KABANATA 1 KASAL-KASALAN

1111 Words
"Sige na, pwede mo na siyang i-kiss, pero sa pisngi lang ha?" sambit ng batang si Joaquin sa dalawang kaibigang kaharap. Masaya namang itinaas ni Andres ang kulay puting kulambo na tumatabing sa mukha ni Rosana at hinalikan ang pisngi nito. Nagpalakpakan ang tatlong bata habang masayang tumatawa. "O, Andres ikaw naman ang pari, ako naman ang magiging asawa ni Rosana," sambit ni Joaquin sa kaibigan habang inaabot dito ang librong hawak hawak na kunwari ay nagsisilbing bibliya. "Ayoko nga, sabi nila inay at itay. Isang beses lang dapat kinakasal tapos wala ng pwedeng makapagpahiwalay sa kanila." mariing tanggi ni Andres, hinatak pa nito si Rosana sa tabi niya at ikinubli sa kanyang likuran. Tila ba ayaw na itong pakawalan. Si Rosana naman ay kusang bumitaw kay Andres, tinanggal ang nakasukbit sa ulo niyang pinunit na kulambo at pumagitna sa dalawang batang lalaki. "Ano ba kayong dalawa, naglalaro lang naman tayo. Saka ilang beses na rin nating ginawa to diba? Pero palagi pa rin kayong nag-aaway." inis na saad ni Rosana. "E kasi si Andres, e" "E kasi si Joaquin!" Panabay na sambit ng dalawang batang lalaki, nagturuan pa ang mga ito. Napairap naman si Rosana sa nasasaksihan. Inakbayan niya na lang sa balikat ang dalawang kalaro at iginiya ito upang sabay-sabay silang maglakad. "O sige, sige. Ganito na lang, sa susunod sayo naman ako magpapakasal, Joaquin. Ok na ba 'yon?" Nakangiting sambit ni Rosana habang nakatingin kay Joaquin. Masayang tumango naman si Joaquin at napatalon pa sa tuwa. "Yehey! Magiging asawa ko na rin si Rosana," anang batang lalaki. Sa narinig ay napahinto si Andres sa paglalakad at nagpaiwan ito. Kusa naman siyang binalikan ni Rosana at nilambing. "O, Andres? Galit ka ba? Hayaan mo na. Sayo naman ako palaging nagpapakasal diba?" kiming ngumiti ito sa nakasimangot na kaibigan. Walang nagawa si Andres kung hindi ang mahawa sa magandang ngiti ng kalaro. "Basta Rosana, pangako mo sa 'kin na isang beses ka lang magpapakasal kay Joaquin, ha?" inosente at pabulong sambit ni Andres. Tumango naman kaagad si Rosana at inilabas ang hintuturo. Ganun din ang ginawa ni Andres at pinagkrus nila ang dalawang daliri. "Promise!" ani Rosana, hinawakan niya na ang kamay ng kalaro at Sabay na silang naglakad palapit sa nakangiting si Joaquin. Hinawakan din ni Joaquin ang isang kamay ni Rosana at masaya na silang naglakad patungo sa sapa. Sa tubuhan sila madalas na naglalaro ng kasal kasalan, doon din sila nagtatagu-taguan, naghahabulan at kung minsan ay tumutulong sa mga nakatatanda. Pag-aari ng ama ni Joaquin ang malawak na taniman ng Tubo kaya naman hindi nag-aalala ang kanilang mga magulang sa kaligtasan ng tatlong bata. Kilala na kasi ng mga trabahador doon ang mga ito, lalong lalo na si Joaquin na nag-iisang anak ni Don Menandro. "Teka, maliligo nanaman tayo?" tanong ni Rosana. "Oo, mainit na, saka tanghali na din." ani Andres. "Kaso, baka pagalitan nanaman ako ni nanay." Malungkot na pahayag ni Rosana. "Huwag kang mag-alala, akong bahala kay aling Rosing!" tiwalang sambit naman ni Joaquin. "Talaga ha? Pag ako pinalo ni nanay, 'di na ko magpapakasal sayo." naninigurong tanong ni Rosana. Sa narinig ay agad na kinabahan si Joaquin. Natuwa naman si Andres, kahit pa nga pwedeng mapalo si Rosana ay parang gusto niya na ring mangyari 'yon kaysa magpakasal ito kay