KABANATA 8: SORPRESA

1423 Words
"Daddy, daddy," pangungulit ni Joaquin sa ama habang may kausap ito sa telepono. Hindi niya binibitiwan ang laylayan ng suot nitong damit habang maya't maya iyong hinihila. Sumesenyas naman si Don Menandro ng sandali lang subalit masyadong makulit si Joaquin. Napilitan tuloy siyang magpaalam na kaagad sa kanyang kausap. "Joaquin, can't you see? I'm talking to someone over the phone!" Medyo malakas ang boses na tanong niya sa anak. Nagulat man sa biglang pagsigaw ng kanyang ama ay dagli pa ring nakabawi si Joaquin. "I-I know, Daddy but this is urgent!" nagmamadaling paliwanag ni Joaquin sa ama. Tila natataranta pa nga ito. Hindi maiwasang magpakawala ng malalim na buntong-hininga si Don Menandro saka pinakalma ang sarili. May problema kasi siyang inaayos pero naisip niyang baka may problema din ang anak at hindi nito deserve na mapagbuntunan ng inis. Humarap siya sa anak at nagsimulang makinig sa gusto nito sabihin. "Okey, I'm sorry. May problema ba, Joaquin?" malumanay niya ng tanong sa anak. "Ah-pwede ba tayo magpaluto ng pritong saging at kamote kay Nanay Ising, Daddy? Saka buko juice na din, Please?" Pinaamo pa ni Joaquin ang mga mata upang hindi na makatanggi pa si Don Menandro. Sa narinig ay napapikit si Don Menandro saka tumingala at hinaplos ang kanyang batok. Naghihintay pa siya ng dagdag na sasabihin ng anak subalit hindi na ito kumibo. "O, yun lang ba? Magmemeryenda ka lang pala natataranta ka pa, akala ko naman kung ano na," himutok nito. "Hindi lang ako, Daddy. Marami dapat tapos dadalhin ko sa tulay na kahoy doon sa papuntang palaisdaan," walang prenong dagdag na pahayag ni Joaquin. Biglang napamulat si Don Menandro at kunot-noong tumingin sa anak. "Ha? Ba't ang layo naman yata ng pagkakainan mo?" Takang tanong nito sa anak. "Magpi-picnic kasi kami doon nila Rosana. Isu-surprise namin si Andres kasi malungkot siya kanina pang umaga. Sige na, Daddy please," muling pangungulit ni Joaquin. Wala namang nagawa si Don Menandro kung hindi pagbigyan ang kagustuhan ng nag-iisang anak. "Alright," aniya. Tumayo siya at saka nagsimulang maglakad pababa. Mabilis namang sumunod si Joaquin sa kanya. "But please, Joaquin. Go to your room first and change your uniform. Ako na ang bahala sa ipapahandang meryenda kay Nanay Ising." Utos niya sa anak. Masaya namang tumango si Joaquin. "Thank you so much, Daddy." Masayang bigkas niya at saka nagmamadaling tumungo sa kanyang kwarto. Samantala, matapos makapagpalit ni Rosana ng damit pambahay ay kaagad siyang nagpaalam sa kanyang ina na sasaglit sa bahay nila Joaquin pero ang totoo ay sa palaisdaan ang tuloy niya. Kailangan niya lang sabihin sa ina na sa malaking bahay ang punta niya upang payagan siya nito. Gaya ng inaasahan, tumango naman ito kaagad pagkarinig sa pangalan ni Joaquin. Ni hindi na nga ito nagtanong kung ano ang gagawin niya roon basta 'wag lang daw siya magpapagabi ng uwi. Nang mawala sa paningin ni Rosana ang kanilang bahay ay kaagad siyang lumiko sa gawi papuntang palaisdaan upang mag-ayos doon. Namitas siya ng sariwang mga bulaklak at nagpakuha na rin ng dahon ng papaya sa kakilala niya. Nakasalubong niya ito na galing din sa palaisdaan kaya naki-usap siyang ikuha ng kahit isang pirasong dahon ng saging. Nang masigurong malinis na ang may kalawakang tulay na kahoy ay isinaboy ni Rosana ang mga bulaklak ng Bugambilia sa paligid. Iba iba ang kulay nito kaya napakaganda na no'n sa kanyang paningin. Nasabihan niya naman si Andres kanina na magkita sila doon. Hindi man ito kumibo ay alam niyang pupunta pa rin ang kaibigan. Sasalubungin niya na lamang ito sa bukana upang hindi kaagad makita ang sorpresa nila ni Joaquin. Hindi kasi sila sanay na malungkot ito. Madalas ay nagpapatawa ito noon, bigla na lamang siyang nagbago at plano nila ni Joaquin na ibalik ulit ang sigla ng kalaro. Matapos mailagay sa gitna ang dahon ng saging ay nagpasya na si Rosanang maghintay sa pagdating ng dalawang kaibigan. Mabuti na lamang at nauna si Joaquin dumating. Kasama nito si Ate Marina na may malaking basket na dala dala. Malaki ang mga ngiti ni Joaquin, mukhang nasunod naman ang pinag-usapan nilang dalawa. Kaagad niyang sinalubong ang mga paparating at tinulungan si Ate Marina sa dalahin nito. "Nakapagluto ba si Nanay Ising ng paborito ni Andres, Joaquin?" Nakangiting tanong ni Rosana. Masayang tumango si Joaquin bilang tugon. "Hindi lang paborito ni Andres," makahulugang saad nito. Nangiti naman ng lihim si Rosana pero hindi na siya nakakibo. Napabulalas na kasi si Joaquin pagkakita sa ginawa niya sa kalahating tulay na kahoy. "Wow, Rosana. Ang ganda naman. Parang may ikakasal, a?" Masayang sambit nito. Pagkalaon ay nagkatinginan sina Joaquin at Rosana ng may maalala bigla. "Kasal? Teka, oo nga pala. Hindi tayo naikinasal ni Andres noong nag-picnic!" Muling bulalas ni Joaquin. Napasimangot siya ng maalala iyon. Dagli namang nakaisip ng pampalubag loob si Rosana. "Hayaan mo na, Joaquin. Baka may problema lang talaga si Andres tapos nakalimutan niya rin." Pagtatanggol niya sa kaibigan. Nagkibit-balikat na lamang si Joaquin at saka tumungo na sa tulay. Halos ayaw niyang tapakan ang mga bulaklak na nagkalat sa lapag. Naiiling na natatawa naman si Rosana habang pinagmamasdan kung paano iwasan ni Joaquin ang mga bulaklak. "Lalabas muna ako Joaquin at Ate Marina, ha? Hihintayin ko doon si Andres," paalam ni Rosana subalit mabilis siyang pinigil ni Joaquin. "Teka muna, Rosana. Ako na lang ang maghihintay sa kanya. Dito ka na lang para kayo ni Ate Marina ang mag-ayos ng meryenda natin." Suhestiyon ni Joaquin. Tila nagustuhan naman ni Rosana ang sinabi ng kaibigan. Kaagad siyang sumang-ayon dito at saka lumapit sa kinaroroonan nila. "Sige, takpan mo mata niya, ha?" Mahinang bilin ni Rosana kay Joaquin. Nakangiti namang tumango si Joaquin saka mabilis na umalis at nagtungo sa bukana. Bago kasi makarating sa kalahating tulay na kahoy ay may mahahalamang lugar munang dadaanan at ito ang tumatakip sa papuntang tulay. Saka mo lamang matatanaw ang ganda ng palaisdaan kapag nahawi mo na ang makakapal na dahong tumatabing dito. Masayang tumulong si Rosana sa paglalabas ng mga pagkain mula sa basket nang maamoy niya ang pamilyar na halimuyak ng paborito niyang pagkain. "Wow, Ate Marina! May pansit?" Masayang bulalas niya saka kinuha ang isang baunan na mainit init pa. "Oo," masayang tugon ni Marina. "Naisip ni Don Menandro na palutuan ka rin ng paborito mong pansit bato. Saka para mas mabusog kayo at kahit hindi maghapunan mamaya," paliwanag nito sa kanya. Nang buksan ni Rosana ang takip ng isang baunan ay tumambad sa kanya ang masahog na pansit bato. Nasa loob din ang ilang pirasong kalamansi. Hindi maiwasang maiyak sa tuwa si Rosana. Mabilis talaga siyang lumuha kahit sa simpleng mga bagay lang. Hindi niya na din kasi matandaan kung kailan siya huling kumain ng pansit bato. Gustong-gusto niya iyon lalo na kapag maraming kalamansi. Bigla tuloy siyang ginutom at natakam. Nainip din siya kaagad sa pagdating ni Andres. Itinuon na lamang ni Rosana ang kanyang atensyon sa paglalagay ng mga pagkain sa ibabaw ng dahon ng saging habang nakikipag-kwentuhan kay Marina. Kahit papano ay may dala pa rin naman silang baso, tinidor at plato. Ilang sandali pa ay dumating na rin sina Joaquin at Andres. Hawak hawak ni Joaquin ang mga mata ng walang kibong si Andres habang naglalakad. Nang tumapat sila sa tulay na kahoy ay dahan dahang tinanggal ni Joaquin ang mga kamay niya sa mata ng kalaro kasabay ang pagsigaw nila ng "surprise!" Nang makapag-adjust ang mata ni Andres sa liwanag at matanaw ang inihanda ng kanyang mga kaibigan para sa kanya ay dahan dahang sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang labi kasabay ang pagtulo rin ng luha sa kanyang mga mata... Kaagad siyang inakbayan ni Joaquin at iginiya palapit sa kinaroroonan nila Rosana at Ate Marina. "Ano ba kayo, hindi ko naman birthday, e," masayang sambit ni Andres. "E kasi 'di mo kami pinapansin, saka malungkot ka. Kaya ayan, si Joaquin nga pala ang nakaisip niyan." Nakangiting paliwanag ni Rosana. "G-ganon ba, maraming salamat sa inyo," emosyonal na saad ulit ni Andres. Ngumiti lamang ng malaki si Joaquin saka tinapik sa likod si Andres. "Tara kain na tayo, siguradong gutom na gutom na yung isa diyan, e." Panunukso pa nito kay Rosana saka naglakad palapit sa dahon ng saging. Gano'n din naman ang ginawa ni Andres. "Oo talaga, naamoy ko palang yung luto ni Nanay Ising gutom na ako, e. Buti nga dumating na kayo dahil kung hindi, kakainin ko na talaga 'to." Nakaturo pa siya sa baunang kinalalagyan ng pansit bato.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD