Masayang pinagsaluhan ng mga bata ang inihandang meryenda ni Nanay Ising. Hindi makapaniwala si Andres na sosorpresahin siya ng mga kaibigan matapos ang pagsusungit niya sa mga ito ng ilang araw din.
"Oo nga pala, Andres. Pwede m kaming kausapin kapag may problema ka ha? Kasi napapansin namin ni Rosana ilang araw ka ng malungkot, e," malumanay na saad ni Joaquin habang kumukuha ng pansit bato.
Si Rosana ay mataman lang na nakatingin sa dalawang kaibigan habang walang sawang nilalantakan ang pansit bato sa kanyang plato.
"Gusto ko humingi ng sorry kay Ate Marina," Nahihiyang saad ni Andres sa Yaya ni Joaquin.
Kapwa nagtaka naman sina Rosana at Joaquin sa narinig. Nagpalipat-lipat ang tingin nila sa dalawang kasama.
"Sorry, Ate Marina. Sa susunod, kahit ako na lang ang-"
"Ssshh.." putol ni Marina sa sasabihin pa lang sana ni Andres. Bumuntong-hininga siya saka masayang ngumiti sa nahihiyang bata.
"Okey lang yun. Hayaan mo sa susunod mas mag-iingat na ako," malumanay na tugon niya pa.
Muling nagyuko ng ulo si Andres at nahihiyang tumango.
Makahulugang nagkatinginan sina Joaquin at Rosana. Kapwa hindi maintindihan ang pinag-uusapan nila Marina at Andres.
"A, A-ate. Pwede po malaman kung ano ang pinag-uusapan niyo ni Andres?" lakas loob na tanong ni Joaquin sa kanyang Yaya.
Ngumiti lang ito sa kanya saka inginuso si Andres. Agad namang natuon ang atensyon ng dalawang bata kay Andres at naghihintay ng sasabihin. Tiningnan silang dalawa ni Andres saka ito bumuntong-hininga at nagsimulang magkwento ng pangyayari noong nakaraang gabi sa kanyang ama at kay Marina.
Natutop ni Rosana ang bibig matapos marinig ang kwento ni Andres. Napailing-iling naman na animo'y matanda si Joaquin.
"Gusto mo ba sabihin ko kay Daddy, Andres?" tanong ni Joaquin.
Mariing umiling si Andres kasabay ang pagsasalita ni Marina.
"Hindi na kailangan 'yon, Joaquin. Okey naman na ako at sisiguruhin kong hindi na iyon mauulit," singit nito sa usapan ng mga bata.
Napatango-tango na lamang si Joaquin.
"E, ikaw, Andres. Hindi ka ba sinaktan nanaman ni Manong Karding? Si Aling Marta kamusta?" nag-aalalang tanong ni Rosana.
Alangang magsabi si Andres sa mga kaibigan. Sa isip niya ay kaya pa naman nilang mag-ina ang ginagawa ng kanyang Amain. Pakiramdam kasi ni Andres, kargo niya ang ina at kung mayroon mang dapat na magtanggol dito ay siya yun at hindi ang ibang tao.
"O-okey pa naman kami," nauutal na tugon niya kay Rosana.
Pinakatitigan ni Rosana ang kaibigan. Alam niyang nagsisinungaling ito dahil malikot ang mga daliri niya. Isa iyon sa palatandaan niya kay Andres sa tuwing may itatanong siya dito at magsisinungaling ng isasagot sa kanya.
Ngunit sa halip na komprontahin ang kaibigan ay tumango siya at nagpanggap na naniniwala sa mga sinabi nito.
"Basta kapag may problema, magsasabi ka sa amin ha, Andres?" ani Joaquin.
Muli namang tumango si Andres saka ngumiti. Muli ay nagsimulang sumaya ang kanilang usapan. Masayang ibinalita ni Joaquin sa mga kaibigan na nagsisimula na ang kanyang Mommy na ayusin ang mga passport nila upang tuluyan silang makasama sa pagpunta ng mga ito sa Enchanted Kingdom.
……………………………………………………….
"Inay, may dala po akong pasalubong." Masayang bulalas ni Rosana habang pumapasok sa pintuan.
Kaagad siyang sinalubong ng mga kapatid niya at nakiagaw sa dala niyang plastik.
"Teka lang, isasalin ko. Marami ito at kasya sa inyong lahat." nakangiting sambit niya habang itinataas ang plastik na hawak.
"Gutom na kami, Ate. Hindi pa umuuwi si Inay mula sa palengke." panimula ng pangalawa niyang kapatid.
"Sige na, kain na kayo. Baka mamaya narito na rin si Inay. Si Itay, nasaan?" tanong ni Rosana habang hinahati ang pansit at pritong saging.
"Nandiyan yata sa likod-bahay, nagsisibak," muling tugon ng kanyang kapatid.
Napatango siya at saka sinilip ang kanilang ama. Wala naman kasi siyang naririnig na nagsisibak ng kahoy.
Mula sa banggirahan ay tanaw ang kanilang liko-bahay. Naroon nga ang kanyang ama at tila nagpapahinga habang naninigarilyo.
Masayang nilantakan ng mga kapatid niya ang pagkain habang siya ay nagsimula namang magsalang ng sinaing. Sanay na siya sa kalan nilang de kahoy. Bihasa rin siya sa mha gawaing bahay dahil maaga siyang sinanay ng kanyang ina upang makatulong dito.
Matapos isalang ang bigas ay sinimulan niya namang pagpagin ang kanilang higaan. Maraming laruan ang nagkalat doon at oras na iligpit niya ang mga iyon ay hindi na rin naman gagalawin ulit ng mga kapatid niya ang mga ito. Bagkus ay magkukwentuhan na lamang sila.
"Rosing," tawag ng kanyang ama habang papasok ng pintuan.
"Wala pa, Itay." Sagot ni Rosana dito.
"Aba, kanina pa yun namalengke, hanggang ngayon wala pa?" Naiiling na sambit ni Mang Tonyo. "Baka napatsismis nanaman," dugtong pa niya sa sinasabi ng biglang may sumapok sa batok niya..
"Anong tsismis, ha?" Si Aling Rosing. Nakarating na pala ito sa kanilang bahay at rinig na rinig ang sinabi ng kanyang asawa.
Nagulat man ay kaagad na natawa si Mang Tonyo nang makita ang maybahay sa kanyang likuran at nakapameywang.
Sabay sabay namang nagtawanan ang magkakapatid sa nasaksihan.
"Aba, e totoo naman na matagal ka, 'di ba?" Mahinang tanong ni Mang Tonyo habang lumalayo sa asawa.
"Paano naman kasi, may nakaaway nanaman 'yang si Ano- sino na nga itong ama ni Andres?" paliwanag ni Aling Rosing.
"Si Mang Karding, ho Inay," kaagad na sagot ni Rosana.
"Ayun, si Karding. Nako, ayun at may nakasuntukan sa palengke. Pagsabihan ba naman yung namimiling lalaki sa asawa niya na kabit daw? Sadyang may saltik na yata sa pag-iisip ang taong 'yon." Naiiling na kwento nito.
Maging si Mang Tonyo ay napailing sa narinig. "Nalintikan na."
"Kaya ikaw Rosana, huwag kang nagagawi sa bahay ng mga iyon. Kahit kaibigan mo pa si Andres, dapat umiwas ka sa pamilya niya. Masyadong magugulo ang mga iyon, nako!" Dagdag na payo ni Mang Tonyo sa anak na babae.
Hindi naman nakakibo si Rosana sapagkat ang isip niya ay napunta nanaman sa sitwasyon ni Andres. Baka mapagbuntunan nanaman ito ni Mang Karding pag uwi sa kanilang bahay.
"Rosana, narinig mo ba ang itay mo?" Malakas na tanong ni Aling Rosing habang naghuhugas ng gulay sa kusina nila.
Subalit hindi pa rin kumibo si Rosana kaya tinapik na siya ng kapatid niyang malapit lang sa kanya.
"Ate, kinakausap ka nila Inay at Itay." Bulong nito sa kanya.
"A-ha? O-opo, Inay." Panghuhula ni Rosana. Hindi niya kasi alam ang isasagot sa mga ito sapagkat hindi niya malinaw na narinig ang sinabi nila.
"Mabuti naman," muling sambit ni Aling Rosing.
"Inay, Itay. Siguro kailangan nating tulungan si Andres," Wala sa sariling naipahayag iyon ni Rosana.
Sa pagtataka ni Aling Rosing ay napalingon siya sa Anak na nasa tabi ng kalan at nagpapaypay sa umaapoy naman nilang kalan. Lumapit siya dito at saka ito kinausap.
"Hoy, Rosana. Kasasabi lang ng tatay mo na huwag kang pupunta doon. Ngayon ay gusto mo pang maki-alam? Hindi mo ba kilala ang tatay ni Andres?" Inis na tanong nito sa anak.
"P-pero, hindi niya naman po totoong tatay si Mang Karding, 'di ba, Inay?" Pangangatwiran ni Rosana.
"Oo nga, pero pwede tayong madamay kapag naki-alam tayo. Gusto mo ba na pati tayo at mga kapatid mo ay mapahamak?" Si Mang Tonyo.
Tila natauhan si Rosana sa narinig. Mariin siyang umiling.
"H-hindi po, ayaw ko." Nakayukong sagot niya.
"Kaya nga palagi kong sinasabi sayo na ang makita mo, nakita mo lang. Ang marinig mo, narinig mo lang." payo ni Aling Rosing sa anak.
"Nagkakaintidihan ba tayo, Rosana?" Dagdag niya pa.
Tumango naman ng sunod sunod si Rosana subalit ang pag-aalala sa isip niya para sa kaibigang si Andres ay hindi mawala wala. Mamaya ay pipilitin niyang makatakas sa ina at sasaglitin si Andres sa kanilang bahay.
Matapos kumain ng hapunan ang mga kapatid at magulang ni Rosana ay sinimulan niya ng hugasan lahat ng maruruming plato, kutsara, baso at mga kaldero.
Mukhang wrong timing din dahil nasa labas ang kanyang mga magulang at nagpapahangin habang nag-uusap. Hindi siya makakatakas kapag nagkataon.
Tapos ng maghugas ng plato si Rosana ng may maisip siyang pakulo. Lumapit siya sa kanyang Ina at malambing na tumabi dito sa upuan.
"Inay, 'di ba naglaba ka ng marami ngayong araw?" Panimula ni Rosana.
"Oo, pagod na pagod nga ako. Ang sakit ng balakang ko," tila inaantok na tugon naman nito.
Lihim na napangiti si Rosana.
"Gusto mo imasahe ko ang likod mo, Inay?" Malambing pa rin na tanong niya.
"Aba, ano ba ang nakain ng anak mo, Tonyo at ganito 'to ngayon?" Nagtatakang tanong ni Aling Rosing sa asawa.
Nagkibit-balikat lamang si Mang Tonyo saka tumingin kay Rosana.
"Bakit ang Inay mo lang ang hihilutin mo, Rosana. Pagod din naman ako sa pagsisibak ng kahoy," tila nagtatampong pahayag ni Mang Tonyo sa anak.
Bumungisngis lamang si Rosana saka tumingin sa ama.
"Sige, Itay. Pagtapos ko kay Inay, Ikaw naman ang hihilutin ko," nakangiting sambit ni Rosana.
"Talaga, ha?" Naniniguradong saad ni Mang Tonyo. Mariin namang tumango si Rosana saka niya niyakag ang mga magulang sa loob ng kanilang tahanan..
Magkakatabi lamang sila sa higaan, kung minsan ay nakahiwalay sa kanila ang kanilang ama lalo na kung ito ay nakainom o lasing.
Mabuti na lang at tulog na ang mga kapatid ni Rosana. Matapos ayusin ang mga ito sa kani-kanilang pwesto ay sabay na nahiga ang sina Mang Tonyo at Aling Rosing.
Sinimulan niyang hilutin ang likuran ng kanyang ina habang mat'yaga namang naghihintay ang kanyang ama.
Tila pagod nga si Aling Rosing. Nakatulog kasi ito kaagad hindi pa man tumatagal si Rosana sa paghihilot sa likod niya.
Nang marinig ang paghihilik ng ina ay sinenyasan siya ng kanyang ama na siya naman daw ang hilutin. Dumapa na rin ito kaagad. Marahan namang iniwan ni Rosana ang likod ng kanyang Ina. Ibinaba niya lamang ang damit nito saka lumipat sa likuran ni Mang Tonyo.
"Umalis ka na lang rin kapag nakatulog na ako, ha?" Bilin ni Mang Tonyo sa kanya.
"Opo, Itay," dagling tugon niya. Sa isip ni Rosana ay hinihiling niya na sana gaya ng kanyang inay ay makatulog na rin kaagad ang kanyang itay. Hindi kasi siya matatahimik hangga't hindi nasisiguro na ligtas si Andres.
Nagsinungaling man ito sa kanya kanina ay hindi lingid kay Rosana ang pagiging mapanakit ni Mang karding lalo na kay Andres at sa Nanay nito. Madalas niya kasi nakikitaan ng pasa si Andres noon at minsan ay umamin ito sa kanya sa ginagawa ni Mang Karding tuwing ito ay nalalasing.
Malakas na hilik ni Mang Tonyo ang nagpabalik kay Rosana mula sa malalim na pag-iisip. Tulog na tulog na pala ito.
Marahang bumaba si Rosana mula sa likuran ni Mang Tonyo. Nilagyan niya ito ng damit sa likuran saka maingat na bumaba sa kanilang papag.
Nang makarating sa kanilang lamesa ay sinindihan niya ang isang ilaw nila na gagamitin niya sa paglalakad papuntang bahay nila Andres. May hawakan naman iyon at may protekta din sa hangin kaya hindi iyon mahirap bitbitin.
Walang ingay siyang naglakad palabas ng kanilang bahay at isinara ang pintuan ng marahan. Nakahinga ng maluwag si Rosana matapos niyang makalabas. Tiningnan niya ang paligid, napakadilim..
Tumingin siya sa mga ulap at hinanap ang buwan subalit kung kagabi ay maliwanag iyon. Ngayon naman ay tila nagtatago ito. Walang maaninag na kahit anong liwanag na nanggagaling doon maliban na lang sa mga bituin na animo'y kumikinang lamang sa kalawakan.
Nagbuga siya ng hangin saka nagsimulang baybayin ang daan papuntang bahay nila Andres. May kalayuan iyon subalit saulado niya naman ang daanan kaya hindi nag-aalala si Rosana. Tamang tama din ang liwanag ng ilaw na dala niya upang makita ng sapat ang bawat tatapakan. Mabibilis din ang hakbang niya upang makarating doon ng mabilis.
Nang matanaw na ni Rosana ang bubong ng bahay nila Andres ay hininaan niya liwanag ng dala niyang ilawan saka muling naglakad ng mabilis. Naging mabagal na lamang ang kanyang hakbang ng marating ang bakod ng bahay nila Andres.
Tahimik doon at madilim ang harapan ng bahay nila Andres. May liwanag na nanggagaling sa loob subalit kakapiranggot lamang. Sandaling pinakiramdaman ni Rosana ang paligid. Tila wala namang kakaiba at mukhang nagpapahinga na rin ang mga tao sa loob.
Akma na sana siyang tatalikod upang bumalik na sa kanilang bahay ng biglang may mabasag na kung ano mula sa loob ng bahay. Kasabay noon ay ang pagpalahaw ng iyak ni Andres..
"Aray ko po, Itay Karding! Masakit po, tama na!"
"Huwag mo nga ako matawag tawag na Itay, hindi mo ako, Ama. Mga wala kayong kwenta! Mga inutil!" Boses iyon ni Mang Karding at tila galit na galit ito!
Muling may nabasag na kung ano. Muli ring sumigaw si Andres.
Sa pagkakataong 'yon ay hindi malaman ni Rosana ang gagawin. Nanginginig ang kanyang buong katawan habang tumutulo ang luha sa kanyang mga mata. Labis ang awa na nararamdaman niya para sa kaibigan na nasa loob..
"Ano na kayang nangyayari kay Andres?" Hindi mapakaling sambit niya. Nanginginig maging ang kanyang labi. Gustong-gusto niya pumasok sa loob at ialis si Andres doon pero alam niyang imposible iyong mangyari.
Nang muling sumigaw si Andres at umiyak ng malakas ay tuluyan ng tumakbo palayo doon si Rosana subalit hindi ang bahay nila ang kanyang tinutumbok kung hindi ang malaking bahay nila Joaquin.…