Kinabukasan ay maagang nagising si Rosana. Matapos mag-asikaso sa kanilang bahay ay kaagad siyang nagtungo sa tubuhan. Tanaw kasi mula doon ang bahay nila Andres at kahit hindi siya kumbinsido sa sinabi nitong uuwi siya ngayong araw ay nagbakasakali pa rin si Rosana.
May kung anong lungkot kasi siyang nararamdaman sa tuwing hindi makikita o makakasama si Andres. Tahimik ang bahay nila Andres, palatandaan na wala pa ring tao doon. Dahil doon ay malungkot na bumuntong-hininga si Rosana.
Lumipas pa ang ilang oras at wala pa ring Andres na dumarating kaya naman kahit hindi dapat naroon si Rosana sa tubuhan kung saan puro kalalakihan ang nagtatrabaho ay nagtiyaga siyang kunwari ay tumutulong kahit sa pagbubunot lamang ng ilang papataas na mga damong ligaw.
"Rosana, hindi ka pa rin ba uuwi? Baka hinahanap ka na ng Inay mo. Papadilim na rin, maya maya lang ay uuwi na ako." Si Mang Tonyo iyon habang inililigpit ang karit na ginamit sa pagha-harvest ng mga magulang ng tubo.
"Sabay na po tayo, Itay," sambit ni Rosana habang hindi inaalis ang tingin sa lupang kalsada.
"Napansin ko na kanina ka pa parang may hinihintay. Si Andres ba?"
Hindi muna kumibo si Rosana. Tiningnan niya lang ang kanyang ama saka muling tumingin sa kalsada. Hindi niya man gustuhin ay kusang napapadpad doon ang kaniyang mga mata. Ayan tuloy at nahuli na siya ng kanyang Itay.
"Hindi pa siya kaagad makakalabas ng Hospital, Anak. Hindi siya papayagan hangga't hindi tuluyang magaling kung anuman ang naging pinsala sa katawan niya. Nabalitaan kong may tahi daw siya sa ulo. Kailangang bantayan ng mga nurse ang ganoong sugat. Kaya halika na at umuwi na tayo." Inakbayan pa ni Mang Tonyo ang anak saka ito niyakag patungo sa kanilang bahay.
"Pero, Itay. Nag-promise siya sa akin kahapon na uuwi na siya ngayon," malungkot na saad ni Rosana.
"Siguro gusto niya na talaga umuwi pero hindi naman siya papayagan ng mga doktor."
"Gano'n ba yun, Itay? Gusto ko paglaki ko magdo-doctor ako para hindi kayo malalayo sa akin kapag napunta kayo sa hospital. Kahit si Inay at mga kapatid ko lalo na si Ricky." mahabang pahayag ni Rosana.
Naiiling na natatawa naman si Mang Tonyo. Ginulo niya ang buhok ng anak. "Pagdo-doktor ba talaga ang gusto ng panganay ko?" Manghang tanong niya.
Sunod sunod na tumango si Rosana.
"Opo, para kasama ko lang kayo palagi kahit may sakit kayo tapos ako din ang magpapagaling sa inyo," masayang sambit ng bata.
"Alam mo, Anak. Ang totoong nakakapagpagaling ng mga taong may sakit ay ang diyos. Ang mga doktor ay ginagamit lamang na instrumento para mapagaling nila ang mga may sakit. Ang pinakamabisang gamot talaga ay ang pagdarasal," paliwanag ni Mang Tonyo.
Mangha namang nakinig si Rosana. May ibang bagay nanaman ang pumasok sa isip niya.
"E'di ibig sabihin, mas mahusay si Father kaysa sa mga doktor, Itay? May babae bang Pari?" sunod sunod na tanong niya.
Hindi mapigilang matawa nang may kalakasan ni Mang Tonyo.
"Bakit gusto mo naman ngayon magpari?"
Tumangong muli si Rosana.
"Kung saan ko kayo mas matutulungan nila Inay at mga kapatid ko, Itay, yun ang pipiliin ko paglaki ko."
May determinasyon sa mga boses niya.
"Ikaw ang bahala, pero gusto ko lang malaman mo na dapat ang pipiliin mo, yung narito," sabay turo sa tapat ng kanyang puso.
"Dapat mahal mo kahit ano pa man ang gagawin o pipiliin mo sa buhay. Ng sa gayon, magiging masaya ka habang ginagawa ang mga iyon at wala kang pagsisisihan sa huli."
Tumatak kaagad sa isip ni Rosana ang malambing na boses at mabuting pangaral sa kanya ng kanyang ama. Tila may napunang kung ano sa kanyang puso.
Masaya silang nakarating sa kanilang tahanan, sinalubong sila ng mga kapatid niya at yumakap pa ang mga ito isa isa na animo'y na-miss sila ng sobra. Si Aling Rosing naman, gaya ng dati, aakalain mong nakasimangot ito palagi at nagsusungit subalit hindi. Hindi lang ito mahilig ngumiti. Natural na yata sa kanya ang ganoong hitsura bilang nanay ng apat na bata. Matapos makapag-handa ay tahimik silang nagsalo-salo sa isang simpleng hapunan.
Ilang araw pa ang matulin na lumipas. Napupuno man ng lungkot ang puso ni Rosana dahil hindi pa rin nakakauwi si Andres ay hindi siya nawawalan ng pag-asa na isang araw ay makikita niya na ito. Walang sugat at malakas na ulit.
Ni hindi sumagi sa isip niya na bisitahin naman si Joaquin dahil ang isip niya ay palaging nag-aalala kay Andres at sa pagbabalik ng kaibigan.
"Rosana, may bisita ka," ani Aling Rosing pagpasok ng anak sa pintuan. Inutusan niya itong manghingi ng pamalengke kay Mang Tonyo sapagkat hindi ito nakauwi ng tanghali.
Kaagad na lumaki ang mata ni Rosana at lumapad ang kanyang ngiti sa pag-aakalang si Andres ang kanyang bisita.
"Si Andres po Inay?" Masaya niyang tanong dito.
Hindi kumibo si Aling Rosing at tinalikuran na lamang siya pagkakuha ng perang ibinigay ni Mang Tonyo.
Dali-daling nagtungo si Rosana sa kanilang kusina pero nadismaya lamang siya sa kanyang inabutan.
Si Joaquin iyon kasama si Ate Marina. May dala silang kung ano na nakapatong sa ibabaw lamesa.
"O, ikaw pala Joaquin!" Kunwa'y nakangiting sambit niya.
Kaagad na lumapit sa kanya ang kaibigan at hinila siya upang maupo sa bangko na katapat lamang ng inuupuan nito.
"Kamusta ka na, Rosana? Nag-aalala ako sayo. Hindi ka kasi sumasabay sa akin pagpasok sa school tapos hindi rin kita nakikita sa room mo. Okey ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Joaquin sa kaibigan.
"Okey lang naman ako, Joaquin. Maaga kasi akong naglalakad papasok. Wala ka pa naman kaya nauuna na ako. Sa School baka hindi lang talaga tayo nagkikita," paliwanag niya.
"Gano'n ba, bukas pwede ba tayo sabay pumasok? Promise, aagahan ko ang gising." Saka itinaas ni Joaquin ang kanyang kanang kamay bilang tanda ng kanyang pangako.
Wala mang gana ay napilitang itaas ni Rosana ang kanyang kanang kamay at hinayaan si Joaquin sa nais nitong gawin.
"Sige, hihintayin na lang kita bukas doon sa waiting shed." pagsang-ayon ni Rosana.
Hindi rin maintindihan ng bata kung bakit parang naiinis siya. Wala namang ginagawang masama sa kanya si Joaquin,ang totoo ay mabait naman ito sa kanya gaya ni Andres.
Tila nakuntento na si Joaquin na nakita at nakumusta niya si Rosana. Kahit medyo tahimik ito ay masaya pa rin siyang nagpaalam.
"Uuwi na pala ako, Rosana. Kita na lang tayo bukas, ha?"
Tumango naman ang kaibigan bilang tugon.
"Aling Rosing, salamat po sa inyo. Uuwi na po ako," magalang na paalam ni Joaquin.
"Ay sige, Iho. Pasensiya ka na muna kay Rosana, ha? Baka pagod lang yan." nakangiting tugon niya sa bata.
"Okey lang po yun, Aling Rosing. Naiintindihan ko naman po."
Pinagmasdan ni Aling Rosing ang papalayong bata at yaya nito. Ng mapagtanto na malayo na ang mga ito ay saka niya hinarap si Rosana na nakaupo pa rin sa puwesto nito kanina.
"May problema ba, Rosana?" Bakit hindi mo man lang pinakiharapan ng maayos ang kaibigan mo? Nag-abala na nga para kumustahin ka, e," inis na tugon nito sa anak.
"Pasensiya na po kayo, Inay. Masama po kasi ang pakiramdam ko," pagdadahilan niya sa Ina.
Kaagad nitong kinapa ang kanyang leeg at noo.
"Normal naman ang init mo, ah?" anito.
"M-masakit po ang ulo ko, Inay."
'Sige, magpahinga ka muna. Sa susunod ay hindi mo na gagawin yun sa anak nila Don Menandro ha?"
"Opo," tanging sagot ni Rosana bago siya pumanhik sa kanilang pinakapapag.
Gabi nang magising si Rosana na nilalamig. Oo at waa siyang kumot pero hindi naman talaga ganoon kalamig ang klima dahil tag-init. Nakaramdam din siya ng tila pagkahilo at pagkauhaw. Madilim na ang buong bahay at tanging ang gasera lamang na nasa ibabaw ng lamesa sa kusina ang nagsisilbing liwanag nila.
Napagtanto ni Rosana na natutulog na ang buo niyang pamilya. Sinubukan niyang hilahin ang kumot na nasa paanan ni Ricky subalit napahiga siyang pabalik.
"I-Inay," tawag niya kay Aling Rosing pero tila hindi ito nagising.
Pinilit niyang makalapit dito at saka ito kinalabit.
"Inay," niyugyog niya pa ang balikat nito. Sa wakas ay narinig niya ang pagsagot nito at pagharap sa gawi niya.
"Bakit nagising ka? Gutom ka na ba?" Ani Aling Rosing saka bumangon.
"Nilalamig..po ako.. Inay," putol putol na sambit ni Rosana.
Dagling lumapit sa kanya si Aling Rosing at muling kinaoa ang leeg at noo niya.
"Diyos ko po, ang init mong bata ka," mahinang bulalas nito. "Sandali lang at kukuha ako ng tuwalyang basa."
Nanginginig na nahiga muli at humalulipkip sa kanyang higaan si Rosana yakap ang dalawang tuhod.
Sa isip niya ay baka pinarusahan siya dahil sa pagsisinungaling niya kanina para lang huwag mapagalitan sa hindi maayos na pagtrato niya kay Joaquin.
Kaagad namang nakabalik si Aling Rosing dala ang basang towel. Kaagad niyang ipinunas iyon sa buong katawan ng anak na lalong nagpanginig dito.
"I-inay tama na po, ang.…lamig po," paki-usap niya pero hindi ito tumigil.
"Magagaya ka kay Ricky kapag tumaas pa lalo ang lagnat mo," mariing saad ni Aling Rosing.
Ikinabahala ni Rosana ang sinabi nito at naniniwala siya na pwede iyong mangyari kapag hindi nanaman siya nakinig dito. Pinilit na manahimik ni Rosana at tiisin ang lamig na nararamdaman.
"Nauuhaw din po ako, Inay,"
"Kukuhaan kita pagtapos ng isa pang punas."
Matapos nga iyon ay kaagad siyang inabutan nito ng isang basong tubig.
Tila gumaan ang pakiramdam ni Rosana matapos mapunasan at makainom ng tubig. Inilagay na lamang ni Aling Rosing ang basang bimpo sa kanyang noo saka ito bumalik sa higaan.
"Sigurado ka na hindi ka nagugutom, ha?" Paniniguro niya sa anak.
"Hindi po talaga, Inay."
"O, siya. Magpahinga ka na."
Hindi na kumibo pa si Rosana. Ipinikit niya ang mga mata at pinilit ang sarili na makatulog. Dahil sa nararamdamang hilo ay kaagad din naman siyang nakaidlip.
Nang sumunod na araw ay hindi nagawang makapasok sa eskwelahan ni Rosana. Hindi iyon batid ni Joaquin kaya matagal siyang naghintay sa sinasabing waiting shed ni Rosana. Hanggang sa malapit ng mag-alas otso ng umaga. Napilitan si Joaquin na maglakad na mag-isa.
Masama ang loob niya dahil hindi tumupad si Rosana sa usapan nilang dalawa kahapon. Nag-promise pa naman ito sa kanya. Inis na naglakad papasok si Joaquin at itinatak sa kanyang isip na hindi muna kakausapin ang kaibigan hangga't hindi ito nagso-sorry sa kanya…