Joaquin. "Hindi 'yon, akong bahala." buong-tapang na tugon ni Joaquin habang nagtatanggal ng suot na damit. Sa huli ay nanaig ang kagustuhan ng batang si Rosana ang makapaglaro sa tubig kasama ang dalawang kaibigang lalaki. Maya maya pa ay masaya ng nagtatampisaw sa tubig ang tatlong bata. May paligsahan man sa pagitan nina Andres at Joaquin kung ang pagbabasehan ay ang mga kilos nila ngunit hindi iyon halata ng dalawang bata. Ang alam lang nila ay masaya silang napapansin ni Rosana at ayaw nilang naiinis ito o nagagalit sa kanila. Magkaidad lang sina Joaquin at Andres, 8 taong gulang at parehas din silang nag-iisang anak habang si Rosana ay 7 taong gulang at panganay naman sa tatlong magkakapatid. Noong um-attend sina Andres at Rosana sa ikalimang taong gulang na kaarawan ni Joaquin sila nagsimulang maging magkakaibigan. Hanggang sa nakasanayan na nilang palaging magkakasama. Naging komportable sila sa isa't isa. Hanggang sa nagsimula na silang mag-aral, gustuhin man ng magulang ni Joaquin na sa Pribadong eskwelahan siya ipasok ay pinilit niya ang mga ito na sa kaparehong eskwelahan nila Andres at Rosana siya i-enroll. Sa huli ay nasunod si Joaquin ngunit bilang kapalit, kinuhaan pa rin siya ng tutor sa tahanan. Wala naman naging angal ang bata lalo pa nga at kasama niya din na tinuturuan ang dalawang kaibigan. Ilang sandali pa ay kusa na rin silang umahon sa malinis na sapa, "Ihatid n'yo 'ko ha?" si Rosana. Nakangiti namang sabay na tumango sina Andres at Joaquin. "Siyempre naman," ani Andres habang ipinupunas sa katawan ang tuyong damit na hinubad kanina bago naligo. Nang matapos ay nagsimula ng maglakad ang tatlong bata patungo sa bahay nila Rosana. Sa daan ay pumitas si Joaquin ng sariwang bulaklak ng gumamela. Nang marating nila ang tahanan nila Rosana ay biglang kinabahan ang batang babae, dahan dahan na itong naglalakad habang pinipiga ang suot na bestida. Akay akay naman siya ni Andres habang si Joaquin ang nauuna at parang balewala sa kanya kung galit ang nanay ni Rosana o hindi. "Aling Rosing,.." tawag ni Joaquin. Lumabas naman ito ng may mga bula pa ang kamay. Katunayan na ito ay kasalukuyang naglalaba. "O, Joaquin ikaw pala. Nasaan si Rosana?" Agad na iniabot ni Joaquin ang dalang gumamela sa nanay ni Rosana. Kinuha naman ito agad ni Aling Rosing bagama't halata sa hitsura nito ang pagkabigla. "Para sa inyo po, Aling Rosing. Huwag po sana ninyong papagalitan si Rosana, niyaya ko po siyang maligo ng sapa. K-kapag pinalo niyo po kasi siya, hindi na daw siya magpapakasal sa akin." mahabang paliwanag ni Joaquin. Lalong nagtaka si Rosing sa narinig at natawa. Natanaw niya si Rosana na kasama ni Andres, magkahawak-kamay pa ang dalawang bata. Agad niya itong tinawag at pinalapit sa kanya. Humugot muna ng malalim na hininga si Rosing bago nagsalita, "Ano bang pinagsasabi mong bata ka? huwag kang mag-alala, hindi ko naman siya papaluin, e." Masuyong sambit niya sa bata. Nang makalapit si Rosana sa ina ay pinaharap niya ito kay Joaquin bago ito hinawakan sa dalawang balikat. "Magpaalam ka na kay Joaquin, Rosana." utos niya sa anak. "Paalam, Joaquin." Kumaway si Rosana sa kalaro gayundin kay Andres. "Salamat." nakangiting senyas pa ni Rosana kay Joaquin. Sa nakita ay medyo nawala sa mood si Andres. Nauna na siyang umalis at iniwanan si Joaquin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD