay Daddy ang suhestiyon mo, Rosana." Nakangiting sambit ni Joaquin.
Flag ceremony na nang makarating kami sa school. Mabilis na tumakbo si Rosana sa pila nila habang kami ni Andres ay madaling narating ang pila namin.
"Hoy, Andres. Pakiramdam ko nagalit ka kahapon kaya ka umalis," bulong ni Joaquin sa tainga ko.
"Ha? Tange, pakiramdam mo lang yun. Bakit naman ako magagalit?"
Kinabahan ako, paano niya naramdaman yun?
"Kasi nagseselos ka."
"Ha? Bakit naman ako magseselos?"
"Simple lang, dahil inipitan ko si Rosana."
"Sabi mo nga simple lang, bakit naman ako magseselos sa simpleng bagay? Saka isa pa, 'di ba prinsesa ang turing nating dalawa kay Rosana? Teka, baka naman ikaw ang nagseselos madalas?" Pag-iiba ko sa usapan.
"Ano? Ako?" Aniya saka iyon sinundan ng mahinang tawa. "Hindi mangyayari yun, Andres." Dagdag niya pa.
"Kaya hindi rin mangyayari yun, Joaquin. 'Wag ka na maingay at baka makita tayo ni Madam terror!" Nakatawang bulong ko.
Natahimik naman si Joaquin ng mapansin na nakatingin nanaman sa amin ang Teacher namin sa Math.
Madalas pa naman kami pag-initan ng teacher naming iyon. Palibhasa kami lang yata ang pogi sa mga mata niya.
.........
Recess nanaman. Gaya kahapon ay kasama pa rin ni Rosana ang kaibigan niyang anak ng foreigner. Tila mas dumami pa ang kolorete sa ulo nito.
Naiiling ako habang natatawa.
Naniwala siya sa sinabi ni Joaquin kahapon.
"H-hi, mga pogi." kaway niya sa amin na animo'y nahihiya pa.
Si Rosana ay ngiting ngiti rin sa kalokohan ng kaibigan niya.
"Hi, beautiful," nakangising bati rin ni Joaquin.
Mabait si Joaquin pero hindi ko akalain na may pagkapilyo din pala siya. Nakita ko kung paano mamula ang pisngi ni Andy ng marinig ang sinabi ni Joaquin sa kanya.
Naramdaman ko pa ang marahang pagsipa ni Joaquin sa paa ko. Nagyuko siya ng ulo at alam ko kung ano ang ginawa niya. Tumatawa siya ng palihim!
Palihim din siyang kinurot ni Rosana ng matapat ito sa kanya.
"A, Rosana. I-ikaw naman ang mamili ng pagkain natin. Okey lang ba?" Ani Andy.
Mabilis namang sumang-ayon si Rosana sa kanya kaya naupo siya kaagad sa tapat ng inuupuan namin ni Joaquin.
"Ah, teka, sasamahan ko na si Rosana." Paalam ko sa kanila saka ako dagling tumayo at sinundan si Rosana.
"Ako rin, dito ka muna, Andy ha? Bantayan mo 'tong upuan natin," maya maya'y sambit din ni Joaquin saka nagmamadaling sumunod sa amin.
Natawa ako ng mahina. Loko loko talaga 'tong si Joaquin, e.
Walang nagawa si Andy kung hindi ang manatili na lamang sa upuan habang nagkakanda-haba yung nguso.
"Grabe kayo, bakit niyo naman iniwanang mag-isa yung tao?" Inis na tanong ni Rosana sa amin..
"Bakit ba kasi sinasama mo pa yan?" Bulong ko kay Rosana. Nasa harapan ko siya at amoy na amoy ko ang mabangong buhok niya.
"E, syempre, nililibre niya ako ng pagkain kapag sinasama ko siya sa inyo," dere-deretsong sambit ni Rosana pero natigilan din siya.
"Ah, gano'n?" Si Joaquin iyon.
"O-oo. Bakit e crush niya kayong dalawa, e."
"Pinagkakakitaan mo ang kagwapuhan namin, Rosana?" Umaarteng sambit ko.
"Hinayaan mong pagsawaan ng kaibigan mo ang hitsura namin ni Joaquin." Kunwa'y Naiiling na dagdag ko pa.
Sinabayan naman ako ni Joaquin.
"Meryenda lang ba ang kapalit namin, Rosana?" Nakahawak pa si Joaquin sa magkabila niyang balikat na animo'y pagsasamantalahan.
"Ganoon ka kagutom?" Tanong ko.
Pero bigla niya kaming sinuntok sa tiyan.
Mahina lang naman iyon pero medyo masakit.
"Para kayong mga murit! Syempre kailangan ko rin kayo pakinabangan, no! Bilisan niyo na nga lang mamili, mamaya tapos na ang recess, e." Ani Rosana saka kami iniwan at nagtungo na kay Andy.
Nagtawanan kami ni Joaquin pagkatalikod ni Rosana. Paano naman ako maniniwalang dalawa kaming crush ng kaibigan niya e magkaibang-magkaiba ang hitsura namin ni Joaquin?
Moreno ako at medyo mamasel masel ang katawan dahil sa mabibigat na trabahong ginagawa ko. Hindi man nalalayo ang height namin ni Joaquin pero siya kasi ay maputi at medyo tsinito. Hindi gaya ng katawan ko, ang kanya ay sakto lang din naman pero walang masel. Baby fats yata ang tawag niya do'n?
"Pwede ko ba kayong yayain sa birthday party ko?" Si Andy iyon habang kumakain kami.
Tiningnan ko si Rosana pero maging siya ay naghihintay ng isasagot namin ni Joaquin. Tiningnan ko rin si Joaquin pero tila hindi siya interesado.
"A, kailan ba yun, Andy?" Tanong ni Rosana.
"Next week pa naman, saturday next week. Kahit ipasundo ko na lang kayo sa driver namin."
"Sige, pupunta ako," walang alinlangang pahayag ni Rosana.
"Sasama mo naman sila, 'di ba?" Tanong ulit ni Andy habang inginuso kaming dalawa ni Joaquin.
"Oo, ako ang bahala." Nakangiting sambit ni Rosana.
Nailing ako ng palihim. Si Joaquin naman ay takang tiningnan si Rosana pero hindi kami sinulyapan man lang nito.
Nagkatinginan kami ni Joaquin. Napakibit-balikat ako at saka tinapos na ang kinakain ko.
"Mauna na kami, mga pogi," nakangiting sambit ni Andy sa amin.
Kumaway naman ako bilang tugon sa kanya. Si Joaquin naman ay tumango lang.
"Ano kayang nangyayari kay Rosana?" Tanong ko kay Joaquin.
"Edi tinotoyo nanaman," nakatawang pahayag ni Joaquin. Tumayo na siya gayundin ako upang bumalik na sa room.
"Sasama ka ba sa birthday?" Tanong niya sa akin.
"Oo, pupunta si Rosana, e. Kailangan may kasama siya dun."
"Sabagay."
"E, ikaw sasama ka na rin?"
Nagkibit-balikat siya.
"I don't know, pag-iisipan ko."
"Okey, pero pahiram ng maayos na damit mo, ha?"
"Oo ba, marami naman doon, mamili ka lang," nakangiti niyang tugon.
"Yown!" Napa-palakpak pa ako sa narinig.
"Pumunta ka na lang sa bahay mamaya para mapalabahan mo pa muna bago suotin."
"Sige," saad ko.
Kinahapunan nga ay dumeretso ako sa bahay nila Joaquin. Si Rosana ay nasa ibaba lamang at nakikipagkwentuhan kay Nanay Ising. Isang kulay puting shirt at slacks na itim ang napili ko.
"Huwag mo ng ibalik sa akin yan, Andres. Sa 'yo na yan, saka ito," iniabot niya ang isang magarang itim na sapatos.
"Wow! Talaga?" Hindi ako makapaniwala.
"Hindi ko pa nagagamit yang sapatos na 'yan. Sigurado akong kasya sayo yan." nakangiti niyang saad sa 'kin.
"Salamat dito, Joaquin, ha?" Masayang sambit ko.
Naka-box pa iyon at wala pang dumi ang ilalim. Patunay na ni minsan ay hindi pa iyon nagamit man lang.
"Kung hindi mo mamasamain, bakit hindi mo ginagamit?"
"Marami pa kasi akong sapatos, Andres. Ayoko namang gamitin lahat ng sabay sabay."
"Sabagay," Sang-ayon ko.
Hindi naman maikakailang masinop sa gamit si Joaquin. Maayos at magara din ang kabuoan ng kwarto niya. Malayong malayo sa hitsura ng kwarto ko sa bahay.
Mabilis na lumipas ang ilang araw hanggang sa dumating na ang kaarawan ni Andy.
Hindi ako excited sa birthday kung hindi sa katotohanang makakaporma ako ng maayos ayos. Na-eexcite din ako sa magiging hitsura ni Rosana mamaya.
Ang akala ko nga ay hindi na sasama si Joaquin pero kaagad na nagbago ang isip niya kahapon.
Matapos kong mag-ayos ay nagpaalam na ako kay Inay. Kitang-kita ko kung gaano ka-proud si Inay sa hitsura ko. Gusto pa nga akong halikan pero mabilis akong tumakbo palabas.
Hindi naman na ako bata!
Sinundo ko muna si Rosana. Mabuti na lang at pinayagan siya ni Aling Rosing.
Matiyaga akong naghintay sa labas ng kanilang bahay.
"Wow, Andres, ikaw ba 'yan?" Nakangiting bati ni Roldan sa akin.
"Tol," bati ko sa kanya saka kami nag-dikitan ng kamao.
"Talaga nga naman, oh. Lamang lang ako ng isang tabo sayo pero kapag ganyang nakabihis ka, lumalamang ka na nang isang baso," naiiling na sambit niya.
Hindi ko mapigilang matawa ng malakas.
"Sige na nga, mas gwapo ka na sa akin." Nakangiting pahayag ko.
"Oh, nandito ka na pala," si Rosana iyon. Palabas na siya ng kanilang bahay.
Simpleng dress lang naman ang suot niya pero bumagay sa kanya ang kulay nito. Simpleng sandals lang din ang nasa paa niya at naka-ipit siya ng pang-dalaga.
Pakiramdam ko huminto sandali ang oras. Muling kumabog ng kakaiba ang puso ko. Kabog na masarap sa pakiramdam. Pakiramdam ko parang may kung anong umiikot sa sikmura ko.
"Andres," tawag ni Roldan sa akin.
"Baka malusaw naman si Rosana sa paraan ng pagtitig mo," bulong niya sa akin.
"H-ha?" Gulat na saad ko. Masayang nakangiti si Rosana habang papalapit sa akin.
Laking gulat ko ng biglang may tumapik sa balikat ko. Ng lingunin ko kung sino iyon ay nakita ko si Joaquin.
Hindi ko napigilang suriin ang kabuoan niya. Napakagara ng suot niyang kulay dugong suit, makintab din ang kanyang sapatos. Maayos ang kanyang buhok na bumagay sa kanyang hitsura. Lalong hindi maitatanggi ang mabangong amoy niya na sigurado akong hanggang sa loob ng bahay nina Rosana ay naaamoy.
Bigla akong nanliit sa hitsura ko. Malayong malayo sa pang-mayamang pormahan ni Joaquin...