ROSANA'S POINT OF VIEW
Matapos kumain ng tanghalian ay agad akong naligo upang makapagpalit na ng tuyong damit. Nakita kong hinandaan pa ko ni nanay ng isusuot, isang maayos na bestida.
Nagtataka man ay hinayaan ko na rin siya. Plano ko sanang isuot ay t-shirt at short lang kasi niyayaya pa akong mag-picnic ni Joaquin mamayang hapon. Siguradong mamimingwit nanaman kami ng mga sariwang isda mamaya sa fishpond at mamimitas ng mga prutas, yun ay kung papayagan pa ako ni nanay.
"O, heto. Bagay sayo to, halika nga." Inagaw na din ni Inay sa akin ang tuwalya at pinunasan ako.
"N-nay, m-may pupuntahan po ba tayo?" nagtatakang tanong ko.
"Wala! Diba may picnic kayo mamaya ni Joaquin?" balik-tanong sa akin ni Inay.
Masaya akong tumango sa kanya. Mukhang papayagan niya 'kong sumama mamaya.
"Papayagan n'yo po ako, Inay?"
Tumango naman siya sa akin at pinaupo ako patalikod sa kanya. Sinuklayan niya ako at inipitan.
Nakakapagtaka talaga ang kabaitan ni Inay ngayong araw. Ni hindi niya ako pinagalitan. Naninibago tuloy ako sa kinikilos niya.
"Kasama din po namin si Andres mamaya," sabi ko habang iniipitan niya 'ko ng buhok.
Wala naman akong narinig na sagot mula sa kanya. Medyo matagal din ang ginawang pag-iipit ni Inay sa buhok ko. Nang kapain ko ang ulo ko ay napagtanto kong tinitrintas niya pala ako.
Nang matapos siya ay inipit niya sa tainga ko ang gumamelang binigay ni Joaquin sa kanya kanina.
"O, diba? Ang ganda ganda mo na? Manang-mana ka talaga sa 'kin." masayang sabi ni Inay habang hawak hawak ang baba ko.
Nakita ko naman ang pagdating ni Itay, maging ito ay nagulat din ng makita ang itsura ko. Kung wala kasi kaming usapan nila Andres na maglalaro ng kasal-kasalan e hindi ako nagsusuot ng bestida. Kadalasan ay puro t-shirt at short ang suot ko.
"Wow! Si Rosana ko ba ito?" manghang sambit ni Itay habang lumalapit sa akin. Naupo siya sa tapat ko at pinagmasdan ang kabuoan ko.
"Ako po ito, Itay." Nakangiting tugon ko.
"Manang-mana ka talaga sa akin, anak!" bulalas ni Itay.
Agad naman siyang binatukan ni Inay.
"Hoy, Tonyo! Sa akin nagmana ng kagandahan 'yang si Rosana, ano?" pagpipilit ni Inay.
Hinawakan naman ni Itay ang batok niyang tinamaan ni Inay at muli siyang humarap sa akin.
"Naku, hindi totoo yan. Ako ang kamukha mo anak, ang nakuha mo sa Inay mo ay yung topak!" Natatawang sambit ni Itay bago siya nagmadaling tumayo at lumayo kay inay.
"Aba't," sambit ni inay at agad na kinuha ang walis tambo na nakasabit.
Hinabol niya si Itay at nag-ikutan silang dalawa sa lamesa.
Natawa naman ako ng makita ang pagtatalo nilang iyon ni nanay.
Napailing ako habang nangingiti pa rin. Maya maya pa ay naisipan kong sipatin ang sarili ko sa salamin.
Sa palagay ko naman ay kamukha ko talaga si Itay. Siguro ay dahil mas malapit ako sa kanya kaysa kay inay. Mas madalas kasi na istrikto at masungit si nanay, palagi akong may kurot o dili kaya ay pingot lalo na kapag hindi ko siya nasusunod. Si Itay din ang madalas na nakakaintindi at naglalambing sa akin.
Muli kong tiningnan sila Inay at Itay. Masaya na silang nag-uusap habang kumakain si Itay. Kandong ni nanay ang bunso kong kapatid at pinapakain din. Nagpasya na akong lumapit sa kanila at magpaalam.
"N-nay, labas na po ako."
Tingnan naman ako ni nanay at tiningnan ang orasan.
"Ang aga pa, a? Mamaya pa namang hapon, diba?" takang tanong ni Inay sa akin.
"Hayaan mo na 'yung bata, Rosing. Bukas pasukan nanaman." Salo ni Itay sa 'kin.
"A-ano po kasi, Nay. Dadaanan ko pa si Andres." lakas-loob na sagot ko.
Biglang nagbago ang awra ni Inay.
"Andres nanaman. Dumeretso ka nalang muna kila Joaquin at doon mo na hintayin si Andres. Kaya niya naman pumunta doon, 'di ba?" inis na tugon ni Inay sa 'kin.
Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon kay nanay.
"O-opo, Nay."
"O siya, sige na. Wag magdudumi, ha?" bilin ni Inay.
"Opo." Tanging sagot ko. Araw araw naman niyang sinasabi sa akin 'yon. Hindi naman daw kasi ako ang naglalaba kaya kailangan malinis din akong uuwi.
Gusto ko naman siya tulungan sa paglalaba pero ayaw niya. Mas matatagalan lang daw kung tutulungan ko siya at hindi ako naniniwala doon.
Marahan akong naglakad palabas ng bahay pero ang totoo, gustong-gusto ko na tumakbo.
Dumeretso ako sa gawi ng papunta sa bahay nila Joaquin pero ng hindi ko na matanaw ang bahay namin at alam ko din na hindi na ako makikita ni nanay ay agad akong siyomortkat sa kabilang daan upang pumunta na sa bahay nila Andres.
Ayokong naglalakad mag-isa lalo na kung pupunta sa malaking bahay nila Joaquin. Marami kasi silang aso, kahit na kilala na ako ng mga iyon ay hindi pa rin nawawala ang trauma ko sa mga alaga nila. Nakagat na kasi ako ng isa sa mga 'yon noong kaarawan ni Joaquin.
Nang makarating sa tapat ng bahay nila Andres ay nakita ko siyang nakatalikod sa gawi ko at nagtitirador sa loob ng bakuran nila. Walang paalam akong pumasok ng dahan dahan. Plano ko sana siyang gulatin pero hindi ko pa man siya naitutulak para gulatin ay nagsalita na si Andres.
"Ayokong magpunta kila Joaquin!" Parang inis na sabi ni Andres.
"H-ha? Bakit naman?" kunwari ay malungkot na tanong ko sa kanya.
Hindi pa rin siya humaharap sa akin, muli siyang pumulot ng bato at itinirador iyon.
"Wala lang. Ayoko lang." Kibit-balikat na sagot niya sa akin.
Tuluyan na 'kong nainis kay Andres. Padabog akong tumalikod at naglakad na paalis.
"Kung ayaw mo,edi wag! Kami na lang ang magpipicnic ni Joaquin. Di ka namin isasali." Pang-iinggit ko sa kanya.
Hindi pa rin natinag si Andres kaya tuluyan na akong lumabas ng bakuran nila. Tama nga si Inay, dapat dumeretso na lang ako kila Joaquin kanina.
Malapit na ko sa malaking bahay nila Joaquin. Kinakabahan ako pero dere-deretso akong pumasok sa gate.
Nang makapasok ako ay nakita ko ang papalapit na mga aso sa akin. Hindi naman sila tumatahol pero para nila akong dadambahin.
Hindi na 'ko nakakilos sa kinatatayuan ko. Pakiramdam ko ay nadikit ang mga paa ko sa lupa at sobrang lakas ng t***k ng puso ko.
Maya maya pa ay biglang may umakbay sa balikat ko. Ng iangat ko ang paningin ko ay nakita ko si Andres habang pinagbabawalan na ang mga aso na lumapit sa amin.
Nakahinga ako ng maluwag,
"Yehey! Nandito ka." Nakangiting sabi ko sa kanya.
"Masarap kasi yung pagkain nila, e." seryosong sambit ni Andres habang iginigiya ako papuntang pintuan ng bahay nila Joaquin…