KABANATA 16: PAGSISISI

1726 Words
"Kailan niyo po ako pauuwiin?" inip na tanong ni Andres sa nurse na noo'y nagtatanggal ng sinulid sa tahi sa ulo ng bata. "Nako, siguradong hindi.." hindi itinuloy ng nurse ang sinasabi, tinitingnan niya ang magiging reaksyon ni Andres. Dagling lumungkot ang awra ng mukha ng bata. "Ho? Hindi pa rin ako papayagan umuwi? Pero naiinip na ako dito. Gusto ko na umuwi para makita si Rosana at makapasok na rin ulit sa school." "Ang sabi ko, siguradong hindi ka na magtatagal dito. Mamayang hapon lang ay puwede ka ng umuwi." Nakangiting sambit ng nurse. Kaagad na napalingon si Andres sa nurse. Napuno ng tuwa ang mga mata niya gayundin ang kanyang puso. "Talaga po?" "Oo nga." natatawang tugon nito. "Teka, ayaw mo yata, e." Sunod sunod na umiling si Andres. "Gustong-gusto ko po," dagling sambit ng bata. Simula no'n ay hindi na nawala ang ngiti sa mga labi ni Andres. Ang pananabik na muling makabalik sa kanilang tahanan at ang katotohanang magkikita na sila ulit ni Rosana ay tunay na nagpapasaya sa kanya. "Anak! Uuwi na tayo mamaya," Masayang bungad ni Aling Sonya sa Anak. Hindi na ikinagulat ni Andres ang sinabi nito dahil una niya nang nalaman iyon kanina. "O, eto ang pagkain mo. Kaya mo naman nang kumain mag-isa, 'di ba? Aayusin ko lang ang mga papel mo para makauwi na tayo." Walang naging tugon si Andres bagkus ay kinuha niya na lang ang inaabot ng ina sa kanya at saka sinimulang buksan at kainin ang naroon. Si Aling Sonya naman ay tila nasanay na sa malamig na pakikitungo nito sa kanya kaya binalewala niya na lamang ang hindi pagkibo ng anak. Lumabas na siya at nagtungo sa Cashier ng Hospital. Tinupad naman ni Don Menandro ang pangako nito sa kanya kaya kaninang papalabas siya at bibili sana ng makakain ng anak ay binanggit ng nurse na magtatanggal ng tahi sa ulo ni Andres na maaari na silang makauwi mamayang hapon. Ng malaman ay kaagad siyang nagtungo sa bahay ng mga Añunuevo at ipinakita ang bill nila sa Hospital. Nagbigay naman kaagad si Don Menandro ng pambayad at sinobrahan pa iyon upang may panggastos pa silang mag-ina. Lubos ang pasasalamat ni Aling Sonya sa mabait na pamilya at mabuting amo sa karamihan ng mga tao sa munting baryo nila. Alas tres ng hapon ng tuluyang matapos ni Aling Rosing ang mga dapat bayaran at fill-up-an. Inabutan niyang natutulog si Andres. Pansin niya ang masayang mukha ng anak. Siguro ay dahil alam nitong makakauwi na sila. Hahayaan niya na munang makatulog at makapagpahinga ang anak. Iniligpit niya na lang muna ang ilang gamit nila at saka siya kakain ng tanghalian. Late na rin at gutom na talaga siya. Gabi na nakauwi sina Aling Sonya at Andres. Nasasabik man ay pinili munang magpahinga ni Andres at kinabukasan na lang pupuntahan si Rosana sa kanilang bahay. ……………………………… Maagang nagising kinabukasan si Rosana. Magaan na ang pakiramdam niya. Mukhang lagnat laki lang naman ang nangyari sa kanya o pinarusahan siya ng diyos sa pagsisinungaling niya sa kanyang ina. Nagwawalis siya sa tapat ng kanilang bahay ng may matanaw na bultong pamilyar sa kanya. Nasa tapat ito ng kanilang bakod at nakangiting nakatingin sa kanya. "A-andres," mahinang bulalas ni Rosana. Ng kumaway ito sa kanya ay agad siyang tumakbo sa gawi nito at masayang lumapit sa kaibigan. Wala na itong benda sa kanyang ulo at mukhang maayos na rin ang kanyang pakiramdam. "Kamusta ka, Rosana? Pasensya ka na kung natagalan ako. Ayaw nila akong pauwiin hangga't hindi pa ako lubusang magaling," agad na paliwanag ni Andres. "Okey lang yun. Naiintindihan ko naman. Ikaw, kamusta ka na? Malakas ka na ba? Pwede ka na pumasok sa school at maglaro?" Sunod sunod na tanong ni Rosana. Napangiti si Andres, "Ang dami mong tanong," anito. "Sagutin mo na lang kahit isa isa lang," pangungulit ng batang babae. "Oo ang sagot ko sa lahat ng tanong mo," nakangiting sambit ni Andres. "Talaga? Mabuti naman. O pano, magbibihis na ako. Sabay tayong pumasok, ha?" Masayang saad ni Rosana. "S-sige, hintayin mo ako dito kapag nauna ka," Bilin ni Andres. Tumango naman si Rosana habang naglalakad ng patalikod. Nakatingin pa rin kasi ito sa kanya habang papalayo. "Baka madapa ka, maglakad ka nga ng maayos." Sigaw ni Andres. Sumunod naman kaagad si Rosana saka tumakbo papasok sa loob ng bahay nila. Naiiling na naglakad pabalik sa kanilang bahay si Andres. Ayaw niya pa sanang pumasok ngayon pero dahil papasok si Rosana kaya papasok na rin siya. Mas okey na magkasama sila kahit tuwing recess at uwian lang kaysa naman manatili lang siya sa kanilang bahay at maghintay ng hapon hanggang makauwi si Rosana. "Teka, papasok ka, Andres?" Gulat na tanong ni Aling Sonya sa Anak. "Oho," malamig na tugon ni Andres. "P-pero, Anak. K-kaya mo na ba?" Nag-aalalang tanong ulit ng kanyang ina. Nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Andres. Sensyales na tila naiirita ito sa katatanong ng kanyang ina. Napansin naman kaagad ni Aling Sonya ang pagiging iritable ng anak kaya imbis na magtanong muli ay tinulungan niya na lamang itong ayusin ang kanyang mga gamit sa school at hinandaan ng magiging baon. "Ihahatid kita, Anak." "Huwag na po!" Inis na tugon ulit ni Andres saka nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay. Si Aling Sonya naman ang napabuntong-hininga saka malungkot na pinagmasdan ang papalayong anak. Tila dadaan pa ito kina Rosana. Umaasa na lang siya na balang araw ay bumalik na ang maayos na pakikitungo nito sa kanya. Samantala, inabutan ni Andres si Rosana kung saan sila nag-usap kanina. "Kanina ka pa? Ang bilis mo naman," manghang saad ni Andres. "Hindi, kadarating ko lang din. Halika na?" Yaya ni Rosana sa kaibigan. Masaya silang nagsabay na binaybay ang palabas ng tubuhan. "Para sayo nga pala 'to." Si Andres habang inaabot ang nakaplastik na baunan. "Ano to?" "Ginawang tinapay ni Inay," "Naku, ayoko. Para sayo yan, e." Mariing tanggi ni Rosana. "Hindi nga, kumain na ako, e. Saka sawa na 'ko diyan." "Ha? Gawa kaya yan ni Aling Sonya. Dapat 'di ka nagsasawa diyan." Nakalabing sambit ni Rosana. "Basta, kung ayaw mo e'di tatapon ko na lang," walang ganang sambit ni Andres. Nagtaka naman agad si Rosana sa ginawi ng kaibigan. Tila may nag-iba sa kanya. "Okey ka lang ba, Andres?" Nagtatakang tanong niya. Hindi kumibo si Andres pero sa hitsura pa lang ng mukha nito ay tila nahuhulaan na ni Rosana na may dinadaramdam pa rin ang kababata. "Hoy, Andres. Kanina lang ang saya mo. Tapos ngayon bigla ka na lang nagsusungit diyan. Akin na nga 'yan. 'Di pa naman ako nag-almusal kamamadali ko." Takang lumingon si Andres sa kaibigan. "Ba't kasi 'di ka nag-almusal?" Nagkibit balikat si Rosana. "Wala naman." Habang naglalakad ay binuksan na ni Rosana ang baunan at kinain ang laman noong tinapay na may palaman. Tila iniinggit niya pa si Andres pero hindi iyon tumalab sa kaibigan. Nasa kalagitnaan na sila ng paglalakad sa high-way ng madaanan sila ng sasakyan nila Joaquin. Huminto ang mga ito sa tapat nila. "Tara na, sabay na kayo." Si Nestor iyon. Si Joaquin ay hindi man lang sila tinapunan ng tingin na labis na ipinagtaka nina Andres at Rosana. Umiling naman si Andres bilang tugon kay Nestor. Sumunod din si Rosana sa pag-iling. "Ah, maglalakad na lang po kami, Kuya Nestor. Malapit naman na po," magalang na saad ni Rosana. Ang mga mata niya ay kay Joaquin nakatingin. Tila wala itong naririnig at nagbabasa lamang ng libro. "Kuya Nestor, okey lang po ba si Joaquin?" Pabulong na tanong ni Rosana kay Nestor. Nilingon niya naman ito saka nagkibit-balikat. "Sige na pala, mauuna na kami. Mag-iingat kayo, ha? Mabuti naman at magaling ka na Andres," Masayang paalam nito sa dalawang bata. Nakangiting tumango nang sabay sina Rosana at Andres. Ng makitang malayo na ang sasakyan ay muli silang naglakad. "Anong nangyari dun?" Ang tinutukoy ni Andres ay si Joaquin. Nagkibit-balikat lang din si Rosana. Ilang minuto pa ay napahawak siya sa kanyang bibig na tila may naalala saka ipinadyak ang mga paa sa lupa. "O, bakit?" Takang tanong ni Andres. "May usapan pala kami kahapon na magsasabay sa pagpasok sa school. E, kaso bigla akong nilagnat kahapon kaya 'di ako nakapasok. Baka naghintay siya ng matagal sa waiting shed kahapon." "Gano'n ba, alam ba ni Joaquin na nilagnat ka? Okey ka na ba ngayon?" Saka kinapa ni Andres ang leeg ni Rosana.. "Okey na ako, Andres." "Hmm. Yun kaya ang dahilan ba't di tayo pinapansin ni Joaquin?" "Sa tingin ko oo. Anong gagawin ko, Andres?" Nag-aalalang tanong ni Rosana.. Si Andres naman ang nagkibit-balikat. May nais siyang sabihin subalit pinigil niya na lamang ang sarili. Sa totoo lang ay mas okey sa kanya na 'di sila masyadong nagpapansinan. Mas makakasama niya madalas si Rosana at nasa kanya lang ang atensyon nito. Tila nalungkot si Rosana ng walang maisip na paraan upang magkabati na sila ulit ni Joaquin. Naaawa man sa kababata ay tiniis ni Andres ang kaibigan. Hanggang sa makarating sila sa school ay hindi na ito kumibo pa. Tila nag-iisip ng malalim. "Kita tayo mamayang recess sa canteen, Rosana. Ililibre kita ng meryenda," bilin ni Andres bago pa man sila maghiwalay ng tutunguhang room. Tumango lamang si Rosana saka dumeretso na sa kanyang room... Gaya ng napagkasunduan ay nagkita nga sina Andres at Rosana sa canteen. Binilihan ng banana cue at juice ni Andres si Rosana pero sa pagtataka niya ay hindi pa iyon kinain kaagad ng kababata. Nagpasalamat lang ito sa kanya saka naupo sa mahabang upuan malapit sa canteen. Ng makita ni Rosanang papalapit si Joaquin ay kaagad niya itong sinalubong at iniabot ang hawak na banana cue dito... "Sorry," tanging sambit ni Rosana. Malungkot na tumingin si Joaquin sa kaibigan. Sorry lang naman talaga ang hinihintay niya kaya nginitian niya na ito kaagad at kinuha ang inaabot nitong meryenda. Hinati niya ang stick kaya naging tig-isa na sila sa banana cue. Ilang saglit pa ay magkakatabi na sila sa mahabang upuan at gaya ng dati ay masayang nagkukwentuhan. Pero lingid sa kaalaman nina Joaquin at Rosana ay medyo masama ang loob ni Andres sa ginawi ng kababata. May pag-sisisi sa isip niya kung bakit kasi inilibre niya pa nang meryenda si Rosana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD